Bigyang-Pansin ang Hulang Salita ng Diyos Para sa Kaarawan Natin
Bigyang-Pansin ang Hulang Salita ng Diyos Para sa Kaarawan Natin
“Tingnan kung paanong ang mga dating hula ay nangatupad na. Mga bagong bagay ang patiunang sinasabi ko na ngayon pa; bago magsilitaw ay isinasaysay ko na sa inyo.”—ISAIAS 42:9, The Jerusalem Bible.
1. Bakit natin masasabi na si Jehova ang Diyos ng hindi nagmimintis na hula?
SI Jehova ang Diyos ng hindi nagmimintis na hula. Ito’y napatunayan sa pagkawasak at pagsasauli ng Jerusalem, sa pagbagsak ng mga sinaunang imperyo at sa katuparan ng mga hula tungkol sa Mesiyas! Subali’t lahat ba ng mga hula sa Bibliya ay natupad lamang noong nakaraan? Anong laking pagkakamali na isipin ang gayon!
2. Kung tungkol sa hula, papaanong ang mga lingkod ni Jehova ay naiiba sa sanlibutan?
2 Sinabi ng Diyos sa kaniyang sinaunang bayan: “Tingnan kung paanong ang mga dating hula ay nangatupad na. Mga bagong bagay ang patiunang sinasabi ko na ngayon pa; bago magsilitaw ay isinasaysay ko na sa inyo.”(Isaias 42:9, JB) Sa pamamagitan ng pagpapaunawa ng mga hula na nasa Bibliya na, si Jehova ay nagbibigay pa rin sa kaniyang mga tapat na lingkod ng patiunang kaalaman, at tunay na tayo’y dapat magbigay-pansin dito. Napakahusay ang pagkasabi ni apostol Pedro tungkol diyan: “Mapapanuto ka kung aasahan mo ang hula at kikilalanin mong ito’y isang ilawan na tatanglaw sa daan sa paglakad sa kadiliman hanggang sa pagbubukang-liwayway.” (2 Pedro 1:19, JB) Sa katunayan, dahilan sa pakikinig sa hulang salita ng Diyos ang bayan ni Jehova ay napapa-iba sa madilim at magulong sanlibutang ito. Angkop na sinasabi ng Kawikaan 4:18, 19: “Ang landas ng matuwid ay gaya ng liwanag ng bukang-liwayway, na patuloy na nagliliwanag hanggang sa malubos ang araw; ang daan ng balakyot ay singdilim ng gabi, hindi nila masabi kung ano ang kanilang kinatitisuran.”—JB; ihambing ang Awit 119:105.
Makinig Pagka Nagsasalita ang Anak ng Diyos!
3. Among patotoo mayroon na si Jesus ay naririto na ngayon?
3 Mahalaga na ang mga Saksi ni Jehova ay “magbigay ng higit kaysa karaniwang pansin” sa mga bagay na sinalita ni Jesu-Kristo. (Hebreo 2:1-4) At isang madulang hula ang kaniyang ibinigay tungkol sa ating kaarawan! Ang tinutukoy ay ang mga huling araw ng namamatay na sistemang ito ng mga bagay, isang kapuna-punang “tanda” ng kaniyang “pagkanaririto” ang ibinigay ni Jesus. Siya’y nanghula tungkol sa digmaang pandaigdig, mga salot, taggutom at mga lindol. (Mateo 24:3-8) Maitatatuwa kaya ng sino mang taong may kaalaman sa mga nangyayari ang lubusang katibayan ng pagkanaririto ni Jesus sa ngayon? Sa Digmaang Pandaigdig I ay namatay ang mahigit na 9 na milyong mga mandirigma at milyun-milyon pang mga sibilyan, at sa ikalawang digmaang pandaigdig naman ay 55 milyong buhay ang napahamak. Ang Spanish flu nong 1918-19 ay pumatay ng mga 20 milyon. Sang-ayon sa kalkulasyon ng Food and Agriculture Organization, 450 milyong katao ang ngayon ay nagugutom, at singdami ng isang bilyon ang halos walang makain. Sa mga lindol ay mga 1,600,000 mga tao ang nangamatay sa ika-20 siglong ito—mahigit na 22,000 taun-taon sapol noong 1914.
