Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Huwag Kalilimutan na Ikaw ay Isang Saksi!

Huwag Kalilimutan na Ikaw ay Isang Saksi!

Huwag Kalilimutan na Ikaw ay Isang Saksi!

“‘Kayo ang aking mga saksi,’ sabi ni Jehova, ‘at ako ang Diyos.’”—ISAIAS 43:12.

1. Ano ang pinakadakilang pribilehiyo na maaaring tamasahin ng sino mang tao sa lupa? (b) Ano ba ang kahulugan ng salitang “saksi”?

 WALA nang lalong dakilang pribilehiyo sa lupa kaysa pagiging isang saksi para sa tunay na Diyos, si Jehova. Ang saksi ay “isang nagpapatotoo sa isang kapakanan o sa harap ng isang hukuman.” (Webster’s New Collegiate Dictionary) Si Jesu-Kristo ang nagpatotoo sa pinakadakilang kapakanan sa buong sansinukob—yaong sa Diyos na Jehova. “Bilang isang saksi,” ang sabi ng Bibliya, si Jesus ay “gumawa ng mainam na pangmadlang pagpapahayag sa harap ni Poncio Pilato.” (1 Timoteo 6:13) At nang siya’y nililitis, ano ba ang sinabi niya sa Romanong gobernador na ito?

2. Ano ba ang pinatotohanan ni Jesu-Kristo?

2 Bilang sagot sa tanong na iniharap sa kaniya, sinabi ni Jesus: “Ikaw na rin ang nagsabi na ako’y hari. Dahil dito kaya ako inianak, at dahil dito kung kaya ako naparito sa sanlibutan, upang ako’y magpatotoo sa katotohanan.” (Juan 18:37) Oo, niliwanag ni Jesus na siya’y naparito sa sanlibutan upang magpatotoo sa katotohanan ng Diyos. Ang isang bahagi niyan ay pagpapatotoo sa kaniyang posisyon bilang Mesiyanikong Hari. Si Jesus ay nagpatotoo rin sa pangalan ng Diyos, na Jehova. Kaya, sa panalangin sa kaniyang Ama sa langit, naaring sabihin ni Jesus: “Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan.” (Juan 17:6) Hanggang sa oras ng kaniyang kamatayan bilang isang tao, batid ni Jesus ang kaniyang obligasyon na maging saksi para kay Jehova. Oo, hindi kinalimutan ni Jesus na siya’y isang saksi.

Halimbawa ng “Saksing Tapat at Totoo”

3. (a) Sino “ang saksing tapat at totoo”? (b) Ano ba ang nangyari sa kongregasyon sa Laodicea, at anong payo ang ibinigay roon ni Jesus?

3 Tapat at masigasig na ginampanan ni Jesus ang kaniyang atas bilang saksi para kay Jehova. At dito’y nagpakita siya ng napakagaling na halimbawa para sa nag-alay ng mga Kristiyano. Kapuna-puna rin ang payo ni Jesus sa kongregasyon sa Laodicea. Marahil ang kongregasyong ito ay nadaig ng materyalistikong mga hangarin kaya naging “malahininga” sa pagpapatotoo kay Jehova at sa Mesiyanikong Kaharian. Kaya’t ipinayo ni Jesus na sila’y “maging masigasig at magsisi.” Ganito ang pambungad ng kaniyang payo sa kongregasyong ito: “Ito ang mga bagay na sinasabi ng Amen, ang saksing tapat at totoo.”—Apocalipsis 3:14-19.

4. (a) Bakit ang kaniyang sarili’y tinawag ni Jesus na ang “Amen”? (b) Nais ni Jesus na huwag kalilimutan ng mga Kristiyano sa Laodicea ang ano?

