Tiyak ang Salita ni Jehova!
Tiyak ang Salita ni Jehova!
‘Ako si Jehova ang nagpapapangyaring matupad ang salita ng aking lingkod.’—ISAIAS 44:24-26, Byington.
1. Ano ang hula noong 1864 tungkol sa kinabukasan?
ANO ang mangyayari bukas? Ibig na malaman ito ng mga tao. Subali’t anong laking kabiguan ang kanilang mga paghula! Bilang halimbawa: Noong 1864 ang naturalistang si Alfred R. Wallace ay humula ng ganitong gawang-taong ‘kinabukasan para sa sangkatauhan’: “Bawa’t isa’y . . . gagawa ukol sa kaniyang sariling kaligayahan may kaugnayan sa kaligayahan naman ng kaniyang kapuwa; . . . ang timbang na mga pakultad sa moral ay hindi magpapahintulot sa kaninuman na labagin ang katulad na kalayaan ng iba; . . . ang bawa’t tao ay uugitan ng pinakamagagaling na mga batas; isang lubusang pagpapahalaga sa mga karapatan, at isang lubos na pakikiramay sa damdamin, ng lahat ng nasa palibot niya.” Aba, ang hula ni Wallace ay babaguhin ng tao ang ating mundong ito upang maging “kasingganda ng paraiso na kailanma’y napangarap ng sino mang propeta o makata”!
2. Dahilan sa pagkabigo ng mga hula-hula lamang ng tao, anong mga tanong ang bumabangon?
2 Ang autor ng mga salitang iyon ay namatay siyam na buwan pa bago napabulusok ang sangkatauhan sa pusikit na kadiliman ng Digmaang Pandaigdig I. Nasaan, kung gayon ang ‘magandang paraiso’ na puno ng mga taong mahabagin? At komusta naman sa ngayon? Walang alinlangan, ‘ang pag-ibig ng higit na marami ay nanlamig’—at iyan ay sa kabila ng kasalungat na mga hula. (Mateo 24:12) Subali’t dahil ba dito ay magdududa na tayo sa lahat ng hula? Ang kaniyang sarili’y tinutukoy ng Diyos na Jehova bilang Siyang ‘bumibigo sa mga pantas at gumagawang kamangmangan sa kanilang kaalaman, subali’t kaniyang pinapangyayaring matupad ang salita ng kaniyang lingkod.’ (Isaias 44:24-26, By) Gayunman, baka itanong ng iba: ‘Mapanghahawakan ba natin ang mga hula sa Bibliya? Talaga bang maaasahan ang Salita ni Jehova?’
Pagkagiba at Pagbabalik
3. Kasuwato ng Levitico 26:27-35, ano ang nangyari sa Juda at sa Jerusalem noong ikapitong siglo B.C.E.?
3 May saganang ebidensiya na nagpapatunay na mapanghahawakan nga natin ang hula ng Bibliya. Halimbawa, ang mga hula na pagkagiba at pagbabalik ay natupad tungkol sa sinaunang bayan ng Diyos, ang mga Israelita. Nang tapat sila sa pagsamba kay Jehova, sila’y umunlad sa kanilang bigay-Diyos na ‘lupain ng gatas at pulot.’ (Levitico 20:24; 1 Hari 4:1, 20) Subali’t sa simula pa’y pinaalalahanan na sila na ang paraisong ito sa katunayan ay magiging isang ilang na nasa kagibaan kung sila’y susuway. (Levitico 26:27-35) Noong taong 607 B.C.E., mga 900 taon pagkatapos isulat ni Moises ang Levitico, sinakop ng mga taga-Babilonya ang Juda at Jerusalem. Hindi nagtagal pagkatapos, ang mga Judiong naiwan ay tumakas at naparoon sa Ehipto, at nalubos ang inihulang kagibaan.——Jeremias 39:8—10; 40:5; 41:2; 43:1-7.
