Manatili sa Matatag na Pananampalataya
Manatili sa Matatag na Pananampalataya
“Hanggang kailan kayo mag-aalinlangan?”—1 Hari 18:21, The New English Bible.
1. Paano ba apektado ng katotohanan ang ilang mga tao?
ANG hilig na mag-alinlangan, na totoong karaniwan ngayon, ay maaaring makaapekto sa ating sariling saloobin sa Diyos at sa Bibliya. May mga taong nakikinig sa katotohanan, nagugustuhan ito at nag-aaral sandali ng Bibliya. Sila’y dumadalo sa mga ilang pulong Kristiyano nguni’t hindi nila talagang nauunawaan ang katotohanan na ang paglilingkod sa Diyos ang dapat na maging kanilang layunin sa buhay.—Mateo 13:3-9.
2. (a) Paano naman apektado ang iba? (b) Anong mainam na payo ang nasa Hebreo 10:36-39?
2 Mayroong mga iba naman na tumanggap sa katotohanan, nag-alay ng kanilang buhay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo at kanilang sinagisagan ang pag-aalay na iyon ng pagpapabautismo sa tubig. Subali’t sila’y hindi sumusulong. Manakanaka na gumugugol sila ng isa o dalawang oras sa ministeryo sa larangan. Subali’t hindi sila talagang namumuhay nang ayon sa kanilang pag-aalay, sapagka’t ang pagiging walang pasubali ng pag-aalay sa Diyos ay nangangahulugan ng pagiging lubusan at masikap na nakatalaga sa kaniya.—Mateo 16:24; Hebreo 10:36-39.
3. Ano ba ang sinabi ni Elias tungkol sa isang medyo nakakatulad na kalagayan?
3 Ang nag-aalanganing mga tao ay marahil nagkakagusto rin sa katotohanan, nguni’t gusto rin nila ang sanlibutan. Baka inaasam-asam pa rin nila ang ilan sa mga dating gawi. Sila’y urung-sulong. Noong sinaunang panahon, itinanong ni Elias sa mga Israelita: “Hanggang kailan ba kayo mag-uurung-sulong sa dalawang nagkakaibang opinyon? Kung si Jehova ang tunay na Diyos, humayo kayo’t sumunod sa kaniya; subali’t kung si Baal, humayo kayo’t sumunod sa kaniya.” Ganito ang pagkasalin ng iba: “Hanggang kailan kayo mag-aalinlangan?”—1 Hari 18:21; NE.
4. Ano ba ang mapapakinabang sa masigasig na paglilingkod?
4 Ang bayan ni Jehova ay may kagalakan at kaaliwan sa masigasig na paglilingkod. (Tito 2:13, 14) Sa ganito’y nakapananatili silang masigla sa espirituwalidad. Marami, lalo na yaong mga matatagal na sa paglilingkod sa Diyos, ang makikitaan ng kapuna-punang sigasig. Subali’t ang mga ulat na galing sa maraming lugar ay nagpapahiwatig na ang ibang mga nakababata o mga baguhan ay naaakit pa rin ng sanlibutan, imbis na buong pusong makibahagi sa paglilingkuran kay Jehova. Isip-isipin lamang ang mga kagalakan at pagpapala na makakamtan nila kung sila’y mahigpit na nakakapit sa katotohanan at puspusang nakikibahagi sa banal na paglilingkod, marahil bilang buong-panahong mga payunir, na buong sigasig na itinitimo sa kaisipan ng iba ang ating nag-aapurang panahon.
5. Anong mga tanong ang baka mabuting itanong mo sa iyong sarili?
5 Baka mabuting tanungin mo ang iyong sarili: Talaga kayang matatag ako sa pananampalataya, o ako’y urung-sulong? Hinahayaan ko bang ang mga bagay na kawili-wili nguni’t hindi gaanong mahalaga ang umubos ng aking panahon? Ako ba’y gumugugol ng mas malaking panahon sa panonood ng telebisyon, sa pagkahilig sa sports o paggawa ng iba pang nakalulugod nguni’t pang-ubos-panahon na gawain kaysa ginagamit ko sa paglilingkod sa Diyos? O ang mapagpakumbabang pagsunod at paglilingkod sa Diyos ang tunay na layunin ko sa buhay? Kung ang pagsasagawa ng banal na kalooban ang layunin mo sa buhay, ikaw ay sasang-ayunan ng Diyos, at ikagagalak mo ang kaniyang mga pagpapala magpakailanman.
