Laging Ihagis ang Iyong Pasanin kay Jehova
Laging Ihagis ang Iyong Pasanin kay Jehova
MARAMI sa ngayon ang nanlulumo dahil sa mga pasanin. Ang kahirapan sa kabuhayan, malulubhang suliranin sa pamilya, pagkakasakit, kirot at pagdurusa dahil sa paniniil at kalupitan, at sunud-sunod na pagdadalamhati ay mistulang mga gilingang-bato na nakabitin sa kanilang leeg. Bukod sa panlabas na mga kagipitang ito, ang iba ay nanggigipuspos dahil sa pagkadama ng kawalang-kabuluhan at kabiguan dahil sa kanilang sariling di-kasakdalan. Marami ang natuksong sumuko na lamang. Papaano mo makakayanan kapag ang mga pasanin ay waring lubhang napakabigat?
Minsan ay nadama ni Haring David ng Israel na hindi na niya makayanan ang panggigipit. Ayon sa Awit 55, siya’y lubhang nabalisa dahil sa panggigipit at matinding galit ng kaniyang mga kaaway. Siya’y totoong nagdalamhati at natakot. Dumaraing na lamang siya sa pamimighati. (Awit 55:2, 5, 17) Subalit sa kabila ng lahat ng kaniyang kabagabagan, nakasumpong siya ng paraan upang makapagtiis. Papaano? Bumaling siya sa kaniyang Diyos ukol sa pag-alalay. Ganito ang payo niya sa iba na maaaring nakadarama ng gaya ng nadama niya: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova mismo.”—Awit 55:22.
Ano ang ibig niyang sabihin sa “ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova mismo”? Iyon ba ay basta pananalangin kay Jehova at pagpapahayag ng ating kabalisahan? O may magagawa kaya tayo upang malunasan ang situwasyon? Ano kung nadarama nating tayo’y di-karapat-dapat na lumapit kay Jehova? Malalaman natin kung ano ang ibig sabihin ni David sa pamamagitan ng pagsusuri sa ilang karanasan na malinaw niyang nagunita nang isulat niya ang mga salitang iyon.
Gawin ang mga Bagay sa Pamamagitan ng Lakas ni Jehova
Natatandaan mo ba kung papaanong si Goliat ay pumukaw ng takot sa puso ng mga mandirigmang Israelita? Ang higanteng ito, na mahigit siyam na talampakan ang taas, ay pinangilabutan nila. (1 Samuel 17:4-11, 24) Subalit hindi natakot si David. Bakit? Sapagkat hindi niya sinikap na harapin si Goliat sa pamamagitan ng kaniyang sariling lakas. Mula nang siya’y pahiran bilang hari ng Israel sa hinaharap, hinayaan niyang akayin siya ng espiritu ng Diyos at palakasin siya sa lahat ng kaniyang gagawin. (1 Samuel 16:13) Kaya sinabi niya kay Goliat: “Pumaparito ako sa iyo sa pangalan ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng mga linya ng pagbabaka sa Israel, na iyong tinuya. Sa araw na ito ay isusuko ka ni Jehova sa aking kamay.” (1 Samuel 17:45, 46) Si David ay isang bihasang manghihilagpos, ngunit makatitiyak tayo na ang banal na espiritu ni Jehova ang umugit at gumawang mas nakamamatay sa batong pinahilagpos niya kay Goliat.—1 Samuel 17:48-51.
Hinarap at napagtagumpayan ni David ang malaking hamon na ito sa pamamagitan ng pagtitiwala na aalalayan at palalakasin siya ng Diyos. Nagkaroon siya ng isang mabuti at maaasahang kaugnayan sa Diyos. Walang alinlangan na ito ay napatibay sa bagay na dati’y iniligtas siya ni Jehova. (1 Samuel 17:34-37) Tulad ni David, makapag-iingat ka ng matibay na personal na kaugnayan kay Jehova at lubusang makapagtitiwala sa kaniyang kakayahan at pagnanais na palakasin at alalayan ka sa lahat ng kalagayan.—Awit 34:7, 8.