4. (a) Matagal pa bago nawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., ano ang ipinangako ni Jehova sa kaniyang bayan? (b) Papaano tinupad ang pangakong ito?
4 Mahigit na isang siglo pa bago nawasak ang Jerusalem, ipinangako ni Jehova na ang kaniyang nagsising bayan ay ibabalik niya sa kanilang nagibang lupain at ibabalik ang malaparaisong kagandahan niyaon. (Isaias 35:1-4) Sinabi rin ng Diyos: “Ako si Jehova, . . . na nagpapapangyaring matupad ang salita ng aking lingkod at maganap ang plano ng aking mga mensahero, ako yaong nagsasabi sa Jerusalem na ‘ito’y tatahanan’ at sa mga lunsod ng Juda na ‘sila’y muling itatayo at aking muling patatahanan ang kaniyang mga sirang dako.’” (Isaias 44:24-26, By) Noong 539 B.C.E., ang Babilonya ay nasakop ng mga Medo at mga Persiyano na pinangungunahan ni Ciro, gaya ng inihula ni Isaias. (Isaias 44:27–45:6) Ang utos ni Ciro na nagpapahintulot sa mga Judio na bumalik sa kanilang sariling lupain at muling itayo ang templo roon ay nagkabisa noong 537 B.C.E., at nang sumapit ang panahon ay natupad sa Juda ang inihulang pagsasauli ng nagiba. (Ezra 1:1-4; Isaias 35:5-10; Ezekiel 36:35) Siguradung-sigurado nga ang Salita ni Jehova!
Hindi Nagkabula ang Hula sa Tiro
5. Sa pamamagitan ni Ezekiel, ano ba ang inihula ni Jehova tungkol sa Tiro?
5 Ang kinasihang hula ay natupad din sa sinaunang lunsod ng Tiro, na tumpak na tinatawag na “ang Reyna ng Karagatan.” Tungkol sa daungang puertong ito ng Phoenicia, sinabi ni Jehova: “Ako’y laban sa iyo, Oh Tiro, at aking pasasampahin laban sa iyo ang maraming bansa . . . Narito, aking dadalhin laban sa Tiro si Nabucodonosor na hari ng Babilonya . . . at kaniyang ibabagsak ang iyong mga moog . . . At ang iyong mga bato at ang iyong mga moldurang-kahoy at ang iyong alabok ay kanilang ilalagay sa gitna ng tubig. . . . At gagawin kitang isang kumikislap, na palanas na batuhan. Ikaw ay magiging isang dakong ladlaran ng pinatutuyong mga lambat.”—Ezekiel 2613-14.
6. Bilang katuparan ng hula, ano ang nangyari sa sinaunang Tiro?
6 Para bang imposibleng mangyari ang ganiyang pagbagsak. Sang-ayon sa Judiong historyador na si Josephus, ang pagkubkob ng Babilonya sa Tiro ay tumagal nang 13 taon. (Josephus, Against Apion, Aklat I, Kabanata 21) Hindi nababanggit sa kasaysayan kung gaano katagumpay ang pagsisikap ni Nabucodonosor, bagaman tiyak na maraming napahamak na ari-arian at buhay sa Tiro. Isang hula nang malaunan sa pamamagitan ni Zacarias ang nagpahayag na lubusang wawasakin ng Diyos ang lunsod na iyan. (Zacarias 9:3, 4) Ang hulang ito ay natupad halos 200 taon pagkatapos na salitain. Bago natupad ang hulang ito, yaong mga naninirahan sa karatig islang lunsod ng Tiro ay nag-aakalang sila’y matatag sa likod ng matitibay na kuta nito. Subali’t, noong 332 B.C.E., ang islang lunsod na iyan ay ibinagsak ng ang ginamit nila’y sukal na basurang galing sa Tiro sa kontinente upang gumawa ng pinaka-daan patungo sa isla. Magmula noon ang gawang-taong peninsulang ito ay patuloy na lumawak dahilan sa buhangin na tinangay at idiniposito roon ng tubig. Isa pa, sa kasalukuyang nayon na daungan sa dakong iyon, may makikita kang mga mamamalakaya na nagpapatuyo ng kanilang mga lambat—isa pang katuparan ng hula. Oo, tiyak ang katuparan ng Salita ni Jehova!
