Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ipanalangin ang Isa’t Isa

Ipanalangin ang Isa’t Isa

Ipanalangin ang Isa’t Isa

“Inyong ipanalangin kami.”—2 Tesalonica 3:1.

1-3. (a) Bakit ang mga lingkod ni Jehova ay may tiwalang makalalapit sa kaniya sa panalangin? (b) Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay dapat na laging manalangin?

 SI Jehova ang dakilang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Kaya, ang kaniyang tapat na mga lingkod ay may tiwalang makalalapit sa kaniya na taglay ang kanilang mapagpakumbabang mga kahilingan at mga salitang pagpapasalamat. Oo, ang mga Saksi ni Jehova ay maraming dahilan na laging manalangin.

2 Una, ang kaniyang mga tagasunod ay tinuruan ni Jesu-Kristo na manalangin. Kaniyang sinabi sa kanila: “Pagka kayo’y nagsisipanalangin, inyong sabihin, ‘Ama, pakabanalin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Ibigay mo sa amin ang aming pagkain para sa araw na ito ayon sa pangangailangan sa araw na ito. At ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan, sapagka’t aming pinatatawad naman ang bawa’t may utang sa amin; at huwag mo kaming ihatid sa tukso.’” (Lucas 11:2-4) Sa panalanging iyan ay wastong iniuuna ang Diyos at kasali ang personal na mga kahilingan. Ipinakikita rin ng Modelong Panalanging ito na sa ating mga panalangin ay hindi natin dapat kaligtaan ang mga ibang tao.

3 Ang mga apostol ni Jesus ay nagpayo rin sa mga kapananampalataya na laging manalangin. Halimbawa, sinabi ni apostol Pablo, “Magmatiyaga ng pananalangin” at, “Magsipanalangin kayong walang patid.” (Roma 12:12; 1 Tesalonica 5:17) At sinabi ni apostol Pedro: “Nguni’t ang wakas ng lahat ng bagay ay malapit na. Magpakatino nga kayo ng isip, at maging mapagpuyat sa pananalangin.” (1 Pedro 4:7) Anong inam na payo!

Ang Magagawa Para sa Atin ng Panalangin

4. Ano ang kailangan upang ang mga panalangin ng nag-alay na mga lingkod ng Diyos ay dinggin?

4 Ang kilalang makata na si Alfred Tennyson ay sumulat: “Lalong maraming bagay ang nagagawa ng panalangin kaysa pinapangarap ng sanlibutang ito.” Anong pagkatotoo nga! Subali’t upang ang nag-alay na mga lingkod ng Diyos ay dinggin sa kanilang panalangin, ito’y kailangang ipahatid kay Jehova sa pananampalataya sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, kailangang kasuwato ng banal na kalooban at, ipahayag sa wastong paraan. (Juan 14:6; 1 Juan 5:13-15) Siyanga pala, ang pagkasabi ay: “Ang tinitingnan ng Diyos ay hindi ang kahusayan ng pangungusap ng iyong panalangin, kung gaanong kakisig ito; ni ang geometry ng iyong mga panalangin, kung gaanong kahaba ito; ni ang arithmetic ng iyong mga panalangin, kung gaanong karami ito; ni ang lohika man ng iyong mga panalangin, kung sumusunod baga sa takdang kaayusan; kundi ang tinitingnan niya ay ang kataimtiman nito.”—Ika-17-siglong English Puritan minister Thomas Brooks.

5. (a) Ano ang magagawa para sa atin ng panalangin? (b) Tungkol sa panalangin, anong tanong ang ating tatalakayin?

5 Ang taimtim na palagiang pananalangin ay lalong naglalapit sa atin kay Jehova. Ang mapagpakumbaba at marubdob na pananalangin ay tumutulong sa atin na tuparin ang ating pagkasugo na mangaral. (Mateo 24:14; 28:19, 20; 2 Corinto 2:17) Ito’y tumutulong sa atin na gumawa ng mga pasiya na nakalulugod sa ating makalangit na Ama. Tinutulungan din tayo ng panalangin na mapagtiisan ang pag-uusig at manatili sa ating katapatan sa Diyos. (Awit 109:3, 4; 119:86) Ito’y nagbibigay sa atin ng pagkakataon na ipahayag ang ating taus-pusong pasasalamat kay Jehova. At nariyan din ang pananalangin para sa isa’t-isa. Subali’t tungkol sa huling binanggit, paanong ang ganiyang mga panalangin ay mapapakinabangan natin at ng ating mga kapananampalataya?