4. (a) Kailan nagsimula ang mga Panahong Gentil, at kailan natapos? (b) Ano ang katunayan na ang bayan ni Jehova ay may patiunang kaalaman tungkol sa 1914?
4 Ang taong 1914—eh, ano ngayon? Mahigit na isang siglo na ngayon ang nakalipas, ang mga Panahong Gentil ay iniugnay sa “pitong panahon” na binanggit sa aklat ni Daniel, ni C. T. Russell (naging unang presidente ng Watch Tower Society). (Daniel 4:16, 23, 25, 32; Lucas 21:24, Authorized Version) Sa kaniyang isinulat sa Bible Examiner ng Oktubre 1876, sinabi ni Russell: “Ang pitong panahon ay matatapos sa A.D. 1914.” Siya ay isa ring kasamang tagapaglathala ng 1877 aklat na Three Worlds, and the Harvest of This World, na nagpapakita (sa mga pahina 83 at 189) na ang 2,520-taong yugto ng panahon ng pananakop ng mga Gentil sa daigdig nang hindi hinahadlangan ng ano mang kaharian ng Diyos ay nagsimula nang maibagsak ng Babilonya ang kaharian ng Juda noong may bandang dulo ng ikapitong siglo B.C.E. at matatapos noong 1914 C.E. Gayundin, ang labas ng Watch Tower ng Marso 1880 ay nagsasabi: “Ang ‘mga Panahon ng mga Gentil’ ay sumasaklaw nang hanggang 1914, at ang makalangit na kaharian ay hindi maghahari kundi pagsapit niyan.”
5. Papaano nalalaman nang patiuna ng mga Saksi ni Jehova ang tungkol sa kahalagahan ng 1914?
5 Sa ngayon, tinutukoy ng mga Saksi ni Jehova ang “tanda” na ibinigay ni Jesus at kanilang nililingon ang 1914 bilang ang taon na naging isang katunayan ang kaniyang di-nakikitang pagka-naririto na taglay ang kapangyarihan sa Kaharian. Subali’t paano sila nakapagkaroon ng gayong patiunang kaalaman sa mahalagang pangyayaring iyon? Hindi dahilan sa pambihirang karunungan ng tao. Hindi, kundi dahil sa sila’y nag-aral ng Kasulatan kalakip ang panalangin, kanilang binigyang-pansin ang hulang salita ng Diyos at binigyan ng higit kaysa karaniwang pansin ang inihula ng Anak ng Diyos. (2 Pedro 1:19; Hebreo 1:1, 2; 2:1) Kanilang pinasasalamatan si Jehova sa ‘patiunang pagsasabi sa kanila ng mga bagong bagay bago magsilitaw,’ kaya naman ang mga Saksi ay nalulugod na palaganapin ang kaalamang ito sa buong lupa. (Isaias 42:9) Kanilang ginagawa ito sa pagsunod sa mga sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa.” At kung magkagayo’y ano? “At kung magkagayo’y darating ang wakas”!—Mateo 24:14.
Magkaribal na mga Hari na Naglalaban
6. Anong dalawang hari ang tinatalakay sa Daniel kabanata 11, at anong mga tanong ang bumabangon tungkol sa kanila?
6 Gayunman, bago sumapit “ang wakas,” nararapat na pag-ukulan natin ng pansin ang mga ibang pangyayari sa ika-20 siglong ito. Halimbawa, ang hula ni Daniel ay nagsasabi: “Sa panahon ng kawakasan ang hari ng timog ay makikipagbaka sa [hari ng hilaga] sa isang pagtutulakan, at laban sa kaniya ang hari ng hilaga ay paroroon na gaya ng isang ipuipo.” (Daniel 11:40) Sino ang naglalabanang mga haring ito, at ano ang kahulugan ng kanilang mga pagkilos na sinasabi ng hula?
7. (a) Kailan nagsimula ang labanan ng dalawang hari? (b) Bakit angkop ang mga pangalang “hari ng hilaga“ at “hari ng timog“? (c) Anong imperyo noong unang siglo ang kinakatawan ng “hari ng hilaga,” at papaano ang ‘isang maniningil ay dumaan sa kaharian’?