6. Anong payo buhat sa liham ni Santiago ang makatutulong sa atin na manatili sa matatag na pananampalataya?
6 Mahalaga na gumawa ng tiyakang mga hakbang upang mapanatiling matatag ang iyong pananampalataya na ang isinasaalang-alang ay buhay na walang hanggan sa Bagong Kaayusan ng Diyos. Sa iba’y ipinayo ni Elias sa sila’y gumawa ng tahasang paninindigan sa bagay na matuwid. Si Santiago ay sumulat: “Ipasakop ninyo ang inyong sarili, samakatuwid, sa Diyos; nguni’t salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya sa inyo. Magsilapit kayo sa Diyos, at siya’y lalapit sa inyo. Maglinis kayo ng inyong kamay, kayong makasalanan, at dalisayin ninyo ang inyong puso, kayong may dalawang akala.” Ang sinulatan dito ni Santiago ay yaong mga kinakailangan na mangagsisi sapagka’t ang kanilang pusong may dalawang akala ay umaakay sa kanila na gumawa ng mga gawaing hindi nakalulugod sa Diyos. Ang kaniyang payo ay makatutulong kung sakaling naaakit ka sa mga lakad ng sanlibutan. Sumulat si Santiago: “Kayo’y magbigay-daan sa kalungkutan at magdalamhati at magsitangis. Inyong palitan ang inyong pagtawa ng pagdadalamhati, at ang inyong kagalakan ng kalumbayan. Magpakumbaba kayo sa paningin ni Jehova, at itataas niya kayo.”—Santiago 4:7-10.
Pinatitibay ng Kaalaman ang Pananampalataya
7. (a) Papaano ba magkaugnay ang kaalaman at pananampalataya? (b) Bakit dapat mong gamitin ang Bibliya sa pagpapatibay ng pananampalataya?
7 Ang pananampalataya ay isang gawang pagtitiwala. Ito’y nakasalig sa tumpak na kaalaman at karanasan. Mientras marami kang alam tungkol sa Diyos at mientras marami kang karanasan sa kaniyang Salita at sa kaniyang mga daan, lalo namang lalakas ang iyong pananampalataya. Sinasabi ng Bibliya: “Ang pananampalataya ang tiyak na pag-asa sa mga bagay na hinihintay.” (Hebreo 11:1) Papaanong ang iyong pananampalataya ay magiging tiyak kung mababaw lamang ang kaalaman mo tungkol sa mga ginawa ni Jehova? Binigyan ka ng Diyos ng isip, talino at kakayahan na makaunawa. Ito’y mga regalo, at kaniyang inaasahan na gagamitin mo ang mga ito ng pagkatuto tungkol sa kaniya. Kung susulat ka ng liham kaninuman, inaasahan mong babasahin niya iyon, hindi ilalagay lamang sa aparador o iiwanan sa lamesa upang magsilbing palamuti. Iyo bang nabasa na at napag-aralan ang mga liham sa atin ng Diyos—ang kaniyang nasusulat na Salita? Sa pag-aaral at pag-unawa nito ay may malalaman kang mga bagay na hindi mo malalaman kung sa ibang paraan. Kailangan na tandaan ang kahalagahan ng impormasyon na nakukuha sa Bibliya. Isang Kristiyanong hinirang na matanda ang nagsabi: “Ang mga taong nagpapahayag ng pag-aalinlangan ay karaniwan nang hindi gaanong nag-aaral. Wala silang gaanong nalalaman tungkol sa Bibliya—talagang hindi nila ginagawang sarili nila ang katotohanan.”
8. Ano ba ang ipinapayo pagka mayroong sinuman na nagbangon sa iyo ng tanong na hindi mo masagot?
8 Pagka ang sinuman ay magbangon ng tanong na hindi mo masagot, dapat bang lumigalig ito sa iyong pananampalataya? Siempre hindi. Walang sinumang nakakaalam ng lahat ng bagay. Kung gayon, magsaliksik ka. Suriin ang teksto. Basahin ang nakapaligid na mga teksto at patunayan ang bagay na iyon. Ang Comprehensive Concordance of the New World Translation of the Holy Scriptures, ang aklat na Aid to Bible Understanding at ang Watch Tower Publications Indexes ay makakatulong sa iyo sa paghahanap sa kaugnay na mga teksto, mga impormasyon na may kinalaman doon at sa pagtalakay sa paksa. Makatutulong din ang mga Kristiyanong may higit na karanasan. Isang Saksi na may marami nang taon na karanasan ang nagsabi: “Laging natatamo ko ang kasiya-siyang sagot.”
