Kaligayahan sa Kabila ng Manlalabag-Kautusang, Walang Pag-ibig na Daigdig
Kaligayahan sa Kabila ng Manlalabag-Kautusang, Walang Pag-ibig na Daigdig
“Maliligaya silang walang kapintasan sa kanilang lakad, silang nagsisilakad sa kautusan ni Jehova.”—Awit 119:1.
1, 2. (a) Saan nanggaling ang tunay na kaligayahan, at hanggang kailan posibleng makaranas ng kaligayahan? (b) Imbis na tawaging “the Beatitudes” o “ang mga Pagpapala,” ano ang dapat itawag sa pambungad na bahagi ng Sermon sa Bundok, at bakit nga gayon?
ANG kaligayahan ay nanggagaling sa Maylikha ng tao. Siya “ang maligayang Diyos” na may mabuting balita para sa atin. (1 Timoteo 1:11) Siya’y naghanda ng walang hanggang kaligayahan para sa kaniyang mga nilalang na tao dito sa lupa. Kahit na ngayon, maaari silang lumigaya sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang mga alituntunin.—Awit 119:26, 33.
2 May labingsiyam na siglo na ang nakalipas nang si Jesu-Kristo, na Anak ng “maligayang Diyos,” ay bumigkas ng pahayag na tinatawag na Sermon sa Bundok. Sang-ayon sa Mateo 5:1-12, ang sermong ito ay nagsisimula sa tinatawag na “the Beatitudes” (sa Ingles) at ang ibig sabihin (sa Ingles) ay “the Blessedness” (sa Tagalog ay, “ang mga Pagpapala”). Datapuwa’t, sang-ayon sa wikang Griego, na sa wikang ito isinalin ang salaysay ng alagad na si Mateo ng buhay dito sa lupa ni Jesu-Kristo, ang mga ito ay dapat ngang tawagin na “the Happinesses” o “ang mga Kaligayahan.” Kahit ang salaysay ni Mateo sa wikang Hebreo ay gumagamit ng salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay “maligaya.”
3. (a) Ang manunulat ba ng Awit 119 ay naging karapat-dapat magtamasa ng pantanging mga kaligayahan, na inilahad ni Jesu-Kristo? Ipaliwanag. (b) Ilarawan ang ipinahayag na damdamin ng salmista tungkol sa tipang Kautusan na si Moises ang tagapamagitan.
3 Ang isang tao noong una na karapat-dapat magtamasa ng gayong mga kaligayahan na inilalahad ng Judiong Mesiyas, si Jesu-Kristo, ay ang kinasihang Judiong manunulat ng Awit 119, ang pinakamahabang salmo ng Bibliya. Kasuwato ng mga dahilan na ibinigay ni Jesu-Kristo upang maging maligaya, ang salmista ay palaisip sa kaniyang espirituwal na pangangailangan. Gayundin, siya’y nagdadalamhati, siya’y maamo, siya’y nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, siya’y mahabagin, siya’y inaalimura at pinag-uusig, at siya’y pinagwiwikaan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan. Kaniyang isinulat ang awit daan-daang taon bago ng ating Common Era (o karaniwang Panahon), samantalang ang bansang Israel ay nasa ilalim pa ng tipang Kautusan na ang naging tagapamagitan sa Diyos na Jehova at sa bansang Israel noong 1513 B.C.E. sa bundok Sinai ay ang propetang si Moises. Angkop naman na walang makitang kapintasan sa Kautusan ng tipang iyon ang salmista, sapagka’t iyon ay bigay-Diyos. Alam na alam niya na ang mga bansang pagano sa buong palibot ng lupain ng Israel ay walang anuman na maihahalintulad sa banal na Kautusang iyon. Kaniyang itinuring iyon na nagbibigay ng lubusang kaliwanagan, at ang sabi sa talatang 105 at 130: “Ang iyong salita ay ilawan sa aking paa, at tanglaw sa aking daan. Ang mismong isinisiwalat ng iyong mga salita ay nagbibigay ng liwanag, nagpapaunawa sa mga walang karanasan.”
4. (a) Ano ba ang kaayusang ginamit sa pagsulat ng Awit 119, at papaanong ito ay nakatutulong? (b) Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay nagbigay ng halimbawa para kanino nang tukuyin nila “ang aklat ng mga awit,” at sa anong layunin?
