Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Kung si Moises ay talagang maamo at mahinhin, papaano niya nagawang isulat sa Bilang 12:3 na ‘si Moises ang pinakamaamo sa lahat ng tao’?
Bagaman hindi madaling gawin iyon, naaring maisulat ni Moises ang gayong tumpak na paglalarawan sapagka’t kinasihan siya ng Diyos na gawin iyon.
Ang isang tanda na ang Bibliya’y kinasihan ng Diyos ay ang pagkatahasang mangusap ng mga sumulat nito. Si Moises at ang iba pang ginamit ng Diyos sa pagsulat ng mga bahagi ng Kasulatan ay sumulat ng tungkol sa mga bagay na hindi sila nangiming ibunyag.
Halimbawa, si Moises ay sumulat tungkol sa mga kahinaan at mga pagkakasala ng kaniyang sariling dalawang kapatid. (Exodo 16:2, 3; 17:2, 3; 32:1-6; Levitico 10:1, 2) Hindi ipinuwera ni Moises ang kaniyang sarili; prangkahang inilahad niya ang kaniyang sariling mga pagkakamali, kahit na yaong humantong sa pagkasaway sa kaniya ng Diyos. (Bilang 20:9-12; Deuteronomio 1:37) Kaya’t tama naman na isulat ni Moises ang tungkol sa isang bagay na maliwanag na ibig ni Jehova na makasali—na si Moises mismo ay may pambihirang kaamuan. Ang konteksto nito ay may idinidiing punto. Imbis na magalit nang hamunin ni Miriam at ni Aaron ang kaniyang autoridad, si Jehova ang pinahintulutan ni Moises na magtuwid ng kalagayang iyon.
Si Moises ay lumarawan sa Mesiyas. (Deuteronomio 18:15-19) Kaya’t nang itawag-pansin ng Diyos na Jehova ang kaamuan ni Moises, Siya’y nagbibigay ng katiyakan na ang kanais-nais na katangiang ito ay makikita rin sa Mesiyas. Sa ating pagbabasa ng mga Ebanghelyo hindi ba kaakit-akit ang kaamuan ni Jesus, kaya tayo ay naaakit sa kaniya at nagbibigay sa atin ng dahilan na umasa sa kaniya?—2 Corinto 10:1; Hebreo 4:15, 16.