Ano Bang Talaga ang Itinuturo ng Musikang Pampasko?
Ano Bang Talaga ang Itinuturo ng Musikang Pampasko?
HINDI maikakaila ang kapangyarihan ng musikang Pampasko pati ang liriko nito. Datapuwa’t ang epekto nito sa damdamin ng tao ay hindi nagpapatunay na tiyakang ang itinuturo ng mga ito ay mga katotohanan ng Diyos na Jehova.
Bagaman tayo’y napakikilos ng mga ilang kalugud-lugod na bagay na pumupukaw ng ating damdamin, hindi ba sasang-ayon ka na sa relihiyosong mga bagay na kasangkot si Jesus, ang katotohanan ang dapat na maging numero uno kung nais mo na makalugod sa Diyos ng Bibliya? Sa aktuwal, ang emosyonalismo ay magiging isang panghadlang kapag inilayo nito ang isang tao sa talagang mga katotohanan. Kung ibig ng mga tao na malaman kung anong talaga ang itinuturo at itinataguyod ng mga carol o awitin sa Pasko, sila’y kailangang walang kinikilingan at may bukas na kaisipan sa kanilang pagsusuri.
Nagsasabi ba ng Katotohanan ang mga Iyan?
Marahil ay magtataka ka kung may magbabangon ng mga tanong tungkol sa pagiging totoo ng popular na mga awiting Pampasko. Nguni’t gaya ng makikita mo, may mga bagay na kalimita’y hindi natin pansin na nararapat nating taimtim na suriin. ‘Ano bang mga bagay?’ marahil ay itatanong mo.
Halimbawa, may mga awiting nagsasabi na si Jesus ay ipinanganak nang Araw ng Pasko, Disyembre 25. Totoo ba ito? Prangkahang sasabihin namin na hindi! Bakit namin sinasabi iyan, at bakit dapat mong pag-isipan?
Sa kaniyang Banal na Salita, ang Bibliya, ipinakikita ng Diyos na si Jesus ay isinilang, hindi sa maginaw na taglamig, kundi sa taglagas ng taon. Suriin natin ang mga bagay na may kinalaman diyan. Ang pananalita ng mga ilang awiting Pampasko ay nagpapaliwanag tungkol sa Lucas 2:8, na kung saan mababasa natin na may “mga pastol sa parang at sa gabi’y nangagbabantay sa kanilang mga kawan.” Nguni’t ang panahon ng kaganapan ng pangungusap na iyan ay binabago ng nasabing mga awitin, kaya ang maagang, alinsangang taglagas ay ginagawang gabing taglamig sa Disyembre. Matitiyak ba natin ito? Kung gayon, bakit nga ito makahulugan, o bakit ito mahalaga sa mga umaawit ng mga salita ng mga awiting ito?
Ezra 10:9 tungkol sa nangyari mga ilang milya lamang ang layo sa Bethlehem:
Kung nagkaroon ka ng pagkakataon na mapasa lugar na iyan sa may dulo ng Disyembre, malalaman mo na kung ganitong panahon ang mga burol sa palibot ng Bethlehem ay karaniwan nang malamig at maulan, at kung minsan ang lupa ay nalalatagan ng niyebe. Oo, makakasumpong ka ng ilang patotoo sa Bibliya tungkol dito. Kung sasangguni ka sa halos ano mang encyclopedia ng Bibliya, makikita mo na ang ating buwan ng Disyembre ay katumbas ng huling bahagi ng ikasiyam na buwan (Chislev) ng sinaunang kalendaryong Hebreo at ng unang bahagi ng ikasampung buwan (Tebeth). Samantalang isinasaisip ito, isaalang-alang ang sinasabi ng“Ang lahat na lalaki ng Juda at Benjamin ay nagpisan-pisan sa Jerusalem sa loob ng tatlong araw, samakatuwid nga, noong ikasiyam na buwan ng ikadalawampung araw ng buwan, at lahat ng tao ay nanatiling nangakaupo sa luwal na dako ng bahay ng tunay na Diyos, na nangangatog dahil sa ginaw at dahil sa malakas na ulan.”
Nasasakyan mo ba ang ipinahihiwatig ng tekstong ito? Walang matino-isip na pastol Hebreo ang magsasapanganib sa kaniyang kawan sa mayelong kabukiran na doo’y walang masasabsaban na luntiang damo. Tinitiyak sa atin ng manunulat ng Bibliya na si Lucas na nang si Jesus ay isinilang mayroong mga pastol na nag-aalaga ng kanilang kawan sa mga bukid na nasa palibot ng Bethlehem. Ito’y hindi maaaring noong may bandang dulo ng malamig na Disyembre. Kung gayon, hindi ba masasabing ang pananalita ng Pampaskong mga awiting ito ay isang pagpilipit sa katotohanan? Masasabi pa ring ito’y mga kasinungalingan na nilapatan ng musika.