Bumagsak ang “Lunsod na Mapagbubo ng Dugo”
7, 8. (a) Sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta, ano ang inihula ni Jehova tungkol sa Nineve? (b) Bakit noon ay waring imposible na ang Nineve ay maging isang “palanas na kagibaan”?
7 Ang makahulang Salita ng Diyos ay natupad din sa halimbawa ng sinaunang Nineve, ang kabiserang lunsod ng Imperyo ng Asiria na nang-api sa bayan ni Jehova. (2 Hari 17:1-6; 1 Cronica 5:6, 26) Tungkol sa Nineve, nang nasa sukdulan ng kaniyang kapangyarihan, si Jehova ay nagpahayag ‘sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta: “Kayong mga tao, mandambong kayo ng pilak; mandambong kayo ng ginto; sapagka’t walang katapusan ang mga bagay na nakahanda. . . . Siya’y hungkag at walang laman, at isang lunsod na winasak! . . . Sa aba ng lunsod na mapagbubo ng dugo.” (Nahum 2:9, 10; 3:1) “Kaniyang gagawing palanas na kagibaan ang Nineve, . . . at sa gitna niya, kawan-kawan ng mga hayop ang nagpapahingalay.”—Zefanias 2:13, 14.
8 Paano kaya posibleng mangyari ito? Ang Nineve “ang dakilang lunsod.” (Jonas 1:2) Sang-ayon sa sinaunang historyador na si Diodorus, ang Nineve ay may 100-piye (30-m) na pader, may sapat na luwang na maaaring daanan ng tatlong karong tabi-tabi na pahalang. Noong kaarawan ni propeta Jonas (ikasiyam na siglo B.C.E.), mahigit na 120,000 katao ang naninirahan sa lunsod. (Jonas 4:11) Lahat kaya nito noon ay magiging isang “palanas na kagibaan”?
9. Papaanong ang Nineve ay nagbigay ng isa pang patotoo na ang Salita ni Jehova ay sigurado?
9 Noong 632 B.C.E., 16 o higit pang mga taon matapos na manghula si Zefanias, ang Nineve ay kinubkob ng mga taga-Babilonya at ng mga Medo. Sang-ayon kay Diodorus (Aklat II, Kabanata 27), “ang malakas at patuloy na pag-ulan” ang sanhi ng pag—apaw ng Ilog Tigris. “Binahaan [nito] ang isang bahagi ng lunsod at iginiba ang mga pader sa layong dalawampung stades.” Ang Nineve ay nasakop. “Sila’y humakot ng maraming samsam buhat sa lunsod at sa lugar ng templo at ang lunsod ay ginawa nilang isang bunton ng kagibaan at tambak na basura,” ang sabi ng sinaunang Babylonian Chronicle. Ang Nineve ay naging isang talunang lunsod nang daan-daang taon. Ang kaniyang pagkabagsak ay tunay na “mabuting balita” sa bayan ng Diyos, at sa kanila’y katiyakan ito na “si Jehova ay mabuti” at “nakikilala niya yaong mga nanganganlong sa kaniya.” (Nahum 1:7, 15) Sa ngayon, ang isang bisita na dumadalaw sa mga kaguhuan ng Nineve sa Iraq ay makakakita ng mga tupa na nanginginain malapit sa mga bunton ng kagibaan, gaya ng inihula. Dito’y mayroon tayong isa pang patotoo na ang Salita ni Jehova ay sigurado.
Nabali ang “Isang Kataka-takang Sungay”
10. (a) Anong makahulang pangitain ang nasusulat sa Daniel 8:1-8? (b) Papaano ipinaliwanag ni Gabriel ang mga bahagi ng hulang ito?