4 Una, ang tawag ni Jesus sa kaniyang sarili ay ang “Amen.” Bakit? Sapagka’t siya’y sinugo ni Jehova bilang ang “Amen” (ang ibig sabihin, “siya nawa”) sa lahat ng kinasihang pangako. Si Jesus ang isa na nagpapapangyaring matupad ang mga pangako ng Diyos. (2 Corinto 1:20) Pagkatapos, ipinakikilala ni Jesus ang kaniyang sarili bilang “ang saksing tapat at totoo.” Bakit? Upang sa kaniya tumingin ang kongregasyon bilang kanilang halimbawa at sa gayo’y tumanggap ng pangganyak na pagsisihan ang kanilang mga kahinaan at “maging masigasig” uli sa pagpapatotoo para kay Jehova. Nais ng Anak ng Diyos na ang mga Kristiyanong iyon sa Laodicea ay huwag kalilimutan na sila’y dapat na maging mga saksi ng Diyos at ng kaniyang Mesiyanikong Kaharian.

5. Papaanong si Jesus ay isang halimbawa para sa mga Saksi ni Jehova ngayon?

5 Ibig ni Jesus na lahat ng kaniyang mga alagad ay maging tapat at masisigasig na mga saksi hanggang sa mismong katapusan ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay. “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa,” ang sabi ni Jesus, “at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14; Gawa 1:6-8) Sa kaniyang ginawa at kaniyang sinalita, “ang saksing tapat at totoo” ay isang nakapagpapatibay-loob na halimbawa para sa tunay na mga Kristiyanong saksi ni Jehova ngayon. Kanilang kinikilala ang kanilang dakilang pribilehiyo bilang mga tagapagtaguyod ng banal na pangalan at mga tapat na lingkod ni Jehova na nagsasa-puso ng kaniyang mga salita: “Kayo ang aking mga saksi . . . at ako ang Diyos.”—Isaias 43:10-12.

Bakit Kailangang Huwag Makakalimot

6. (a) Tungkol sa espirituwal na liwanag, anong pribilehiyo mayroon ang mga saksi ni Jehova? (b) Anong mga tanong ang maitatanong natin sa ating sarili?

6 Kung isa kang nag-alay at bautismadong saksi ni Jehova, maging laging gising sa iyong dakilang pribilehiyo na maglingkod sa pinakamataas na Persona sa sansinukob. Tandaan na “ang Saksing Tapat” “ang ilaw ng sanlibutan.” (Apocalipsis 1:5; Juan 8:12) Kung gayon, lahat ng mga Saksi ni Jehova ay kailangang magpasikat ng liwanag tungkol sa mga layunin ng Diyos. Kung paanong tiwali na ang isang ilawan ay ilagay sa ilalim ng isang basket imbis na sa isang kandelero, hindi rin makatuwiran na itago ng isang tunay na Kristiyano ang kaniyang liwanag. Kailangang pasikatin niya ang kaniyang liwanag upang lahat ng lalapit sa kaniya ay makinabang sa espirituwal na liwanag na kaniyang pinakikinabangan din. Kaya nga, ipinayo ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.” (Mateo 5:14-16) Bilang isang organisasyon, ang mga Saksi ni Jehova ngayon ay tanyag sa buong globo—sila’y katulad ng isang siyudad sa taluktok ng bundok na nagsasabog ng liwanag sa buong palibot. Subali’t ikaw ba sa ganang sarili mo’y nagpapasikat ng iyong liwanag sa lahat ng panahon? Ikaw ba’y laging palaisip sa iyong pribilehiyo bilang isang Saksi ni Jehova?

