Isang Malaking Hakbang Para sa Isang Maliit na Bansa
Isang Malaking Hakbang Para sa Isang Maliit na Bansa
ANG makita namin ang lahat na ito, hindi kami nakapangusap!” Isa lamang iyan sa naibulalas ng marami nang sila’y maging mga panauhin sa palatuntunan ng pag-aalay ng bagong sangay at lahat ng gusali niyaon ng mga Saksi ni Jehova sa Emmen, Netherlands (o Holland), noong Oktubre 29, 1983.
Mayroong 1,150, kasali na ang 54 na delegado sa siyam na mga iba pang bansa, ang dumalo sa palatuntunan. Dumalo rin ang daan-daang mga old-timers, na ang “ulong may uban” ay nagbigay ng natatanging linamnam sa okasyong iyon. Kabilang sa mga pantanging panauhin si M. G. Henschel, isang kagawad ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, na nanggaling pa sa New York upang gumanap ng bahagi sa programa ng pag-aalay. Sa karatig, sa dalawang assembly hall, mayroong 2,978 katao ang nakapanood ng mga slides at nakapakinig sa palatuntunan sa pamamagitan ng hookup o koneksiyon ng telepono.
Nasaksihan ang Pamamatnubay ni Jehova
Ang ipinunta roon upang makita at hangaan ng mga panauhin ay ang mga bagong pasilidad ng Sangay ng Watch Tower Society sa Netherlands. Ang complex ng mga gusali ay may tirahan na maaaring okupahan ng 120 katao na manggagawa sa sangay. Mayroon ding silid-kainan para sa 160 katao, isang modernong kusina at karugtong na panaderya, londri, Kingdom Hall, at library. Bukod dito, may mga opisina na kung saan 30 katao ang makapagtatrabaho nang maalwan, at isang palimbagan at shipping area na kalahati ng laki ng isang laruan ng putbol. Lahat na ito ay nasa isang
lote na 5-hektarya (12-a.) ang laki sa bayan ng Emmen.Nguni’t bakit ang Emmen ang napili gayong ito’y pagkalayu-layo sa malalaking lunsod sa kanluran ng Netherlands at sa dating mga pasilidad ng sangay sa Amsterdam? Ang istorya tungkol sa paghahanap sa isang angkop na lote sa mataong bansang ito ay malinaw na katunayan na pinatnubayan ni Jehova ang bagay na iyan.
Ang paghahanap ay nagsimula noong 1978. Nang sumapit ang 1980 ay waring walang kabuluhan ang lahat ng pagsisikap dahilan sa mahihigpit na batas tungkol sa lupa ng gobyernong Olandes, na nagtatakda ng limitasyon sa pagtatayo ng malalaking proyekto ng mga gusali. Kaya, ang ginawa ng Watch Tower Society ay inihinto ang paghahanap at nag-aplay na tuwiran sa tanggapan ng Town and Country Planning.
At ginanap ang pakikipagpanayam. Ang opisyal ay matamang nakinig sa mga mungkahi ng mga Saksi. At, sa ipinagtaka ng lahat doon, sinabi niya: “Ang mga Saksi ni Jehova ay gumawa ng isang pambihirang gawain sa ating bansa noong ikalawang digmaang pandaigdig at sa kasamaang-palad lahat na ito ay napakadaling nakalimutan. Sisikapin ko na ang inyong sentro ay diyan mapalagay sa isa sa tatlong hilagang probinsiya ng Netherlands.” Talagang sinagot ni Jehova ang mga panalangin ng kaniyang mga lingkod.
Gumawa ng kaayusan upang sa mismong kinabukasan ay makipagkita sa direktor ng Town and Country Planning sa norte ng bansa. Hindi lumipas ang 24 na oras at nakakita sa Emmen ng isang lote na mga limang hektarya ang laki. At ganoong-ganoon ang talagang kailangan. Isang palakaibigang burgomaster o alkalde ng Emmen, sa kaniyang pagtataka sa gayong magandang pakikitungo ng mga autoridad sa pagsosona, ang nagbigay ng katibayan na handa ang lokal na gobyerno ng Emmen na pagbigyan ang mga Saksi ni Jehova. Ang pangakong ito ay tinupad naman nang husto.
