Ngayon Na ang Panahon Para sa Masigasig na Paglilingkod
Ngayon Na ang Panahon Para sa Masigasig na Paglilingkod
“Ang magtiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.”—MARCOS 13:13.
1, 2. (a) Anong mga kalagayan ang nagpapatunay na tayo’y nabubuhay sa wakas ng sistemang ito ng mga bagay? (b) Anong dalawang epekto ang maaaring idulot nito sa iyo?
MAY mga taong nag-aalinlangan pa rin na tayo’y nabubuhay sa wakas ng kasalukuyang sistemang ito, bagaman mahirap na gunigunihin kung bakit sila mag-aalinlangan tungkol sa bagay na iyan.” Patuloy na umuurong ang kalinisang-asal. Lumulubha ang kahirapan ng pamumuhay. Patuloy na dumarami ang karahasan. Patuloy ang mabilis na pagdami ng tao, lumulubha ang polusyon, pati sukal na atomiko, dumarami ang mga armas nuclear at ang mga walang paniwala ay nag-iisip kung magpapatuloy pa kaya ang buhay sa lupa.
2 Gayunman, hindi pa dumarating ang wakas ng matandang sistemang ito. May mga nag-alay na Kristiyano na marahil ay nagsawa na ng paglilingkod sa Kaharian. Ang totoo, kung ang sinuman ay nag-alay ng kaniyang buhay, hindi sa Diyos, kundi sa isang petsa, baka natanggal na siya. Subali’t yaong mga nag-alay ng kanilang buhay sa Diyos na Jehova, na laging gawin ang kaniyang kalooban at sundin ang kaniyang mga daan, ay lalong matatag higit kailanman at sila’y patuloy na dumarami.
3. (a) Bakit ang mga taong umiibig sa katuwiran ay nasasabik na makita ang pagwawakas ng matandang sistemang ito? (b) Samantala, ano ang dapat na ginagawa natin?
3 Ang mga taong umiibig sa katuwiran ay nasasabik na makita ang pagwawakas ng matandang sistemang ito, sapagka’t ito’y hahalinhan ng isang makalupang Paraiso, ng matuwid na Bagong Kaayusan na ipinangangako ng Bibliya. (Isaias 9:6, 7; Mateo 6:9, 10; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1-4) Siempre pa, ibig ng mga lingkod ni Jehova na dumating na ang pagbabagong ito sa pinakamadaling panahon na kalooban ng Diyos na mangyari iyon. Subali’t, yamang sila’y gumawa ng tunay na pag-aalay sa Diyos, sila’y matiyagang naghihintay ng kaniyang panahon samantalang nagpapatuloy sila nang buong sigasig sa kawili-wiling gawaing pangangaral ng Kaharian na kaniyang ipinagagawa sa kanila.—Mateo 24:14.
Nakapagpapalakas-Loob na mga Halimbawa
4. Anong mainam na halimbawa ang ipinakita ng sumasampalatayang mga lalaki’t babae noong sinaunang mga panahon?
4 Walang dahilan na ang sinuman ay umurong, manghina, o manlupaypay. Ang Diyos Jehova at si Kristo Jesus ay mga manggagawa. (Juan 5:17) Isa pa, ang Bibliya ay puno ng kasaysayan ng masisipag at maliligayang mga lalaki’t babaing may pananampalataya, na nagsisilbing pampalakas-loob at nakapagpapatibay na mga halimbawa para sa atin. Gayunma’y marami sa tapat sa mga taong iyan ang nakakaalam na ang hinihintay nilang mga pangako ay hindi matutupad sa panahong ikinabubuhay nila. Sali’t-salinglahi, sa mga ilang kaso’y libo-libong taon pa nga, ang kailangang lumipas bago maganap ang mga bagay na hinihintay nila. Gayunpaman ay hindi sila nanghina sa kanilang gawain. Sila’y naglingkod nang may kagalakan hanggang sa lubhang katandaan, matatag sa pananampalataya, masigasig ng pagsunod sa Diyos, matiyagang naghihintay ng katuparan ng kaniyang mga pangako. Bukod diyan, sa lumipas na mga daan-daang taon, pasulong ang paghahayag ng Diyos ng kaniyang mga layunin. Sa gayon, ang mga sinaunang mananampalatayang iyon ay kakaunti ang kaalaman sa kung papaano gaganapin ng Diyos ang mga bagay na kaniyang ipinangako, kung ihahambing sa kaalaman na maaari mong makamit ngayon.
