Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ihandog na Kusa ang Sarili Mo!

Ihandog na Kusa ang Sarili Mo!

Ihandog na Kusa ang Sarili Mo!

“Ang bayan mo ay kusang maghahandog ng kanilang sarili . . . Nasa iyo ang iyong hukbo ng mga kabataang lalaki na sadyang kagaya ng mga patak ng hamog.”—Awit 110:3.

1, 2. Bilang katuparan ng Awit 110:3, ano ba ang ginagawa ngayon ng mga Saksi ni Jehova?

 ANG Hari ni Jehova, si Jesu-Kristo, ay naghahari na ngayon! Sapol noong 1914 ay nakaakma na siyang kikilos at nagpasimula na ngang ‘nanupil sa gitna ng kaniyang mga kaaway.’ (Awit 110:2) Sa madulang mga huling araw na ito ng naghihingalong sistemang ito, hayaang lahat na nagkukusang mga boluntaryo ay magpresenta ng sarili para sa paglilingkuran sa Hari, at gawin sana nila ito nang walang pag-aatubili.

2 Itung-ito ang ginagawa ng mga Saksi ni Jehova. Dumarami ang kanilang masisipag na mga manggagawa, at nagniningning na tulad ng mga patak ng hamog. Sa mismong sandaling ito ay natutupad ang kinasihang mga salitang ito ng salmista: “Ang bayan mo ay kusang maghahandog ng kanilang sarili sa araw ng iyong hukbong panlaban. Sa kagandahan ng kabanalan, buhat sa bukang-liwayway ng umaga, nasa iyo ang iyong hukbo ng mga kabataang lalaki na sadyang kagaya ng mga patak ng hamog.” (Awit 110:3) Anong kahanga-hangang araw na kabuhayan natin!

3. Tungkol sa paglilingkod, anong espiritu ang laging makikita sa mga lingkod ni Jehova? Patunayan mo ito sa Kasulatan.

3 Ang mapagsakripisyo-sa-sariling espiritu ng kusang paglilingkod ay laging makikita sa tapat na mga lingkod ni Jehova. Kaya’t nang mapaharap sa pagkakataon na maglingkod bilang tagapagdala ng pabalita ng Diyos, si propeta Isaias ay agad tumugon: “Narito ako! Suguin mo ako.” (Isaias 6:8) Nang may pasimula ng ministeryo ni Jesus sa Galilea, siya’y naparoon sa mga Judiong may takot sa Diyos at nag-anyaya: ‘Halikayo, maging tagasunod ko kayo.’ Sila’y tumugon nang walang pag-aatubili, at kanilang iniwan ang trabaho nila bilang maniningil ng buwis at mga mamamalakaya. (Mateo 4:18-22; Lucas 5:27, 28) Ang nagkusang-loob na mga babae ay gumugol ng kanilang panahon, pagod at materyal na mga ari-arian upang matustusan ang mga pangangailangan ni Jesus at ng kaniyang mga alagad. (Marcos 15:40, 41; Lucas 8:1-3) Oo, nang bumangon ang mga pagkakataon para sa banal na paglilingkod, ang mga taong ito ay kusang naghandog ng kanilang sarili.

Kanilang Inihandog na Kusa ang Kanilang Sarili

4. Papaano ba tinugon ni Pablo at ng kaniyang mga kasama ang ‘pamanhik ng taga-Macedonia’?

4 Ang Kristiyanong apostol na si Pablo ay naghandog ding kusa ng kaniyang sarili sa paglilingkod kay Jehova sa kapurihan niya. Minsan ay nakakita siya ng pangitain tungkol sa isang taong ang pamanhik ay: “Pumarito ka sa Macedonia at tulungan kami.” Tumugon ba ang apostol at ang kaniyang mga kasama? Oo, sapagka’t mababasa natin: “Ngayon karakarakang makita niya ang pangitain, pinagsikapan naming pumaroon sa Macedonia, na pinatutunayang kami’y tinawag ng Diyos upang ipangaral sa kanila ang mabuting balita.” Kanilang inihandog na kusa ang kanilang sarili, at ang kanilang kalugud-lugod na paglilingkod ay pinagtagumpay ni Jehova.—Gawa 16:8-40.