4 Upang makatulong sa pagtatanda ito’y ginawa ng salmista na isang alpabetikong awit, kung kaya’t sa 22 estropa ang bawa’t isa sa 8 taludtod sa Hebreo ay pawang nagsisimula sa iisang letrang Hebreo, ayon sa pagkakasunud-sunod sa alpabeto o abakada. Samakatuwid bawa’t taludtod ng unang estropa sa ilalim ng unang letrang Hebreo na Aleph na pinaka-pamagat nito ay nagsisimula sa unang letra na Aleph. Ang bawa’t taludtod ng pangalawang estropa ay nagsisimula sa ikalawang letrang Hebreo na Beth. Kaya’t sa 22 estropa ng awit na ito ay ganiyang kaayusan ang sinusunod, katumbas ng 22 letra ng alpabetong Hebreo. Dahil sa may 8 taludtod na Hebreo ang bawa’t isa ng 22 estropa, ang awit na iyan ay binubuo ng 176 na bersikulo o talata. Sa kaniyang pagtuturo, tinukoy ni Jesu-Kristo mismo “ang aklat ng Mga Awit.” (Lucas 20:42; 24:44) Dito’y nagbigay-halimbawa siya para sa kaniyang mga alagad.—Gawa 1:20; 13:33; 1 Corinto 14:26; Efeso 5:19; Colosas 3:16; Hebreo 4:7; Santiago 5:13.
5. Sa pagsisimula ng Awit 119, kaninong mga karanasan ang malamang na sumasaisip ng manunulat?
5 Walang alinlangan na ang salmista ay sumulat batay sa kaniyang sariling karanasan nang simulan niya ang Awit 119, ng pagsasabi: “Maliligaya silang walang kapintasan sa kanilang lakad, silang nagsisilakad sa kautusan ni Jehova. Maligaya silang mga nag-iingat ng kaniyang mga paalaala . . . Sila’y nagsisilakad sa kaniyang mga daan. Ikaw mismo ang nagbigay sa amin ng iyong iniuutos na mga tuntunin upang sunding maingat. Oh sana’y maging matatag ang aking mga lakad sa pagsunod sa iyong mga alituntunin. Kung magkagayon ay hindi ako mapapahiya, pagka sa lahat mong mga utos ako nakatingin. Papupurihan kita ayon sa katuwiran ng aking puso, pagka aking natutuhan ang iyong matuwid na mga kahatulan. Ang iyong mga alituntunin ay patuloy na sinusunod ko. Oh huwag mo akong pabayaang lubos.”—Awit 119:1-8.
6. (a) Papaanong sa awit na ito ay pinatitingkad ang mga pinaka-susing salita? (b) Ang salmista ay isang estudyante ng ano, at papaano ito pinatutunayan?
6 Sa pambungad na estropang iyan na may 8 taludtod sa Hebreo mapapansin natin ang mga pinaka-susing salita na kautusan, paalaala, tuntunin, utos, at kahatulan. Sa buong 176 na mga talata sa Hebreo ay idinidiin ng salmista ang mga salitang iyan. Halimbawa, kaniyang ginagamit ang salitang “kautusan” 25 beses, “paalaala” 22 beses, “tuntunin” 21 beses, “alituntunin” 21 beses, “utos” 20 beses, “kahatulan” 21 beses, at ang kaugnay na salitang “utos” ay ginagamit na makalawa sa awit. Sa kabila ng paulit-ulit na paggamit ng salmista sa mga salitang ito na marahil may himig na parang mga termino sa hukuman, walang ebidensiya na siya’y isang propesyonal na abugado o hurista o kahit isang hukom. Siya unang-una ay isang estudyante ng nasusulat na Salita ni Jehova, at ito’y pinatutunayan ng kaniyang paggamit nang maka-15 beses sa pananalitang ang “iyong salita.” Kung siya ang hari ng bansang Israel, siya’y nasa ilalim ng banal na utos na sumulat ng sariling kopya ng Kautusan ng tipan ni Jehova sa Israel para kaniyang pag-aralan at gamitin. (Deuteronomio 17:14-18) Ang masinsinang pag-aaral ng “salita” ni Jehova na isinasaisip ang ganitong mga bahagi ay hindi itinuring ng salmista na kabagut-bagot, at nakapanghihinawa. Kinasasabikan niya yaong tutulong sa kaniya na maging masunurin sa kautusan. (Awit 119:40, 131, 174) Tayo ba’y katulad niya?