10 Sa isang makahulang pangitain, nakita ni Daniel na ang may dalawang-sungay na tupang lalaki ay pinatay ng isang kambing na lalaki na may “isang kataka-takang sungay.” Ang sungay na ito ay nabali at apat na sungay ang humalili roon. (Daniel 821-8) Ano kaya ang ibig sabihin nito? Ganito ang paliwanag ng anghel Gabriel: “Ang tupang lalaki na iyong nakita na may dalawang sungay ay kumakatawan sa mga hari ng Media at Persiya. At ang mabalahibong kambing na lalaki ay kumakatawan sa hari ng Gresya; at ang malaking sungay na nasa pagitan ng kaniyang mga mata, ito’y kumakatawan sa unang hari. At tungkol sa nabali, kung kaya mayroong apat na tumayo sa wakas na kahalili niyaon, mayroong apat na kaharian mula sa kaniyang bansa na tatayo, nguni’t hindi sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan.”—Daniel 8:16, 20-22.
11, 12. Papaano natupad ang Daniel 8:20-22?
11 Ang makapangyarihang Babilonya ay nasakop ng Medo-Persiya, ang dalawang-sungay na tupang lalaki na nakita sa pangitain. Subali’t inihula ng anghel ng Diyos na ang tupang lalaki ay papatayin ng “mabalahibong kambing na lalaki,” ang Gresya. At gayon nga ang nangyari noong ikaapat na siglo B.C.E., nang ang Emperyong Medo-Persiyano ay ibagsak ng wika’y-Griegong mga hukbo ni Alejandrong Dakila. Datapuwa’t, sa di inaasahan ay namatay si Alejandro sa edad na 32 anyos noong 323 B.C.E., nguni’t hindi siya nag-iwan ng isang kuwalipikadong kahalili niya. Sa pagkamatay ni Alejandro, ang “kataka-takang sungay” ay nabali. Subali’t komusta naman ang inihulang ‘apat na sungay na tumayo sa wakas na kahalili niyaon’?
12 Si Alejandro ay mayroong mga ilang heneral, nguni’t apat sa kanila ang sa wakas napasa-kapangyarihan. Ganoon nabali ang “kataka-takang sungay” at sa wakas ay hinalinhan ng ‘apat na sungay,’ o “apat na kaharian.” Noong 301 B.C.E., ay naghahawak na ng kapangyarihan ang mga heneral na ito: si Ptolemy Lagus (Ehipto at Palestina); Seleucus Nicator (Mesopotamia at Siria); Cassander (Macedonia at Gresya); at Lysimachus (Thrace at Asia Minor). a At muli na namang nakikita natin na tiyak ang katuparan ng Salita ni Jehova.
Lumitaw ang “Mesiyas na Lider”!
13. Ano ang sinasabi ng Daniel 9:24, 25 tungkol sa paglitaw ng Mesiyas?
13 Ang aklat ni Daniel ay nagbibigay din ng natatanging mainam na patotoo na tiyak ang Salita ni Jehova. Daan-daang taon pa na patiuna, si Daniel ay kinasihan na ihulang tiyakan ang paglitaw dito sa lupa ng Mesiyas. Ang kamangha-manghang hulang ito ay nagsasabi, ang isang bahagi: “Pitumpung sanlinggo ang ipinasiya sa iyong bayan at sa iyong banal na lunsod, upang tapusin ang pagsalansang, at upang tapusin ang pagkakasala, at upang linisin sa kasamaan, at upang maiwanan ng tatak ang pangitain at ang propeta, at upang pahiran ang Kabanal-banalan. At talastasin mo at unawain na mula sa paglabas ng utos na isauli at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa Mesiyas na Lider, magiging pitong sanlinggo, at animnapu’t-dalawang sanlinggo.”—Daniel 9:24, 25.
