Talaga Bang Naghahanap Ka ng Tunay na Pananampalataya?
Talaga Bang Naghahanap Ka ng Tunay na Pananampalataya?
TALAGA bang naghahanap ka ng katotohanan, nagsasaliksik para matagpuan iyon? Marahil ay sasabihin mo: “Siempre!”
Subali’t maraming tao ang hindi talagang naghahanap ng katotohanan. Oo, baka hindi man lamang nila ibig maniwala. Bakit hindi iibigin ng sinuman na maniwalang umiiral ang Diyos at na ang Bibliya, na may mahalagang mga pangako para sa hinaharap, ang kaniyang kamangha-manghang Salita?
Para sa iba, ang pagtanggap sa mga katotohanang ito ay baka mangahulugan na dapat nilang baguhin ang kanilang sistema ng pamumuhay. Dahil sa hindi nila ibig baguhin ang kanilang pamumuhay upang makasuwato ng mga daan ng Diyos, sila’y nag-iimbento ng mga pag-aalinlangan at mga pagtutol, na humihila sa kanilang sarili na ang Bibliya ay hindi totoo.
Baka may mga taong nasa kongregasyong Kristiyano na ganito rin. Ang katotohanan ay magandang pakinggan para sa kanila, nguni’t baka nagpapatuloy pa rin sila sa mga ilang lihim na gawain na alam nilang ibinabawal ng Salita ng Diyos. Kaya’t sila’y unti-unting umaatras o umaalpas. Sinasabi ng Bibliya: “Nang dahil sa pagtatakuwil sa budhi kaya may mga taong nangabagbag sa kanilang pananampalataya.”—1 Timoteo 1:19, The New English Bible.
Nang narito sa lupa si Jesu-Kristo, marami ang nayayamot sa katotohanan. Ibig nilang gawin ang mga bagay-bagay ayon sa kanilang sariling paraan, kaya tinanggihan nila ang mainam na ebidensiya. Sinipi ni Jesus ang mga naunang hula at sinabi niyang ang kanilang puso ay ayaw magsitanggap. Kanilang ipinikit ang kanilang mga mata at sinarhan ang kanilang mga tainga “upang huwag nang makakita pa ang kanilang mga mata at makarinig ang kanilang mga tainga at makaunawa ang kanilang mga puso at mangagbalik-loob” upang sila’y gumaling sa kanilang espirituwal na mga sakit.—Mateo 13:14, 15.
Marahil sasabihin ng ganiyang uring mga tao na basta malabo sa kanila ang mga bagay-bagay. Ang mga ilang sumasalansang kay Jesus ay nagtanong sa kaniya: “Hanggang kailan mo pa ba ibibitin Juan 10:24-26.
sa pag-aalinlangan ang aming mga kaluluwa? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mong tahasan sa amin.” Nguni’t hindi kasalanan ni Jesus kung hindi man sila makaunawa; kasalanan nila iyon. Si Jesus ay sumagot: “Sinabi ko na nga sa inyo, nguni’t hindi kayo naniniwala. Ang mga gawang ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama, ito ang nangagpapatotoo tungkol sa akin. Subali’t hindi kayo naniniwala, sapagka’t hindi kayo aking mga tupa.”—Kung sino man ay ayaw makinig at makaunawa ng katotohanan at magbalik-loob at mapagaling, iyan ay sasamantalahin ni Satanas na Diyablo. Binubulag ni Satanas “ang mga isip ng mga di-sumasampalataya, upang sa kanila’y huwag sumikat ang kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo, na siyang larawan ng Diyos.”—2 Corinto 4:4; tingnan ang Mateo 13:10-15.
Ang ibig bang sabihin ay na walang pag-asang makapakinig at makaunawa ng mabuting balita ang sinuman? Hindi nga ganiyan ang ibig sabihin niyan! Ang ibig sabihin ay na malaki ang depende sa iyo, na tagapakinig.
Ang sinasabi ng Bibliya ay may taginting ng katotohanan kung talagang naghahanap ka ng tunay na pananampalataya. Ang hambog at mapagmataas na mga pinuno ng relihiyon, na ayaw na makinig, ay sumalungat kay Jesus. Subali’t komusta naman ang karamihan ng mga tao? Aba, sila’y “nanggilalas sa kaniyang paraan ng pagtuturo”! Maging ang mga punong-kawal man na pinapunta upang dakpin siya ay nagsibalik na ganito ang sabi: “Wala pa kaming nakikitang tao na nagsasalita ng ganito.”-Mateo 7:28; Juan 7:46.
Kung naghahanap ka ng katotohanan, ng daan ng Diyos at sang-ayon kang sundin sa buhay mo ang kaniyang Salita, matatagpuan mo ang tunay na pananampalataya. Sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagka’t sila’y bubusugin.” “Nakikilala ko ang aking mga tupa at nakikilala naman ako ng aking mga tupa.” “Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin.” “Sinumang nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa aking tinig.”Mateo 5:6; Juan 10:14, 27; 18:37.
Ang pananampalataya ay bunga ng espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22, 23) Kung ipinapanalangin mong bigyan ka ng tumpak na kaalaman at ng pananampalataya, at talagang nagsisikap na makamit iyan at mamuhay nang ayon diyan, tutulungan ka ng Diyos. Gaya ng sinabi ni Jesus: “Patuloy na humingi, at kayo’y bibigyan; patuloy na humanap, at kayo’y makakasumpong; patuloy na tumuktok, at sa inyo’y bubuksan.—Mateo 7:7.
Kahit na kung mayroon kang problema na dapat mong harapin, ikaw ay tutulungan ng Diyos. Ang kinasihang Kasulatan ay nagsasabi: “Magtiwala ka kay Jehova ng buong puso mo at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”—Kawikaan 3:5, 6.
Ang Diyos ang “nakakakita kung ano ang puso.” (1 Samuel 16:7) Alam niya kung ikaw ay naghahanap ng katotohanan at katuwiran at kung sang-ayon kang gawin ang mga bagay ayon sa kaniyang tamang paraan. Kung ikaw ay lumalapit sa Diyos, siya naman ay lalapit sa iyo.—Santiago 4:8.
Ikaw ba ay isang taong ganiyan? Talaga bang naghahanap ka ng tunay na pananampalataya? Narinig mo ba ang turo ng Ama at binuksan mo na ba ang iyong isip upang tanggapin iyon? Natutuhan mo na ba at tinanggap mo na? At upang makasunod ka sa matuwid na mga daan ng Diyos, itinuwid mo na ba ang mga bagay-bagay na naging mga problema sa iyong sariling buhay?
Kung gayon, mapatitibay-loob ka ng mga sinabi ni Jesus: “Nasusulat sa mga Propeta, ‘At lahat sila’y tuturuan ni Jehova.’ Sinumang nakarinig sa Ama at natuto ay lumalapit sa akin.”—Ang turo ng makalangit na Ama ay nasa isang pambihirang aklat. Pag-usapan ngayon natin ang kahalagahan niyaon at kung paano maaapektuhan niyaon ang ating pananampalataya.