Ang Kahulugan ng mga Balita
Ang Kahulugan ng mga Balita
Lipulin ang Relihiyon?
“Kung hindi makakita ng mga paraan upang maihiwalay ang relihiyon sa politika at estado, [dapat] isaalang-alang na lipulin ang relihiyon mismo.” Ganiyan ang mungkahi ng autor na si John Barlow Martin, isang dating embahador, sa isinulat niya sa USA Today. Kaniyang binanggit ang pangingibabaw ng relihiyon sa nakaraang mga pangyayari na gaya ng mga Krusada at ng Ingkuwisisyong Kastila, ang impluwensiya nito na gumawa ng pagkakabaha-bahagi sa ngayon at ang pagbububo ng dugo at kaguluhan na likha ng modernong “mga apostol ng panatisismo,” at ang sabi ni Mr. Martin: “Kung manonood ka ng balitang panggabi sa telebisyon, mapapansin mo na ang malaking bahagi ng gulo sa daigdig ay nagmumula sa relihiyon. At kakaunting mga pag-aaway sa politika ang wala ng uhaw-sa-dugong silakbo na katulad niyaong sa relihiyosong digmaan.”
Ang Diyos na Jehova man ay nagmamasid sa mga gawain ng “uhaw-sa—dugong” huwad na relihiyon. Ito’y tinatawag na Babilonyang Dakila, at inihula ng kaniyang Salita na daranas ng pagkapuksa ang huwad na relihiyon buhat sa kamay ng mga kapangyarihang politikal—at iyon ang magbubukas ng daan para sa lubusang pagkalipol ng kasalukuyang balakyot na sistema. Samantalang sinasabi ni Mr. Martin na ang katuparan ng kaniyang suhestiyon na lipulin ang relihiyon ay ‘marahil imposible,’ tinitiyak sa atin ng Diyos na ang Kaniyang makatarungang hatol laban sa huwad na relihiyon ay isasakatuparan.—Apocalipsis 17:1-6, 15-17;18:4, 5.
Karahasan sa Pamilya
“Posible, ang inaabuso at pinababayaan na mga bata sa E.U. ay mga 1,000,000,” sabi ng ulat ng National Center on Child Abuse and Neglect. Iniulat ng The New York Times na sa Estados Unidos dalawa hanggang anim na milyong asawang babae ang ginugulpe at mga kalahating milyong mga may-edad ang pinagmamalupitan ng kasambahay nila; ang mararahas na alitan sa pamilya ang sanhi ng “20 porciento ng lahat ng nasasawing pulis samantalang gumaganap ng tungkulin at 40 porciento ng mga napipinsala.”
Karaniwan na ito, anupa’t hindi maintindihan ng maraming tao ang kahulugan. Ipinakikita niyan na ang pinakamahalagang relasyon ng tao—ang pamilya—ay gumuguho. Katuparan ito ng hula ng Bibliya na “ang mga tao ay magiging maibigin sa sarili, . . . masuwayin sa mga magulang, walang katutubong pagmamahal, di-marunong tumupad ng kasunduan, . . . walang pagpipigil sa sarili, mababangis.” Ang palasak na karahasan sa pamilya at saanman, pati lahat ng malulubhang problema sa buong daigdig, ay tanda na tayo’y nasa “mga huling araw” na “mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan.”—2 Timoteo 3:1-3.
Bunga ng Ebanghelismo
“Makalipas ang apat na siglong pagmimisyonero ng disididong mga pari at madreng Katoliko, halos 70,000 Mixe Indians sa bulubunduking Sierra Madre ng timog Mexico ang Kristiyano—nguni’t sa pangalan lamang,“ ang ulat ng Globe and Mail ng Canada. “Ang kaniyang buhay espirituwal ay pinaghalu-halong mga sakripisyong hayop, engkanto ng mga mahiko, sagradong mga kabuti, mga primitibong sayaw, prusisyon at pag-inom ng mezcal, isang inumin, pawang may mahiwagang kaugnayan sa kalikasan,” anang report.
Ibang-iba ang mga Saksi ni Jehova sa lugar na ito. Gaya saanman, Bibliya ang itinuturo nila sa mga tao, “ang banal na kasulatan . . . na nakapagpapadunong sa iyo sa ikaliligtas.” (2 Timoteo 3:14-17) Marami sa Mixe Indians ang umaalpas sa nabanggit na mga gawain at nagsisitugon sa mabuting balita ng Bibliya.