Ang Sinaunang mga Kristiyano at ang Sanlibutan
Ang Sinaunang mga Kristiyano at ang Sanlibutan
MGA dalawang libong taon na ngayon ang lumipas, isang lubhang kagila-gilalas na pangyayari ang naganap sa Gitnang Silangan. Ang bugtong na Anak ng Diyos ay isinugo mula sa kaniyang tirahang dako sa langit upang mamuhay nang sandali sa sanlibutan ng sangkatauhan. Papaano tumugon ang karamihan ng tao? Si apostol Juan ay sumasagot: “Siya [si Jesus] ay nasa sanlibutan, at ang sanlibutan ay umiral sa pamamagitan niya, ngunit hindi siya nakilala ng sanlibutan. Siya’y naparito sa sariling kaniya [ang Israel], subalit siya’y hindi tinanggap ng kaniyang sariling mga kababayan.”—Juan 1:10, 11.
Hindi tinanggap ng sanlibutan si Jesus, ang Anak ng Diyos. Bakit hindi? Ipinaliwanag ni Jesus ang isang dahilan nang kaniyang sabihin: “Ang sanlibutan . . . ay napopoot sa akin, sapagkat ako’y nagpapatotoong masama ang kaniyang mga gawa.” (Juan 7:7) Sa wakas, ang sanlibutan ding ito—na kinakatawan ng ilang relihiyosong mga lider na Judio, ng isang haring Edomita, at isang pulitikong Romano—ang nagpapatay kay Jesus. (Lucas 22:66–23:25; Gawa 3:14, 15; 4:24-28) Kumusta naman ang mga tagasunod ni Jesus? Ang sanlibutan ba ay magiging lalong handa na tanggapin sila? Hindi. Mga ilang saglit bago sumapit ang kaniyang kamatayan, sila’y binabalaan ni Jesus: “Kung kayo’y bahagi ng sanlibutan, iibigin ng sanlibutan ang sa kaniyang sarili. Ngayon sapagkat kayo’y hindi bahagi ng sanlibutan, kundi kayo’y pinili ko sa sanlibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan.”—Juan 15:19.
Noong Panahon ng mga Apostol
Napatunayang totoo ang mga sinabi ni Jesus. Mga ilang linggo lamang pagkamatay niya, ang kaniyang mga apostol ay inaresto, binantaan, at binugbog. (Gawa 4:1-3; 5:17, 18, 40) Hindi nagtagal pagkatapos, ang masigasig na si Esteban ay kinaladkad hanggang sa harap ng Sanhedring Judio at saka pinagbabato hanggang sa mamatay. (Gawa 6:8-12; 7:54, 57, 58) Nang maglaon, ang apostol na si Santiago ay ipinapatay ni Haring Herodes Agripa I. (Gawa 12:1, 2) Sa kaniyang paglalakbay bilang misyonero, si Pablo ay pinag-usig sa sulsol ng mga Judio ng Diaspora (pangangalat).—Gawa 13:50; 14:2, 19.
Papaano tumugon ang sinaunang mga Kristiyano sa gayong pananalansang? Noong unang mga araw, nang ang mga apostol ay pinagbawalan ng mga maykapangyarihang relihiyoso na mangaral sa pangalan ni Jesus, sinabi ng mga apostol: “Kailangang magsitalima muna kami sa Diyos bilang pinuno bago sa mga tao.” (Gawa 4:19, 20; 5:29) Ito ang patuloy na naging pagtugon nila kailanma’t may bumangon na pananalansang. Gayunpaman, ang mga Kristiyano sa Roma ay pinayuhan ni apostol Pablo na “pasakop sa nakatataas na mga awtoridad [ng pamahalaan].” Kaniya ring pinayuhan sila: “Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” (Roma 12:18; 13:1) Sa gayon, ang sinaunang mga Kristiyano ay kinailangang lumagay sa isang timbang na kalagayan. Sinunod nila ang Diyos bilang kanilang pangunahing Pinuno. Kasabay nito, napasakop sila sa mga maykapangyarihan sa bansa at nagsikap na mamuhay nang may pakikipagpayapaan sa lahat ng tao.