7. Ano ang isang mahalagang dahilan kung bakit hindi natin dapat kalimutan na tayo’y mga saksi ni Jehova?

7 Bakit hindi natin dapat kalimutan na tayo’y mga saksi ni Jehova? Ang isang pangunahing dahilan ay sapagka’t nabubuhay tayo sa isang daigdig na kung saan ang mga kagipitan ng araw-araw na pamumuhay, ang mga kabalisahan sa buhay at ang napakaraming mga dibersiyong libangan ay madaling makagagambala sa atin sa pagsasalita ng tungkol sa tunay na Diyos at sa kaniyang mga layunin. Para rin sa ikabubuti natin at upang magsilbing babala, ipinayo sa atin ni Jesus: “Manatiling nakabantay, . . . patunayan ninyong kayo’y handa, sapagka’t sa oras na hindi ninyo iniisip, darating ang Anak ng tao.” (Mateo 24:42-44) Bakit may ganitong mainam na babala? Sapagka’t ang hindi pananatiling nakabantay ay baka humantong sa kapahamakan—oo, kapahamakan para sa mga taong madadatnang hindi handa pagka sumapit na ang pagpaparusa ni Jehova sa sistemang ito ng mga bagay.—Apocalipsis 19:11-21.

8, 9. Paano tayo makikinabang sa ating pagsasaalang-alang sa mga taong abala sa gawain at sa kung anu-ano noong kaarawan ni Noe?

8 Isip-isipin lamang ang nangyari noong kaarawan ni Noe. Aba, napakarami ang pinagkakaabalahan noon kung kaya’t hindi pinansin ng mga tao ang pangangaral ni Noe at ang kaniyang pagtatayo ng daong! Sila’y “hindi nagbigay ng pansin,” nahuli silang hindi handa dahilan sa kanilang mga pinagkakaabalahan at sila’y nangapuksa.-Mateo 24:36-39.

9 Kung gayon, tayo ba’y padadala sa maraming pinagkakaabalahan ng sanlibutan at mga dibersiyon nito? Yamang ang lubusang pagpapadala natin sa mga ito ay humahadlang sa pagtupad natin ng ating mga obligasyon bilang mga tagasunod ni Jesus at maaaring humantong ito sa kapahamakan, patunayan natin na tayo’y laging gising. Kung tayo’y patuloy na handa, hindi natutulog sa pagtupad ng ating mga pananagutan, hindi tayo mapaparamay sa pagkalipol ng mga taong abala sa sanlibutang ito.-Lucas 17:26-30; 21:34-36.

10. Ano ang mahalagang atas sa lahat ng tunay na Kristiyano?

10 Kaya’t huwag nating kalilimutan na tayo’y may mahalagang atas na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Marcos 13:10) Sinuman tayo o ano man ang gawaing ginagampanan natin sa organisasyon ni Jehova, may pananagutan tayo na ipahayag sa iba ang ating pag-asa. (Roma 10:10; 1 Corinto 9:16) Sa maraming bansa ay malayang nakapagbabahay-bahay tayo ng pagdadala sa kanila ng balita ng Kaharian. Subali’t sa mga bansang mayroon nitong kalayaan sa pangangaral, ang mga tao’y baka mapagwalang-bahala sa relihiyon, at baka hindi mo gaanong makausap ang mga tao sa kanilang mga bahay. Kung gayon, ikaw ay kailangang laging handa na samantalahin ang mga iba pang pagkakataon na mapasikat ang iyong liwanag.

11. Tungkol sa paglilingkod kay Jehova ano ang ipinakikita ng bagay na ang mga tagasunod ni Jesus ay kabilang sa “Daan”?

11 Bagaman mayroon kang mga tiyak na panahon na iniuukol sa pakikibahagi sa mga ilang bahagi ng gawaing pagpapatotoo, ang nag-alay na lingkod ni Jehova ay dapat pumupuri sa kaniya sa salita at sa gawa sa lahat ng panahon. Ginagawa mo ba ito? Ang mga unang tagasunod ni Jesus ay tinutukoy na kabilang sa “Daan.” (Gawa 9:1, 2) Samakatuwid hindi lamang mga ilang oras sa isang buwan ang ipinaglilingkod nila sa Diyos. Ang kanilang paglilingkod ay isang paraan ng pamumuhay! Tayo ba’y nakakatulad ng mga Kristiyano noong unang siglo kung tayo’y di-palagiang mga mamamahayag ng Kaharian na bihirang makibahagi sa pagpapatotoo? May katuwiran bang matatawag natin ang ating sarili na mga Saksi ni Jehova kung wala tayong gaanong nasasabi o walang-wala tayong nasasabi sa iba tungkol sa ating pag-asa?