14. (a) Ano ang batayan sa Kasulatan na masasabi natin na sa mga “sanlinggo” ng Daniel 9:24, 25 ang bawa’t araw ay katumbas ng isang taon? (b) Anong taon ibinigay ang ‘utos na muling itayo ang Jerusalem’? (c) Gaanong kahaba ang 69 na “sanlinggo,” at kailan nagsimula at natapos?
14 Literal ba ang mga “sanlinggo” na ito? Hindi, sapagka’t lahat ng mga bagay na inihula rito tungkol sa Mesiyas ay hindi natupad sa nalolooban ng 70 sanlinggo, o kulang ng isang taon at kalahati. Ito’y napatunayan na mga “sanlinggo” na dito ang bawa’t araw ay katumbas ng isang taon. (Ihambing ang Bilang 14:33, 34.) Ang “utos na isauli at muling itayo ang Jerusalem” ay ibinigay noong ika-20 taon ng Persiyanong Haring Artajerjes (Longimanus). Yamang siya’y nagsimulang naghari noong 474 B.C.E., ang kaniyang ika-20 taon ay noong 455 B.C.E. Samakatuwid, ang 69 na sanlinggong mga taon mula ‘sa utos na muling itayo ang Jerusalem hanggang sa Mesiyas na Lider’ ay katumbas ng 483 taon (7 X 69) at sumasaklaw hanggang 29 C.E.
15. Noong 29 C.E., ano ang hinihintay ng mga Judio?
15 Nang taon na iyon si Juan Bautista ay “nangangaral ng bautismo bilang sagisag ng ‘pagsisisi ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan.” At kumusta naman ang mga Judio? “Ang mga tao ay naghihintay at lahat ay nangangatuwiran sa kanilang puso tungkol kay Juan: ‘Siya na nga kaya ang Kristo?’” (Lucas 3:3-6, 15) Tungkol sa gayong paghihintay, ang sabi ng Judiong iskolar na si Abba Hillel Silver: “Datapuwa’t, ang unang siglo, lalo na ang saling-lahi bago nangyari ang pagkawasak [ng Jerusalem], ay nakasaksi ng isang pambihirang silakbo ng pananabik sa Mesiyas. Ito’y ipinagpapalagay . . . na hindi dahil sa maapoy na pag-uusig na pinag-ibayo ng mga Romano kundi dahil sa umiiral na paniwala na likha ng palasak na kronolohiya ng kaarawang iyon . . . Ang Mesiyas ay inaasahang lilitaw humigit-kumulang noong ikalawang quarto ng unang siglo C.E.” Ang gayong “palasak na kronolohiya” ay nakasalig sa aklat ng Daniel.
16. (a) Bakit makahulugan ang ika-15 taon ng paghahari ni Tiberio Cesar? (b) Nang bautismuhan si Jesus, ano ang nangyari?
16 Ipinakita ng hula ni Daniel na ang 69 na sanlinggo ay aabot hanggang 29 C.E. Bueno, ang Mesiyas ba ay lumitaw nang nasa panahon noong taon na iyon? Oo, lumitaw siya! Si Juan Bautista ay nagsimula ng kaniyang pangangaral at pagbabautismo “noong ikalabinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar.” (Lucas 3:1-3) Yamang si Tiberio ay naging emperador Romano noong Agosto 17, 14 C.E. (kalendaryong Gregorian), ang gawain ni Juan ay nagsimula nong ika-15 taon pagkatapos niyan, o noong tagsibol ng 29 C.E. Nang taglagas ng taon na iyon si Jesus ng Nazaret ay binautismuhan ni Juan, at ang banal na espiritu ay bumaba noon buhat sa langit upang pahiran si Jesus bilang ang Kristo, o Mesiyas. (Lucas 3:21, 22) Ang hula tungkol sa Mesiyas ay natupad. b Minsan pang napatunayan na sigurado ang Salita ni Jehova.