Ang mga Kristiyano sa Daigdig ng mga Romano
Sa daigdig ng Imperyong Romano noong unang siglo, walang alinlangang nakinabang ang mga Kristiyano sa Pax Romana, o Kapayapaang Romano, na pinairal ng mga kawal Romano. Ang matatag na pagpapatupad ng batas at kaayusan, ang mabubuting lansangan, at ang medyo ligtas na paglalakbay sa dagat ay lumikha ng isang kalagayang nakatulong sa pagpapalawak ng Kristiyanismo. Maliwanag na ang sinaunang mga Kristiyano ay kumikilala ng utang na loob sa lipunan at sumunod sa utos ni Jesus na “ibigay kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar.” (Marcos 12:17) Sa sulat sa Romanong emperador na si Antoninus Pius (138-161 C.E.), sinabi ni Justin Martyr na ang mga Kristiyano, “na may mas maluwag na kalooban kaysa lahat ng tao,” ay nagbayad ng kanilang mga buwis. (First Apology, kabanata 17) Noong 197 C.E., sinabi ni Tertullian sa mga pinunong Romano na ang kanilang mga maniningil ng buwis ay “kumikilala ng utang na loob sa mga Kristiyano” dahil sa mabuting pagtugon nila sa pagbabayad ng kanilang mga buwis. (Apology, kabanata 42) Ito ang isang paraan ng pagsunod nila sa payo ni Pablo na sila’y pasakop sa nakatataas na mga awtoridad.
Bukod diyan, hanggang sa ipinahihintulot ng kanilang sinusunod na mga simulaing Kristiyano, ang sinaunang mga Kristiyano ay nagsumikap na mamuhay nang mapayapa kasama ng kanilang kapuwa. Ngunit ito’y hindi madali. Ang sanlibutan na nakapalibot sa kanila ay totoong imoral at nakababad na sa idolatriya ng mga Griego at Romano, na hindi pa natatagalang nahaluan ng pagsamba sa emperador. Ang paganong relihiyong Romano ay talagang isang relihiyon ng Estado, kaya ang anumang pagtangging sumunod dito ay ituturing na paglaban sa Estado. Saan dapat lumagay ang mga Kristiyano?
Ang propesor sa Oxford na si E. G. Hardy ay sumulat: “Tinutukoy ni Tertullian ang maraming bagay na imposible para sa isang taimtim na Kristiyano na sundin, na nasasangkot ang idolatriya: halimbawa ang panunumpa na karaniwang ginagawa kung ang isa ay pumapasok sa mga kontrata; ang pag-iilaw sa mga pintuan kung may mga kapistahan, atbp.; lahat ng Paganong relihiyosong seremonya; ang mga palaro at ang sirko; ang propesyon ng pagtuturo ng makasanlibutang [gentil na klasikong] literatura; pagseserbisyo sa hukbo; mga tungkuling-bayan.”—Christianity and the Roman Government.