5. Ano ba ang sabi ng iba tungkol sa paglilingkod ng mga sinaunang Kristiyano?

5 Ang kusang paglilingkod ay isang tanda ng sinaunang Kristiyanismo. Ang pagkasabi ay: “Ang Sinaunang Iglesya ay hindi lamang sumuporta sa mga misyonero; iyon ay misyonero. Iyon [ay hindi nag-akala] na natupad na ang kaniyang bahagi pagka nabayaran niya ang mga nagastos at nakinig nang may bahagyang interes sa pag-iistorya ng mga misyonero tungkol sa kanilang mga tagumpay. Ang mga kapilyang ito ay parang mga bahay-bubuyog ng mga aktibidades misyonero. Lahat ay nakadarama na sila’y tinawag upang maghayag ng Mabuting Balita.” (The Preaching Value of Missions, na may mga lektyur ni Helen Barrett Montgomery) Ang mga tagasunod ni Jesus ay mga aktibong ebanghelisador. “Ang rekord ng sinaunang iglesya sa Mga Gawa ay patotoo “na isinagawa nila ang ebanghelismo nang dibdiban gaya ng pagsasagawa nila rito sa literal na paraan. Ang ebanghelismo ang pangunahin.” (The Idea of the Laity, ni David Haney) At ano ang naging resulta ng mapagsakripisyo-sa-sariling gawaing ito ng mga tagasunod ni Jesus? “Hindi naglaon at sila’y nagbibiyahe na sa mga daan sa Roma patungo sa malalayong lunsod at mga lalawigan. At nang dumating ang panahon, ang buong imperyo ay naging isang punlaan ng bagong relihiyon.” (Imperial Rome, ni Moses Hadas) Oo, ang mabuting balita ‘ay ipinangaral sa lahat ng nilalang sa silong ng langit’ sapagka’t ang sinaunang mga Saksing Kristiyanong iyon ay kusang naghandog ng kanilang sarili!—Colosas 1:23; Mateo 28:19, 20; Gawa 1:6-8.

6. Para sa modernong-panahong mga saksi ni Jehova, ano ba ang laging saloobin nila tungkol sa gawaing pangangaral ng Kaharian?

6 Isang nahahawig na espiritu ang umiiral sa gitna ng modernong-panahong mga saksi ni Jehova. Angkop na sinabi ng labas ng Watch Tower ng Hulyo at Agosto 1881: “Ikaw ba’y nangangaral? Kami’y naniniwala na walang makakabilang sa munting kawan kundi mga mangangaral. . . . Kami’y hindi tinawag, ni pinahiran man upang tumanggap ng karangalan at magkamal ng kayamanan, kundi upang gugulin at pagugol, at upang mangaral ng mabuting balita.“ Ang ganiyan ding punto-de-vista ay umiiral kahit na pagkalipas ng maraming taon. Sa isang masiglang kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, noong 1922, ang nagkakatipong mga tagapagtaguyod ng Kaharian ay pinayuhan: “Bumalik kayo sa larangan, Oh kayong mga anak ng kataas-taasang Diyos! Isakbat ang inyong, baluti! Kayo’y magpakahinahon, maging mapagbantay, aktibo, matatapang. Kayo’y maging tapat at tunay na mga saksi para sa Panginoon. Humayo kayo sa labanan hanggang sa lahat ng kahit kaliit-liitang bahagi ng Babilonya ay giba. Ang mensahe’y ipamalita sa lahat ng dako. Kailangang makilala ng sanlibutan na si Jehova ang Diyos at si Jesu-Kristo ang hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Ito ang araw ng lahat ng araw. Narito, ang Hari ay nagpupuno na! Kayo ang kaniyang mga tagapaglathalang kinatawan. Kung gayon ay ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang Kaharian.” Para sa ganiyang pagbabalita ng Kaharian, ang mga Saksi ni Jehova ay may kagalakan, kasigasigan, na patuloy na kusang naghahandog ng kanilang sarili.

Isang Napakalaking Pangangailangan ang Nasasapatan

7. Ano ba ang mga karanasan ng buong-panahong mga mangangaral noong maagang mga panahon, at ano ang kanilang nadama noon tungkol sa kanilang paglilingkod kay Jehova?