Paggamit ng Panahon Natin Upang Tulungan ang Iba

12, 13. (a) Papaano natin mapatitibay ang ating sarili sa espirituwal? (b) Bakit dapat tayong mag-ingat ng isang rekord ng mga interesadong natatagpuan natin sa ministeryo sa larangan?

12 Kailangang gamitin natin nang may katalinuhan ang panahon natin kung ibig nating matulungan ang iba tungkol sa daan na patungo sa buhay na walang hanggan sa matuwid na Bagong Kaayusan ng Diyos. Nguni’t upang makatulong tayo sa iba kailangang patibayin natin ang ating sarili. Kailangang regular na kumain tayo ng espirituwal na pagkain at patibayin natin ang ating sarili sa pananampalataya. Huwag tayong makontento na maging “mga sanggol” lamang, kailangang tayo’y “sumulong tungo sa pagkamaygulang.” (Efeso 4:14; Hebreo 6:1) Sa ating regular na pagpapatotoo sa bahay-bahay, isinabalikat ba natin ang karagdagang pananagutan na subaybayan ang mga taong tulad-tupa? Pagka ang mga tao’y nakinig sa ating pabalita buhat sa Bibliya o kaya’y nagpakita ng interes sa Salita ng Diyos at sa kaniyang Kaharian, ano ba ang ginagawa natin? Tayo ba’y may malasakit na mag-ingat ng rekord ng kaniyang pangalan at direksiyon at ng paksa na pinag-usapan natin, at pagkatapos ay subaybayan ang interes niya sa katotohanan?

13 Kung tayo’y alisto sa espirituwal, makagagawa tayo ng mga pagkakataon upang maipangaral ang Salita ng Diyos ano mang oras, saanman. Sana’y gawin natin ito nang may kagalakan, at nag-uumapaw ang ating mga puso sa mga bagay na natutuhan natin sa ating Dakilang Instruktor, si Jehova.—Isaias 30:20, 21.

Maging Alisto sa Impormal na Pagpapatotoo

14. (a) Sa pamamagitan ng anong uri ng pagpapatotoo natutuhan ng iba ang katotohanan ng Diyos? (b) Ang impormal na pagpapatotoo ba ay dapat humalili sa iyong regular na ministeryo sa larangan?

14 Ang iba ay natututo ng katotohanan ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga kamag-anak, mga kaibigan, kasamahan sa trabaho, kapitbahay at iba pa. Halimbawa, sa isang grupo ng 238 bautismadong mga Saksi, 40 porciento ang natuto ng katotohanan sa Bibliya sa pamamagitan ng impormal na pagpapatotoo. Mangyari pa, ito’y hindi dapat humalili sa ministeryo sa larangan, ang iyong regular na pagpapatotoo sa bahay-bahay o sa mga pagdalaw muli, at iba pa.—Gawa 5:42; 20:20.

15. Anong uri ng halimbawa ang ipinakita ni Jesus kung tungkol sa impormal na pagpapatotoo?

15 Gayunman, si Jesus, “ang saksing tapat at totoo,” ay nagpakita sa atin ng mainam na halimbawa sa impormal na pagpapatotoo. Halimbawa, “samantalang dumaraan” si Jesus, siya ay nakakita ng “isang taong nagngangalang Mateo na nakaupo sa paningilan ng buwis” at kaniyang kinausap ito na taglay ang mabuting resulta. (Mateo 9:9) Isa pa, sa isa pang pagkakataon, bagaman si Jesus ay napapagod kaniyang sinamantala ang pagkakataon na magsalita ng katotohanan sa isang babae na sasalok ng tubig sa isang balon sa Sicar. Ang pag-uusap na iyon ang nagbukas ng daan upang maraming Samaritano ang sumampalataya kay Jesus bilang ang Mesiyas.—Juan 4:5-30, 39-42.