Oo, naging mahirap na mamuhay sa daigdig Romano nang hindi ipinagkakanulo ang pananampalatayang Kristiyano. Ang Pranses na Katolikong awtor na si A. Hamman ay sumulat: “Imposibleng gumawa ng anuman nang hindi nakakasagupa ang isang diyos. Ang pagka-Kristiyano ay nagdala sa isa ng araw-araw na mga suliranin; siya’y namuhay na hindi lubusang bahagi ng lipunan . . . Napaharap siya sa paulit-ulit na mga suliranin sa tahanan, sa mga lansangan, sa pamilihan . . . Sa lansangan, siya man ay isang mamamayang Romano o hindi, ang isang Kristiyano ay kailangang magpugay pagka dumaraan sa isang templo o isang estatuwa. Papaano siya makatatanggi sa paggawa ng ganiyan nang hindi pinaghihinalaan, ngunit papaano siya makasusunod nang hindi nagpapakita ng katapatan? Kung siya’y may negosyo at kailangang manghiram ng salapi, kailangan siyang manumpa sa nagpapahiram ng salapi sa ngalan ng mga diyos. . . . Kung siya’y tatanggap ng tungkuling-bayan, inaasahan na maghahandog siya ng hain. Kung siya’y nakatala sa hukbo, papaano niya maiiwasan ang panunumpa at pagsali sa mga rituwal ng serbisyo sa hukbo?”—La vie quotidienne des premiers chrétiens (95-197) (Araw-araw na Buhay ng Sinaunang mga Kristiyano, 95-197 C.E.).
Mabubuting Mamamayan, Gayunman ay Sinisiraan
Mga 60 o 61 C.E., nang si Pablo ay nasa Roma at naghihintay na litisin ni Emperador Nero, ang pangunahing mga Judio ay nagsabi tungkol sa sinaunang mga Kristiyano: “Tungkol nga sa sektang ito’y talastas namin na sa lahat ng dako ay laban dito ang mga salitaan.” (Gawa 28:22) Ang ulat ng kasaysayan ay nagpapatotoo na ang mga Kristiyano ay pinagsasalitaan nang laban sa kanila—ngunit nang walang katuwiran. Sa kaniyang aklat na The Rise of Christianity, si E. W. Barnes ay naglalahad: “Sa kaniyang sinaunang awtorisadong mga dokumento ang kilusang Kristiyano ay ipinakikilala bilang talagang moral at sumusunod sa batas. Ang mga miyembro nito ay nagnanasang maging mabubuting mamamayan at tapat na mga sakop. Tinatanggihan nila ang mga kabiguan at mga bisyo ng paganismo. Sa sariling buhay ay nagsisikap sila na maging mapayapang mga kapuwa at mapagkakatiwalaang mga kaibigan. Sila’y tinuruan na maging seryoso at makatuwiran, masisipag at mamuhay nang malinis. Sa gitna ng umiiral na katiwalian at kahalayan sila, kung tapat sa kanilang mga simulain, ay mapagtapat at katotohanan ang kanilang sinasabi. Mataas ang kanilang mga pamantayan sa sekso: ang buklod ng pag-aasawa ay iginagalang at malinis ang buhay pampamilya. Sa mga katangiang iyan, hindi aakalain ng sinuman na sila’y mga mamamayang mapaggawa ng gulo. Subalit matagal nang panahon na sila’y hinahamak, sinisiraan at kinapopootan.”
Gaya ng sinaunang sanlibutan na hindi nakaunawa kay Jesus, hindi nito naunawaan ang mga Kristiyano at dahil doon sila ay kinapootan. Yamang tumanggi silang sumamba sa emperador at sa mga paganong diyus-diyosan, sila’y inakusahan ng ateismo. Pagka nagkaroon ng kalamidad, sila’y sinisisi bilang siyang nagpagalit sa mga diyos. Dahilan sa hindi sila nanood ng imoral na mga palabas o madugong mga pagtatanghal ng mga gladiator, sila’y itinuring na laban sa lipunan, hanggang sa pagiging ‘mga napopoot sa lahi ng sangkatauhan.’ Ang kanilang mga kaaway ay nagsabing ang mga pamilya ay pinagwatak-watak ng “sektang” Kristiyano at na ito kung gayon ay isang panganib sa katatagan ng lipunan. Binanggit ni Tertullian na mas ibig pa ng paganong mga asawang lalaki na ang kani-kanilang asawa ay makiapid imbes na maging mga Kristiyano.
