Isang Palaisipang Panaginip na May Epekto sa Iyo
Isang Palaisipang Panaginip na May Epekto sa Iyo
NASINDAK siya at nagsilbing palaisipan iyon sa kaniya. ‘Dati naman akong nananaginip,’ ang naisip marahil ng hari, ‘at ang aking mga saserdote, at ang kanilang mahika, ay nakapagpapaliwanag sa akin, ng kahulugan niyaon. Pagka hindi nila maipaliwanag sa akin ang lihim na kahulugan ng isang panaginip, ang tatawagin ko’y ang aking mga mahiko upang ipaliwanag iyon sa akin. Kung hindi nila maipaliwanag, tiyak na ang aking mga astrologo ang makapagpapaliwanag ng hiwaga. Subali’t ang panaginip na ito, bakit isang malalim na palaisipan?’
Marahil ay ganiyan ang naiisip ni Nabucodonosor ng Babilonya, ang hari ng pinakamalakas na bansa sa daigdig noong ikaanim na siglo B.C.E. Hindi siya makakita sa buong imperyo niya ng sinuman na magpapaliwanag ng kaniyang kataka-takang panaginip maliban sa isa—ang banyagang bihag na si Daniel ng Juda. Minsan bago pa nito, ang mananambang iyon sa Diyos na Jehova ay nagpaliwanag kay Nabucodonosor ng isang panaginip na hindi maipaliwanag ninuman.—Daniel 221-45.
Subali’t marahil ay itatanong mo: ‘Bakit ba ako dapat maging interesado rito? Ang mga panaginip. ay isang normal na bahagi ng buhay ng tao. Bakit nga mapapaiba pa ang isang ito?’ Bueno, ito ay naiiba. Sa papaano? Sapagka’t ang kahulugan nito ay may epekto sa iyo at sa lahat ng taong nabubuhay sapol noong taóng 1914.
Ang Panaginip ng Hari
Nang nagpapahingalay sa kaniyang halamanan sa palasyo, si Nabucodonosor ay nakapanaginip ng isang pagkalaki-laking punungkahoy:
“Ngayon ang mga pangitain sa aking ulo sa aking higaan na nangyaring nakita ko, at, narito! isang punungkahoy sa gitna ng lupa, na pagkataas-taas. Ang punungkahoy ay lumaki at tumibay, at ang taas niyaon ay umabot sa wakas hanggang sa langit, at natatanaw iyon hanggang sa kadulu-duluhan ng buong lupa. Ang mga dahon niyaon ay magaganda, at ang bunga niyaon ay marami, at pagkain iyon para sa lahat. Sa lilim niyaon ay sumisilong ang hayop sa parang, at sa mga sanga niyaon ay tumatahan ang mga ibon sa himpapawid, at doo’y nangabubusog ang lahat ng laman.”—Daniel 4:10-12.
Ang susunod na nakita ng hari sa kaniyang panaginip ay nakagulantang sa kaniya; isang anghel ang sumigaw at nag-utos:
“Putulin ninyo ang punungkahoy, at tagpasin ang mga sanga. Lagasin ang mga dahon niyaon, at isambulat ang mga bunga. Paalisin ang hayop sa ilalim niyaon, at ang mga ibon sa mga sanga niyaon. Gayunman, iwanan ninyo sa lupa ang ugat niyaon, at talian ng bakal at ng tanso, sa gitna ng damo sa parang; at bayaang mabasa iyon ng hamog ng langit, at bayaang makasalo iyon ng hayop sa damo sa lupa. Bayaang ang puso niyaon na pusong-tao ay mapalitan ng puso ng isang hayop, at bayaang pitong panahon ang lumipas. Ang hatol ay sa pamamagitan ng pasiya ng mga bantay, at ang utos ay sa pamamagitan ng salita ng mga banal, upang makilala ng mga taong nabubuhay na ang Kataas-taasan ay Hari sa kaharian ng mga tao at ibinibigay niya ito sa kaninumang kaniyang ibigin, at itinataas niya sa ibabaw niyaon kahit ang pinakamababa sa mga tao.”—Daniel 4:13-17.
Ang Kahulugan ng Panaginip Para sa Hari
Ang pamamahala sa sanlibutan ang tema ng panaginip ng hari. Dalawa ang kahulugan ng panaginip na iyon. Sa isa’y kasangkot si Nabucodonosor. Sa isa naman ay kasangkot ka. Ipinaliliwanag ni Daniel kung ano ang inilalarawan ng para kay Nabucodonosor ng abot-langit na punungkahoy: “Ikaw iyon, Oh hari, sapagkat ikaw ay naging dakila at naging malakas, at ang iyong kadakilaan ay lumaki at umabot hanggang sa langit, at ang iyong paghahari ay hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.”—Daniel 4:22.
Susunod, ipinaliwanag ni Daniel ang kahulugan ng natitirang bahagi ng pangitain ng mapagmataas na hari: pansamantalang maaalis si Nabucodonosor sa kaniyang paghahari dahilan sa pagkakasakit niya na anupa’t kikilos siya na parang isang hayop na nanginginain ng damo. Iyon ay tatagal nang pitong taon. Subalit minsang ang “pitong panahon” na iyon ay matapos na, sasauli ang kaniyang katinuan at pati kaniyang paghahari. Ito’y inilarawan ng dalawang panaling tanso’t bakal na itinali sa ugat ng napanaginip na punungkahoy. Alisin ang mga taling iyon at muling susupang ang punungkahoy. Ang idiniriin ng lahat na ito, ang sabi ni Daniel, ay ang patunayan “na ang Kataas-taasan ay Hari sa kaharian ng mga tao at ibinibigay niya ito sa kaninumang kaniyang ibigin.”—Daniel 4:23-26.
Nakalipas ang labindalawang buwan matapos ipaliwanag ni Daniel ang panaginip ng hari, iyon ay natupad—si Nabucodonosor ay biglang nawalan ng kaniyang bait at ng kaniyang kapangyarihan. Makalipas ang pitong taon, natupad na naman ang mga sinalita ni Daniel, bumalik ang katinuan ni Nabucodonosor at napabalik siya sa kaniyang trono nang may “pambihirang kadakilaan,” at sa gayo’y inamin ng hari: “Ngayon ako, si Nabucodonosor, ay pumupuri at nagbubunyi at lumuluwalhati sa Hari ng langit, sapagka’t lahat ng kaniyang gawa ay katotohanan at ang kaniyang mga daan ay katarungan, at yaong nagsisilakad sa kapalaluan ay kaniyang naibababa.”—Danie1 4: 29-37.
Natutuhan ang iniaaral. Ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova, ang may kapangyarihang magsabi ng kung sino ang maghahari sa lupa at kung kailan. Subali’t, ang kahulugan ng panaginip ni Nabucodonosor ay hindi lamang sa mga tao sa Babilonya may epekto. Ang taglay na hula nito tungkol sa pamamahala sa sanlibutan ay may katuparan sa ika-20 siglong ito at ikaw man ay apektado rin nito.
[Blurb sa pahina 4]
Ang panaginip ng hari ng Babilonya ay may dalawang kahulugan. Apektado ka ng isa nito