7 Marami sa mga lingkod ni Jehova ang kusang naghandog ng kanilang sarili para sa buong panahong pangangaral. Noong nakalipas na maraming taon, ang iba’y naglingkod bilang mga colporteur (tinatawag ngayon na mga payunir), at ang buhay nila noon ay hindi madali. “Oo,” ang sabi ng isang Saksing may-edad na, “mayroon kaming mga colporteur na gumagawa sa mga bayan-bayan at mga lalawigan noong sinaunang mga araw na iyon. Kung minsan [ang literatura sa Bibliya] ay kanilang ipinagpapalit ng mga ani sa bukid, mga manok, sabon at kung anuman ang mayroon, at ang mga ito’y kanilang ginagamit o ipinagbibili sa iba. Kung minsan, sa mga lugar na kakaunting mga tao ang naninirahan, sila’y nakikitulog nang isang gabi sa mga magbubukid at mga rantsero, at kung minsan ay natutulog pa sila sa mga mandala ng dayami . . . Ang mga tapat na ito ay patuloy na naglingkod nang maraming taon hanggang sa sila magsitanda na.” Ang mga iba’y mga bata pa nang magsimula sila sa gayong buong-panahong paglilingkod. Totoo, mahirap ang naging trabaho nilang iyon, nguni’t sila’y naghandog na kusa ng kanilang sarili at nagagalak na maglingkod. Gaya ng pagkasabi ng isa sa kanila: “Kami’y bata pa noon at maligaya sa paglilingkod, nagagalak na gugulin ang aming lakas sa paglilingkod kay Jah.”

8. Sa anong paglilingkod kusang inihandog ng mga lingkod ni Jehova ang kanilang sarili?

8 Sa lumipas na mga taon at sa gitna ng walang katulad na mga digmaan, taggutom, mga lindol at iba pang mga pangyayari na bumubuo ng “tanda” ng “pagkanaririto” ni Kristo na taglay ang kapangyarihan sa Kaharian sapol noong 1914, ang mga lingkod ni Jehova ay hindi nasisiraan ng loob sa pangangaral ng mabuting balita. (Mateo 24:3-14) Nakakatuwa, marami ang kusang naghandog ng kanilang sarili para sa buong-panahong paglilingkod, at anong inam at ginawa nila ang gayon!

9. (a) Noong Pebrero 1, 1943, anong malaking hakbang ang ginawa sa tanang kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova? (b) Papaano naging posible na maitatag ang Paaralang Gilead at masapatan ang pangangailangan na mapalawak sa buong daigdig ang gawaing pangangaral ng Kaharian?

9 Ang Digmaang Pandaigdig II ay nag-aalab nang buong kapusukan noong Pebrero 1, 1943. Subali’t nang maginaw na araw na iyon ng taglamig sa Kingdom Farm malapit sa South Lansing, New York, isang malaking hakbang ang ginawa sa tanang kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova. Apatnapu’t-siyam na lalaki at 51 babae—pawang mga payunir—ang nagsimula noon ng limang-buwang kurso ng pag-aaral sa Watchtower Bible School of Gilead. Sa pamamagitan ng pagsasanay na ito ay kusang maihahandog nila ang kanilang sarili sa gawaing pagmimisyonero sa mga ibang bansa. Yamang dahil sa giyera ay halos imposible noon na magpadala ng mga misyonero sa Europa at Asia, ang mga nagtapos na kabilang sa mga naunang klase ng Paaralang Gilead ay ipinadala sa Cuba, Mexico, Costa Rica, Puerto Rico, Canada at Alaska. Nasapatan ang pangangailangan na mapalawak sa buong daigdig ang gawaing pangangaral ng Kaharian dahilan sa masisipag na payunir na kusang naghandog ng kanilang sarili.

Ang mga Nagawa ng Paaralang Gilead

10. Anong mga halimbawa ng paglago ng Kaharian ang binanggit sapol nang unang dumating sa mga ilang bansa ang nag-aral sa Gilead na mga misyonero?