7. (a) Papaano tayo nakikinabang sa ating pagkaalam at paglakad sa kautusan ng Diyos? (b) Ano ba ang “Torah” na binabanggit, nguni’t nasa-ilalim ng anong kaayusan ang mga Kristiyano?
7 Pagka ang pandaigdig at pambansa na mga kautusan ng mga lupain na nasailalim ng di-nakikitang kapangyarihan ng “ama ng kasinungalingan,” si Satanas na Diyablo, ay inihambing natin sa kautusan ni Jehova, tayo’y makikiisa sa salmista sa pagsasabi: “Ang kautusan mo ay katotohanan. Ikaw ay malapit, Oh Jehova, at lahat ng iyong mga utos ay katotohanan.” (Juan 8:44; Awit 119:142, 151) Kaya’t sa pamamagitan ng ‘paglakad sa kautusan ni Jehova,’ tayo, tulad ng salmista, ay iingatan upang huwag mapasa-daan ng makasanlibutang kasinungalingan sa ikapapahamak natin, sa katawan at sa espiritu. Ito’y nagdudulot sa atin ng kaligayahan. (Awit 119:1) Ito’y nagdudulot sa atin ng banal na pagpapala at pagsang-ayon. Apektado nito ang ating mga puso, gaya ng ipinakikita ng Awit 119:97, 126, 127. Ang salmista ay nasailalim ng tipan ng Kautusang Mosaico na binubuo ng “Torah,” ang kalipunan ng banal na kautusan na binubuo naman ng maraming daan-daang bukud-bukod na mga kautusan. Ang pinahirang mga saksi ni Jehova sa ngayon ay nasa-ilalim ng bagong tipan (na si Jesu-Kristo ang Tagapamagitan) at may “kautusan” na, wika nga, nasusulat “sa kanilang puso.” (Jeremias 31:31-34) Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kasulatang Griego Kristiyano, sila’y nagkakaroon ng kaalaman sa bagong tipang “kautusan” at sa mga utos na bahagi niyaon.
8. (a) Maganda ba ang kinabukasan ng manlalabag-kautusang daigdig na ito? (b) Papaano binanggit ng salmista ang kaniyang pagtangis dahilan sa hindi pagtupad ng mga Judio ng Kautusan ng Diyos? (c) Papaano natupad ang inihula ni Jesus tungkol sa masuwaying Jerusalem, at ano ba ang ipinaghahalimbawa nito para sa Sangkakristiyanuhan?
8 Palapit nang palapit ang takdang panahon na ang matuwid na Tagapagbigay-Kautusan, si Jehova, ay kikilos laban sa manlalabag-kautusang daigdig na ito. Napipinto ang isang malungkot na pangyayari. Noong kaniyang kaarawan ang salmista, na isang mangingibig ng kautusan ng Diyos, ay tumangis dahil sa kalagayang iyon. (Awit 119:136) Mga ilang araw bago dumanas ng malupit na kamatayan ng isang martir, tinangisan ni Jesu-Kristo ang masunurin sa sali’t-saling-sabi nguni’t manlalabag-kautusang lunsod ng Jerusalem. (Lucas 19:41) Tatlumpu’t-pitong taon matapos na umabot sa sukdulan ang ginagawa ng mga Judiong paglabag sa kautusan nang ang walang-salang Mesiyas, si Jesu-Kristo, ay kanilang ipapatay sa kamay ng mga Gentil, si Jehova ay kumilos. (Awit 119:126) Ang nakalulungkot na mga bagay na inihula ni Jesu-Kristo ay sumapit nga sa lunsod noong 70 C.E. Sa ngayon ang inilarawan ng Jerusalem noong una, at ang mga mamamayang Judio na sakop nito, ay kasangkot sa lalong higit na malawak na paraan. Ang Sangkakristiyanuhan, na kaniyang inilarawang manlalabag-kautusan sa modernong panahon, ay makapupong mas malaki kaysa sinaunang Jerusalem at sa bansang Israel. Sa kaniyang sariling paraan ay ilalagay ni Jehova sa mga puso ng mga politiko ng sanlibutang ito na sila’y magbangon laban sa lahat ng organisadong relihiyon ng sanlibutan, kasali na ang Sangkakristiyanuhan, ang huwad na Kaharian ni Kristo.—Apocalipsis, kabanata 17.
