Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Kung ang anak ng isang matanda sa kongregasyon ay nagkasala nang malubha, iyan ba’y kusang nag-aalis ng pribilehiyo sa ama na maging isang matanda?
Ang isang kapatid na lalaki ay hindi ‘kusang naaalisan ng pribilehiyo’ sa paglilingkod bilang isang matanda kung ang kaniyang anak na minor-de-edad ay nagkasala nang malubha. Lahat ng mga bagay na kasangkot ay kailangang isaalang-alang sa pag-alam kung siya’y kuwalipikado.
Ayon sa Tito 1:6 ang isang matanda ay dapat na “walang kapintasan,” “may mga anak na sumasampalataya na hindi nagkasala ng gawang mahalay o magugulo.” (Ihambing ang 1 Timoteo 3:4) Ang mga Saksi ni Jehova ay sa pamantayang iyan sumusunod.
Sa gayon, Ang Bantayan ng Marso 1, 1984, ay nagdiin ng punto na ang isang matanda ay kailangang magsikap na pangalagaan ang emosyonal at espirituwal na mga pangangailangan ng kaniyang pamilya, ng kaniyang asawang babae at ng ano mang anak nila. Kung pabaya sa bagay na ito ang isang lalaki ay malamang na magkaroon ito ng masamang epekto sa kanila. Pagka hindi napangalagaan ang espirituwalidad ng bata at hindi siya nadisiplina, baka hindi siya sumulong sa espirituwal at mapasangkot sa malubhang pagkakasala. Ito’y mag-aalis sa pabayang ama ng pribilehiyo na maglingkod sa kongregasyon bilang isang hinirang na matanda, sapagka’t sinasabi ng 1 Timoteo 3:5: “Kung ang sino man ngang lalaki ay hindi marunong mamahala sa kaniyang sariling sambahayan, paano niya pangangalagaan ang kongregasyon ng Diyos?“
Isang mahaba-habang pagtalakay nito ang nasa pahina 31, 32 ng The Watchtower ng Pebrero 1, 1978. Ipinakikita nito kung bakit lahat ng bagay na kasangkot ay dapat isaalang-alang. Halimbawa, isang matanda ang regular na nakikipag-aral ng Bibliya sa kaniyang limang anak, naglilibang silang sama-sama, dinadala niya sila sa mga pulong Kristiyano at sinisikap niyang gampanan ang kaniyang mga pananagutan bilang isang amang Kristiyano. Ang apat na anak ay napabuti, nguni’t yaong isa ay laging isang problema, at sa huli’y nagkasala. Hindi iyan mag-aalis sa ama sa pagka-matanda kung iginagalang pa rin siya ng kongregasyon.
Marahil ay alam ng kongregasyon na ginawa ng kapatid ang lahat ng magagawa ng isang amang Kristiyano sa pag-aasikaso sa kaniyang pamilya. Kaya’t kung napasamâ ang isang anak, baka hindi nila isipin na ito’y kasalanan ng ama. Marahil ay naiintindihan nila na ang pagkakasala ni Judas Iscariote at ng anghel na naging si Satanas ay hindi dapat isisi kay Jesus o kay Jehova. Kailangan na ang kapatid na isang matanda ay patuloy na lubusang igalang ng kongregasyon upang ang kaniyang payo buhat sa Bibliya ay matanggap ng lahat doon at, sa pagkakita sa kaniyang iginagawi, kanilang matularan ang kaniyang pananampalataya.—Hebreo 13:7.
◼ Maaari bang ang isang Kristiyano’y magpalipat sa kaniyang sarili ng utak sa buto (bone-marrow), yamang ang dugo ay doon ginagawa sa utak na iyon?
Ang mga doktor ay nagsasagawa ng karamihan ng paglilipat ng utak sa buto (bone-marrow transplants) sa pamamagitan ng pagkuha ng kaunting utak sa buto (marrow) sa isang naghahandog nito (kadalasa’y isang malapit na kamag-anak) at saka itinuturok iyon o isinasalin sa pasyente. Inaasahan nilang ang utak ay makararating sa guwang ng buto ng pasyente at sa huli’y aandar iyon sa normal na paraan. Karaniwan nang ito’y sinusunod sa malulubhang kaso lamang (gaya ng aplastic anemia o acute leukemia) sapagka’t may mga panganib sa paghahanda sa isang tao para lipatan ng utak at sa paggamot sa kaniya.
Gaya ng tinutukoy na rin sa tanong, ang mapupulang
selula ng dugo ay nabubuo sa utak na nasa mga buto na gaya halimbawa ng tadyang, esternon at mga buto ng pelvis. Kaya, sa liwanag ng pagbabawal ng Bibliya ng dugo, bumabangon ang tanong na kung ang Kristiyano’y maaaring magpalipat sa kaniyang sarili ng utak sa buto na galing sa ibang tao.Malinaw na sinasabi ng Bibliya na ang mga lingkod ng Diyos ay kailangang ‘umiwas sa dugo.’ (Gawa 15:28, 29; Deuteronomio 12:15, 16) Subali’t yamang ang mapupulang selula ay nanggagaling sa mapulang utak ng buto, iyon ba ay kauri ng dugo, ayon sa Kasulatan? Hindi. Sa hayop, ang gayong utak ay binabanggit na gaya ng ano mang karne na maaaring kainin. Sa Isaias 25:6 ay sinasabi na ang Diyos ay maghahanda para sa kaniyang bayan ng isang piging na mayroong “matatabang bagay na puno ng utak.” Sa pagkakatay at pagpapatulo ng dugo ng hayop ay hindi tumatagos ang lahat ng dugo sa utak na iyon. Nguni’t minsang makatulo na ang dugong kinatay na hayop, maaari nang kainin ang laman, pati ang gayong utak.
Ang utak sa buto na ginagamit sa transplants ay galing sa mga taong buhay, at ang utak na iyon ay baka may kasamang kaunting dugo. Kaya, ang Kristiyano ang dapat magpasiya para sa sarili niya kung—sa kaniya—ang ililipat na iyon ay wala kundi laman o tisyu na hindi pinatagas ang dugo. At yamang iyon ay isang anyo ng transplant, kailangang isaalang-alang ang Kasulatan sa paglilipat sa iba ng mga sangkap ng tao. Tingnan ang “Questions From Readers” sa labas namin ng Marso 15, 1980. Sa isinulat sa Harrison’s Principles of Internal Medicine (Update I, 1981, pahina 138), binanggit ni Dr. D. E. Thomas na “halos lahat ng tumatanggap ng marrow transplants ay mangangailangan na salinan ng platelet” at marami ang binibigyan ng “packed red blood cells.” Kaya’t dapat isaalang-alang ng Kristiyano ang karagdagang mga suliranin na kasasangkutan niya kung tatanggap siya ng gayong paglilipat.—Kawikaan 22:3.
Ang may katawan ang dapat magpasiya sa bagay na ito, at ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa dugo at sa utak sa buto (marrow) ay malaki ang maitutulong sa kaniya.