Maliwanag, ang mga awiting ito ay hindi nagtuturo ng katotohanan tungkol sa Kapaskuhan. Kung gayon, ito ba’y makalulugod sa Isa na tungkol sa kaniya ay sinabi ni Pablo, ‘Hindi maaaring magsinungaling ang Diyos’? (Tito 1:2) Isa pa, ang pag-awit ba ng mga ito ang paraan ng pagsamba sa Diyos “sa espiritu at katotohanan,” na sinabi ni Jesus na ito ang napakahalaga? (Juan 4:24) Ang totoo, “si Jehova na Diyos ng katotohanan,” at ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na siyang “daan at katotohanan at ang buhay,” ay pinararangalan sa pamamagitan ng katotohanan, hindi ng kasinungalingang mga himig. (Awit 31:5; Juan 14:6) Isa pa, kung Kapaskuhan na inaawit ang mga awiting ito, maraming klerigo ang sumisipi sa mga salita ni Lucas tungkol sa mga pastol bilang saligan ng selebrasyon ng Pasko kung Disyembre 25. (Lucas 2:8-14) Gayunman, ito o ang ano pa mang ibang talata ay hindi umaalalay sa Kapaskuhan. Maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na ang gawang pagbabago sa Salita ng Diyos upang magsabi ito ng isang bagay na hindi naman sinasabi nito ay hahantong sa paghatol sa tagapagbagong iyon bilang isang taong masama. Sa sukdulang halimbawa ng mga bulaang propeta sa Israel na “bumago sa mga salita ng Diyos na buhay,” buhay nila ang naging kapalit.—Jeremias 23:16-22, 29-32, 36; Deuteronomio 12:32; 18:20; Kawikaan 30:5, 6.
Kung gayon, gaano mang kaganda kung pakikinggan ang musika sa Pasko, hindi natin maipagwawalang-bahala ang liriko o pananalita niyaon na labag sa Salita ng Diyos. Si Jehova ay napopoot sa kasinungalingan, lalo na kung tuwirang laban iyon sa kaniyang isiniwalat na katotohanan. (Awit 5:4-6) Ang maraming tao ay baka napupukaw ng maririkit na armonya at kalugud-lugod na mga himig kung kaya’t hindi nila iniintindi kung kasinungalingan naman iyon, nguni’t matitiyak natin na hindi gayon ang Diyos at ang kaniyang Anak, si Jesus. Hindi nila tatanggapin ang mga papuri na may lirikong hinaluan ng mga kasinungalingang pumupuri sa kanila nang paimbabaw.
Dapat ba Nating Alalahanin ang Kapanganakan?
Narito ang isa pang dapat isaalang-alang: May alam ka bang talata sa Bibliya na nagsasabing ibig ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo na alalahanin natin ang kapanganakan ni Jesus, kahit na ang hangad natin ay gawin iyon sa panahon ng santaon na kasuwato ng patotoo ng gayong talata ng Bibliya?
Sa pagiging isang mabuting Ama, si Jehovang Diyos ay may tiyakang mga kahilingan sa tuwina sa mga sumasamba sa kaniya. Maingat na binalangkas niya ang kailangan nating gawin upang kamtin ang kaniyang lingap at mga pagpapala. Malimit na inuulit-ulit niya ang mga bagay-bagay upang hindi mali ang maging pagkaunawa natin doon. a Kung gayon, bakit sa nasusulat na Salita ng Diyos ay wala tayong makikita na tuwirang utos o kahit pahiwatig man lamang na dapat nating alalahanin ang makalupang kapanganakan ng kaniyang Anak? Sapagka’t ang higit na minamahalaga ni Jehova ay ang kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus, kaya hinihiling niya sa mga Kristiyano na ipagdiwang taon-taon ang Memoryal ng kamatayan lamang niya. (Lucas 22:19, 20; 1 Corinto 5:7, 8; 11:23-26) Kung gayon, ang mga awiting Pampasko na nananawagan sa pagdiriwang ng kapanganakan ni Kristo ay “humihigit sa mga bagay na nasusulat” sa Bibliya. (1 Corinto 4:6) Inaakala mo ba na ang mga taong nakakaalam nito nguni’t umaawit pa rin ng mga nasabing awitin ay nakalulugod sa Diyos na Jehova? Gaano mang kataimtim ang isang tao, ang kapalaluan at pagsuway ay hindi kinalulugdan ng Diyos.—1 Samuel 15:22, 23.
