Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Ano ang pagkakaiba ng pagkawalang-kamatayan (“immortality”) at ng buhay na walang-hanggan (“everlasting life”)?
Ang walang-hanggang buhay ay tatamasahin kapuwa ng mga pinahiran na tatanggap ng espiritung buhay sa langit at ng mga tao na aariing-matuwid ng Diyos para sa buhay sa lupang Paraiso. Kaya’t kung iniisip mo ang tungkol sa magiging resulta, ang pagkawalang-kamatayan sa langit at ang buhay na walang hanggan sa lupa ay nagbubunga ng iisang bagay—ang pagiging buháy magpakailanman. Gayunman ay mayroon pa ring masasabi tungkol sa pagkawalang-kamatayan.
Ang salitang Griego na (sa Tagalog) isinaling “pagkawalang-kamatayan“ (athanasia) ay binuo buhat sa negatibong a at buhat sa thanatos, na ang ibig sabihin ay “kamatayan.” Kaya’t ang pinaka-ugat na kahulugan ng pagkawalang-kamatayan ay ‘walang kamatayan,’ o hindi namamatay. Kung gayon, si Jehova ang lubusang binubukalan ng lahat ng buhay at siya’y walang kamatayan. (Awit 36:9; 90:1, 2) Ito’y pinatutunayan ng bagay na ang kaniyang niluwalhating Anak, na ngayo’y siyang “sinag ng kaluwalhatian [ng Diyos] at ang tunay na larawan ng kaniyang sarili,” ay tinutukoy na “ang Hari ay mga [lalaking] nagpupuno bilang mga hari at Panginoon ng mga nagpupuno bilang mga panginoon, ang tanging isa na walang-kamatayan.“ (Hebreo 1:3; 1 Timoteo 6:15, 16) Walang nilikha na makakapuksa ng buhay ni Jesus bilang isang nilalang na walang-kamatayan, na anupa’t siya’y naiiba sa mga tao o mga espiritu na maaaring mamatay. Isa pa, mababasa natin: “Ngayon na [si Kristo’y] binuhay sa mga patay, [siya’y] hindi na namamatay, ang kamatayan ay hindi naghahari sa kaniya.“—Roma 6:9.
Bagaman, sa isang diwa, ang pagkawalang-kamatayan ay buhay na walang-hanggan, ang kahulugan ng pagkawalang-kamatayan ay higit pa kaysa pananatiling buhay magpakailanman. Waring nagpapahiwatig ito ng isang partikular na uri ng buhay, at yao’y may kinalaman sa pagkawalang-pagkasira. Tungkol sa pinahiran-ng-espiritung mga Kristiano na tumatanggap ng makalangit na gantimpala ang Bibliya ay nagsasabi: “Itong may pagkasira [na katawang-tao] ay kailangang magbihis ng walang kamatayan. Nguni’t pagka itong may pagkasira ay nagbihis ng walang pagkasira at itong may kamatayan ay nagbihis ng walang kamatayan, saka matutupad ang wikang nasusulat: ‘Ang kamatayan ay naparam na magpakailanman.’”—1 Corinto 15:53, 54.
Gayunman, ang Bibliya ay hindi nagbibigay ng maraming detalye tungkol sa uri ng buhay na tinatawag na pagkawalang-kamatayan. Alam natin na ang may—kamatayang mga tao—kahit yaong sakdal na mga tao na may pag-asang magtatamo ng walang-hanggang buhay sa lupa—ay kailangang kumain at uminom upang makapanatiling buhay, sapagka’t kung hindi ay mamatay sila at masisira ang kanilang mga katawan tungo sa pagkabulok. (Genesis 2:9, 15, 16) Walang alinlangan na ang pagkawalang-kamatayan ay isang uri ng buhay na hindi kailangang sustinihan ng pagkain at inumin. Sa gayo’y masasabi na lahat na nagkakamit ng pagkawalang-kamatayan ay hindi mamamatay magpakailanman o na ‘ang kamatayan ay hindi na naghahari sa kanila.’ Kasuwato rin iyan ng pagtanggap nila ng pagkawalang-pagkasira, na nagpapakita na ang kanilang espiritung katawan o organismo ay hindi na mabubulok, mapapahamak o masisira. (Ihambing ang 2 Corinto 5:1; Apocalipsis 20:6.) Sa ganito’y makikita na may pagkakaiba ang pagkawalang-kamatayan at ang buhay na walang-hanggan bilang isang tao.