16. Anong mainam na halimbawa ang ipinakita ni apostol Pablo sa pagpapatotoo?

16 Si apostol Pablo ay nagsamantala rin sa bawa’t pagkakataon upang magsalita tungkol sa Salita ni Jehova. Nang siya’y nasa Atenas, siya’y nangangaral “araw-araw sa pamilihan sa mga taong naroroon.” (Gawa 17:17) At nang siya’y nakakulong sa bahay nang siya’y nasa Roma, ang apostol ay “tumatanggap nang may kabaitan sa lahat ng nagsasadya sa kaniya, at ipinangangaral sa kanila ang kaharian ng Diyos at itinuturo ang mga bagay na tungkol sa Panginoong Jesu-Kristo nang may buong kalayaan sa pagsasalita.” (Gawa 28:30, 31) Anong inam na lahat na ito ay mag-uudyok sa atin na huwag kaligtaan ang ano mang mga pagkakataon na magpatotoo tayo!

17. Bukod sa regular na ministeryo sa larangan, ano pa ang mga pagkakataon upang tayo’y makapagpatotoo sa iba?

17 Bukod sa ating regular na ministeryo sa larangan, mayroon pang mga ibang pagkakataon upang tayo’y makapagpatotoo. Ang ating mga kamanggagawa, mga kamag-aral, kamag-anak at mga kakilala ay pawang kinakailangang makarinig ng tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga layunin. Pagka tayo’y nagbibiyahe sa bus, sa eroplano o sa tren, baka magkaroon tayo ng pagkakataon na makipag-usap na hahantong sa pagpapatotoo sa Kaharian. Baka maibahagi rin natin ang “mabuting balita sa mga manedyer ng otel at motel, sa mga attendant sa mga gasolinahan, sa mga manggagawa sa restauran o sa mga tsuper ng taksi. Samantalang nasa bahay baka tayo makapagpatotoo sa mga ahenteng nagbebenta o mga tagapagrasyon. Aba, kahit na kung tayo’y pasyente sa ospital, baka tayo’y makapagpatotoo sa mga narses, sa mga doktor at sa mga kapuwa pasyente! Samantalang sila’y nagpapagaling ng sakit sa isang ospital, maraming saksi ni Jehova ang nakatulong sa mga ibang pasyente na makaalam ng tungkol sa Bagong Kaayusan ng Diyos na doo’y sakdal na kalusugan ang tatamasahin ng mga tao.

18. (a) Ano ang ipinapayo kung ikaw ay nag-aatubili na samantalahin ang mga pagkakataon na makapagpatotoo? (b) Sa pagpapatotoo sa mga kamag-anak at mga kakilala, anong mga katangian ang dapat na ipakita natin?

18 Anong pagkahala-halaga nga na bilang isa sa mga Saksi ni Jehova ay ipangaral mo ang Kaharian sa lahat ng pagkakataon! Sa madali’t-sabi, huwag mong kalilimutan na ikaw ay isang saksi! Nguni’t sakaling nag-aatubili ka kung may pagkakataon kang magpatotoo, ano ang dapat mong gawin? Manalangin ka na magkaroon ka sana ng lakas ng loob na salitain ang katotohanan. Aani ka ng saganang pagpapala na kung hindi ka gumawa ng gayon ay nakalampas marahil. (Ihambing ang Gawa 4:29-31.) Siempre pa, ang pagpapatotoo sa mga kamag-anak at mga kakilala ay baka medyo madali-dali. Subali’t ikaw ay maging mataktika, mabait at matiyaga ng pakikitungo sa kanila, na hindi nagmamalabis dahilan sa kilalang-kilala mo sila. Magkaroon ka ng malayuang pangmalas at unti-unti na patibayin mo sila sa pagpapahalaga sa katotohanan ng Bibliya.