7 Ang labanan ng mga haring ito ay nagsimula pagkatapos na mahati ang imperyo ni Alejandrong Dakila. Sa isang bahagi, si Seleucus Nicator ay nagpuno sa Siria at si Ptolemy Lagus naman ay nagtatag ng isang dinastiya sa Ehipto. Ang naglalabang mga dinastiyang ito, na naroroon sa gawing hilaga at gawing timog ng lupain ng bayan ni Jehova, ang mga Israelita, ang naging unang “hari ng hilaga” at “hari ng timog.” (Daniel 11:2-5) Subali’t samantalang lumalakad ang panahon, nagbabago ang kinakatawan ng mga haring ito. Sa pagsapit ng unang siglo C.E., ang imperyong Romano ang naging “hari ng hilaga.” Sa puntong iyan ng kasaysayan ‘isa ang tatayo at kaniyang pangyayarihin ang isang maniningil na dumaan sa maningning na kaharian.’ (Daniel 11:20-22) Gaya ng inihula, si Cesar Augusto ay nagparaan ng isang “maniningil” sa pamamagitan ng pag-uutos “sa buong tinatahanang lupa na magparehistro.” Dahilan sa utos na ito, si Jose at si Maria ay naparoon sa Bethlehem para sa pagpaparehistro noong 2 B.C.E., at ang resulta’y doon sa inihulang lokasyong iyan naisilang si Jesus.—Lucas 2:1-7; Mikas 5:2.
8. (a) Papaano natin nalalaman na magkakaroon ng mga pangyayari sa ika-20 siglo na kasasangkutan ng dalawang hari? (b) Kailan ang “panahong takda” upang ang “hari ng hilaga” ay magbangon laban sa timog? (0) Ang dalawang hari ay kumakatawan sa anong makapangyarihang mga bansa maaga sa siglong?
8 Noong tagsibol ng 33 C.E, si Jesu-Kristo ay nagbigay ng isang kamangha-manghang hula tungkol sa “panahon ng kawakasan.” Siya’y sumipi sa Daniel 11:31 at sa gayo’y ipinakita niya na magkakaroon ng madulang mga pangyayari sa ika-20 siglo na kasasangkutan ng “hari ng hilaga” at ng “hari ng timog.” (Mateo 24:15) Inihula na ang “hari ng hilaga” ay babangon laban sa timog “sa panahong takda.” (Daniel 11:29, 30) Kailan iyan? Aba, noong 1914—ang mismong taon na magtapos ang mga Panahong Gentil at ang Kaharian ng Diyos ay natatag sa langit! Nang taon na iyon isang Alemang “hari ng hilaga” ang nagsimula ng pakikipagbaka sa “hari ng timog,” ang Anglo-Amerikanong Kapangyarihang Pandaigdig. Ang Alemanya at ang kaniyang mga kaalyado ay natalo sa Digmaang Pandaigdig I at gayundin sa ikalawang digmaang pandaigdig. Nang magkagayo’y nagbago ang kinakatawan ng “hari ng hilaga.”
9. (a) Ano ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova kung tungkol sa politika? (b) Ito ba’y nakahahadlang sa kanila sa patiunang pagkakita sa nagaganap na politikal na mga pangyayari?
9 Ang mga Saksi ni Jehova ay nananatiling neutral o walang pinapanigan bilang mga Kristiyano. Sila’y hindi bahagi ng sanlibutang ito at hindi nakikialam sa politika. (Juan 17:16) Gayunman, sila’y nagbibigay-pansin sa hulang salita ng Diyos, at dahil dito’y nakikita nila kung papaanong ang hula ni Daniel ay nasa huling yugto na ngayon ng katuparan. (Isaias 42:9) Isa pa, sa pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, dalawang superpowers ang nasa tanghalan, at sila’y nagpapaligsahan sa isang pagpapatiwakal na arms race o pagpapaligsahan sa armas kung kaya’t ang taunang badyet ng daigdig sa armas ay umaabot sa $800 bilyon (U.S.).