17. Ano ang ilan sa mga hula tungkol sa Mesiyas na natupad may kaugnayan kay Jesu-Kristo?
17 Marami pang mga hula sa Kasulatang Hebreo ang natupad may kaugnayan kay Jesu-Kristo. Halimbawa, si Jesus ay ipinanganak ng isang birhen sa Bethlehem. (Isaias 7:14; Mikas 5:2; Mateo 1:18-23; 2:3-6) Ang mga bata ay pinatay pagkapanganak sa kaniya. (Jeremias 31:15; Mateo 2:16-18) Mayroong nauna sa kaniya na naghanda ng kaniyang daan. (Isaias 40:3; Mateo 3:1-3) Dinala ni Jesus ang ating mga karamdaman. (Isaias 53:4; Mateo 8:16, 17) Pumasok siya sa Jerusalem sakay ng bisiro ng isang asno. (Zacarias 9:9; Juan 12:12-15) Isang apostol ang nagkanulo sa kaniya sa halagang 30 piraso ng pilak. (Awit 41:9; Zacarias 11:12; Mateo 26:14-16, 46-56; Juan 13:18) Pagkatapos na maibayubay si Jesus, ang kaniyang mga damit ay pinaghati-hatian ng mga kawal at nagpalabunutan sila para sa kaniyang panloob na kasuotan. (Awit 22:18; Juan 19:23, 24) Walang nabaling isa man sa kaniyang mga buto, kahit na siya sinibat. (Awit 34:20; Zacarias 12:10; Juan 19:33-37) Makalipas ang mga bahagi ng tatlong araw na siya’y nasa libingan, siya ay binuhay-muli. (Jonas 1:17; 2:10; Mateo 12539, 40; Marcos 9:31; Gawa 10:40) Ang mga ito ay ilan lamang sa mga halimbawa ng kung paano, tinupad ni Jesus ang mga inihula tungkol sa Mesiyas. Nguni’t ang mga ito man ay nagpapatunay na tiyak ang Salita ni Jehova.
Maaaring Mapag-alaman ang Hinaharap
18, 19. (a) Bakit hindi walang kabuluhang itanong kung ano kaya ang mangyayari sa kinabukasan? (b) Ano pang mga tanong ang ibinabangon?
18 Si Jesus, na siyang Mesiyas, ay nagsalita rin ng hula na nagbibigay ng pag-asa. Halimbawa, inihula niya ang kaniyang panghinaharap na “pagkanaririto.” (Mateo 24:3-14) Sa katunayan, ang iba’t-ibang mga manunulat ng Bibliya ay sumulat ng nakagagalak na mga hula na may katuparan sa ika-20 siglo. Kaya’t hindi walang kabuluhang itanong, ‘Ano kaya ang mangyayari sa kinabukasan?’ Maaari nating malaman!
19 Hanggang dito, napag-usapan natin ang mga ilang hula sa Kasulatan na natupad noong nakalipas na panahon. Subali’t komusta naman ang kaarawan natin? Tayo ba’y may karagdagan pang kamangha-manghang ebidensiya na tiyak ang Salita ni Jehova?
[Talababa]
a Para sa detalye, pakisuyong tingnan ang mga pahina 188—95 ng aklat na “Your Will Be Done on Earth,” lathala noong 1958 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Para sa higit pang detalye tungkol sa “pitumpung sanlinggo,” pakisuyong tingnan ang kabanata 7 ng aklat na “Let Your Kingdom Come,” lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Natatandaan Mo Ba?
□ Gaya ng inihula, ano ang nangyari sa sinaunang Tiro?
□ Papaano pinatunayan ng Nineve na ang Salita ni Jehova ay tiyak?
□ Ano ang nangyari bilang katuparan ng Daniel 8:20-22?
□ Gaanong kahaba ang 69 na “sanlinggo,” at kailan nagsimula at natapos?
□ Ano ang ilan sa mga hula tungkol sa Mesiyas na natupad may kaugnayan kay Jesus?
[Mga Tanong sa Aralin]