5. Anong halimbawa ang ipinakita ni Abel?
5 Halimbawa, pag-isipan kung gaanong kaliit na impormasyon ang taglay ni Abel. Ang alam lamang niya ay na nangako Diyos ng isang “binhi” at sa hinaharap na panahon dudurugin ng gayong “binhi” ang ulo ng ahas. (Genesis 3:15) Gayunma’y tinukoy ni Jesus na si Abel ay “matuwid,” at unang-una siyang binabanggit sa binanggit ni Pablo na mga taong may natatanging pananampalataya. (Mateo 23:35; Hebreo 11:4) Magkaroon ka kaya ng gayong pananampalataya kung mayroon lamang bahagyang impormasyon na gaya noong panahon ni Abel?
6, 7. Bagaman may mga pangako ang Diyos na hindi tinupad noong kaarawan ni Abraham, papaano siya nagpakita ng mainam na halimbawa?
6 Sina Noe, Abraham, Isaac at Jacob ay pawang nangabuhay bago ipinakita ni Jehova ang kaniyang kagilagilalas na kapangyarihan nang lumabas sa Ehipto ang Israel. Wala silang alam na anuman tungkol sa kagilagilalas na mga pangyayaring kasabay ng pagbibigay ng Kautusan sa Sinai. Nang sila’y nabubuhay ay hindi pa napapasulat kahit na ang unang aklat ng Bibliya.
7 Si Abraham ay walang pag-asa na ang isang Paraiso ay mapapasauli sa lupa sa panahong ikinabubuhay niya. Sa halip, sa kaniya’y sinabi na ang kaniyang mga supling ay maghihirap nang may 400 taon. At sa isang malayong panahon sa hinaharap matutupad ang pangako ng Diyos na ‘sa pamamagitan ng binhi ni Abraham lahat ng mga bansa sa lupa ay tunay na magpapala sa kanilang sarili.’ (Genesis 15:13; 22:18; Galacia 3:8) Si Abraham noon ay “naghihintay ng lunsod na may mga tunay na pundasyon, na ang nagtayo at gumawa ng lunsod na iyon ay ang Diyos.” (Hebreo 11:10) Iyon ay hindi makikita ni Abraham noong kaniyang kaarawan kundi pagka siya’y binuhay-muli saka lamang niya makikita iyon, nguni’t ito’y hindi nakabawas sa kaniyang pananampalataya, pagsunod at sigasig sa paglilingkod sa Diyos. Maaaring itanong natin sa ating sarili: Ako ba’y mayroong uri ng pananampalataya, ng pagsunod at sigasig na gaya ng kay Abraham?
8. Sa halimbawa ni Moises, ano ba ang matututunan natin tungkol sa pagtitiyaga at pagtitiis?
8 Ang akala ni Moises ay hindi niya magagawa ang gawaing iniatas sa kaniya ng Diyos. Sinabi niyang siya’y hindi mahusay mangusap at baka raw hindi siya pakinggan ng kaniyang sariling mga kababayan o ni Faraon man. (Exodo 4:1, 10; 6:12) Gayunma’y sumunod si Moises. Kaniyang ginawa ang iniutos sa kaniya ni Jehova, at ginawa niya ito nang napakatagal. Sa ilang ay batid ni Moises na 40 pang mga taon bago ang kaniyang bayan ay makapasok sa Lupang Pangako, at dahilan sa kaniyang pagkakasala noong bandang huli ay sinabihan siya na hindi siya papasok sa lupain kahit noon pa. Gayunman sa taun-taon ay nagpatuloy siya ng paglakad sa daan ni Jehova. (Bilang 14:33, 34; 20:9-12; Deuteronomio 3:23-28; 34:1-6) Ang iyo kayang pag-ibig sa Diyos ay mag-udyok sa iyo na magkaroon ng gayong tiyaga at sipag sa paglilingkuran sa kaniya? May katapatan kayang aakayin mo ang iba sa isang tunguhin na batid mong ikaw mismo ay hindi mo mararating?