9. Ano ang maaari nating matutuhan buhat sa halimbawa ng mga taga-Berea?
9 Tayo’y dapat na maging katulad ng mga taga-Berea na tinutukoy sa Bibliya na lalong higit na mararangal sapagka’t kanilang “maingat na sinisiyasat sa araw-araw ang Kasulatan” upang tiyakin na ang itinuturo ni apostol Pablo ay totoo. At hindi naman sila nabigo sa kanilang natagpuan. Sa gayon, “marami sa kanila ang naging mga mananampalataya.” Isa sa kanila, na nagngangalang Sopater, ay nagkapribilehiyo na makasama ni Pablo sa paglalakbay sa Macedonia sa ikatlong paglalakbay misyonero ng apostol na iyan.—Gawa 17:10-12; 20:4.
Kailangan ang Pagpapakumbaba
10. (a) Papaanong ang kaalaman ay maaaring magamit sa maling paraan? (b) Sa palagay mo, ano ang dapat na maging epekto sa ating saloobin ng Kawikaan 16:5?
10 Ang kaalaman ay hindi siyang tanging layunin natin. Sa halip, ito’y isang kagamitan na dapat tumulong sa atin na magpahalaga sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Salita. Ang tumpak na kaalaman, lakip na ang pag-ibig, ang dapat umakay sa atin sa pagpapakumbaba, at hindi sa matayog na pagkakilala natin sa ating sarili. May mga taong nag-aaral, hindi upang matuto kung paano maglilingkod sa Diyos sa lalong mainam na paraan, kundi upang itaas ang kanilang sarili at ang kanilang sariling mga opinyon. Marahil nadadala sila ng kahambugan at kanilang pinipintasan ang iba—ang mga nakatatandang kapatid at maging ang kongregasyong Kristiyano man at ang mga katotohanan sa Bibliya na itinuturo nito.—Kawikaan 16:5; 1 Corinto 8:1.
11. Saan ba nanggaling ang ating kaalaman at talino, at ano ang dapat ituro nito sa atin tungkol sa pagpapakumbaba?
11 Datapuwa’t, wala naman tayong anuman na hindi nanggaling sa iba. Ang ating talino ay namana natin sa ating mga magulang, subali’t sa unang-una pa ay ibinigay iyan sa tao ng ating Maylikha, ang Diyos na Jehova. Ang kaalaman natin ay ating nakamit sa pamamagitan ng mga tumulong sa atin, buhat sa mga bagay na ating nabasa at sa Diyos na pinagmulan ng katotohanan. Oo, lahat ng bagay na taglay natin ngayon ay sa unang-una pa’y nanggaling sa Diyos. Ang apostol ay sumulat: “Sapagka’t sino ang gumawa upang ikaw ay mapatangi sa iba? Oo nga, ano ang nasa iyo na hindi mo tinanggap? Kung gayon na tinanggap mo pala, bakit mo ipinagmamapuri na para bang hindi mo tinanggap?”—1 Corinto 4:7.
12. Anong mahalagang punto ang inihaharap ng Awit 25:9 at Santiago 4:6?
12 Tayo’y hindi hinahatulan ni Jehova sa pamamagitan ng talino na ating minana kundi ng ating pagpapakumbaba at ng ating pagsang-ayon na matuto ng kaniyang daan at sundin iyon. Magkasama ang pagpapakumbaba at ang pananampalataya. Sinasabi ng Bibliya na “ang maaamo” ang tuturuan ng Diyos ng kaniyang daan. Sinasabi rin nito: “Ang Diyos ay sumasalansang sa mga mapagmataas, nguni’t siya’y nagbibigay ng di-sana nararapat na awa sa mga mapagpakumbaba.”—Awit 25:9; Santiago 4:6.