Bakit Ipananalangin ang Isa’t Isa?

6. Alang-alang ba kanino nanalangin si Jesus, at alang-alang kanino kung gayon tayo makapananalangin?

6 Si Jesus, na ating Uliran, ay nanalangin alang-alang sa kaniyang mga alagad. Marubdob na ipinanalangin niya kay Jehova: “Idinadalangin ko sila; hindi ang sanlibutan ang idinadalangin ko, kundi yaong mga sa akin ay ibinigay mo; sapagka’t sila’y sa iyo.” Bagaman si Jesus ay namatay alang-alang sa sanlibutan ng sangkatauhan, hindi niya idinalangin ang “sanlibutan” sa diwa na ito’y ang sangkatauhan na hiwalay sa Diyos. Gayunman, si Jesus ay nanalangin alang-alang sa mga taong nagsilabas sa sanlibutang iyon at sumampalataya sa kaniya. (Juan 3:16, 17; 17:8, 9; ihambing ang 2 Pedro 2:5; 3:6.) Batay sa halimbawa ni Jesus, tayo, kung gayon, ay wastong makapananalangin alang-alang sa gayong mabubuting tao.

7. Anong halimbawa ng apostol ang nag-uudyok sa mga lingkod ni Jehova na ipanalangin ang isa’t-isa?

7 Si apostol Pablo ay nanalangin tungkol sa mga kapananampalataya. Halimbawa, sinabi niya sa mga Kristiyano sa Efeso: “Dahil dito ako rin naman, pagkarinig ko ng pananampalataya ninyo sa Panginoong Jesus at ng pag-ibig na inyong ipinakita sa lahat ng mga banal, ay hindi ako tumigil ng pagpapasalamat alang-alang sa inyo. Patuloy na binabanggit ko kayo sa aking mga panalangin.” (Efeso 1:15, 16) Gayundin, hindi nag-atubili si Pablo na himukin ang iba na ipanalangin siya at ang mga iba pa. Pagkatapos na ipayo sa mga taga-Efeso na sila’y ‘magbihis ng buong kagayakang espirituwal na baluti’ at tanggapin ‘ang tabak ng espiritu, ang salita ng Diyos,’ isinusog niya: “Samantalang sa pamamagitan ng lahat ng anyo ng panalangin at pagsusumamo ay nagsisipanalangin kayo sa bawa’t pagkakataon sa espiritu. At sa layuning iyan manatiling gising na palagi at may pagsusumamo alang-alang sa lahat nang mga banal, gayundin para sa akin, upang bigyan ako ng kakayahang magsalita sa pagbubuka ng aking bibig, upang may katapangang maipakilala ang banal na lihim ng mabuting balita.” (Efeso 6:11-19) Ang halimbawang ito ng apostol ang nag-uudyok pa rin sa mga lingkod ni Jehova na ipanalangin ang isa’t-isa.

8. Bakit angkop na ang pinahirang mga Kristiyano at yaong mga kabilang sa “malaking pulutong” ay manalangin alang-alang sa isa’t-isa?

8 Ang mga Saksi ni Jehova ay isang pambuong-daigdig na kapatiran. Ang kabilang dito na inianak-sa-espiritung mga tagasunod ni Kristo ay may “pakikibahagi,” o “pakikisama,” sa Diyos, sa kaniyang Anak at mga kapuwa pinahirang Kristiyano. (1 Juan 1:3, 7; ihambing ang An American Translation.) Gayunman, binanggit ni Jesus na lahat ng kaniyang mga alagad ay makikitaan ng pag-iibigan sa isa’t-isa, at si apostol Pedro ay nagsabi: “Ibigin ninyo ang buong pagkakapatiran.” (1 Pedro 2:17; Juan 13:34,:35) Anong laking pangangailangan, kung gayon, na ang pinahirang mga Kristiyano at ang kanilang mga kasamahan, “ang malaking pulutong,” ay manalangin alang-alang sa isa’t-isa! (Apocalipsis 7:9) Subali’t ano ba ang maaaring hilingin sa pamamagitan ng gayong mga panalangin?