9, 10. Papaano nagpakita si Isaias at si Jeremias ng pagtitiis, bagaman wala silang pag-asang kamtin ang ninanais na gantimpala noong panahong ikinabubuhay nila?
9 Nang magtanong si Jehova kung sino ang hahayo at magsisilbing tagapagsalita niya, sinabi ni Isaias: “Narito ako! Suguin mo ako.” (Isaias 6:8-11) Mahigit na 40 taon na siya’y nagsilbing propeta ni Jehova. Bukod sa iba pang mga bagay, si Isaias ang naghatid ng pangako ng Diyos na “mga bagong langit at isang bagong lupa,” bagaman walang pag-asa na matatatag ang isang matuwid na bagong sistema noong panahong ikinabubuhay niya. (Isaias 65:17-25) Gayon kaya ang iyong pananampalataya dahil lamang sa ang pananatili sa pananampalataya ang tama at kasuwato ng iyong matimyas na pag-ibig sa Diyos?
10 Si Jeremias ay ginamit upang magbalita ng di-popular na mga babala sa mga taong di-sumasampalataya. Sa katapusan ng kaniyang pangangaral ay wala siyang hinihintay na isang matuwid na makalupang Paraiso. Sa halip, ang kaniyang mahal na lunsod ng Jerusalem ay magiging “isang dakong giba, na pagtatakhan,” niwasak dahilan sa kakulangan ng pananampalataya ng mga naninirahan doon. Batid ni Jeremias na mapapasauli uli iyon, nguni’t pagkatapos lamang na makalipas ang 70 taon—halos isa pang normal na haba ng buhay! (Jeremias 25:8-11; 29:10) Hindi na niya masasaksihan ang inihulang pagsasauling iyon nguni’t hindi nakapigil iyon kay Jeremias sa pangangaral. Kahit na noong subukin niyang huminto, ang salita ni Jehova ay “gaya ng nagniningas na apoy” sa kaniyang mga buto. Siya’y kailangang magsalita, at si Jehova naman ay suma-kaniya “gaya ng isang kakilakilabot na makapangyarihan.”—Jeremias 20 : 7-11.
Tulong sa Ating Pagtitiis
11, 12. Sang-ayon sa Bibliya, ang sinaunang mga halimbawang iyan ng pananampalataya ay dapat magpasigla sa atin sa ano?
11 Binanggit ni apostol Pablo ang dapat na maging epekto sa atin ng mga halimbawang ito. Siya’y sumulat: “Kaya nga, yamang isang napakakapal na ulap ng mga saksi ang nakapalibot sa atin, iwaksi natin ang bawa’t pabigat at ang kasalanan [na kakulangan ng pananampalataya] na madaling pumigil sa atin, at takbuhin nating may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin.—Hebreo 12:1.
12 Sumulat din si Pablo: “Lahat ng bagay na isinulat noong una ay nasulat upang magturo sa atin, na sa pamamagitan ng pagtitiis at kaaliwan buhat sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa. Ngayon ang Diyos na nagkaloob ng pagtitiis at kaaliwan ay magbigay nawa sa inyo ng ganoon ding kaisipan na gaya ng kay Kristo Jesus, upang sa isang pag-iisip sa pamamagitan ng isang bibig ay luwalhatiin ninyo ang Diyos at Ama ng ating Panginoong, Jesu-Kristo.” (Roma 15:4-6) Samakatuwid ang mga sinaunang halimbawang ito ng pananampalataya ay dapat magpasigla sa atin na magtiis, manatili sa ating pangangaral at pagtuturo, at sa ganoo’y masigasig na luwalhatiin si Jehova, ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo.