13. Ano ba ang mga ilang halimbawa ng mga taong nagpakita na sila’y naitutuwid?
13 Bahagi ng pagpapakumbaba ang pagpayag mo na ikaw ay ituwid. Ang mga apostol na sina Pedro at Tomas ang mga litaw na halimbawa nito. Si Pedro ay mahilig sa pagsasalita, nguni’t siya’y totoong malimit naman na itinutuwid, sinasaway o pinagwiwikaan pa nga. Gayunman, si Pedro ay isang masigasig at aktibo sa paglilingkod, at ang kaniyang pananampalataya, pagkukusa at tibay-ng-loob ay magandang tularan nating lahat. Si Tomas ay ayaw maniwala noon na binuhay-muli si Jesus, subali’t nang mukhaang mapaharap siya sa patotoo, agad-agad na tinanggap niya iyon. Ikaw ba ay nagpapakita rin ng ganiyang pagpapakumbaba pagka ang iyong mga pagkakamali o mga maling unawa ay itinuwid ng Kasulatan?—Juan 20:24-29.
Subukin ang Iyong Pananampalataya
14. Ano ang ginagawa ng isang Kristiyanong hinirang na matanda upang matulungan siya na manatiling may matatag na pananampalataya?
14 Isang Kristiyanong hinirang na matanda na matagal na sa katotohanan, ang malimit na nagtatanong sa kaniyang sarili kung bakit ang kaniyang pananampalataya ay matatag pa rin samantalang ang mga ibang taong nakikilala niya ay napahiwalay na. Kaniya raw laging isinasaisip ang payo ni Pablo: “Laging susubukin ninyo kung kayo baga’y nasa pananampalataya, laging susuriin ninyo ang inyong sarili.” (2 Corinto 13:5) Malimit habang ang nasabing matanda ay nagmamaneho patungo sa trabaho kaniyang sinusuri ang sarili niya, niriripaso sa kaniyang isip ang mga katotohanan sa Bibliya. Kaniyang ginuguniguni ang isang usapan tungkol sa mga katotohanang ito, sa isip niya ay ipinaliliwanag niya kunwari ang mga ito at ipinagtatanggol sa lahat ng uri ng mga tao. Sinasabi ng kapatid na ito na ang mga pahayag pangmadla raw sa Kingdom Hall ay malimit na muli’t-muling nagtitimo sa ating mga isip ng katotohanan na ang Bibliya ay talagang salita ng Diyos. Subali’t ang tanong niya: “Papaano mo kaya malalaman ang mga bagay na ito kung hindi sa mga pulong na doon tinalakay ang mga ito?” Regular na tinatanong niya ang kaniyang sarili tungkol sa kabutihan ng Diyos at sa Kaniyang organisasyon. Sa kaniyang mga panalangin ay inilalakip ng Kristiyanong tagapangasiwang ito ang pagpapasalamat sa mga bagay na ito at sinasabi niya: “Pinasasalamatan ko si Jehova sa pagpapahintulot niyang mapasama ako sa kaniyang bayan.” Makinabang ka kaya sa pagsasagawa ng ganiyan ding mga pagsubok upang mapatunayan kung talagang ikaw ay “nasa pananampalataya”?
Kailangan ang Panalangin
15, 16. Bakit ang panalangin ay lubhang kailangan upang makapamalagi tayo sa matatag na pananampalataya?
15 Ang halimbawang ito ay naghaharap ng dalawang punto na kailangan upang makapamalagi tayo sa matatag na pananampalataya: panalangin at mga pulong Kristiyano. Kadalasan, ang mga taong mahina ang pananampalataya ay bihira lamang manalangin. Isinasaisip ng isang amang Kristiyano na kung ilan-ilang beses noon nanalangin si Daniel sa maghapon, kahit na pagkatapos na pagtibayin ang isang batas na laban sa gayong pananalangin. (Daniel 6:6-10) Kung ilan-ilang beses maghapon humihingi kay Jehova ng karunungan at patnubay ang amang ito.
16 Nag-aatubili ka bang manalangin? Ang awit ay nagsasabi: “Si Jehova ay malapit sa lahat ng nagsisitawag sa kaniya, sa lahat na nagsisitawag sa kaniya sa katotohanan.” Ang tanong ni Jesus: “Kung kayo, bagaman masasama, ay marurunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit na magbibigay ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kaniya?” (Awit 145:18; Mateo 7:11) Oo, si Jehova ay magbibigay ng “mabubuting bagay” sa mga taong mapagpakumbabang humihingi nang may pananampalataya.