10. (a) Ano ba yaong “kasuklam-suklam na bagay” na tinutukoy sa Daniel 11:31? (b) Papaano ba tinrato ng dalawang haring ito ang bayan ni Jehova, at bakit?
10 Tungkol sa hula ni Daniel na “kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng kagibaan,” sinabi ni Jesus: “Unawain ng bumabasa.” (Mateo 24:15; Daniel 11:31) ‘Naunawaan’ ang katuparan ng hula sa Bibliya at ipinakita ng pagkaunawang ito na ang “kasuklam-suklam na bagay” ay ang organisasyon ng UN o Nagkakaisang mga Bansa, na itinindig na kasalungat ng Kaharian ng Diyos. ‘Naunawaan’ din nang tiyakan (sa sukdulan ng katuparan ng hula) kung sino ang kinakatawan ng “hari ng hilaga” sa kaniyang pakikipagpaligsahan sa “hari ng timog” sa kanilang pangkatapusang sagupaan para sa paghahawak ng lubos na kapangyarihan. Siya ni ang “hari ng timog” ay hindi magsusuko ng kanilang soberania sa makalangit na Kaharian ng Diyos, na ibinabalita ngayon sa buong lupa ng mga Saksi ni Jehova. Ang dalawang haring ito ay kapuwa may bahagi sa pag-uusig sa mga Saksi.—Daniel 11:36-39; Mateo 5:10-12; Juan 15:19, 20.
11. (a) Ano ang pag-aangkin ng “hari ng hilaga”? (b) Papaanong ang ‘haring’ ito ay nagsasalita laban kay Jehova?
11 Tungkol sa “hari ng hilaga,” sinasabi ng hula: “Siya’y magpapakataas at magpapakadakila ng kaniyang sarili nang higit sa bawa’t diyos; at magsasalita ng kagila-gilalas na mga bagay laban sa Diyos ng mga diyos. . . . Kaniyang dadakilain ang kaniyang sarili sa ibabaw ng sinuman.” (Daniel 11:36, 37) Ang walang dinidiyos na “hari ng hilaga” ay nag-aangkin na may karapatan ang Estado na humiling ng maraming bagay sa kaniyang mga sakop. Gayundin, ang ‘haring’ ito ay nagsasalita ng laban kay Jehova sa pamamagitan ng kaniyang layunin na masakop niya ang buong daigdig at hindi ang Kaharian ng Diyos ang sumakop. Mangyari pa, itinatakwil din ng “hari ng timog” ang Kahariang iyan, bagaman ang kaniyang mga relihiyosong tagapagsalitang politiko ay sumisipi pa sa Bibliya.—Apocalipsis 11: 17, 18.
“Hari” na May Isang Pambihirang Diyos
12. Sa anong diyos nagbibigay-kaluwalhatian ang “hari ng hilaga”?
12 Datapuwa’t, bagaman waring di-relihiyoso ang “hari ng hilaga,” siya ay mayroong diyos. Ang sabi ng hula: “Nguni’t sa diyos ng mga kuta, sa kaniyang katayuan siya’y magbibigay-kaluwalhatian.” (Daniel 11:38) Ang “hari” bang ito ay nagparangal sa “diyos ng mga kuta,” na dinadakila ang modernong, siyentipikong militarismo bilang ang tagapagligtas ng mga bayan ng kaniyang bloke ng mga bansa?
13. Bakit masasabi na ang dalawang haring ito ay ‘naglalagak ng kanilang tiwala sa mga karong pandigma’?
13 Oo, ginawa niya iyan! Sang-ayon sa The Military Balance 1981-1982, iniulat ng The International Institute for Strategic Studies na ang mga nasa hukbong sandatahan ng pangunahing bansa na kabilang sa bloke ng ‘haring hilaga’ ay mahigit na 4,000,000, kung ihahambing sa mahigit na 2,049,000 para sa pangunahing bansa ng “timog.” Noong kalagitnaan ng 1982, ang SIPRI (Stockholm International Peace Research Institute) ay nag-ulat na may kakayahan ang “timog” na magpasabog ng 9,540 nuclear warheads na 3,448 megaton ang kabuuang lakas sa pagsabog, kung ihahambing sa 8,802 warheads ng “hilaga” na may lakas na 4,535 megaton. Anong laking pinsala ang magagawa ng mga iyan, yamang ang iisa-isang megaton ay may lakas sa pagsabog na katumbas ng isang milyong tonelada ng TNT! Maliwanag, ang dalawang magkaribal na haring iyan ay ‘naglalagak ng tiwala nila sa mga karong pandigma.’—Isaias 31:1.