10 Mahigit na 6,000 estudyante ang nagtapos kabilang sa 76 na mga klase ng Paaralang Gilead, na ito ngayo’y naroroon na sa pandaigdig na hedkuwarters ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Hindi mapagkakamalan ang naging epekto ng paaralang ito. Halimbawa, nang ang nag-aral sa Gilead na mga misyonero ay dumating sa Brazil noong 1945, 394 lamang ang nakikibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian sa bansang iyan. Ngayon ang bilang ay mahigit na 148,000. Noong 1949 nang dumating sa Hapon ang unang graduwado sa Gilead, tatatlu-tatlong lokal na mga mamamahayag ng Kaharian ang nag-uulat ng paglilingkod sa bansang iyan sa Oryente. Ngayon ay mayroong mahigit na 86,000!

11. Sapol nang magbukas ang Paaralang Gilead noong 1943, ano ang nangyari kung tungkol sa paglago ng Kaharian sa buong daigdig?

11 Subali’t kumusta naman ang paglago ng Kaharian sa buong daigdig? Bueno, nang ang unang klase ng Paaralang Gilead ay tumanggap ng pagsasanay noong 1943, 126,329 lamang na mga tagapagbalita ng Kaharian ang aktibo sa 54 na bansa sa buong daigdig. Sa ngayon, isang pinakamataas na bilang na 2,652,323 mga mamamahayag ng mabuting balita ang nangangaral sa 205 bansa. Ang malaking bahagi ng malaking pagsulong na ito ay dahil sa mainam na paggawa ng mga nagtapos sa Gilead.

12. Papaano natutupad ang Zacarias 8:23?

12 Sa maraming lupain na pinagsuguan sa mga graduwadong ito bilang mga embahador at envoy na kumakatawan kay Kristo, sila’y nakasumpong ng mga bukid na hinog na ang bunga upang anihin. (Mateo 9:37, 38; 2 Corinto 5:20) Dati’y iilan-ilan lamang sila sa mga ilang bansa, ngayon ay daan-daan na, libu-libo, at sampu-sampung libo pa, ang nagsisisama sa pinahirang mga tagasunod ni Jesus at ang sabi, sa pinakadiwa: “Kami’y sasama sa inyo, sapagka’t aming nabalitaan na ang Diyos ay kasama ninyo.” (Zacarias 8:23) Oo, at upang pasulungin pa nang higit ang pagbabalita sa Kaharian sa buong lupa, ang dumaraming “malaking pulutong” na ito ay kusang naghahandog ng kanilang sarili.—Apocalipsis 7:9.

Sila’y Nagagalak Dahil sa Kusang Inihandog Nila ang Kanilang Sarili

13. (a) Ano ang sinabi ng isang sister na misyonera na kusang naghandog ng kaniyang sarili para sa higit pang paglilingkod kay Jehova? (b) Anong tanong ang dapat nating isaalang-alang?

13 Tiyak na pinagpapala ni Jehova ang mga nagpapakita ng pagkukusa at ng espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili, at tunay na sila’y maliligaya dahil sa kusang inihandog nila ang kanilang sarili para sa higit pang gawain sa pagpuri sa Diyos. Halimbawa, isang sister na misyonera ang sumulat: “Ako’y nagbitiw sa aking trabaho, lubusan kong tinalikdan iyon, at noong Setyembre, 1930, samantalang nasa kasukdulan ang isang malubhang krisis sa kabuhayan, nagsimula ako ng hindi biru-birong pagtakbo sa karerahang-landas ng buhay [bilang isang payunir]. Totoong galak na galak ako at ganiyan ang naipasiya ko . . . Nalasap ko ang kabutihan ni Jehova at ang pagpuri sa kaniya araw-araw, at ang resulta’y katahimikan ng isip anuman ang dumating.” (Awit 34:8) Kusang maihahandog mo kaya ang iyong sarili para sa pribilehiyo ng pagpapayunir o paglilingkod bilang misyonero?