13. Ano ang alam natin na hindi nagkaroon ng pagkakataon ang mga tapat na propeta na malaman?
13 Isip-isipin lamang ang nagpapatibay-pananampalatayang mga bagay na alam natin na marahil ay hindi pa alam noon ng mga tapat na propeta noong una. Nang sila’y nabubuhay noon, wala pang nakakaalam kung sino ang Mesiyas. Nguni’t ngayo’y alam natin kung sino siya; at alam pa rin natin ang tungkol sa kapanganakan, turo, kamatayan at pagkabuhay-muli ng Isang iyan, si Jesu-Kristo. Isa pa, alam natin ang tungkol sa pantubos, sa Kaharian at sa “binhi” na pinakahihintay ng mga taong iyon. Isa pa, nasa atin na ang lahat ng Kasulatang Griegong Kristiyano—mula sa Mateo tuloy-tuloy hanggang Apocalipsis. At may pagkakataon tayo na maunawaan ang kamangha-manghang aklat na iyan ng Apocalipsis, taglay ang nagpapatibay-pananampalatayang mga hula na natutupad sa panahon natin at matutupad pa sa hinaharap. Oo, tayo’y nabubuhay sa isang nakatutuwa nguni’t mapanganib na panahon —yaong may kasabikang hinihintay-hintay ng mga taong iyon noong una.
Mga Halimbawa ng Masigasig na Paglilingkod
14, 15. Nanghina ba ang loob ng mga Kristiyano noong unang siglo dahilan sa ang Kaharian ay sa hinaharap pa? Ipaliwanag.
14 Ang mga unang tagasunod ni Jesus ay walang tiyaga tungkol sa paghihintay sa ipinangakong Kaharian. Ang tanong nila kay Jesus: “Panginoon, isasauli mo baga ang kaharian ng Israel sa panahong ito?” Hindi pa nauunawaan noon ng mga alagad na ang Kaharian ay makalangit. Kanilang mauunawaan iyan sa bandang huli pagka tinulungan sila ng espiritu ng Diyos. Nguni’t ipinabatid sa kanila ni Jesus na sila’y may malaking gawain na dapat gampanan. Sinabi niya na sila’y magiging “mga saksi [niya] kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Gawa 1:6-8) Waring hindi naman napakalaki ang gawaing iyon upang gampanan. Nang araw ng Pentecostes noong 33 C.E., mga 120 alagad, sa patnubay ng banal na espiritu, ang humayo ng pangangaral ng mabuting balita. Humigit-kumulang 3,000 katao ang sumampalataya nang araw na iyon! At sa sandaling panahon ay sinabi ng Judiong mataas na saserdote: “Narito, pinuno ninyo ang Jerusalem ng inyong turo.”—Gawa 2:41; 5:28.
15 Para sa mga taong naroroon noon sa Jerusalem galing sa iba’t-ibang panig ng Europa, Asia at Aprika malamang na ang mabuting balita ay iniuwi nila sa kani-kanilang mga bansa. (Gawa 2:5-11) Hindi nagtagal at si Pablo ay masigasig na nangangaral at tumutulong sa pagtatayo ng mga kongregasyong Kristiyano sa buong lalawigang Romano ng Asia at sa Gresya. Siya’y naparoon sa Roma at posible na sa Espanya pa. Si Pedro ay doon naman sa kabilang direksiyon nagpunta, nakarating siya hanggang sa Babilonya. Makalipas ang wala pang 30 taon ng paglilingkod ng mga unang Kristiyanong ito at ng marami na kanilang tinuruan, nasabi na nga ni Pablo na ang mabuting balita ay “naipangaral na sa lahat ng nilalang sa silong ng langit.” (Colosas 1:23) Anong laki ng kanilang nagawa, sa masigasig na pagsunod sa utos ni Jesus na turuan ang iba!—Mateo 28:19, 20; Tito 2:13, 14.
Natatapos ang Isang Sistema
16. Ang pagdating ng anong pangyayari ang binabantayan ng mga unang Kristiyano?
16 Subali’t, may isang yugto ng panahon na may higit na kahalagahan sa mga Kristiyano noong unang siglo. Sinabi ni Jesus: “Kapag nakita ninyong nakukubkob ng nagkampong mga hukbo ang Jerusalem, kung magkagayo’y talastasin ninyo na malapit na ang kaniyang pagkagiba. Kung gayon ang mga nasa Judea ay magsimulang tumakas tungo sa mga bundok, at ang mga nasa loob ng bayan ay lumabas, at ang mga nasa parang ay huwag pumasok sa bayan; sapagkat ito ang mga araw ng paglalapat ng katarungan, upang matupad ang lahat ng nasusulat.”—Lucas 21 :20-22.
17, 18. (a) Kailan at papaano kumilos ang mga Kristiyano dahil sa mga sinabi ni Jesus na nasusulat sa Lucas 21:20-22? (b) Sa ano pa kayáng pagsubok napaharap sila?