14. (a) Anong “pagtutulakan” ang nagaganap ngayon? (b) Makapagbibigay ka ba ng ebidensiya na nanganganib ang sangkatauhan?
14 Ang “hari ng timog” ay ‘nagtutulak’ ngayon sa kaniyang karibal sa pamamagitan ng mga pamamaraang makapolitika, at pati rin sa paligsahan sa armas. (Daniel 11:40) Nagaganap ngayon ang walang hintong paligsahan sa armas na nagbabanta sa sangkatauhan ng isang digmaang nuclear. Sa pagdiriin ng panganib na ito, ang SIPRI Yearbook 1982 ay nagbabala:
“Ang balanse sa pagitan ng dalawang superpowers sa intercontinental nuclear na mga armas ay nagiging mabuway. . . . Sa halip na dati’y waring isang matatag na sistema ng paghadlang—balanse ang tiyak na kapuksaan ng isa’t-isa (MAD)—nangangamba tayo na ang dahilan ng mabilis na pagpapasulong ngayon ng mga proyekto sa estratihikong mga armas ay may kaugnayan sa kung sino ang mauunang titira. Sa pagitan nila, ang dalawang superpowers, sa kanilang taglay ngayon na mga armas nuclear, ay may kabuuang lakas na pumuksa na marahil katumbas ng kalahating milyong bomba na ibinagsak sa Hiroshima: subali’t hindi pa sapat iyan. Wala nang hihigit pang halimbawa na kung saan ang mga pagsulong sa teknolohiya ng mga armas—sa halimbawang ito’y ang patuloy na pag-unlad ng kasiguruhan ng target ng intercontinental ballistic missiles (ICBMs)—ay hahantong sa pagbabawas imbis na pagdaragdag sa seguridad.”
15. (a) Gagamitin kaya ng mga haring ito ang kanilang mga armas laban sa isa’t-isa? (b) Subali’t ano ang nililiwanag ng hulang salita ng Diyos?
15 Dahil sa ‘pagtutulak’ na ginagawa ng “hari ng timog,” ang “hari ng hilaga” ay ‘gaya ng ipuipo na paroroon sa kaniya na may karo, mga mangangabayo at maraming barko.’ Oo, ang mga hari ay magkakaroon ng pagkakataon na gamitin man lamang laban sa isa’t-isa ang kanilang kombensyonal o dating-usong mga armas. Ang “hari ng hilaga” ay magkakaroon din ng kapangyarihan sa maraming “kanais-nais na mga bagay” ng sanlibutang ito. (Daniel 11:40-43) Nang sumapit ang 1981 ang “hari ng hilaga” ay nagkaroon ng kapamahalaan sa humigit-kumulang 1.5 bilyon katao sa 16 na mga bansa, at panahon lamang ang makapagsasabi kung hanggang saan aabot’ ang kapangyarihan ng ‘haring’ ito. Subali’t ang hatol na puksain ang mga haring ito ay nanggagaling sa iba. Nililiwanag iyan ng hulang salita ng Diyos.
Mga Balitang Nakababalisa—At Kung Magkagayo’y ang Wakas!
16. Saan manggagaling ang ‘mga balitang nakababalisa,’ at papaano iyon nakakarating sa “hari ng hilaga“?
16 At nagtatapos ang madulang hulang ito: “Nguni’t may mga balitang makababalisa sa kaniya, manggagaling sa sikatan ng araw at sa hilaga, at siya’y hahayo na may malaking kapusukan upang pumuksa at lumipol. . . . At siya’y darating sa kaniyang wakas, at walang tutulong sa kaniya.” (Daniel 11:44, 45) Ang nakababalisang mga balitang ito ay tunay na nanggagaling kay Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Sa Kasulatan ang Diyos ay sinasabing nasa hilaga, at siya at si Kristo ay makasagisag na tinatawag na “mga hari mula sa sikatan ng araw,” ang silangan. (Apocalipsis,16:12; Awit 48:2; 75:6, 7) Subali’t paanong ang mga “balitang” ito ay makakarating sa “hari ng hilaga”? Aba, di sa pamamagitan ng makalupang organisasyon ng Diyos, ang uring santuaryo ni Jehova at ang kanilang mga kasamahang “malaking pulutong”!
