Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ipagdiwang Nang Nararapat ang Memoryal

Ipagdiwang Nang Nararapat ang Memoryal

Ipagdiwang Nang Nararapat ang Memoryal

ITINATAG ni Jesus ang Memoryal noong gabi ng Nisan 14, 33 C.E. * Katatapos lamang niyang ganapin ang pagdiriwang ng Paskuwa kasama ang kaniyang 12 apostol, kaya matitiyak natin ang petsa. Pagkatapos paalisin ang traidor, si Judas, “kumuha [si Jesus] ng tinapay, bumigkas ng pagpapala, pinagputul-putol ito at ibinigay ito sa kanila, at sinabi: ‘Kunin ninyo ito, ito ay nangangahulugan ng aking katawan.’ At pagkakuha sa kopa, naghandog siya ng pasasalamat at ibinigay ito sa kanila, at silang lahat ay uminom dito. At sinabi niya sa kanila: ‘Ito ay nangangahulugan ng aking “dugo ng tipan,” na siyang ibubuhos alang-alang sa marami.’ ”​—Marcos 14:22-24.

Iniutos ni Jesus sa kaniyang mga alagad na alalahanin ang kaniyang kamatayan dahil sa kahalagahan nito. (Lucas 22:19; 1 Corinto 11:23-​26) Ang kaniyang hain ang tanging makatutubos sa sangkatauhan buhat sa sumpa ng minanang kasalanan at kamatayan. (Roma 5:12; 6:23) Ang tinapay at ang alak na ginamit niya ay mga sagisag ng kaniyang sakdal na katawan at ng kaniyang dugo. Yamang batid ang orihinal na petsa, maaari nating ipagdiwang ang okasyon sa katumbas na araw sa bawat taon, gaya ng ginagawa sa Paskuwa ng mga Judio. Subalit kailangang gawin ang gayon nang nararapat. Bakit?

Sinabi ni apostol Pablo na yaong nakikibahagi sa mga emblema ng tinapay at alak ay ‘patuloy na maghahayag ng kamatayan ng Panginoon, hanggang sa siya ay dumating.’ (1 Corinto 11:26) Ang pagdiriwang ay nakapako kung gayon sa kamatayan ni Jesus at sa kahulugan nito para sa sangkatauhan. Ang okasyon ay pormal, isang panahon para limiin ang kabutihan ng Diyos at ang pagpapahalaga na dapat nating taglayin para kay Jehova at sa kaniyang Anak. (Roma 5:8; Tito 2:14; 1 Juan 4:9, 10) Kaya naman, nagbabala si Pablo: “Dahil dito ang sinumang kumakain sa tinapay o umiinom sa kopa ng Panginoon nang di-karapat-dapat ay magiging may-sala may kinalaman sa katawan at sa dugo ng Panginoon.”​—1 Corinto 11:27.

Nararapat​—Papaano?

Maliwanag, hindi malulugod ang Diyos kung ating lalapastanganin ang okasyon sa pamamagitan ng pakikibahagi sa di-nararapat na mga paggawi o sa pamamagitan ng paggamit ng mga kaugaliang pagano. (Santiago 1:27; 4:3, 4) Ito ay hahadlang sa popular na mga pangyayari sa panahon ng Easter. Sa pagsunod sa tagubilin ni Jesus na ‘patuloy na gawin ito sa pag-alaala sa kaniya,’ nanaisin nating ipagdiwang ang Memoryal kagaya ng kung papaano niya pinasimulan ito. (Lucas 22:19; 1 Corinto 11:24, 25) Ito ay hahadlang sa mga gayak na idinagdag ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan sa pagdiriwang. Inaamin ng New Catholic Encyclopedia na “ang Misa sa ngayon ay lubhang naiiba sa napakapayak na seremonya na sinunod ni Kristo at ng Kaniyang mga Apostol.” At sa madalas na pagganap ng Misa, anupat araw-araw, ang Sangkakristiyanuhan ay lumihis buhat sa kung ano ang nilayon ni Jesus at ginawa itong isang pangkaraniwang okasyon.

Sumulat si Pablo sa mga Kristiyanong taga-Corinto hinggil sa pakikibahagi nang di-nararapat dahil bumangon ang isang suliranin sa kongregasyon may kinalaman sa Hapunan ng Panginoon. Ang ilan ay hindi gumalang sa kabanalan nito. Dinala nila ang kanilang hapunan at kinain iyon bago o sa panahon ng pulong. Madalas ay kumakain at umiinom sila nang labis. Nagpahilo ito sa kanila at nagpapurol ng kanilang mga pandama. Dahil sa pagiging hindi alisto sa mental at espirituwal, “hindi [nila] napag-uunawa ang katawan” at sa gayo’y nagiging “may-sala may kinalaman sa katawan at sa dugo ng Panginoon.” Samantala, yaong mga walang hapunan ay gutóm at naging balisa rin naman. Sa katotohanan ay walang isa man sa kanila ang nasa kalagayang makibahagi sa mga emblema nang may pagpapahalaga at lubos na pagkaunawa sa pagkaseryoso ng okasyon​—na ang pagdiriwang ay pag-alaala sa kamatayan ng Panginoon. Ito ay nagbunga ng paghatol laban sa kanila, sapagkat nagpapakita sila ng kawalang-galang, maging ng paghamak, ukol dito.​—1 Corinto 11:27-34.