17 Mahigit na 30 taon na ang nakalipas. At nang magkagayon, noong taong 66 C.E., ang Jerusalem ay kinubkob ng mga hukbong Romano. Nang malapit nang magtagumpay, sila’y umurong. Sa tuwa ng mga Judio na ang akala nanalo sila, kanilang tinugis ang mga Romano. a Nguni’t ano ang ginawa ng mga Kristiyano? Iniulat ni Eusebius, na nabuhay noong unang bahagi ng ikaapat na siglo, na “yaong mga sumampalataya kay Kristo ay umalis sa Jerusalem” at naparoon sa isang lunsod sa Perea na tinatawag na Pella. b
18 Patuloy na lumakad ang panahon. Ang taong 66 ay natapos at humalili ang 67. Pagkatapos ay dumating ang 68 at natapos din, saka ang 69. Ang mga Kristiyano kayang iyon ay dumaraan sa pagsubok dahilan sa paglakad ng panahon? Ang mga bagay-bagay ba ay naging napakatagal para sa ilan? Sila kaya’y nagkamali? Hindi sinabi ni Jesus kung gaanong katagal sila dapat maghintay. Nguni’t sakaling sinuman sa kanila ay bumalik sa Jerusalem, kaawa-awa sila, sapagkat noong 70 C.E. ang mga Romano ay nagsibalik, kanilang binihag ang lunsod at pinatay ang maraming tagaroon. Sang-ayon sa historyador na si Josephus 1.1 milyong katao ang nangamatay, sapagkat ang Jerusalem noon ay “siksikan sa mga tao,” marami ang nanggaling “sa buong bansa” at naparoon sa Jerusalem para sa selebrasyon ng Paskua. c
19. (a) Sa ngayon, ano ang talagang mahalagang mga tanong na dapat sagutin ng nag-alay na mga Kristiyano? (b) Ano ang motibong dapat mag-udyok sa atin sa banal na paglilingkod?
19 Naiisip mo ba rin ang kalagayan sa ngayon? Ang tanong ay hindi: Kailan ba matatapos ang matandang sistemang ito? Magaganap iyan sa takdang panahon ng Diyos. Ang dapat nating pag-isipan ay kung ano ang ginagawa natin. Itanong natin sa ating sarili: Pinag-aralan ko bang masikap ang Salita ng Diyos at walang pasubaling nag-alay ako sa kaniya ng aking buhay? Talaga bang namumuhay ako ayon sa pagkaalay kong iyon? Hindi sa kung nasaan na tayo sa agos ng panahon ang bagay na dapat na magpakilos sa atin na gampanan ang banal na paglilingkod. Tulad ni Abel, Abraham, Moises, Isaias at iba pa, ang pag-ibig sa Diyos na Jehova ang dapat mag-udyok sa atin na gawin iyan. Tayo’y kailangang kusang maglingkod kay Jehova kailanman dumating ang wakas. Subali’t may natatanging motibo na dapat gumanyak sa atin ngayon. Narating na natin ang pangwakas na bahagi ng “mga huling araw” ng kasalukuyang sistemang ito. (2 Timoteo 3:1) Ang katotohanang iyan ang dapat magpakilos sa atin na gumawa ng namumukod-tanging paglilingkod.
20. Papaanong ang mga pangyayaring nasasaksihan mo ay maihahambing sa mga pangyayari na nasaksihan ng mga Kristiyano noong unang siglo?
20 Ang mga Kristiyano ay nagsitakas ng pag-alis sa Jerusalem sapagka’t nakita nila ang katuparan ng maraming bahagi ng “tanda” na ibinigay ni Jesus at pagkatapos na kanilang makita ang katuparan ng kaniyang sinabi tungkol sa mga hukbong kukubkob sa lunsod. Sapol ng mahalagang taon ng 1914 ating nasasaksihan ang katuparan ng maraming hula tungkol sa panahon ng kawakasan. (Mateo, kabanata 24, 25; Apocalipsis 6:1-8; 2 Timoteo 3:1-5) Ang mga inihulang pangyayaring ito ay nagsimulang natupad mga 70 taon na ngayon ang nakalipas. Gayunma’y sinabi ni Jesus na lahat na ito’y mangyayari sa loob ng panahong ikinabubuhay ng isang saling-lahi ng mga tao. (Mateo 24:32-34) Maliwanag nga, malayo na ang nalalakaran ng saling-lahing iyan!