Ang Bahagi ng mga Pulong
17. Anong mga halimbawa sa Bibliya ang nagpapakita ng kahalagahan ng pakikipagpulong sa mga kapananampalataya?
17 Bukod sa panalangin, ang regular na pakikipagpulong sa mga kapananampalataya ay kailangan din upang tumibay ang pananampalataya. Tatlong beses taun-taon na lahat ng lalaking Israelita ay kailangang “humarap sa tunay na Panginoon, si Jehova” sa Jerusalem. Sa pagkatanto na lubhang mahalaga sa kanilang espirituwalidad ang gayong mga okasyon, isinama ng maraming lalaki ang kanilang buong pamilya. (Exodo 23:14-17; Lucas 2:41-45) Gayundin, inasam-asam ni Pablo noon ang pampatibay-pananampalatayang manggagaling sa kongregasyon sa Roma. Kaniyang kinasasabikan na makapiling siya ng mga kapananampalataya upang ‘magpalitan ng pampatibay-loob’ at ng pagpapatibay sa espirituwalidad sa pamamagitan ng pananampalataya ng isa’t-isa.—Roma 1:11, 12.
18. Ano ba ang pangmalas sa mga pulong Kristiyano ng mga taong may matibay na pananampalataya?
18 Ang mga taong may matibay na pananampalataya ay dumadalo sa lahat ng mga pulong Kristiyano. Hindi sila umaalis pagkatapos ng unang pulong, o ng ikalawa. Kanilang minamahalaga ang mga pulong na ito, sapagka’t alam nila na ang mga ito’y nagbibigay ng pagkakataon upang matuto, mapatibay-loob, magtamo ng mga pagpapala, at sa ganiyang mga pulong ay tumatanggap tayo ng tulong buhat sa mapagmahal na mga kapatid at nakapag-uudyukan tayo sa isa’t-isa “sa pag-iibigan at mabubuting gawa.” (Hebreo 10:24, 25) Papaano tayo tatanggap ng gayong pampatibay-loob kung hindi tayo makikisama sa mga makapagbibigay nito?
Ang Pagpapatotoo at ang Ating Pananampalataya
19. Papaanong ang pananampalataya ay pinatitibay ng pagpapatotoong Kristiyano?
19 Ang pagpapatotoong Kristiyano ay isa pang tulong sa pagpapatibay ng pananampalataya. Si Santiago ay sumulat: “Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalataya na hiwalay sa mga gawa, at ipakikita ko sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa. Oo, kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, gayundin na ang pananampalatayang walang mga gawa ay patay.” (Santiago 2:18, 26) Isang pangunahing gawain ng Kristiyano ay ang pagtuturo sa iba, at sinuman sa mga Saksi ni Jehova ay magsasabi sa iyo: ‘Ang pagpapatotoo ay tiyak na nagpapatibay ng pananampalataya? Nakikinabang dito hindi lamang ang tinuturuan kundi pati ang nagtuturo. Isang aktibidad ito na nagpapatibay, nagpapalakas ng pananampalataya. Sa pamamagitan ng pagpapatotoo ay naipagtatanggol mo ang iyong pananampalataya. Pinatatalas pa ang iyong kaisipan. Oo, at ang pagpapatotoo sa Kaharian ay naghahatid ng mga pagpapala buhat sa Diyos, kasali na ang patnubay ng kaniyang espiritu.—Marcos 13:11; Roma 10:14, 15.
Pagtitiwala sa “Alipin”
20, 21. (a) Ano ang mahalagang alalahanin tungkol sa “tapat at maingat na alipin”? (b) Ano ba ang sinabi tungkol dito ng isang Kristiyano?
20 Mahalaga rin na alalahanin kung saan una tayong natuto ng katotohanan. Sino ba ang tumulong sa atin upang tumibay ang ating pananampalataya sa Bibliya at sa mga pangakong naririto? Papaano natin naunawaan kung ano ang kahulugan ng Bibliya para sa atin ngayon? Sinabi ni Jesus na sa kaniyang pagbabalik ay madaratnan niya ang isang “tapat at maingat na alipin” na nagbibigay ng espirituwal na pagkain at ang “alipin” na madatnang gumagawa ng gayon ay aatasan na mangasiwa sa lahat ng ari-arian ng Panginoon.—Mateo 24:45-47.