Mainam na Asal—Bahagi ng Paraan ng Ating Pagpapatotoo

19. Ano ba ang kaugnayan ng ating pagpapatotoo at ng ating asal?

19 Hindi lahat ng ating pagpapatotoo ay berbal. Pinag-ugnay ni apostol Pablo ang mainam na asal at ang pagpapasikat ng liwanag. Kaniyang pinayuhan ang mga Kristiyano sa Filipos na ‘patuloy na gawin ang lahat ng bagay na walang mga bulung-bulong at pagtatalo, upang kayo’y maging walang sala at walang malay, mga anak ng Diyos na walang dungis sa gitna ng isang lahing liko at masama, na sa gitna nila’y lumiliwanag kayong tulad sa mga ilaw sa sanlibutan.’ (Filipos 2:14, 15) Sa isang sanlibutan na liko ang asal at madilim, ang saksi ni Jehova ay kailangang sumikat nang buong ningning. Oo, ang tapat na Kristiyano ay nagpapabanaag ng salitang katotohanan sa pamamagitan ng berbal na pagpapatotoo at sumisikat siya dahilan sa kaniyang mainam na kalinisang-asal. Harinawang lahat ng mga Saksi ni Jehova ay magpakitang sila’y tapat na mga tagapagdala ng liwanag sa pamamagitan ng paraan ng kanilang pamumuhay at ng mga salitang katotohanan sa Kasulatan na kanilang sinasalita!

20. Papaano maaaring maapektuhan ang iba ng ating mainam na asal?

20 Ang punto ring iyan ang idiniriin ni apostol Pedro nang siya’y sumulat: “Ingatan ninyong mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa, upang dahilan sa inyong mabubuting gawa na kanilang nakikita ay luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagsisiyasat.” (1 Pedro 2:12) Mangyari pa, hindi lahat ay luluwalhati sa Diyos at magiging mga Saksi ni Jehova sa araw ng kaniyang pagsisiyasat. Ang karamihan ay hindi papanig sa Mesiyanikong Kaharian ng Diyos at magtataguyod ng matataas na pamantayan nito sa asal. Subali’t mayroong mga ilang tulad-tupang mga tao na makakasaksi sa atin na tayo’y kumakatawan sa tunay na pagka-Kristiyano. Sila’y hahanga sa ating mainam na asal, at makikisama sila sa atin sa pangangaral ng “mabuting balita ng kaharian.” (Mateo 24: 14) Anong laki ng ating kagalakan pagka sila’y sumama sa atin ng pagluwalhati kay Jehova bilang kaniyang mga saksi!

21. Taglay ang anong saloobin dapat gawin ng mga Saksi ni Jehova ang kalooban ng Diyos?

21 Kung gayon, buong pusong gawin ang gawain at kalooban ni Jehova. (Mateo 22:37) Tantuin na ang isang Saksi ni Jehova ay dapat na pumupuri sa Diyos sa lahat ng panahon. “Purihin ninyo si Jah, ninyong mga tao! Purihin mo si Jehova, Oh kaluluwa ko. Pupurihin ko si Jehova habang ako’y nabubuhay.” (Awit 146:1, 2) Oo, ‘purihin mo si Jehova habang ikaw ay nabubuhay.’ At lalawig ang buhay na iyan nang walang hanggan, kung hindi mo kalilimutan kailanman na ikaw ay isang saksi.

Ano ba ang Sagot Mo?

◻ Ano ang pinakadakilang pribilehiyo na maaaring tamasahin ng sino mang tao sa lupa?

◻ Papaanong si Jesu~Kristo ay isang halimbawa para sa mga saksi ni Jehova ngayon?

◻ Ano ang mahalagang atas ng lahat ng mga Saksi ni Jehova?

◻ Ang iyo bang regular na ministeryo sa larangan ay dapat halinhan ng impormal na pagpapatotoo?

◻ Ano ba ang kaugnayan ng ating asal at ng ating pagpapatotoo?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 19]

Hindi kailanman kinalimutan ni Jesus na siya’y isang saksi para kay Jehova

[Larawan sa pahina 21]

Masigasig na magpatotoo ka sa regular na ministeryo sa larangan at impormal na paraan