9. (a) Ipakita ang pagkakaiba ng ginagawa ng Sangkakristiyanuhan na pagbububo ng dugo bilang kabaligtaran naman ng saloobin at iginagawi ng mga Saksi ni Jehova. (b) Kaninong halimbawa naman ang sinusunod natin? (c) Sa anong mga dahilan itinatakuwil ni Kristo ang Sangkakristiyanuhan ngayon?
9 Hindi ba dalawang digmaang pandaigdig ang nagsiklab sa Sangkakristiyanuhan, na ang nagtaguyod pa ng gayong pagbububo ng dugo ay ang kaniyang mga klerigo? Tuwirang kabaligtaran naman ng gayong mga maninira ng kautusan ng bagong tipan ng Diyos, na nag-uutos na pairalin ang pag-iibigang magkakapatid, ang salmista ay nagsabi bilang halimbawa na sinusunod ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon: “Kinapopootan ko ang kasinungalingan, at sa tuwina’y kinasusuklaman ko. Ang kautusan mo ay aking iniibig.” (Awit 119:163) Nais niyang siya’y buong pusong makasunod sa kautusan. Kaniyang ipinapahayag na ayaw niya ng isang saloobing malamig at malahininga, na ang sabi: “Ang mga malalamig ay kinapopootan ko, nguni’t ang iyong kautusan ay aking iniibig.” (Awit 119:113) Ganiyan ang damdamin ni Jesu-Kristo sa Sangkakristiyanuhan ngayon, sapagka’t katulad ito ng kongregasyon sa sinaunang Laodicea. Sa Sangkakristiyanuhan ay may katuwiran siyang sabihin: “Sapagka’t ikaw ay malahininga at hindi mainit o malamig man, isusuka kita sa aking bibig.” (Apocalipsis 3:16) Hindi natin maaaring ibigin ang manlalabag-kautusang, walang pag-ibig na sanlibutan at ibigin pa rin si Kristo. Hindi tayo maaaring lumagay sa alanganin. Ang mainit na pag-ibig ang dapat magpakilos sa atin na maging masunurin sa Diyos. Hindi kailanman kakasihan ni Jehova ang kaniyang buong pusong lingkod na magsalita ng di-gaya nito: “Aking ipakikita ang pagkahumaling sa iyong mga utos na aking iniibig.”—Awit 119:47.
10. (a) Ano mayroon tayo na kinahuhumalingan, gaya ng kinahumalingan ng salmista? (b) Ano ba ang dahilan ng kadalamhatian ng salmista, nguni’t anong landas ang patuloy na sinunod niya, at ano ang epekto nito sa atin?
10 Ang pagkahumaling natin sa kautusan ni Jehova ay umaakay sa kaligtasan. Ganito ang inaamin ng salmista nang kaniyang sabihin: “Kung ang kautusan mo’y hindi siyang aking kinahumalingan, disin sana’y namatay na ako sa aking kadalamhatian.” (Awit 119:92) Ang kaniyang kadalamhatian ay hindi dahil sa ano mang dinaranas na sakit na maaaring maghatid ng kamatayan. Ang kaniyang kadalamhatian ay dahil sa mga taong palalo (sa Diyos), na napopoot sa kaniya at umuusig sa kaniya. Sa ginawang panggigipit sa kaniya ay baka siya napadala sa hangarin ng gayong mga Israelita at nakalabag sa kalooban ni Jehova kung hindi napakalaki ang pag-ibig niya sa kautusan ni Jehova. Anong inam na halimbawa ang salmista para sa atin ngayon na mga ginigipit ng isang sanlibutan na kung saan sagana ang katampalasanan kung kaya’t ang pag-ibig ng karamihan ng tao ay lumamig sa panahon ng katapusang ito ng sistema ng mga bagay.—Mateo 24:3, 12.