14. Ano ang sabi ng isang miyembro ng Lupong Tagapamahala tungkol sa buong-panahong paglilingkod?

14 Pagkaraan ng kaniyang 21 taon sa buong-panahong paglilingkod, isa sa mga unang misyonero ng Gilead na napadistino sa Hapon ang sumulat noong 1960: “Ito’y mga taon na puno ng kagalakan at mga karanasan na hindi magkakasiya sa kahit isang daan mang karaniwang buhay-buhay!” Ngayon, makalipas ang humigit-kumulang 24 na taon, kaylaki-laki pa rin ang kagalakan ng kapatid na lalaking ito bilang isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova.

15. (a) Pagkaraan ng maraming taon ng paglilingkod sa Bethel, ano ang sabi ng iba? (b) Anong tanong na dapat pag-isipan ang ibinabangon nito?

15 Makalipas ang maraming taon ng paglilingkod bilang isang binata sa punong tanggapan ng Watchtower Society, ang kapatid na ito ay nagsabi: “Hindi ko pinagsisisihan ang karerang ito na pinili ko nang magsimula na ako noon na tumuntong sa pagkamaygulang. . . . Ang kagalakan ng pagkakita sa angaw-angaw na mga magasin at iba pang mga publikasyon na may pabalita ng Salita ng Diyos sa pamamahagi nito hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa ay isa nang kahanga-hangang gantimpala sa ganang sarili.” Isang sister na naglilingkod na sa Brooklyn Bethel sapol noong 1920’s ang minsan ay nagsabi: “Hindi kayang bigkasin ng mga salita ang kasiyahan at kagalakan na aking naranasan.” At pagkatapos na gumugol ng maraming taon sa paglilingkod sa Bethel, isang kapatid na lalaki ang nagsabi: “Tunay na tinatamasa ko ang isang ‘maligaya, kasiya-siya at pinagpalang pamumuhay.” Ikaw kaya ay kusang makapaghahandog ng iyong sarili para sa maligayang paglilingkuran sa Bethel?

Tumugon Ka na Taglay ang Pananampalataya kay Jehova

16. Ano ang sinabi ng dalawang may-edad nang mga kapatid na lalaki tungkol sa pagtanggap ng atas buhat sa organisasyon ni Jehova?

16 Isang may-edad nang kapatid na lalaki na naglilingkod ngayon sa Papua New Guinea ang sumulat minsan: “Itong [mga taon ng buong-panahong paglilingkod] na ito ang pinakamagagaling na taon, ang pinakamaliligayang taon . . . Anong laking katalinuhan na paniwalaan ang ipinangako ng Panginoon sa Mateo 6:33! Makatuwirang sundin nga ang panguguna ng Panginoon na nahahayag sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon!” Isang kapatid na lalaki na taga-Britanya, na isang buong-panahong lingkod na sa India sapol noong 1920’s, ang nagsabi: “Ang buong sanlibutan ngayon ay isa na lamang maliit na dako. Mayroong [mga lingkod si Jehova] sa bawa’t bansa at saan mang bansa ay kaibig-ibig silang lahat. Hindi nagtatagal at ang isa’y nasasanay sa mga kalagayan sa mga ibang bansa. Kaya lamang ay kailangang pagtibayin ng isa sa kaniyang isip na gawin iyon, at pagkatapos ay hilingin ang espiritu ni Jehova upang mapagtagumpayan ang mga balakid. Ang ipinapayo ko ay, Laging tanggapin ang atas buhat sa organisasyon ni Jehova at may kagalakang pagtibayin sa isip na tuparin iyon.”

17. (a) Para sa mga mamamahayag ng kongregasyon, ano pa ang mga pagkakataon para sa paglilingkod kay Jehova na lalong mahusay o higit pang malaki? (b) Papaano tumugon si Pablo nang mapag-alaman niya na mayroong isang malaking pintuan na patungo sa gawain?

