Ang Nagagawa ng Musikang Pampasko
Ang Nagagawa ng Musikang Pampasko
KAPASKUHAN—naririto na naman! At minsan pang musika sa Pasko ang maririnig mo sa buong paligid. Tiyak na napapansin mo kung paanong lahat ng iba pang musika ay nadadaig ng ganiyang musika kung ganitong panahon sa Sangkakristiyanuhan. Oo, may nagagawa ang mga himig Pampasko. Ito’y dahilan sa mayroon itong mga katangian na pumupukaw na mainam sa damdamin ng tao, at waring nakahihigit sa ano mang musika ng alin mang naiibang kapistahan. Ang relihiyoso at totoong nakapupukaw na musikang ito ay lubhang nakababagbag ng damdamin ng maraming tao.
Aba, kantahin mo ang ilang taludtod ng isang popular na carol ay makapupukaw na iyan ng damdamin na may kaugnayan sa Pasko! Oo, depende sa kung saan ka naninirahang lugar, may mga bagay kung Pasko na tumatalab sa mga sentido—ang maanghang na halimuyak ng sariwang puno ng pino, ang katamisan ng mga kendi, ang palara na kumikislap sa gitna ng pulahan at luntian na mga gayak na uso kung kapistahang ito. At sa bahagyang pagkarinig mo ng himig Pampasko ay dagling nagbabalik sa iyo ang alaala ng kahapon—ang pagsasalu-salo ninyong mag-anak, ang masasarap na pagkain sa mesang kainan, ang pag-aaginalduhan na katabi pa ninyo ang Christmas tree, ang sama-samang pag-awit ng mga carol, pagdalaw sa mga dating kaibigan at kakilala.
Natural, ang mga salita ng nakahahawang musikang ito na pumupukaw ng gayong mga kaisipan ang tumutulong dito nang malaki para makapukaw—na mga kaisipang pinaghalu-halo batay sa mga pangyayari sa Bibliya, sa kuwento-kuwento, mga sinaunang kustumbre at kaugalian na salin-at-salin. Halimbawa, may mga talata sa mga ilang carol na nagsasaysay ng kapanganakan ni Kristo sa Bethlehem, at ito’y ibinalita ng mga anghel sa mga pastol at nananawagan sa lahat ng sumasampalataya na pumaroon at sambahin siya. Ang iba naman ay masiglang nananawagan na gayakan ang bahay para sa kapistahang ito o amukihin ang mga bata na magpakabait upang sila’y dalhan ni Santa Claus ng aginaldong mga laruan.
Isa man ang kumakanta o marami, tinutugtog man sa organo o ng orkestra, ang nakapupukaw na musika ng Pasko ay umaakit sa mga tao na ihanda ang kanilang kaisipan para sa selebrasyon nito. Sa
pang-ibabaw, ang nagagawa ng musikang ito ay tila mabuti at kapaki-pakinabang. Kung tutuusin, maraming berso ng mga kantang Pampasko ang may mga temang relihiyoso at naghihimok na magtaglay tayo ng kabaitan, kagandahang-loob, kabutihang-loob at kapayapaan. Subali’t, pagka ang musikang Pampasko at ang mga pananalita nito ay sinuri sa liwanag ng katotohanan ng Diyos na isinisiwalat sa banal na Bibliya, matutuklasan natin ang ilang nakagigitlang katotohanan.