11. Sa pamamagitan lamang ng ano tayo maliligtas, kaya’t ano ang pagkakilala natin sa mga panukala ng mga tao?
11 Sa pamamagitan lamang ng pag-iingat ng kautusan ng Diyos makakaasa tayong tayo’y maliligtas magpakailanman. Inaasam-asam natin na makaligtas sa bagong sistema ng Diyos ng mga bagong langit at isang bagong lupa. Sa may bandang dulo ng Awit 119, talatang 174. ay ipinapahayag ito, na ang sabi: “Inaasam-asam ko ang iyong pagliligtas, Oh Jehova, at ang iyong kautusan ay aking kinahuhumalingan.” Kung gayon, ating itinatakuwil ang mga panukala at kaayusan ng mga tao ukol sa kaligtasan ng manlalabag-kautusang, walang pag-ibig na daigdig na ito.
Masunurin sa Kautusan Bagaman Pinag-uusig
12. (a) Ang pag-uusig sa “babae” at sa kaniyang “binhi” ay sino ang pasimuno at nagsasagawa, at bakit? (b) Papaano pinagwikaan ang mga mang-uusig?
12 Ang pambuong daigdig na pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova ay inihula na magaganap sa mga huling araw ng naghihingalong matandang sistemang ito ng mga bagay sa ilalim ng di-sumusukong pamamahala ng simbolikong dragon, si Satanas na Diyablo. Sa Apocalipsis 12:17 ay tinutukoy ang kaniyang pinupuntirya, at nagsasabi: “Nagalit ang dragon sa babae [ang tulad-asawang organisasyon ni Jehova], at umalis upang makibaka sa mga nalabi ng kaniyang binhi [bukod sa bagong-silang na Kaharian], na mga nagsisitupad sa mga utos ng Diyos at may gawain na magpatotoo kay Jesus.” Ang pag-uusig ay nanggagaling lalung-lalo na sa mga palalo na lumilihis sa mga ipinag-uutos ng Diyos para sa mga huling araw na ito ng nakikitang sistema ng dragon ng mga bagay dito sa lupa. Sa pamamagitan ng pabalita ng Kaharian na ipinangangaral sa buong daigdig ng mga Saksi ni Jehova, pinagwikaan ni Jehova ang mga sinumpang ito, gaya ng sinasabi ng Awit 119:21: “Iyong pinagwikaan ang mga palalong sinumpa, na nagsisihiwalay sa iyong mga utos.” Ibang-iba naman yaong mga tapat na sinisiraan at inuupasala ng gayong mga palalong mang-uusig, kagaya rin ng ginawa sa salmista na nagsabi: “Ako’y labis-labis na tinuya ng mga palalo. Hindi ako lumihis sa iyong kautusan.”—Awit 119:51.
13. (a) Sa kabila ng mga balakyot na hangarin ng mga mang-uusig, ano ang resulta ng patuloy na pagsunod sa kautusan ng Diyos? (b) Sa modernong panahon, papaano ba napatunayan ito?
13 Dahil sa nakikita ng mga ito na ang mga Saksi ni Jehova ay nagsisilakad na kasuwato ng kautusan ni Jehova para sa panahong ito, sinisikap ng palalong mga mang-uusig na ibagsak ang masunurin sa kautusan na mga Saksi, gaya ng ipinaghalimbawa sa kaso ng salmista, na nagsabi: “Inihukay ako ng mga palalo ng mga kahuhulugang lungaw, silang mga hindi umaayon sa iyong kautusan.” (Awit 119:85) Ang pagkapahiya ng mga palalong tagapagpakanang iyan ay nangangahulugan hindi lamang ng pagkabilad ng kanilang mga pandaraya kundi, lalung-lalo na, ng pagbabangong-puri ni Jehova bilang ang tunay na Diyos. Kaya naman nakapanalangin ang salmista nang walang malisya: “Mangapahiya ang mga palalo, sapagka’t kanilang nilinlang ako nang walang kadahilanan. Sa ganang akin, ako’y sa iyong mga tuntunin nababahala.” (Awit 119:78) Pinapangyayari ni Jehova na kahit na ang pag-uusig ay magbunga ng mabuti at walang mapala roon na ano mang pakinabang ang mga mang-uusig. Kaniyang tinutugon ang panalangin sa Awit 119:122: “Maging tagapanagot ka ng iyong lingkod para sa ikabubuti. Huwag nawa akong dayain ng mga palalo.” Ang mga Saksi ni Jehova ay napaharap sa panganib ng lansakang pagkakamatay noong panahon ng mga diktador na sina Benito Mussolini at Adolf Hitler, subali’t dahil sa hindi nila nalimutan ang kautusan at mga utos ng kanilang Diyos, sila’y nanatiling matatag at marami sa kanila ang nakaligtas. Sa pananalita ng Awit 119:60, 61, ang mga nakaligtas ay makapagsasabi: “Ako’y nagmadali, at hindi ako nagmabagal ng pagsunod sa iyong mga utos. Pinuluputan na ako ng mga lubid ng mga balakyot. Hindi ko nilimot ang iyong kautusan.” Pinutol o sinira ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang mga lubid na itinali sa kaniyang mga Saksi ng kanilang mga kaaway at sa gayo’y pinalaya ang kaniyang mga lingkod sa kaniyang takdang panahon para sa gawain na kaniyang itinalaga na gawin nila sa panahon ng katapusang ito ng sistema ng mga bagay.
