Ang Kahulugan ng mga Balita
Ang Kahulugan ng mga Balita
Ano Ba ang Tagumpay?
Para sa maraming tao sa ngayon, ang pag-asenso nila sa pinakamataas na baytang ng kanilang karera at pagkakamal ng kayamanan at pagtatamo ng katanyagan ang tagumpay at kaligayahan. Subalit ganiyan nga kaya? Hindi kung ayon sa U.S. News & World Report. Sinasabi nito na itong “pag-ibig sa tagumpay—kung ito lamang ang layunin na ipinagbubuhusan ng isip—ay maaaring magdulot ng malaking pinsala dahil sa nililikha nito na sakit, mga problema sa nasabing karera, mga anak na napabayaan at watak-watak na mga pamilya.” Si Dr. Paul Rosch, pangulo ng American Institute of Stress, ay sinipi sa kaniyang sinabi na “ang panggigipit na ang isa’y mapasa-ibabaw ay higit na mahigpit kaysa kailanman,” at maraming tao ang naniniwala na sila’y kailangang magtagumpay “kahit na ang paraan upang makamtan iyon ay gumapang ka sa ibabaw ng mga katawan ng iyong mga kamanggagawa o pagsasakripisyo ng talagang ibig nila.” Bagaman inamin na hindi lahat ng taong matagumpay ay nagkakasala ng gayon, binanggit na marami ang may mga problema sa emosyon at hindi maliligaya. “Ang mga autoridad ay sang-ayon, na ang tunay na tagumpay ay nakakamit hindi salig sa marangyang titulo o mil-de-mil na mga suweldo,” sabi pa ng artikulo.
Yaong mga naghahanap ng tunay na tagumpay at kaligayahan ay nakakasumpong ngayon, hindi sa pagsusumikap na mapasa-pinakamataas na baytang ng kanilang karera ano man ang magugol nila para makamit iyon, kundi sa paghahanap sa tunay na Diyos at pagkatagpo sa kaniya. Gaya ng sinasabi ng Awit 144:15: “Maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!” Si apostol Pablo ay nagbabala laban sa kompetisyon, at sinabi ni Jesus na “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa pagtanggap.” (Gawa 20:35; Galacia 5:26) Ang pagsisikap na maging matagumpay sa harap ng Diyos sa pagkaalam at pagsasagawa ng kaniyang kalooban, imbis na pagsusumikap na makamit mo ang pinakamataas na tagumpay sa sanlibutang ito, ang nagdadala ng tunay at walang hanggang kaligayahan.
“Sang-ayon ang Simbahan sa Pagkakasala”
Ganiyan ang paulo (sa Ingles) ng isang pabalita sa Daily Express ng London tungkol sa isang 30-pahinang pulyeto, Foreword to Marriage, na lathala ng Church of England. Tungkol sa paksang pagtatalik bago pakasal, ganito ang sabi ng pulyeto tungkol sa maraming bagong kasal sa oras ng kanilang kasal: “Marahil ay kung ilang panahon din na sinubukan nila ang lubusan at malayang pagtatalik. Ang mga iba ay baka nagsasama na bago pa, at ang karanasang ito ay hindi na bago sa kanila. O gayon nga ba?” Ang artikulo ay nagkukumento: “Ang katapusang tanong na iyan ang tanging suhestiyon sa 30-pahinang pulyeto, na ang pagtatalik bago pakasal ay baka hindi isang ulirang pagpapasimula.” Nang siya’y kapanayamin, ang autor ng pulyeto ay nagsabi na ang Simbahan ay hindi sumasang-ayon ni tumututol man sa seksuwal na pagtatalik bago pakasal, at isinusog pa niya: “Ang inaasahan natin ay na sa mga relasyon bago pakasal ay mayroon sanang matitindi at matatagal na mga ugnayang naitatatag imbis na mga relasyong pansamantala lamang.”
Anong pagkalayu-layo riyan ang mga pamantayang-asal ng Diyos! Malinaw na sinasabi ng kaniyang Salita: “Tumakas kayo ng paglayo sa pakikiapid.” (1 Corinto 6:18) Hindi kataka-taka na ang mga pamantayang-asal ng sanlibutan ay gumuguho dahil sa hindi sinasabi ng mga lider ng relihiyon sa mga tao ang mga kahilingan ng Diyos. Ang Bibliya ay malinaw na nagsasabi sa 1 Corinto 6:9, 10 na ang mga taong namihasa na sa pakikiapid at pangangalunya ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” Nakapagpapatibay-loob na malamang ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nakikipagkompromiso sa pagtuturo ng pamantayang-asal ng Diyos at ginagawa nila ang lahat upang mamuhay nang ayon sa mga ito.