Dumalo Kayo sa 1984 “Paglago ng Kaharian” na mga Pandistritong Kombensiyon
Dumalo Kayo sa 1984 “Paglago ng Kaharian” na mga Pandistritong Kombensiyon
SI Jehovang Diyos higit sa kaninuman ang nakakaalam na ang kaniyang mga lingkod sa lupa ay dapat magkatipon sa malalaking asamblea. Kaya naman isinaayos niya para sa kaniyang sinaunang bayang Israel na magtipon nang makaitlo sa taun-taon sa dako na kaniyang pinili, ang Jerusalem. Doon ay napakinggan nila ang binabasang kautusan ng Diyos na Jehova, at tumanggap sila ng mga payo at tiyak na kanilang ibinida sa isa’t isa kung paano sila pinagpala ng Diyos na Jehova.—Exodo 23: 14-17; 34:23; Deuteronomio 16:16, 17; 2 Cronica 8:13.
Hindi lamang sa gayong mga kapistahan nagtitipon ang mga Israelita kundi pati sa pantanging mga okasyon, halimbawa sa pag-aalay sa templo ni Haring Salomon, na ang mga kasayahan ay tumagal nang 14 na araw, at sa inaugurasyon ng muling naitayong mga pader ng Jerusalem noong panahon ni Nehemias.—1 Hari 8:65, 66; Nehemias 12:27-43.
Samakatuwid ay may mainam na batayan sa Kasulatan ang pagdaraos ng modernong mga saksi ni Jehova ng mga kombensiyon sa mahigit na isang daang taon na, ang totoo’y sapol pa noong 1879. May mga 37 taon na ngayon na, tulad ng mga sinaunang Israelita, tayo’y nagtitipon nang makaitlo isang taon, makalawa para sa ating mga asambleang pansirkito at minsan para sa ating pandistrito, pambansa o pandaigdig na kombensiyon.
Anong pagkasigla-sigla ng mga ulat tungkol sa ating nakaraang “Pagkakaisa ng Kaharian” na mga Pandistritong Kombensiyon! a Nadama higit kailanman ng mga kapatid ang kanilang pagkakaisa-isang pangglobo. Sa maraming bansa ay sumulong nang wala pang katulad ang bilang ng nagsidalo. Halimbawa, ang bansang Zambia sa Aprika, na may 57,034 na mamamahayag, ay nag-ulat ng kabuuang dumalong 417,122 sa 24 na kombensiyon. Ang katumbas nito ay isa sa bawat 15 katao sa populasyon ng bansa! Hindi baga napupukaw tayo nito na maghangad ding dumalo sa taóng ito sa “Paglago ng Kaharian” na mga kombensiyon?
Kung Bakit Kailangan na Tayo’y Makipagtipon
Bakit kailangang makipagtipon tayo nang tatlo at kalahating araw upang magpatibayan ng espirituwalidad? Ipinaaalaala sa atin ni Pedro: “Yamang lahat ng bagay na ito ay mapupugnaw nang ganito, nararapat na kayo ay maging anong uri ng mga tao sa banal na pamumuhay at mga gawang kabanalan, samantalang inyong hinihintay at laging isinasaisip ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.“—2 Pedro 3:11, 12.
Sa taun-taon ay patuloy na dumarami ang mga tukso at kagipitan upang tayo’y mailayo sa “banal na pamumuhay” na ito. Masasabi pa rin natin na sa araw-araw ang daigdig ay nagiging lalong marahas, lalong balakyot, lalong liko, lalong bulok, lalong-imbi at lalong imoral. At ang mga ahensiya sa pag-aanunsiyo ang nagpapatunay, ang mga pahayagan, magasin, radio, sine at TV. Ang patuloy na inaatake ang espirituwalidad ay tayo lalung-lalo na na nakikihalubilo sa mga makasanlibutan sa paghahanapbuhay o sa pag-aaral para magkaroon ng edukasyon.
Gayundin, anong dami ng mga panggigipit na maghihiwalay sa atin sa “mga gawang kabanalan,” at kasali rito ang gawaing pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at paggawa ng mga alagad na Kristiyano! Ang daigdig ng komersiyo ay nanggigipit at tumutukso sa atin upang tayo’y maging materyalistiko—upang mag-ukol ng labis na panahon, lakas at ari-arian sa pagtatamo ng umano’y mabubuting bagay ng buhay upang kaunti na lamang panahon at lakas ang matira para sa banal na paglilingkod. Sa bagay na ito ang industriya ng paglilibang ay nagbibigay ng lalong malaking panganib sa bayan ng Diyos. Tayo’y pinaalalahanan na ni Jesus tungkol sa mga bagay na ito, na ang sabi: “Nguni’t pakaingat kayo na ang inyong puso ay huwag malugmok sa katakawan at sa kalasingan at sa pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at dumating na bigla sa inyo ang araw na yaon na gaya ng silo. . . . Kaya nga, manatili kayong gising sa tuwina na dumadalanging . . . makatayo kayo sa harapan ng Anak ng tao.”—Lucas 21:34-36.
Ang ating programa sa “Paglago ng Kaharian” na Pandistritong Kombensiyon ay isinaayos na makatulong sa lahat ng ministro ng Diyos upang sila’y makapamuhay nang ayon sa matuwid na mga simulain ni Jehova at sila’y lalong higit na masangkapan sa pangangaral ng Kaharian at sa paggawa ng mga alagad.