Masigasig sa Pananampalataya
21. Bakit ang masigasig na paglilingkod sa Diyos ay kailangang-kailangang agad gawin?
21 Ang gawaing pagliligtas-buhay ay kalimitan na kailangang gawin nang mabilis. Nasa panahon tayo ng namumukod-tanging gawain, ng puspusang paglilingkod at pinag-ibayong pananampalataya at sigasig. Tandaan natin na ang isang araw ay magiging ating huling araw sa matandang sistemang ito. Alinman sa tayo’y nakalampas na buhay sa wakas ng sistemang ito o kaya ang ating buhay ay natapos na una. Ang buhay ngayon ay maikli, pansandalian. Walang nakakaalam kung siya’y buhay pa sa kinabukasan. Limitado lamang ang panahon natin upang patunayan ang ating katapatan at integridad sa Diyos. (Awit 39:5; Eclesiastes 12:1; Lucas 12:18-21) Kaya’t angkop na tanungin ang ating sarili: Nasisiyahan ba ako sa aking ginawa sa araw na ito?
22. Ano ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kagantihan?
22 Mahalaga na huwag kalilimutan ang gantimpala. Laging itutok ang mata mo sa gantimpala. Sinabi ni Jesus: “Ang magtiis hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” Binanggit sa sulat ni Pablo na “bawa’t isa’y tatanggap ng kaniyang sariling kagantihan ayon sa kaniyang sariling pagpapagal.” Sinabi rin niya: “Kayo’y nangangailangan ng pagtitiis, upang, kung inyong magawa ang kalooban ng Diyos, kayo’y magsitanggap ng katuparan ng pangako.”—Marcos 13:13; 1 Corinto 3:8; Hebreo 10:36.
23, 24. Sa liwanag ng payo ng mga teksto sa Bibliya na sinipi rito, ano ang disidido kang gawin kung tungkol sa iyong pananampalataya at paglilingkod sa Kaharian?
23 Ang Kasulatan ay nagpapaalaala sa atin: “Yamang lahat ng bagay na ito ay mapupugnaw nang ganito, nararapat na kayo ay maging anong uri ng mga tao sa banal na pamumuhay at mga gawang kabanalan, samantalang inyong hinihintay at laging isinasaisip ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.” Gayundin, sa atin ay sinasabi: “Ngayon kung tungkol sa mga panahon at sa mga bahagi ng panahon, mga kapatid, hindi na kailangang sulatan pa kayo ng anuman. Sapagka’t kayo na rin ang lubos na nakakaalam na ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi. . . . Kaya huwag nga tayong mangatulog na gaya ng mga iba, kundi tayo’y manatiling gising at laging handa.”—2 Pedro 3:11, 12; 1 Tesalonica 5:1-6.
24 Kung gayon, harinawang tayo’y manatiling may matatag na pananampalataya at mamalaging masigasig sa paglilingkod sa Kaharian, na walang ano mang pag-aalinlangan. Kung gayon, masasabi natin na gaya ng apostol: “Tayo’y hindi doon sa nagsisibalik sa kapahamakan, kundi doon sa mga may pananampalataya sa ikaliligtas nang buhay ng kaluluwa.”—Hebreo 10:39.
[Talababa]
a Josephus, Wars of the Jews, II, 19:5-7.
b Eusebius, Ecclesiastical History, III, 5:3.
c Josephus, Wars of the Jews, VI, 9:3, 4
Mga Bagay na Dapat Pag-isipan
◻ Papaanong ang mga halimbawa ni Abel, Abraham, Moises at Jeremias ay lubhang nagpapalakas-loob sa atin ngayon?
◻ Ano ba ang naging epekto sa mga Kristiyano noong unang siglo ng bagay na ang Kaharian ay hindi pa dumarating noon?
◻ Sa ano kayang pagsubok napaharap ang mga unang Kristiyano pagkatapos na tumakas buhat sa Jerusalem?
◻ Ano ang pangunahing dapat unahin nating ngayon?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 15]
Sila’y hindi huminto!
Abel
Abraham
David
Jeremias
Pablo