Kailangan ang Kaunawaan

Ang ilan ay nakibahagi sa mga emblema ng Memoryal bagaman, nang dakong huli, natanto nila na hindi nila dapat ginawa ang gayon. Yaong mga may karapatang makibahagi sa mga emblema ng Memoryal ay pinili ng Diyos at kung gayo’y may patotoo ng espiritu ng Diyos. (Roma 8:15-​17; 2 Corinto 1:21, 22) Sila’y nagiging karapat-dapat hindi dahil sa kanilang personal na pagpapasiya o pagtiyak. Itinakda ng Diyos ang bilang niyaong maghaharing kasama ni Kristo sa langit sa 144,000, isang mas maliit na bilang kung ihahambing sa lahat ng nakikinabang buhat sa hain ni Kristo. (Apocalipsis 14:1, 3) Ang pagpili ay nagsimula noong kaarawan ni Jesus, kaya naman sa ngayon ay kaunti na lamang ang nakikibahagi. At yamang namamatay ang ilan sa kanila, ang bilang na iyan ay dapat umunti.

Bakit ang isa ay maaaring may kamaliang makibahagi sa mga emblema? Marahil iyon ay dahil sa dating relihiyosong pangmalas​—na ang lahat ng tapat ay nagtutungo sa langit. O iyon ay maaaring sanhi ng ambisyon o pagkamakasarili​—ang pagkadama na ang isa ay higit na karapat-dapat kaysa sa iba​—at ang paghahangad ng katanyagan. Marahil iyon ay bunga ng masidhing damdamin bunga ng malulubhang suliranin o isang trahedya na nagpapangyaring mawalan ng interes ang isa sa buhay sa lupa. Posible ring iyon ay dahil sa malapít na pakikipagkaibigan sa isa na may makalangit na pag-asa. Kailangang tandaan nating lahat na ang pagpapasiya ay tanging sa Diyos, at hindi sa atin. (Roma 9:16) Kaya kung nasumpungan ng isang tao, “pagkatapos ng pagsisiyasat,” na hindi talaga siya nararapat makibahagi sa mga emblema, kailangan siyang magpigil ngayon.​—1 Corinto 11:28.

Ang pag-asa na inialok ng Diyos sa karamihan sa sangkatauhan ay ang buhay na walang-hanggan sa isang paraisong lupa. Iyan ay isang dakilang pagpapala na dapat asam-asamin, at isa na madaling makaakit sa atin. (Genesis 1:28; Awit 37:9, 11) Dito sa lupa makakapiling-muli ng mga tapat ang kanilang mga mahal sa buhay na binuhay-muli at makikilala ang mga matuwid noong una, tulad nina Abraham, Sara, Moises, Rahab, David, at Juan na Tagapagbautismo​—pawang nangamatay bago buksan ni Jesus ang daan tungo sa makalangit na buhay.​—Mateo 11:11; ihambing ang 1 Corinto 15:20-23.

Ang Hapunan ng Panginoon ay ipinagdiriwang nang nararapat niyaong mga may makalupang pag-asa sa pamamagitan ng kanilang pagdalo at magalang na pakikinig, bagaman hindi sila nakikibahagi sa tinapay at sa alak. Sila man ay nakikinabang sa hain ni Kristo, na nagpapangyaring magkaroon sila ng sinang-ayunang katayuan sa harap ng Diyos. (Apocalipsis 7:14, 15) Habang kanilang pinakikinggan ang pahayag, ang kanilang pagpapahalaga para sa mga sagradong bagay ay napalalakas, at tumitindi ang kanilang hangarin na manatiling kaisa ng bayan ng Diyos saanman.

Sa taóng ito, paglubog ng araw sa Martes, Abril 2, ang Memoryal ay ipagdiriwang sa lahat ng mahigit na 78,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Dadalo ba kayo?

[Talababa]

^ Ang araw ng mga Judio ay nagsisimula sa gabi. Ayon sa ating kalendaryo, ang Nisan 14 na iyon ay sumasaklaw mula sa umpisa ng gabi ng Huwebes, Marso 31, hanggang sa paglubog ng araw sa gabi ng Biyernes, Abril 1. Ang Memoryal ay pinasimulan sa gabi ng Huwebes, at namatay si Jesus sa Biyernes ng hapon ng araw ring iyon ng mga Judio. Siya ay binuhay-muli sa ikatlong araw, maaga-aga pa noong Linggo.

[Larawan sa pahina 8]

Taun-taon ay ipinagdiriwang nang minsanan ng mga Saksi ni Jehova ang Memoryal