Pagharap sa Hamon
Noong Agosto 1980 ay nagsimula ang paghuhukay. Nguni’t may isang problema. Hangga noon, ang mga Saksi ni Jehova sa Netherlands ay wala pang karanasan sa konstruksiyon maliban sa pagtatayo ng Kingdom Hall o ng Assembly Hall. Ngayon ay nakaharap sila sa hamon ng pagtatayo ng tahanan para sa 120 katao pati na rin ng isang modernong plantang palimbagan na may machine shop at mga gamit sa electronic typesetting. Hindi nga ipagtataka na nang isang slide ng orihinal na grupo ng 15 mga tagapagtayo na magsisimula ng pagtatrabaho sa proyekto ay ipakita sa mga naroroon sa palatuntunan ng pag-aalay, lahat ay sumang-ayon na ang mga tagapagtayo at mga organisador ay “optimistiko,” ang masasabi tungkol doon.
Hindi nagtagal at ang grupo ay naragdagan hanggang sa maging 120 buong-panahong mga manggagawa. Kung mga dulo ng sanlinggo ay umaabot hanggang 150 katao na galing sa mga kongregasyon ang nagpupunta at tumutulong. Nguni’t paano ba nakagawa ng gawaing iyon ang grupong ito ng mga manggagawang halos walang karanasan? “Ang mga anghel ang nagtayo para sa amin,” ang sabi ng isa sa mga tagapagtayo. Ang mahihirap na trabaho ay laging natatapos sa dakong huli, at ang mga problema ay nalulutas nang di-inaasahan.
Halimbawa, kahit na kung ang kongkreto ay napakamahal sa panig na ito ng bansa, isang segunda manong concrete mill (batch plant) ang bukas-palad na inihandog, at dito’y nakatipid ng $60,000 (U.S.). At, nang isang malaking crane na tagapagtaas ang kailangan, isang kontratista sa pagtatayo ang mayroong isa nito na ibinebenta. Hindi lumipas ang mga ilang linggo at isang 125-piye (40-m) na crane ang itinayo sa lugar ng konstruksiyon. At sino ang magpapaandar niyaon? Isang espesyal payunir (buong-panahong ministro) na sinanay bilang isang crane operator mga ilang linggo lamang bago nagsimula ang pagtatayo ng gusali.
Gayundin ang istorya tungkol sa ibang dalubhasang mga manggagawa. Halos ang buong sentral na sistema para sa pagpapainit at ang instalasyon ng mga tubo ay dinisenyo at ikinabit ng mga espesyal payunir na nag-aral sa mga klase sa gabi upang sila’y maging lisensiyado. Tatlo sa draftsmen ang napapunta sa katotohanan mga ilang taon lamang ngayon ang nakalipas. Sila’y nagtatrabaho
sa iisang kompanya na kung saan isang kamanggagawa nila, isang Saksi, ang nagdala sa kanila ng “mabuting balita.” Maging ang tagapanihala ng pagtatayo ay tamang-tama lamang ang pagdating. Siya’y nakaalam ng katotohanan mga ilang taon lamang ngayon ang nakakalipas at sila ng kaniyang pamilya ay lumipat sa Emmen.Pinalalago Iyon ni Jehova
Sa kabila ng kapuri-puring pagsisikap ng mga kapatid, isang tanong ang nasaisip pa rin ng mga dumalo sa pag-aalay: “Anong talaga ang nagpapangyari sa mga lingkod ni Jehova sa munting bansang ito na matupad ang gayong pagkalaki-laking proyekto?” Maliwanag ang sagot. Ang iba’t-ibang nagpahayag sa programang iyon ng pag-aalay ay naglahad sa mga tagapakinig ng nakaraang kasaysayan upang ipakita kung paano pinagpala ni Jehova ang mga tapat.
Si Willi Diehl, delegadong taga-Switzerland, ay naglahad ng istorya mula nang matapos ang Digmaang Pandaigdig I. Sinabi niya na si J. F. Rutherford, na pangulo noon ng Watch Tower Society, ay nag-anyaya sa isang dentistang Olandes, si Adriaan Block, na naninirahan noon sa Mulhouse, Pransiya, upang bumalik sa Netherlands at tumulong sa pangangaral doon. Magpahangga noon ang gawain sa Netherlands ay nasa-ilalim ng pamamahala ng tanggapang sangay sa Bern, Switzerland ng Gitnang Europa. Sa gayon, noong 1922, isang tanggapang sangay ang itinayo sa Witte de Witstraat sa Amsterdam. Ito’y inilipat sa Haarlem noong 1927.