Ang mga Kristiyano ay pinintasan dahil sila’y laban sa aborsiyon, na malaganap na kaugalian noon. Gayunman, sila’y inakusahan ng kanilang mga kaaway ng pamamaslang sa mga bata. Sinasabi na sa kanilang mga pagpupulong iniinom nila ang dugo ng inihaing mga bata. Kasabay nito, sinikap din ng kanilang kaaway na pilitin silang kumain ng langgonisang dugo,
palibhasa’y alam na ito’y laban sa kanilang budhi. Kaya naman ang mga mananalansang na ito ang nagpabulaan sa kanilang sariling akusasyon.—Tertullian, Apology, kabanata 9.Hinamak Bilang Isang Bagong Sekta
Ang historyador na si Kenneth Scott Latourette ay sumulat: “Isa pang pangkat ng mga paratang ay naglantad sa Kristiyanismo sa paglibak dahilan sa kamakailan lamang na pinagmulan nito at ipinakita ang pagkakaiba nito sa pagkaantigo ng mga karibal nito [ang Judaismo at ang paganong mga relihiyong Griego-Romano].” (A History of the Expansion of Christianity, Tomo 1, pahina 131) Sa may pasimula ng ikalawang siglo C.E., ang Kristiyanismo ay tinagurian ng Romanong historyador na si Suetonius na “isang bago at malisyosong pamahiin.” Pinatunayan ni Tertullian na ang mismong pangalang Kristiyano ay kinapootan at na ang mga Kristiyano ay isang sektang inaayawan. Sa pagbanggit sa kung ano ang pagkakilala ng mga opisyales ng Imperyong Romano sa mga Kristiyano noong ikalawang siglo, si Robert M. Grant ay sumulat: “Ang saligang pagkakilala sa Kristiyanismo ay isa lamang itong di-kinakailangan, posibleng nakapipinsala, na relihiyon.”—Early Christianity and Society.
Inakusahan ng Mapusok na Pangungumberte
Sa kaniyang aklat na Les premiers siècles de l’Eglise (Ang Sinaunang mga Siglo ng Iglesya), ang propesor na si Jean Bernardi ng Sorbonne ay sumulat: “[Ang mga Kristiyano] ay kailangang lumabas at magpahayag sa lahat ng dako at sa bawat isa. Sa mga haywey at sa mga lunsod, sa mga liwasang-bayan at sa mga tahanan. Tanggapin man sila o hindi. Sa mga dukha, at sa mayayaman na pinahihirapan ng kanilang mga ari-arian. Sa maliliit at sa mga gobernador ng mga lalawigang Romano . . . Sila’y kailangang maglakbay sa mga lansangan, sumakay sa mga barko, at humayo hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.”
Ginawa ba nila ito? Maliwanag na ginawa nila. Inilalahad ni Propesor Léon Homo na nagkaisa ang madla laban sa sinaunang mga Kristiyano dahilan sa kanilang “puspusang pangungumberte.” Binanggit ni Propesor Latourette na samantalang ang mga Judio ay nawalan ng sigasig sa kanilang pangungumberte, “ang mga Kristiyano, sa kabilang panig, ay mapupusok na misyonero at sa gayon sila ay kinamuhian.”
Noong ikalawang siglo C.E., binatikos ng Romanong pilosopong si Celsus ang pamamaraan ng mga Kristiyano sa pangangaral. Kaniyang sinabi na ang Kristiyanismo ay para sa mga walang pinag-aralan at ‘walang nakukumbinsi kundi ang mga hangal, mga alipin, mga babae, at mumunting mga bata.’ Kaniyang inakusahan ang mga Kristiyano ng pag-iindoktrina sa “mapaniwalaing mga tao,” sila’y “pinaniniwala nang walang makatuwirang kaisipan.” Kaniyang binanggit na sila’y nagsabi sa kanilang mga bagong alagad: “Huwag kayong magtatanong; basta maniwala.” Gayunman, ayon kay Origen, inamin ni Celsus mismo na “hindi lamang ang mga di-edukado at yaong mabababang uri ang naakay ng doktrina ni Jesus na sumunod sa Kaniyang relihiyon.”
