Mga Nagtapos sa Gilead—“Mga Liham ng Rekomendasyon”
Mga Nagtapos sa Gilead—“Mga Liham ng Rekomendasyon”
LINGGO ng umaga ng Marso 4, 1995 ang nagkatipon sa Assembly Hall of Jehovah’s Witnesses sa New York City borough ng Queens. Nagtapos ang 40 estudyante ng ika-76 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Biyernes, bago pa noon, 1,040 ang nagtipon sa Watchtower Society’s farm, mga isang daang milya ang layo pahilaga ng New York City, at patiunang napanood nila ang ilang bahagi ng programang iyon. Narinig din nila ang pahayag ni Leo Greenlees at ni Theodore Jaracz, mga miyembro ng Lupong Tagapamahala.
Pinasimulan ni Karl Klein ang programa noong Linggo sa pangunguna sa pangmadlang awitin buhat sa bagong aklat-awitan, Awit 155. (Ang iba pang inawit ay buhat din dito at naging kasiya-siya.) Matapos ang panalangin ni Daniel Sydlik, binanggit ni Carey Barber ang tanong ni Pedro kay Jesus: “Iniwan namin ang lahat at nagsisunod sa iyo; ano nga ba ang kakamtin namin?” Ikinapit niya sa mga misyonero ang sagot ni Jesus: “Ang bawa’t nag-iwan ng bahay o kapatid, na mga lalaki’t babae o ama o ina o mga anak o mga lupain dahil sa aking pangalan ay tatanggap nang makapupong higit pa at ng buhay na walang hanggan.”—Mateo 19:27, 29.
Ang mga nagtapos ay pinayuhan ni Lloyd Barry, dating misyonero sa Hapon, na puspusang mag-aral ng bagong wika. “Sa una,” aniya, “halu-halo sa isip ninyo ang mga bagong salita, guruguru (paikut-ikot) gaya ng sabi ng Hapones, habang inyong natututuhan iyon nang botsubotsu (unti-unti). Baka mag-pikapika (kumislap) ang mata ninyo sa unang pagsasalita ninyo, hanggang sa makapagsalita kayo nang perapera (matatas).”
Ang “tunay na lihim ng tagumpay,” ani Milton G . Henschel, “ay simple. Ipamahagi ninyo sa iba ang mabuting balita. Kasuwato ito ng payo ni Jesus na ‘may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa pagtanggap.’” Pinayuhan ni Charles Woody ang mga misyonero na ang mga mananalansang sa teritoryo nila’y ituring na “isang hamon sa inyong kahusayan.”
Kasali sa kanilang pag-aaral ang dalawa at kalahating oras na pagtatrabaho tuwing hapon ng Lunes hanggang Biyernes, kaya pinasalamatan sila ni Vernon Wisegarver sa pagtatrabaho nila sa 14 na opisina o departamento, at ipinayo sa kanila na “manatili sa uliran ng magagaling na salita.”
Nagsalita rin ang mga instruktor ng Gilead na sina Jack Redford at Ulysses Glass. Ang tanong sa kanila ni Redford: “Gagamitin ba ninyo sa mabuting paraan ang inyong kaalaman? Patuloy na matuto kayo, na ang mga pangit na bahagi ng buhay ay batahin ninyo nang may kagandahan.” Si Glass ay naglabas sa isang supot na papel ng isang muwestra ng kapirasong ginto at aniya: “Ang subók na katangian ng ating pananampalataya ay maaaring maging lalong mahalaga kaysa ginto. Bagaman ang laman natin, tulad ng supot na papel, ay sumuko na dahil sa edad, pagkagastado, sakit, madadala pa rin nito ang ginto—ang ating pananampalataya.”
Isang Bethelite nang mahigit na na 63 taon ang may huling pahayag—si Frederick W. Franz, presidente ng Paaralang Gilead. Ipinagunita niya sa mga misyonero na sila’y hahamunin ng klero sa pangangaral nila. “Si Jesu-Kristo ay hinamon,” aniya, “pati si apostol Pablo. Itinuro ni Pablo ang kaniyang mga tinuruan na naging mga alagad ni Kristo bilang kaniyang buháy na mga liham ng rekomendasyon.” Sinabi ni Franz na maaaring magkaganoon din para sa mga misyonero at “ipakikita ni Jehova sa buong sansinukob ang inyong mga liham pati sa mga bubuhayin bilang liham ng rekomendasyon ni Jehova.”
Ipinamahagi rin ang mga diploma. Ang mga nagtapos ay idinistino sa Aprika, Sentral at Timog Amerika, at sa kapuluan sa dagat—sa 16 na bansa lahat-lahat.
Sa hapon, pagkatapos ng pag-aaral sa Watchtower na pinangasiwaan ni David Olson, ginanap ang isang musikal na pagtatanghal tungkol sa buhay-misyonero. Sinundan ito ng isang drama tungkol sa pagsisikap na makamit ang mga pantanging pribilehiyo sa paglilingkod.
Natapos ang programa sa panalangin ni John Booth na sumasamong pagpalain ni Jehova ang gawain ng lahat ng misyonerong iyon.