Mga Kaugalian at mga Paniwala
Ang Diyos na Jehova ay maliwanag na nagbababala laban sa paghahalo ng paganong mga gawain at paniwala at ng dalisay na pagsamba. (2 Corinto 6:14-17) Paganong mga gawain? Oo, gaya ng ipakikita namin ngayon, maraming gawaing pagano ang kaugnay ng Pasko. Ang gayong mga gawain ay kasuklam-suklam sa Diyos, tulad ng mga gawain ng mga Canaaneo na tungkol doon ay ganito ang sabi ni Moises: “Bawat karumal-dumal kay Jehova na kaniyang kinapopootan ay kanilang ginawa.” (Deuteronomio 12:31) Yamang ‘si Jehova ay hindi nagbabago,’ ano sa palagay mo ang pangmalas ni Jehova sa mga awiting Pampasko na, sa ngalan ng pagka-Kristiyano, nanghihimok na paghaluin ang paganong mga gawain at ang dalisay na pagsamba?—Malakias 3:6; Deuteronomio 12:1-3, 29-32.
Halimbawa, ang panawagan ng awit na “Gayakan ang Bulwagan ng mga Sanga ng Holly” ay nag-uugat sa sinaunang paganong pamahiin. Sa pulyetong Discovering Christmas Customs and Folklore, binanggit ni Margaret Baker na ang paggagayak sa mga tahanan ng evergreens (luntiang halaman) ay isang kaugalian ng mga Romano at mga Norse. Ganito pa ang sabi niya:
“Ang mga luntiang halaman na ipinapasok sa bahay kung winter solstice ay waring isang galíng para masiguro ang muling pagbabalik ng mga halaman sa mundo. . . . Ang holly ay malimit na iniuugnay sa mabuting suerte. Sa Louisiana ay nagtatago ng mga berries para magkaroon ng suerte. . . . Ang isang piraso na kinuha sa gayak ng simbahan at itinago ang lalo nang masuerte . . . At ang punungkahoy na itinanim sa labas ng bahay ay proteksiyon ng bahay laban sa kulog, kidlat, apoy at sa masamang mata.”—Pahina 29, 32.
Kung pag-aaralan mo ang liriko ng mga ilang kanta kung Pasko, mapatutunayan mo na nanghihimok iyon na tangkilikin ang mga sarisaring kinaugaliang mga pamahiin. b Hindi kinalulugdan ng Diyos na Jehova ang mga gawaing ito, sapagka’t ipinaaalipin ang mga tao sa takot at kawalang-alam, na humahadlang sa kanila ng paglapit sa kaniya. Ang musika na nagtuturo o nagtataguyod ng mga pamahiin ay hindi para sa mga Kristiyano na naghahangad ng kaniyang lingap.
Ang musikang Pampasko tungkol kay Santa Claus ay pumupukaw ng napakadelikadong lugar—yaong sa maliliit na bata! Baka nadadala ng emosyon ang mga musmos na ito, nguni’t ang tanong ay, Ano ba ang itinuturo ng mga himig na ito sa mga bata? Sa lahat ng dako’y palasak ang maling paniwala tungkol halimbawa sa isang guniguning tao na nakasuot nang pulahan at may maputing balbas. Alam niya kung kailan lahat ng bata ay mabuti o masama. At ang binibigyan lamang niya ng laruan ay yaong mabubuting mga bata, kaya’t sila’y hinihimok na magpakabait upang magkamit ng materyalistikong mga aginaldong ito.
Dito ang kailangang mangibabaw sa atin ay ang katuwiran at hindi ang ating mapangdayang mga puso. (Jeremias 17:9) Si Santa Claus ay isa pa sa mga bunga ng paganong tradisyon, at hindi dahil sa maririkit na himig at liriko na nagsasabi sa mga bata na totoong umiiral siya ay totoo nga iyon. Isa pa, sinasabi ng gayong musika na alam ni Santa ang lahat ng bagay, nguni’t hindi iyan totoo sapagka’t ang Diyos na Jehova lamang ang may gayong katangian. Ang kanila bang mga anak ay dapat turuan ng may takot sa Diyos na mga magulang na maniwala sa gayong mga bagay at kantahin pa? Dapat ba silang magkunwari sa kanilang mga anak na ang paganong Santa Claus ay may kaugnayan sa pagka-Kristiyano na naaayon sa Bibliya?
