1914—Binago Nito ang Iyong Buhay
1914—Binago Nito ang Iyong Buhay
HALOS 70 taon na ngayon ang nakalipas, noong Lunes ng umaga, Hulyo 29, 1914, mga pahayagan ay may nakagigitlang paulong-balita: “HEIR TO AUSTRIA’S THRONE IS SLAIN.” (Pinaslang ang Eredero sa Trono ng Austria) Marahil ang ganiyang balita ay waring napakaluma na sa iyo ngayon—halos parang galing sa sinaunang kasaysayan. Gayunman ay nabigla rito ang mga taong buháy noong panahong iyon. At naging pasimula ito ng sunud-sunod na mga pangyayari na may epekto pa sa iyo hangga ngayon.
Isa pa, ang mga pangyayaring ito ay katibayan ng iba pang lalong mahalagang mga pangyayari na malapit nang magkaroon ng lalong malaking epekto sa buhay mo. Tingnan natin kung papaanong lahat na ito ay totoo.
Nadarama Pa Rin ang mga Epekto
Una, papaanong ang iyong buhay ngayon, sa 1980’s, ay apektado ng pamamaslang na iyan matagal nang panahon ang nakalipas? Bueno, iyan ang nagsilbing titis sa unang digmaang pandaigdig. Ang digmaang iyan, kasali na ang kasunduan sa kapayapaan, ang humubog sa daigdig na nakikilala natin.
Bago nang digmaang iyan, ang daigdig ay dominado ng mga imperyo na karamihan ay itinayo ng mahirap-taluning mga bansa sa Europa. Dahil sa digmaang iyan ay nagkawatak-watak ang mga imperyong ito, at ngayon ang katatagan ng daigdig ay hindi na nakasalalay sa mga ilang malalakas na bansa sa Europa. Sa halip ay nakikita natin ang isang bagay na nagbabanta kahit na sa buhay ng sangkatauhan; ang walang lubay na paligsahan ng dalawang superpowers, ang komunistang Rusya at ang kapitalistang Amerika. Ang kalagayang ito ay doon din nag-ugat sa unang digmaang pandaigdig.
Bago nangyari ang digmaang iyan, ang Rusya ay isang malawak, na atrasadong bansa na dominado ng Rusong Orthodox Church at pinaghaharian ng czar. Bagaman ang Amerika ay isang malakas na bansa, ito’y hindi itinuturing na karibal ng malalakas na bansa sa Europa. Dahilan sa unang digmaang pandaigdig ay nabagong lahat iyan. Sang-ayon sa historyador na si René Albrecht-Carrié, “ang unang [pandaigdig na] digmaan ang pasimula ng pagkakahustong edad ng Amerika
sa komunidad ng mga estado.” Kaniyang isinusog: “Ang lakas ng Estados Unidos sa lahat ng bagay pagkatapos ng digmaan ay lubhang nakahihigit kaysa lahat ng mga iba pa.” Ang malaking kayamanan ng Amerika, kung ihahambing sa nasaid na kabuhayan ng malalakas na bansa sa Europa, ang nakatulong sa kaniya upang siya’y maging dominante sa daigdig ngayon.Sa Rusya ay naririnig na noon ang alingawngaw ng himagsikan bago magkagiyera. Sa panahon ng digmaan ang Rusya ay lumaban sa Alemanya, kaya’t ang noo’y itinapon sa Switzerland na Rusong rebolusyonaryong si Lenin ay ipinabalik ng Alemanya sa kaniyang sariling bansa, sa pag-asang mapalubha ang kaligaligan doon. Nagtagumpay ang estratihiyang ito, at umalis sa digmaan ang Rusya. Ang partido ni Lenin, ang mga Bolsheviks, ang nakapanaig sa rebolusyon sa Rusya, at ang tuwirang resulta niyaon ay ang Rusya na nasasaksihan natin ngayon.
Bukod sa pagiging magkaribal ng superpowers, ngayon ay umiiral ang wala pang nakakatulad na kaguluhan at kawalang kapanatagan sa pagitan at sa loob man ng mga bansa. Ito’y bahagi rin ng tinatawag ng historyador na si Charles L. Mee, Jr., na ang “kakilakilabot na haluang pamana” ng unang digmaang pandaigdig at ng kasunod na kasunduan sa kapayapaan. Bilang bahagi ng pamanang iyon, binanggit niya “ang pagbangon ni Hitler, ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang mga gulo at mga rebolusyon na umiiral sa isang daigdig na walang politikal na kaayusan.” May nababasa ka pa rin sa iyong pang-umagang pahayagan tungkol sa dugong napabubo at sa mga pagdurusa. At tandaan, ang ikalawang digmaang pandaigdig ang nagbigay-daan sa pagkakaroon ng mga bombang nuclear, na nagbabanta sa pagpapatuloy ng mismong buhay dito sa lupa.
Gayunman, isinusog ng autor na si Mee na “kasabay niyaon, ang pagbagsak ng matandang kaayusan ay nagbukas ng daan para sa paglaganap ng sariling pamamahala, ng paglaya ng mga bagong bansa at mga uri, ang pag-iral ng bagong kalayaan at kasarinlan.” Bago sumapit ang 1914, karamihan ng bansa sa pinamamahalaan ng isang pribilehiyadong aristokrasya na pasalin-salin sa mga nagmamana nito. Mahigpit ang mga pag-uuri-uri sa lipunan. Pinabilis ng unang digmaang pandaigdig ang pagkawatak-watak ng sistemang iyan. Gaya ng sabi ng historyador na si René Albrecht-Carrié: “Ang Unang Digmaang Pandaigdig ang sumira ng dike ng kaayusang panlipunan noong ikalabing-siyam na siglo; hindi na maitatatuwa ang mga pag-aangkin ng Karaniwang Tao na siya’y kilalanin.” Sa ngayon, mahirap na gunigunihin ang kapangyarihan na dating taglay ng mga uring dating namamahala.
Oo, ang daigdig na kilala natin sa ngayon ay nagsimula nang paslangin ang tagapagmana ng trono ng Austria may 70 taon na. Ibang-iba sana ang buhay mo kung hindi iyon nangyari, at ang digmaan na resulta niyaon. Nangyari ang iba pang mga bagay noong maagang mga taon ng siglong ito. Karamihan ng mga tao ay walang alam sa kahulugan ng mga iyan. Gayunman ay may napakalaking epekto ang mga iyan sa iyong buhay.
[Larawan sa pahina 3]
Ang Archduke Ferdinand at ang kaniyang maybahay limang minuto bago pinaslang