21 Isang asawang lalaki na Kristiyano ang nagsabi: “Ang nakikitang organisasyon ni Jehova ay lubhang maaasahan. Minsan man ay hindi ako iniligaw nito sa ano mang paraan. Lahat ng sinabi nito ay salig sa Salita ng Diyos at siyang pinakamagaling para sa akin, para sa aking pamilya at sa lahat ng nakikilala ko. Ito ang labis na nagpapatibay ng pananampalataya kung para sa akin.”
22. Anong mga tanong ang makatutulong sa iyo upang suriin kung paano mo pinangangalagaan ang iyong sariling pananampalataya?
22 Ikaw ba’y nag-aral ng Salita ni Jehova, iyo bang tinanggap at pinaniniwalaan ito? Iyo bang inialay ang iyong buhay sa Diyos at sinagisagan ang pag-aalay na iyan ng bautismo sa tubig? Ikaw ba ngayon ay namumuhay na kasuwato ng pag-aalay na iyan? Humihingi ka ba sa Diyos ng patnubay, ng kaalaman at pananampalataya? Ipinagpapatuloy mo ba ang iyong personal na pag-aaral, nang regular at may kasipagan? Ikaw ba’y laging naroroon sa mga pulong Kristiyano? Ikaw ba’y aktibo at masigasig sa banal na paglilingkod sa Diyos? Pinahuhusay mo pa ba ang uri ng iyong paggawa ng mga alagad, o basta ba naging isang pinagkagawiang gawain na lamang iyon?—Mateo 28:19, 20.
23. Papaano mo dapat harapin ang mga problema, mga pagsubok at mga balakid?
23 Siempre, lahat tayo ay may mga problema, at mayroon tayong mga sariling kahinaan. Subali’t pagka tayo’y nakaharap sa mga pagsubok at mga balakid tayo’y huwag mag-aalanganin, mag-uurong-sulong o mag-aalinlangan. Bagkus, ibig nating tayo’y may iisang kaisipan at sigurado sa katotohanan. Sumulat si Santiago: “Mga kapatid ko, ariin ninyong buong kagalakan, kung kayo’y mapaharap sa sarisaring pagsubok, yamang nalalaman ninyo na ang subok na uring ito ng inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagtitiis.” Si Pablo ay nagpayo: “Kayo’y manatiling gising, magpakatibay kayo sa pananampalataya, magpakalalaki kayo, kayo ay magpakalakas.” (Santiago 1:2, 3; 1 Corinto 16:13) Upang makapanatili sa tunay na pananampalataya bilang mga saksi ni Jehova, kailangang pasulungin natin ang uri ng ating pananampalataya, na isang bunga ng banal na espiritu ng Diyos.—Galacia 5:22, 23.
24. Bakit napakahalaga na magkaroon ng matatag na pananampalataya?
24 Bakit mo dapat gawin ito? Sapagka’t ang pananampalataya ay isang kalasag laban kay Satanas, na “gagala-gala na gaya ng leong umuungal, humahanap ng masisila.” “Higit sa lahat, taglayin ninyo ang malaking kalasag ng pananampalataya, na siyang maipapatay ninyo sa lahat ng nagniningas na suligi ng masama.” (1 Pedro 5:8-10; Efeso 6:16) Kung mayroon kang matatag na pananampalataya, ang nais mo’y gawin ang lahat ng bagay ayon sa paraan ng Diyos. Ang puso mo ay sasa-tamang kalagayan. Ang iyong mga gawa ay makakasuwato ng kaniyang mga tagubilin, at ikaw ay lalakad, at patuloy na susulong sa makitid na daang patungo sa buhay.—Mateo 7:14.
Bilang Repaso:
◻ Bakit ang mga ibang tao ay nag-aalinlangan, at ano ang maaari nilang gawin tungkol dito?
◻ Ano ang natutuhan ma tungkol sa kaalaman at pagpapakumbaba?
◻ Papaano mo mapatitibay ang iyong pananampalataya?
◻ Bakit napakahalaga na manatiling may matatag na pananampalataya?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 7]
Ang mga lathalain ng Watch Tower ay malaking tulong sa pagsasaliksik tungkol sa mga paksa at mga tanong sa Bibliya