Ang kanilang mga anak ay hindi sinusuhulan ng marurunong na magulang na magpakabuti. Ang musikang Pampasko ay humihila sa mga bata na maniwalang kung sila’y magpapakabait isang guniguning Santa Claus ang magbibigay sa kanila ng mga laruan. Nariyan ang suhol—mapanlinlang, nguni’t di-mapagkakamalan. Mauunawaan mo na ang ganiyang mga idea ay maaaring makasira sa moralidad ng mga bata sa mga taon na sila’y nahuhubog. Sinasabi ni Jehova na “ang kamangmangan ay nababalot sa puso ng bata; ang pamalong pandisiplina [hindi ang suhol na mga laruang Pampasko] ang mag-aalis niyaon sa kaniya.” (Kawikaan 22:15) Malinaw na masasabing isang malaking panlilinlang ang mga awiting Pampasko tungkol kay Santa Claus. Ito’y sisira ng paggalang sa tunay na mga simulain ng Bibliya.
Ang mumunting mga bata na sa langit nakatanaw ay sa “tinapay” ng katotohanan ng Diyos kailangang busugin. Ang kanilang mapag-usisang kaisipan ay hindi nasisiyahan sa ‘mga bato’ ng kasinungalingan.—Mateo 7:9.
Sino ang Nasa Likod Nito?
Kailangang harapin natin ang katotohanan na ang Pasko at ang musika ng Pasko ay hindi sa Diyos ng katotohanan, si Jehova, nanggagaling. Kung gayon ay saan? Nanggagaling iyan, kung katuwiran ang pagbabatayan, sa isa na walang tanging layunin ngayon kundi iligaw ang pinakamaraming tao hangga’t maaari. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ito ang tunguhin ni Satanas na Diyablo. Kaya’t naiintindihan mo na kung bakit ang Pasko at ang mga kaugalian tungkol dito ay nagagamit niyang kasangkapan. Samantalang ang binubusog nito’y ang ating mga sentido ang isip naman natin ay binubulag sa katotohanan na nasa Bibliya. (2 Corinto 4:4) Batid ni Satanas ang bisa sa mga tao ng musika. Sa mga simbahan at mga templo sa buong lupa ay nilambungan niya ang mga turo at kaugaliang ito upang ang mangibabaw ay malalambing na himig at magagandang liriko na tuso ang paraan ng paglapastangan sa Diyos. Kaya’t may ipinagkakaiba ba riyan ang musikang Pampasko?
Angkop na banggitin ang puna ni Tertullian tungkol sa mga libangang pagano. Ang nag-aangking Kristiyanong ito noong ikalawang siglo ay sumulat:
“Ipagpalagay natin na doo’y may mga bagay na nakalulugod, na kapuwa kaaya-aya at walang kapintasan sa ganang sarili, mga bagay na napakainam. Ang lason ay hindi hahaluan ninuman ng apdo [na kapuwa mapait at nakalalason] . . . Ang lason ay inihahalo sa mga rikado na tinimplang mainam at pinatamis na mabuti. Gayundin naman, sa kaniyang inihahandang panlason ay inilalagay ng diyablo ang mga bagay na sa Diyos, na totoong kaaya-aya at kalugud-lugod. Lahat-lahat na nariyan, ngayon, na magiting, marangal, maingay, malambing, o malinamnam ang lasa, ay wala kundi isang matamis na piraso ng bibingkang may lason.“—Ang Panoorin (De Spectaculis), kabanata 27.
Oo, nagagawa ni Satanas na ang musika sa Pasko ay magtinging sa Diyos at ang pagkanta niyaon ay isang tungkuling Kristiyano na nagpaparangal sa Kaniya at sa kaniyang Anak. Ang totoo, yaong kabaligtaran ang ginagawa.—2 Corinto 11:14.
Yaong mga nagsisikap na kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos na Jehova na ang dulo’y buhay na walang hanggan ay hindi padadala sa pandaraya at kagandahan ng musikang Pampasko. Kanilang iiwasan ito na katulad ng “isang matamis na piraso ng bibingkang may lason.”
[Mga talababa]
a Pansinin ang mga detalye na binalangkas ng Diyos may kaugnayan sa kung paano gaganapin ng mga Israelita ang kaniyang mga kapistahan sa Exodo 12:1-27; 23:14-17; Levitico 23; Deuteronomio 16:1-16.
b Tingnan ang “The Music of Christmas,” Awake! Disyembre 22, 1969, pahina 5-8.