17 Bilang isang mamamahayag ng kongregasyon na may pamilya at iba’t-ibang responsabilidad ayon sa Kasulatan, marahil ay itatanong mo, ‘Gaano ba ang magagawa ko?’ Walang sino mang iba na makapagsasabi sa iyo. Subalit maaari kang manalangin kay Jehova, na hinihiling na sana’y gamitin ka niya sa pinakasukdulang maaari sa banal na paglilingkod sa kaniya. Marahil ay maaari mong dagdagan ang panahon na regular na ginugugol mo sa ministeryo sa larangan. Kung wala ka pang idinaraos na pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa isang taong interesado, baka makapagsasaayos ka ng isa. At lahat tayo ay makapagpapasulong pa ng uri ng ating paglilingkod kay Jehova kung ikakapit natin ang payo ng kaniyang Salita at organisasyon. At, kung isa kang hinirang na matanda, baka kailanganin sa ibang kongregasyon ang higit pang espirituwal na tulong na maaari mong ibigay. Kung ang pamilya mo’y lilipat kung saan talagang malaki ang pangangailangan, (ikaw, pati iyong maybahay at iyong mga anak ay baka magkaroon ng higit pang kagalakan sa paghanap at pagtulong sa mga taong tulad-tupa. At darating ang panahon na marahil ay magkakaroon ka ng kagalakan sa pagtulong sa pagtatayo ng isang bagong kongregasyon,” o baka mayroon pang maraming pagpapala na hindi mo inaasahang darating sa iyo. Nang mapag-alaman ni apostol Pablo ang tungkol sa ‘isang malaking pintuan na patungo sa gawain,’ siya’y nanabik na maragdagan ang kaniyang paglilingkod sa ikapupuri ni Jehova. (1 Corinto 16:9; 2 Corinto 2:12; Colosas 4:2-4) Ganiyan ba rin ang nadarama mo?

18. (a) Ano ba ang ipinapayo sa iyo pagka nabuksan sa iyo ang isang pinto para sa karagdagan pang gawaing Kristiyano? (b) Ano ang magiging resulta kung kusang ihahandog mo ang iyong sarili?

18 Kung gayon, ano ba ang gagawin mo pagka isang pribilehiyo ng paglilingkod kay Jehova ang napaharap sa iyo? Ipagkakait mo ba iyon sa iyong sarili, o ipakikita mo ang espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili? Mangyari pa, dapat mong tuusin ang magagastos. (Lucas 14:27-30) Subali’t pagka isang pinto para sa karagdagan pang gawaing Kristiyano ang nabuksan para sa iyo, manalangin ka kay Jehova. Maging espesipiko ka sa gayong mga panalangin at hingin mo ang kaniyang patnubay. (Awit 37:5; Filipos 4:6, 7) Pagkatapos, kung inuudyukan ka ng kaniyang banal na espiritu na tanggapin mo ang isang pribilehiyo, sundin mo ang udyok na iyon at kumilos nang may pananampalataya sa iyong Ama sa langit. Dahil sa iyong pagsasakripisyo sa sarili sa pagpapasulong ng mga intereses ng Kaharian tiyak na pagpapalain ka. At tandaan, “Ang pagpapala ni Jehova—iyan ang nagpapayaman, at hindi niya idinaragdag ang kapanglawan.” (Kawikaan 10:22; Malakias 3:10) Oo, dakila at di-inaasahang mga pagpapala ang sasa-iyo kung ihahandog mong kusa ang sarili mo!

Ano ang Sagot Mo?

□ Bilang Katuparan ng Awit 110:3, ano ba ang ginagawa ngayon ng mga Saksi ni Jehova?

□ Papaano pinahahalagahan ng modernong-panahong mga lingkod ni Jehova ang gawaing pangangaral ng Kaharian?

□ Sapol nang magbukas noong 1943 ang Paaralang Gilead, ano ang nangyari sa paglago ng Kaharian sa buong daigdig?

□ Ano ang mga pagkakataon para sa paglilingkod kay Jehova na lalong mahusay o higit pang malaki?

□ Kung nabuksan sa iyo ang isang pinto para sa higit pang paglilingkod sa Kaharian, papaano ka dapat tumugon?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 16]

Nang tanggapin ni Pablo ang pamanhik ng taga-Macedonia, siya at ang kaniyang mga kasama ay kusang naghandog ng kanilang sarili sa paglilingkod sa ikapupuri ni Jehova

[Larawan sa pahina 18]

Ang unang nagtapos na klase ng Paaralang Gilead, Hulyo 1943. Ang masisipag na mga payunir na ito ay kusang naghandog ng kanilang sarili para sa higit pang paglilingkod sa Kaharian