Si Jehovang Diyos ang sakdal na Hukom na nagbibigay sa mga pinahiran ng pagkawalang-kamatayan. Juan 17:3.
Sa taglay niyang walang hanggang karunungan ay hahatulan niya kung sino sa mga ito ang lubusang nasubok na at karapat-dapat gantimpalaan ng pagkawalang-kamatayan at makapagtitiwala tayo na sila’y mananatiling tapat. Lahat ng hinahatulan ni Jehova na karapat-dapat sa walang-hanggang buhay, bilang walang-kamatayang mga espiritu man a bilang sakdal na mga tao, ay makasasamba sa kaniya magpakailanman. Sa gayon, kapuwa ang buhay na walang-hanggan bilang tao at ang pagkawalang-kamatayan sa langit ay kapuwa nagbubunga ng walang katapusang buhay.—◼ Tama bang manghinuha tayo buhat sa Juan 20:25 na si Jesus ay ibinayubay na taglay ang magkabukod na pako na ginamit ng pagpapako sa bawa’t kamay?
Ang Cyclopaedia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature, ni M’Clintock at Strong ay may ganitong komento:
‘Malaking panahon at hirap ang nagugol sa walang kabuluhan sa pagtatalo sa kung tatlo a apat na pako ang ginamit sa pagpapako sa Panginoon. Ang sabi ni Nonnus ay tatlo lamang ang ginamit, at dito’y sinusundan siya ni Gregory Nazianzen. Ang lalong palasak na paniwala ay apat na pako ang ginamit, isang opinyon na sinusuportahan nang marami at kakatuwang argumento ni Curtius. Ang iba’y naniniwala na ang pako ay umabot hanggang labing-apat.’—Tomo II, pahina 580.
Walang sinasabi ang Mateo 27:35 kundi: “Nang kanilang maibayubay siya ay kanilang ipinamahagi ang kaniyang panlabas na kasuotan sa pamamagitan ng pagpapalabunutan.” Bahagyang detalye ang ibinibigay, tulad sa Marcos, Lucas at Juan. Pagkatapos ng pagkabuhay-muli ni Jesus, sinabi ni Tomas: “Maliban sa makita ko sa kaniyang mga kamay ang butas ng mga pako at maisuot ko ang aking daliri sa butas ng mga pako at maisuot ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, tunay na hindi ako maniniwala.” (Juan 20:25:) Kaya’t kahit na kung minsan ang mga kriminal ay ginagapos ng lubid sa isang tulos, gayunman, si Jesus ay ipinako. Batay sa Juan 20:25 ay nanghihinuha rin naman ang iba na dalawang pako ang ginamit, na isa sa tig-isang kamay. Subali’t ang paggamit ba ni Tomas ng pangmaramihan (mga pako) ay dapat unawain na isang eksaktong deskripsiyon na nagpapakitang bawa’t isa sa mga kamay ni Jesus ay pinaraanan ng magkahiwalay na pako?
Sa Lucas 24:39 ang binuhay-muling si Jesus ay nagsabi: “Tingnan ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako ito mismo.“ Ito’y nagpapahiwatig na pati mga paa ni Kristo ay ipinako. Yamang si Tomas ay hindi bumanggit ng mga butas ng pako sa mga paa ni Jesus, ang paggamit niya ng pangmaramihang “mga pako” ay maaaring pangkalahatang tumutukoy sa maraming pako na ginamit sa pagbabayubay kay Jesus.
Kung gayon, imposible sa puntong ito na tiyaking sabihin kung ilang mga pako ang ginamit. Ang ano mang drowing na naglalarawan kay Jesus sa tulos ay dapat unawain na paglalarawan lamang na ginawa ng mga pintor salig sa limitadong kaalaman. Ang pagtatalo sa ganiyang detalyeng walang kabuluhan ay hindi dapat payagang makatakip sa pinakamahalagang katotohanan na “tayo’y ipinakipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak.“—Roma 5:10.