Para sa Pagkakaisa, Patnubay at Karunungan

9. Bakit dapat nating ipanalangin ang pagkakaisa ng ating pagkakapatirang Kristiyano?

9 Dapat na ipanalangin natin na magkaroon ng may pag-iibigang pagkakaisa sa ating pagkakapatirang Kristiyano. Ipinanalangin ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay makaisa niya at ng kaniyang Ama, at ipinayo ni Pablo sa kaniyang mga kapuwa mananamba kay Jehova na sila’y ‘lubos na magkaisa sa iisang isip at sa iisang takbo ng kaisipan.’ (1 Corinto 1:10; Juan 17:20, 21) Ang tunay na espiritu ng pagkakapatiran ang sa tuwina’y tatak ng mga taong tapat kay Jehova. ‘Anong pagkabuti-buti na ang magkakapatid ay magsitahang sama-sama sa pagkakaisa!’ (Awit 133:1-3) At ang isang paraan upang magkaroon ng bahagi sa pagkakaisang iyan ay ang manalangin na magkaroon tayo niyan.

10. Bakit dapat ipanalangin na tayo’y patnubayan at suportahan ng banal na espiritu?

10 Dapat nating ipanalangin na sa pamamagitan ng kaniyang espiritu ay patnubayan at suportahan ni Jehova ang mga aktibidades ng kaniyang mga lingkod. Ang iba ay maaring may napakahirap na atas sa paglilingkuran sa Diyos—mga bagay na kailanma’y hindi magagawa kung sa pamamagitan lamang ng lakas ng tao. Kaya’t ang mga tapat na Kristiyanong ito, at tayo man sa ating sarili, ay nangangailangan ng tulong ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu.—Zacarias 4:6; ihambing ang Lucas 11:13; Gawa 8:14; 15.

11. Tungkol sa karunungan, papaano tayo angkop na makapapanalangin?

11 Ating maipananalangin na ang ating mga kapatid ay bigyan ng karunungang buhat sa Diyos. Si Pablo ay nanalangin na ang mga Kristiyano sa Colosas ay “mapuno sana ng tumpak na kaalaman ng kalooban niya [ng Diyos] sa buong karunungan at espirituwal na pagkakilala, upang makalakad na karapat-dapat kay Jehova sa layuning lubusang makalugod sa kaniya.” (Colosas 1:9, 10) Angkop ding manalangin na yaong mga nagdidirekta ng gawaing pangangaral at naghahanda ng ating mga publikasyon ay magkaroon ng “espiritu ng karunungan.” (Efeso 1:15-17) Ikaw ba ay nananalangin alang-alang sa mga namamanihala sa gawaing pangangaral ng Kaharian at sa paghahanda ng mga publikasyon na naglalaan ng espirituwal na “pagkain sa takdang panahon”?—Mateo 24:45-47.

Para sa Matagumpay na Pangangaral sa Kabila ng Pag-uusig

12. Paanong ang 2 Tesalonica 3:1 ay may kaugnayan sa pananalangin para si iba?

12 Ipanalangin din natin na ang ating mga kapananampalataya ay magtagumpay sa pagpapalaganap ng balita ng Kaharian. Ipinayo ni Pablo: “Mga kapatid, idalangin ninyo kami, upang ang salita ni Jehova ay patuloy na lumaganap nang mabilis at luwalhatiin nawa na gaya rin naman sa inyo.” (2 Tesalonica 3:1; ihambing ang Efeso 6:18, 19) Oo, hiniling ni Pablo sa kaniyang mga kapananampalataya na ipanalangin siya at ang kaniyang mga kasamahan upang sila’y magtagumpay sa pangangaral ng salita ni Jehova.” Tayo naman ay dapat na manalangin para sa mabilis na paglaganap ng Salita ng Diyos at ng pagsulong ng mga intereses ng Kaharian. Mangyari pa, ang iba’y kasangkot din sa gayong mga panalangin—lahat ng masigasig na gumagawa ng kalooban ni Jehova sa “mga huling araw” na ito.—2 Timoteo 3:1-5.

13. (a) Ano ba ang ipinakikita ng 1 Timoteo 2:1, 2 tungkol sa pananalangin para sa makasanlibutang mga opisyales? (b) Ano ang mahihiling natin sa panalangin kung tayo’y pinag-uusig bilang mga tagapagbalita ng Kaharian?