17. (a) Dahilan sa ‘mga balita,’ ano ang gagawin ng “hari ng hilaga”? (b) Magmamasid ba lamang nang hindi kumikilos ang “hari ng timog”? (c) Ano ngayon ang gagawin ni Jehova alang-alang sa kaniyang tapat na mga saksi?
17 Ang Diyos ang magpapasiya kung ano ang nilalaman ng mga “balitang” ito. Datapuwa’t, anuman ang uri ng mga balitang ito ay lubhang makapagpapaalab ito ng galit ng “hari ng hilaga” kung kaya kikilos siya upang lipulin ang mga lingkod ni Jehova. Ang totoo, si Satanas na Diyablo, ang simbolikong Gog ng Magog, ay kikilos upang maniobrahin kapuwa ang “hari ng hilaga” at ang “hari ng timog” at ganapin ang kaniyang lubusang pagsalakay sa mga tunay na lingkod ng Diyos. (Ezekiel 38:10-12) Nguni’t ang tapat na mga saksi ni Jehova ay hindi dapat mangamba na malilipol sila. Sila’y ililigtas ng Kataastaasan, at ang dalawang haring ito ay kabilang sa mga lilipulin sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa Har-Magedon.—Apocalipsis 16:14-16; Ezekiel 38:18-23. a
18. (a) Dapat bang matakot ang mga Saksi ni Jehova sa darating pang mga pangyayari? (b) Bakit sila may patuloy na pagtitiwala sa hulang salita ng Diyos?
18 Magpahanggang sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, kung gayon, ang mga Saksi ni Jehova ay walang takot na mangangaral ng pabalita ng Kaharian. (Mateo 24:14) Hindi magagawa ng “hari ng hilaga” o ng “hari ng timog” o ng Diyablo at ng kanyang hukbo ng mga demonyo na sila’y pahintuin. Tiyak na tiyak natin ito. Bakit? Sapagka’t ang ganiyang pananalig ay matatag na nakasalig sa mga pangako ng ating makalangit na Ama, at ang salita ni Jehova ay tiyak. (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1-5) Ang kinasihang mga hula at mga pangako ay natutupad sa tuwina. Taglay ang buong pusong pagtitiwala, kung gayon, harinawang lahat ng kabilang sa organisadong bayan ni Jehova ay patuloy na magbigay-pansin sa hulang salita ng Diyos sa ating kaarawan.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon sa mga haring ito, pakisuyong tingnan ang mga kabanata 10 at 11 ng aklat na “Your Will Be Done on Earth,” na lathala noong 1958 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Natatandaan Mo Ba?
□ Paano natin nalalaman na naririto na si Jesus na taglay ang kapangyarihan sa Kaharian ngayon?
□ Tungkol sa pamamalakad politika, sa anong paninindigan nananatili ang mga Saksi ni Jehova?
□ Sino ngayon ang kinatawan ng “hari ng hilaga“ at sino naman ang
□ kinakatawan ng “hari ng timog”?
□ Anong wakas ang naghihintay sa mga haring ito?
□ Bakit tayo dapat magtiwala sa hulang salita ng Diyos?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Chart sa pahina 22]
607 B.C.E. 1914 C.E.
Oktubre, 607 B.C.E.—Oktubre, 1 B.C.E. = 606 TAON
Oktubre, 1 B.C.E.—Oktubre, 1914 C.E. = 1,914 TAON
PITONG MGA PANAHONG GENTIL = 2,520 TAON
[Larawan sa pahina 24]
Ang “hari ng hilaga” magbibigay ng kaluwalhatian sa “diyos ng mga kuta“