Sasamba Ka Ba sa Isang Imahen?
Buhay ang Salita ng Diyos
Sasamba Ka Ba sa Isang Imahen?
Ano kung ang parusa sa hindi mo pagsamba ay kamatayan? Kung gayo’y sasamba ka ba sa isang imahen? Ganiyan ang kalagayang napaharap sa mga tao sa sinaunang Babilonya mahigit na 2,500 taon na ngayon ang nakalipas.
ANG haring si Nabucodonosor ay may isang napakalaking imaheng ginto na mga 90 piye (27 m) ang taas at itinayo sa kapatagan ng Dura. Pagkatapos ay tinawag niya sa buong bansa ang mga opisyal ng kaniyang pamahalaan upang sambahin nila iyon. Tatlong mananamba kay Jehova, sina Shadrac, Mesach at Abednego, na makikita mo rito, ang naroroon.
Isang kinatawan ng hari ang sumigaw at sinabing lahat ay dapat “yumukod at sumamba sa imaheng ginto na itinayo ni Nabucodonosor na hari.” Kung naroroon ka, ano kaya ang ginawa mo? Lahat ay yumukod at sumamba maliban kina Shadrac, Mesach at Abednego. Sila’y nanatiling nakatayo dahil sa alam nilang labag sa kautusan ng Diyos na sumamba sa isang imahen.—Exodo 20:4, 5.
Ang tatlong mananamba sa Diyos na Jehova ay iniharap kay Haring Nabucodonosor. “Talaga bang,” aniya, “ayaw ninyong maglingkod sa aking mga diyos, at sa imaheng ginto na itinayo ko?” Saka sinabi niya: “Kung hindi kayo sasamba, sa mismong sandaling iyon ay ihahagis kayo sa nagniningas na hurno. At sinong diyos ang makapagliligtas sa inyo buhat sa aking mga kamay?”
Kung ikaw, ano ang gagawin mo? Sina Shadrac, Mesach at Abednego, gaya ng nakikita mo, ay nagsalita at nagsabi: “Sukat na, ang aming Diyos na aming pinaglilingkuran ay makapagliligtas sa amin. . . . Subali’t kung hindi, talastasin mo, Oh hari, na ang iyong mga diyos ay hindi namin paglilingkuran, at ang imaheng ginto na itinayo mo ay hindi namin sasambahin.”
Nagalit ang hari. Ang utos niya: ‘Painitin ang hurno nang makapitong beses ang init kaysa dati! Gapusin sila at ihagis sila dito!’ Subali’t ano ang nangyari kina Shadrac, Mesach at Abednego? Sila’y doon bumagsak sa gitnang-gitna ng apoy. Pagkatapos ay “nagsitayo sila at naglakad sa palibot.
Nang sumilip ang hari, ang nakita niya’y apat katao na naglalakad nang walang pinsala imbis na tatlo lamang! Ang ikaapat ay isang anghel na sinugo ni Jehova upang magligtas sa kaniyang tapat na mga lingkod. Gulat na gulat ang hari kaya sumigaw siya: “Shadrac, Mesach at Abednego, kayong mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos, magsilabas kayo at pumarito!” At ganoon nga ang ginawa nila.—Daniel 3:1-30.
Si Jehova ay nalugod sa pananampalataya at tibay-ng-loob ng kaniyang mga lingkod. Siya’y malulugod din sa atin, kung may tibay-loob tayo na tumangging sumamba o yumukod sa ano mang uring imahen na itatayo ng mga pinuno ng daigdig.