13 Ang mga lingkod ni Jehova ay tumpak na makapananalangin tungkol sa makasanlibutang mga opisyales. Sinabi ni Pablo: “Ipinapayo ko nga, unang-una, na mga pagsusumamo, pananalangin, pamamagitan, pagpapasalamat, ang gawin patungkol sa lahat ng uri ng mga tao, patungkol sa mga hari at lahat ng mga nasa matataas na puwesto.” Ang mga iba pang pananalita ni Pablo ay nagpapakita na ang ultimong layunin nitong mga panalanging ito ay para sa kapakinabangan ng mga lingkod ng Diyos, samakatuwid nga, “upang tayo’y mabuhay na tahimik at mapayapa sa lubos na kabanalan at kahusayan.” (1 Timoteo 2:1, 2) Siyanga pala, ang mga bihag na Judio sa Babilonya ay pinagsabihan na ipanalangin ang kapayapaan ng lunsod na iyon, ‘sapagka’t sa kapayapaan niyaon ay magkakaroon din sila ng kapayapaan.’ (Jeremias 29:7) Kung gayon, bilang mga Saksi ni Jehova, tayo’y angkop na nananalangin patungkol sa makasanlibutang mga opisyales upang tayo at ang ating espirituwal na mga kapatid ay magkaroon ng tahimik at mapayapang buhay upang maisagawa natin ang atas sa atin bilang mga tagapagbalita ng Kaharian. Subali’t kung tayo’y pinag-uusig, may tiwalang mahihiling natin sa panalangin na tayo at ang ating mga kapuwa Saksi ay pagkalooban sana ng makalangit na tulong upang salitain natin nang may katapangan ang salita ng Diyos sa ilalim ng gayong mga kalagayan. At matitiyak natin na ang gayong mga panalangin ay sasagutin.—Gawa 4:29-31; 5:29.

14. Anong batayan sa Kasulatan mayroon tayo para manalangin na ang ating pinag-uusig na mga kapatid ay tumanggap sana ng tulong at kaaliwan buhat sa Diyos?

14 Tunay na angkop naman na ipanalangin nating ang ating mga kapatid na pinag-uusig ay tumanggap sana ng tulong at kaaliwan buhat kay Jehova. Sa distrito ng Asia, na kinaroroonan ng lunsod ng Efeso, si apostol Pablo ay ‘napasailalim ng sukdulang kagipitan, at nanganib pati buhay niya.’ Aba, baka siya’y nakipaglaban pa nga sa mababangis na hayop sa isang arena-sa Efeso! Gayunman, sinabi ni Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto: “Kayo man ay makatutulong din sa pamamagitan ng inyong panalangin para sa amin, upang dahil sa kaloob na may kabaitang ipinagkaloob sa amin nang dahil sa marami ay makapagpapasalamat ang marami alang-alang sa amin.” (2 Corinto 1:8-11; Gawa 19:23-41; 1 Corinto 15:32) Kung gayon, dapat nating ipanalangin na ang ating nagdurusang mga kapatid ay tumanggap sana ng tulong at kaaliwan buhat kay Jehova ngayon.—2 Corinto 1:3-7.

15. Ano ang magagawa natin para sa pinag-uusig na mga kapananampalataya natin kahit na kung tayo mismo ay nakabilanggo?

15 Ang ating mga kapuwa lingkod kay Jehova ay tiyak na nangangailangang ipanalangin natin pagka sila’y dumaranas ng pag-uusig, kahirapan o mga panganib. Sa ganiyang mga panahon, baka tayo ay malayo sa kanila at hindi natin matutulungan sila sa ano mang ibang paraan. Aba, baka tayo mismo ay nakabilanggo! Gayunman, malaking kabutihan ang magagawa natin sa pamamagitan ng pananalangin para sa ating mga kapananampalataya. Habang tayo’y nabubuhay, ang gayong panalangin ay hindi mahahadlangan ng ating mga kaaway. Maaari pa ngang iyon ay isang tahimik na pananalangin, subali’t tiyak na mabisa iyon.—Ihambing ang Nehemias 2:4-6.

