‘Pag-alaala sa Kanilang Maylikha’
‘Pag-alaala sa Kanilang Maylikha’
Ilan sa mga kabataan ang inuuna ang mga espirituwal na kapakanan? Sa mga ibang lipunan ang kaugalian ay baka ang maagang panliligaw, maagang pag-aasawa, maagang pagpasan ng mga pananagutan pampamilya o pagsisikap na makatapos ng makasanlibutang mga karera. Subali’t dapat ba ring maging rutina iyan ng mga kabataang Kristiyano? Mayroong makapupong higit diyan ang maaaring tamasahin ng mga binatang kabataan na handang magsakripisyo samantalang ‘inaalaala ang Dakilang Maylikha’ sa kaarawan ng kanilang kabataan.—Eclesiastes 12:1.
Halimbawa, sa Yokohama, Hapon, nariyan si Yutaka, na kasama ng kaniyang nakababatang kapatid na si Keisuke, ay inaralan ng isang Saksing payunir. Noon ay siyam na taóng gulang siya. Makalipas ang mga ilang linggo ay napansin ng kanilang ina ang malaking pagbabago sa ugali ng dalawang batang ito, nang sila’y magkapit na ng mga simulaing Kristiyano. Kaya’t ang ina’y nakipag-aral na rin, kasama ang kaniyang tatlo pang mga anak. Nang makita ng ama ang kagalakan ng kaniyang pamilya sa pakikipag-aral ng Bibliya, siya ay sumali rin, at nang sumapit ang panahon ay nabautismuhan silang lahat.
Sa edad na sampung taon, si Yutaka ay pumasok sa paglilingkurang auxiliary payunir. Ito’y ipinagpatuloy niya nang mahigit na pitong taon, hanggang sa grade school, junior high school at ngayon ay hanggang sa high school. Malaking panahon ang ginugugol niya sa paglilingkod sa Kaharian sa umaga, nagpapatotoo siya sa mga dumaraan sa lokal na istasyon ng tren. Para huwag na siyang gumamit ng relos na de-alarma na makaiistorbo pa sa pagtulog ng iba, siya’y nagtali ng pisi sa kaniyang baraso, na ang kabilang dulo nito’y nakabitin sa bintana. Pagdating ng kaniyang kasama sa pag-aauxiliary payunir ay hinihila nito ang pisi sa oras na pinag-usapan nila. Pagkaraan ng mahigit na pitong taon ng pag-aauxiliary payunir, si Yutaka ay naging regular payunir noong Setyembre 1983. Siya’y natapos sa high school noong Marso 1984.
Sa Takatsuki, Hapon, si Yasuko ay nasa kaniyang ikalawang taon sa junior high school. Siya’y nagdaraos ng pitong pag-aaral sa Bibliya sa linggu-linggo—lima sa kaniyang mga kapuwa kamag-aral at dalawa sa kaniyang mga guro. Nang ang kaniyang karanasan ay iulat sa Ating Ministeryo ng Kaharian sa Hapon, ang artikulo’y kaniyang ipinakita sa mga guro, at ipinaalaala sa kanila na, ngayong nakalathala na ang istoryang ito, sila’y dapat na mag-aaral na mabuti.
Yaong mga ‘nag-aalaala sa kanilang Dakilang Maylikha’ sa kanilang kabataan,’ bilang mga masigasig na payunir, ay nakapagpapaunlad ng “pag-ibig ng Ama,” na higit na kanais-nais kaysa anupamang maiaalok ng sanlibutan. Oo, “ang sanlibutan ay lumilipas at ang pita niyaon, datapuwa’t ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:15-17.