14. (a) Katulad ng pangyayari sa salmista, ano ba ang naranasan ng mga Saksi ni Jehova, at ano ba ang naging resulta ng pagsisikap ng kanilang mga kaaway? (b) Sino ba ang nangagagalak pa sa kabila ng kanilang paghihirap, at bakit?
14 Sang-ayon sa kaniyang mga salita sa Awit 119:84, 86, 161, ang salmista ay dumanas ng malaking pag-uusig kahit na buhat sa kaniyang sariling mga kababayan. Ang mga Saksi ni Jehova ay dumaranas ng pag-uusig sa loob at sa labas ng mga lupain ng Sangkakristiyanuhan na doo’y ipinagbabawal sa kasalukuyan ang kanilang gawain. Datapuwa’t, bigo ang kaaway sa kaniyang napakalaswa at walang katuwirang pag-uusig! Takang-taka ang kaaway, sapagka’t ang mga Saksi na “nagsisilakad sa kautusan ni Jehova” at “nag-iingat ng kaniyang mga paalaala” ay nangatutuwa pa nga dahil sa dinaranas nilang mga kahirapan alang-alang kay Jehovang Diyos at sa kaniyang Kristo. Kanilang nagugunita ang sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang binanggit na mga kaligayahan: “Maligaya kayong mga dukha, sapagka’t inyo ang kaharian ng Diyos. Maligaya kayo kung kayo’y kinapopootan ng mga tao, at kung kayo’y inihihiwalay nila sa kanila at kayo’y inaalimura at itinatakuwil na para bagang napakasama ang inyong pangalan nang dahil sa Anak ng tao. Mangagalak kayo sa araw ng iyon at magsilukso kayo, sapagka’t, narito! malaki ang ganti sa inyo sa langit, sapagka’t ganiyan din ang ginagawa noon ng kanilang mga ninuno sa mga propeta [kasali na ang salmista].” (Awit 119:1, 2; Lucas 6:20, 22, 23) Palibhasa’y nakikibahagi sila sa kaluguran ni Jehova, ang pinag-uusig na mga Saksi niya ay patuloy na “dumadakila sa kautusan at ginagawa iyon na marangal.”—Isaias 42:21.
Mga Natutuhan sa Awit 119
◻ Papaano isinaayos ang Awit 119, at bakit?
◻ Anong pantanging mga salita ang paulit-ulit na ginamit ng salmista?
◻ Papaano ba ang pakikitungo natin sa kautusan ng Diyos, na ibang-iba sa pakikitungo rito ng Sangkakristiyanuhan?
◻ Ano ang dapat nating ibigin, sa kabila ng pag-uusig sa mga Kristiyano?
[Mga Tanong sa Araling]
[Larawan sa pahina 14]
Matindi ang pagpapahalaga ng salmista sa pagkaalam ai pagkakapit sa Salita ng Diyos na nagdudulot ng kaligayahan
[Larawan sa pahina 16]
Marami sa mga Saksi ni Jehova ang nanindigang matatag at nakatawid nong buhay sa pag-uusig ng mga Nazi. Masayang masasabi nila: “Hindi ko nilimot ang iyong kautusan”