Sa una, ang gawain ay kasingbagal ng isang kalabaw na humihila ng kariton, wika nga. Subali’t ang mabagal na paglalakbay na iyan ay hinalinhan ng siguradong sasakyang de-motor. Isa pang tagapagpahayag, si Richard Kelsey na taga-Alemanya, ang nagsabi sa mga tagapakinig na mga payunir na taga-Alemanya ang talagang naghanda ng daan para sa gawain sa Netherlands. Noong 1932, 8 sa 12 payunir sa bansang ito ang nanggaling sa Alemanya. Nang maglaon, dahil sa pag-uusig sa kanila ng mga Nazi marami pang mga kapatid na Aleman ang nagsitakas at naparoon sa Netherlands, at doo’y nagpatuloy sila ng pangangaral.
Samantalang sumusulong ang pangangaral, nagkaroon ng parami nang paraming literatura sa wikang Olandes. Mas maaga, inilathala ang The Watchtower sa Olandes noong 1918. Nguni’t ito’y hanggang sa tatlong labas lamang dahil sa kakulangan ng interes. Muling inilathala ito noong 1926, at hindi na naputol kailanman, kahit na noong mahihirap na kaarawan ng Digmaang Pandaigdig II.
Nang malapit nang mapasangkot sa digmaan ang Netherlands, at pasimula sa labas noong Oktubre 1939, ang Watchtower
na Olandes ay nililimbag sa isang palimbagan na nanggaling sa Prague, Czechoslovakia. Nagalak ang lahat ng dumalo sa pag-aalay na iyon nang makita nila sa plataporma ang opereytor ng palimbagang iyon, si Brother Alois Stuhlmiller, isa sa mga unang payunir sa Alemanya, at nang mapakinggan nila sa kaniya ang istorya tungkol sa paglimbag ng mga magasin.Hindi nagtagal ang pag-iimprenta sa Haarlem. Ang palimbagan ay kinumpiska ng mga manlulusob na Nazi. Bilang bayad-pinsala, pagkatapos ng digmaan ang pamahalaang Olandes ay nagbigay ng pahintulot na makapagtayo ng isang imprenta sa Amsterdam, bagaman ang mga magasin ay sa mga ibang bansa ginagawa. Ang imprentang ito ang umunlad at sa ngayo’y ito ang rotary offset na plantang palimbagan sa Emmen, na kung saan nililimbag ngayon ang mga magasing Olandes.
Pagtanaw sa Hinahanap na Panahon
Hindi lamang ang mga gusali at ang gawaing paglimbag ang pinalawak kamakailan kundi pati ang mga manggagawa sa sangay, o ang pamilyang Bethel, ay dinagdagan pa. Nang unang itatag ang sangay noong matapos ang Digmaang Pandaigdig II, tatlo o aapat lamang ang manggagawa. Noong 1964 ang pamilyang Bethel ay may 19 na miyembro. Nang magsimula ang 1980’s ang bilang nila ay 25. Nang isinusulat ito, sila’y 75 sa kanilang bagong tahanan sa Emmen, at lubusang okupado sa kanilang trabaho. Ngayong sagana sila sa gamit at pasilidad, inaasahan nila ang lalong malawak na gawain.
Isang malaking hakbang ba? Para sa maliit na bansang ito, Oo. Pagkalaki-laki ba? Hindi! Sapagka’t gaya ng sinabi ni Brother Henschel sa kaniyang pahayag sa pag-aalay: “Ang gusaling ito ay hindi ginawa para sa walang kabuluhan.” May magandang kinabukasan ang gawain ng Panginoon sa munting bansang ito. Kailangang tumingin tayo sa hinaharap at gumawang puspusan. Ang 28,000 mga Saksi ni Jehova sa Netherlands ay disididong gawin ito. Bagaman nagbago ang panahon, at marami ang hindi interesado sa relihiyon, marami rin ang nakikinig sa pabalita ng Bibliya tungkol sa isang napipintong bagong kaayusan. Kung kalooban ni Jehova, ang mga Saksing Olandes ay nangalulugod na sila’y gamitin sa higit pang pagpapalawak sa mga kapakanan ng Kaharian sa maliit na bansang ito.
[Mapa sa pahina 26]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
NETHERLANDS
Emmen
Haarlem
Amsterdam
WEST GERMANY
BELGIUM
[Larawan sa pahina 28]
Ang malawak ng bulwagan ng bagong tanggapang pansangay
[Larawan sa pahina 29]
Inilahad ni Alois Stuhlmiller kung paano sinimulang limbagin sa Netherlands ang ‘The Watchtower’