Magsaayos na Ngayon na Kayo’y Makadalo
Lalung-lalo nang ibig nating isaisip na ang mga kombensiyong ito ay tatlo at kalahating araw, pasimula sa Huwebes ng hapon. Ang paglilingkod sa larangan sa taong ito ay sa Biyernes ng hapon. Kung paghahambingin ang bilang ng mga nakadalo ng Huwebes noong nakaraang taon at ang bilang ng mga nakadalo ng Linggo ay nagbabangon ito ng tanong na kung ang iba ba sa atin ay higit na makapagsisikap na makadalo pagsisimula ng kombensiyon sa Huwebes ng hapon. Isa sa mga tampok ng kombensiyon noong nakaraang taon ay ang pahayag noong Huwebes na “Musika na Pumupuri kay Jehova,” na doo’y hindi lamang ipinatalastas ang darating na bagong aklat-awitan kundi nagpatugtog din ng mga bahagi ng siyam na magagandang himig, na muwestra ng nilalaman ng bagong aklat-awitan. Anong laking kagalakan na marami sa atin sa kombensiyong ito ay makiisang-tinig sa ating mga kapatid sa pag-awit natin buhat sa bagong aklat-awitang ito sa Ingles sa loob ng apat na araw ng kombensiyon!
Karamihan sa atin ay may bakasyon taun-taon. Hindi kaya higit pa sa atin ang makapagsaplano na isali ang buong kombensiyon sa bakasyong iyan? O kaya, hindi kaya natin maipagparaya na ang kita sa dalawang araw alang-alang sa isang dakilang espirituwal na kapistahan? Sa Honduras ay may mga kapatid na naalis sa trabaho dahil sa paghingi nila sa amo ng libreng panahon para makadalo sa isang kombensiyon. Isang sister doon ang humingi ng libreng dalawang araw upang makadalo sa “Pagkakaisa ng Kaharian” na kombensiyon at pinagbantaan na siya’y masisisante. Isang abugado, na ang maybahay ay isang Saksi, ang nakabalita nito at siya’y nagsaayos ng isang trabaho para sa sister, na may lalong malaking suweldo, pagkatapos ng kombensiyon.
Ang 1984 Yearbook ay may iniulat na mahigit na 27,000 mga kapatid na Kastila at Portuges na naglakbay patungong Belgium para dumalo sa isang kombensiyon, sa panahon na hindi maaaring magdaos ng mga kombensiyon sa kanilang sariling mga bansa. Iniuulat din ang mga hirap na dinanas ng mga kapatid sa Alaska upang makadalo sa mga kombensiyon. Tungkol sa pagsisikap ng isang kapatid sa Samoa na makadalo sa isang kombensiyon sa Fiji, ating mababasa: “Siya’y hindi bata, kundi matanda na; hindi malakas, kundi masasakitin; hindi normal ang mga paa, kundi may depekto; hindi nakakakita nang malinaw, kundi bulag ang isang mata. Upang makarating sa kombensiyon ay kailangan ang pera, at para magkapera ay nanguha siya ng niyog. Mga 15 niyog ang dinala niya nang minsanan sa layong dalawang milya na kung saan aalisan niya ng bunot ang mga ito, saka bibiyakin para makuha ang laman, o copra.” Mga apat na linggong mahigit na ginawa niya ang ganito upang makakita ng sapat na pamasahe. Ganiyan sana tayong kasikap na dumalo!
Isaisip din natin na ang mga kombensiyon natin ay hindi lamang nagpapatibay sa ating espirituwalidad kundi malimit na nagsisilbing isang malaking patotoo sa mga tagalabas. Halimbawa, narito ang sinabi ng isang reporter sa Nobyembre 1983 nalabas ng Griegong magasin na Galaxias tungkol sa ating “Pagkakaisa ng Kaharian” na kombensiyon sa Atenas. Pagkatapos na magbigay ng hustong pag-uulat tungkol sa programa sa araw-araw, ganito ang komento niya:
“Sa tanggapin man o hindi ng sinuman ang mga punto-de-vista ng Kristiyanong mga Saksi ni Jehova, ang pagdalaw niya sa ‘Apollo’ Stadium sa mga oras ng sesyon ng Kristiyanong mga Saksi ni Jehova ay isang pangyayari na nakapag-iwan sa bisitang ito ng malalim na impresyon. . . . Hindi maitatatuwa ninuman na ang kanilang pananampalataya ay lubhang nakaapekto sa kanilang sariling buhay o, sa madali’t-salita, sila’y namumuhay ayon sa kanilang pananampalataya. Bagaman sila’y masigasig, sila’y hindi mga panatiko. Kanilang iniibig ang Diyos, nguni’t iniibig din nila ang tao.”
Hayaang bawa’t Kristiyanong saksi ni Jehova, pati lahat ng umiibig sa katotohanan at katuwiran, ay gumawa ng lahat ng pagsisikap upang makadalo sa “Paglago ng Kaharian” na kombensiyon—mula sa pasimula hanggang sa katapusan!
[Talababa]
a Ipinakikita ng di pa kompletong bilang na, sa 637 kombensiyon sa buong daigdig, ang kabuuang dumalo ay 4,749,515, at 62,448 mga bagong Saksi ang nabautismuhan.