Para sa Mainam na Kalusugan sa Espirituwalidad

16. Kasuwato ng 2 Corinto 13:7, paano natin maipananalangin ang ating mga kapuwa Kristiyano?

16 Angkop na manalangin din tayo na ang ating mga kapuwa Kristiyano ay ‘huwag magsigawa ng masama, kundi ng mabuti.’ (2 Corinto 13:7) Ang ganiyang maibigin at walang-imbot na panalangin ay nagpapakita na talagang ibig natin na sila’y patuloy na mabuhay sa ilalim ng paglingap ng Diyos. Si apostol Pablo ay sumulat: “Lagi naming idinadalangin kayo, upang kayo’y ariing karapat-dapat ng ating Diyos sa kaniyang pagkatawag sa inyo at ganaping may kapangyarihan ang bawa’t naisin niya sa kabutihan at gawa ng pananampalataya.” (2 Tesalonica 1:11) Ipinanalangin ni Epafras na ang mga Kristiyano sa Colosas ay “sa wakas makatayong sakdal at may matibay na katatagan sa lahat na kalooban ng Diyos.” (Colosas 4:12) Bagaman ang mga pananalitang iyan ay patungkol sa pinahirang mga Kristiyano, ang ating mga panalangin sa ngayon ay wastong makapagpapahayag ng ganiyan ding mga damdamin alang-alang sa lahat ng tapat na mga lingkod ni Jehova.

17. Anong mga panalangin ang angkop tungkol sa espirituwal na kalusugan ng ating mga kapatid?

17 Tayo’y makapananalangin tungkol sa espirituwal na kalusugan ng ating mga kapuwa mananamba. Kung ang iba’y may sakit sa espiritu, ang hinirang na matatanda ay wastong makapananalangin para sa kanila at kasama sila, na ang hinihiling ay gumaling sila sa kanilang espirituwal na mga sakit. Ang alagad na si Santiago ay sumulat: “Ang panalangin ng pananampalataya ay magpapagaling sa maysakit, at ibabangon siya ni Jehova.” (Santiago 5:13-16; 1 Samuel 12:18-25) Sa ating sarilinang mga panalangin ay maaari nating banggitin sa kanilang pangalan ang ating mga kapananampalataya at bigkasin natin na sana’y manatili silang “malusog sa pananampalataya.” (Tito 1:13; 2:1, 2) Mangyari pa, hindi natin dapat ipanalangin yaong mga kusang nagtatakwil sa inilaan ng Diyos na katubusan.—Hebreo 10:26-29.

Mga Pakinabang Kung Ipinapanalangin ang Isa’t Isa

18, 19. Ano ang ilan sa mapapakinabang natin kung ipinapanalangin natin ang isa’t-isa?

18 Maaaring matiyak natin na tayo’y maraming mapapakinabang kung ipananalangin natin ang isa’t isa sa atin. Halimbawa, sa ganoo’y magiging lalong mabunga ang ating mga panalangin. Ang pananalangin para sa ating mga kapananampalataya ay tiyak na lalong magpapabuti ng ating saloobin sa kanila. Oo, sa pamamagitan ng gayong mga panalangin ay malamang na tayo’y maging lalong matiisin, lalong magandang-loob, lalong mapagmahal, lalong may malasakit sa iba. Higit diyan, ang pananalangin para sa ating espirituwal na mga kapatid ay magpapakita kay Jehova na tayo’y interesado sa kaniyang organisasyon, sa mga aktibidades at kapakanan nito.

19 May malaking kaaliwan ang pagkaalam na ang ating espirituwal na mga kapatid ay nananalangin para sa atin, gaya rin natin na nananalangin para sa kanila. Kahanga-hangang matalos natin na ang ating mga panalangin para sa ating mga kapuwa saksi ni Jehova ay dinidinig ng “Dumirinig ng panalangin”! Kung gayon, upang patuloy na mapalawak ang intereses ng Kaharian habang itinataguyod natin ang pag-ibig at pagkakaisa sa gitna natin, ipanalangin natin ang isa’t isa sa atin.

Ano ang Sagot Mo?

□ Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay dapat na laging manalangin?

□ Ano ang magagawa para sa atin ng panalangin?

□ Bakit dapat nating ipanalangin ang isa’t isa?

□ Tungkol sa ating mga kapananampalataya, anong mga bagay ang maaari nating ipanalangin?

□ Ano ang ilang mga pakinabang kung ipinapanalangin natin ang isa’t isa?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 10]

Ipinapanalangin mo ba na ang iyong mga kapuwa saksi ni Jehova ay magtagumpay sa pangangaral ng balita ng Kaharian?