Walang Ecumenismo
Ang sinaunang mga Kristiyano ay binatikos pa rin sapagkat inaangkin nila na taglay nila ang katotohanan ng kaisa-isang tunay na Diyos. Sila’y hindi tumanggap sa ecumenismo, o interfaith (ang pakikipagkaisa ng pananampalataya). Sumulat si Latourette: “Di-gaya ng karamihan ng pananampalataya noong panahong iyon, sila [ang mga Kristiyano] ay namumuhi sa ibang mga relihiyon. . . . Kaiba sa malawak na pagpaparaya na makikita sa ibang mga kulto, kanilang ipinahahayag na nasa kanila ang katotohanan na hindi maikakaila.”
Noong 202 C.E., si Emperador Septimius Severus ay nagpalabas ng utos na nagbabawal sa mga Kristiyano na mangumberte. Gayunman,
ito ay hindi nakapagpahinto sa kanila sa pagpapatotoo tungkol sa kanilang pananampalataya. Ganito ang paglalahad ni Latourette tungkol sa resulta: “Ang pagtanggi ng sinaunang Kristiyanismo na makipagkompromiso sa kasalukuyang paganismo at sa marami sa panlipunang mga kaugalian at mga gawaing moral noong panahon ng [sinaunang Kristiyanismo] ay nagbunga ng isang pagkakadikit-dikit at ng isang organisasyon na nagsilbing kalaban ng lipunan. Ang mahigpit na kahilingan sa pagmimiyembro rito ay nagbigay sa kanila ng matibay na pananalig na pinagmumulan ng lakas laban sa pag-uusig at ng sigasig sa pangungumberte.”Ang ulat ng kasaysayan, samakatuwid, ay malinaw. Sa kalakhang bahagi, ang sinaunang mga Kristiyano, samantalang nagsisikap na maging mabubuting mamamayan at mamuhay nang may pakikipagpayapaan sa lahat ng tao, ay tumangging maging “bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:19) Sila’y magagalang sa mga maykapangyarihan. Ngunit nang ibawal sa kanila ni Cesar na mangaral, wala silang pinili kundi ang magpatuloy sa pangangaral. Sinikap nilang mamuhay nang may pakikipagpayapaan sa lahat ng tao ngunit tumangging makipagkompromiso tungkol sa mga pamantayang moral at sa paganong idolatriya. Sa lahat na ito, sila’y hinamak, siniraan, kinapootan, at pinag-usig, gaya ng inihula ni Kristo na mangyayari sa kanila.—Juan 16:33.
Ang kanila bang pagiging hiwalay sa sanlibutan ay nagpatuloy? O sa paglakad ng panahon, yaon bang nag-aangking sumusunod sa pagka-Kristiyano ay nagbago ng kanilang saloobin tungkol dito?
[Blurb sa pahina 4]
Ang katayuan ng Kristiyano ay nagdulot sa kaniya ng araw-araw na mga suliranin; siya’y namuhay na hindi lubusang bahagi ng lipunan”
[Blurb sa pahina 6]
“Ang Kristiyanismo [ay napahantad] sa paglibak dahilan sa kamakailan lamang na pinagmulan nito at ipinakita ang pagkakaiba nito . . . sa pagkaantigo ng mga karibal nito”
[Larawan sa pahina 3]
Dahilan sa ang mga Kristiyano’y tumangging sumamba sa Romanong emperador at sa paganong mga diyus-diyosan, inakusahan sila ng ateismo
[Credit Line]
Museo della Civiltà Romana, Roma
[Larawan sa pahina 7]
Ang mga Kristiyano noong unang siglo ay kilala bilang masigasig na mga mangangaral ng balita ng Kaharian
[Picture Credit Line sa pahina 2]
Cover: Alinari/Art Resource, N.Y.