Gawin ang Makakaya Mo Upang Lutasin ang Suliranin
Gayunman, hindi ito nangangahulugan na hindi na magkakaroon ng panahon ng matinding hirap, kabalisahan, at maging ng pangamba, gaya ng maliwanag na ipinakikita ng Awit 55. Halimbawa, mga ilang taon pagkaraan ng kaniyang walang-takot na pagtatanghal ng tiwala kay Jehova, naranasan ni David ang matinding pagkatakot sa harap ng kaniyang mga kaaway. Naiwala niya ang pagsang-ayon ni Haring Saul at kinailangan niyang tumakas. Gunigunihin ang kabalisahan na maaaring idinulot nito kay David, ang mga tanong na maaaring ibinangon nito sa kaniyang isip tungkol sa katuparan ng pangako ni Jehova. Kung tutuusin, siya’y pinahiran bilang hari ng Israel sa hinaharap, subalit narito siya na kailangang mamuhay sa iláng bilang isang takas, anupat tinutugis na tulad sa isang mabangis na hayop. Nang sikapin niyang manganlong sa lunsod ng Gat, ang bayan ni Goliat, siya ay tinanggap. Ano ang resulta? Sinasabi ng ulat na “siya ay lubhang natakot.”—1 Samuel 21:10-12.
Subalit hindi niya hinayaang ang kaniyang takot at labis na kabalisahan ay humadlang sa kaniya sa paghingi ng tulong kay Jehova. Ayon sa Awit 34 (isinulat bunga ng karanasang ito), sinabi ni David: “Sumangguni ako kay Jehova, at sinagot niya ako, at iniligtas niya ako buhat sa lahat ng aking kakilabutan. Tumawag ang nagdadalamhating ito, at dininig ni Jehova mismo. At Kaniyang iniligtas siya sa lahat ng kaniyang kabagabagan.”—Awit 34:4, 6.
Mangyari pa, inalalayan siya ni Jehova. Subalit pansinin na si David ay hindi basta na lamang naupo at naghintay na iligtas siya ni Jehova. Kinilala niya ang pangangailangan na gawin niya ang kaniyang buong makakaya sa ilalim ng mga kalagayan upang makaahon sa mahirap na kalagayan. Pinahalagahan niya ang pagliligtas sa kaniya ni Jehova, ngunit siya mismo ay kumilos, anupat nagkunwaring nasisiraan ng bait kung kaya hindi siya pinatay ng hari ng Gat. (1 Samuel 21:14–22:1) Kailangang gawin din natin ang ating buong makakaya upang mapagtiisan ang mga pasanin, sa halip na basta na lamang maghintay na sagipin tayo ni Jehova.—Santiago 1:5, 6; 2:26.
Huwag Dagdagan ang Iyong mga Pasanin
Nang dakong huli sa kaniyang buhay ay natutuhan ni David ang isa pang aral, isa na mapait. Ano iyon? Na kung minsan ay tayo ang nagdaragdag sa ating mga pasanin. Kasunod ng tagumpay laban sa mga Filisteo, nagkaroon ng mga suliranin si David nang ipasiya niyang ilipat ang kaban ng tipan sa Jerusalem. Ganito ang makasaysayang ulat: “Nang magkagayon si David at ang lahat ng tao na kasama niya ay bumangon at naparoon sa Baale-juda upang dalhin mula roon ang kaban ng tunay na Diyos . . . Gayunman, isinakay nila ang kaban ng tunay na Diyos sa isang bagong bagon, . . . at sina Uzah at Ahio, na mga anak ni Abinadab, ang umaakay sa bagong bagon.”—2 Samuel 6:2, 3.
Ang paggamit ng bagon upang ilipat ang Kaban ay labag sa lahat ng tagubilin na ibinigay ni Jehova hinggil dito. Maliwanag na sinabi na tanging ang awtorisadong mga tagapagdala, ang mga Coathitang Levita, ang dapat na pumasan ng Kaban sa kanilang mga balikat, na gumagamit ng mga pingga na isinusuot sa mga argolya Exodo 25:13, 14; Bilang 4:15, 19; 7:7-9) Ang pagwawalang-bahala sa mga tagubiling ito ay nagdulot ng kapahamakan. Nang ang baka na humihila ay matisod anupat halos mabuwal ang bagon, si Uzah, na malamang ay isang Levita ngunit tiyak na hindi isang saserdote, ay nag-unat ng kaniyang kamay upang patatagin ang kaban at siya ay pinatay ni Jehova dahil sa kaniyang kapangahasan.—2 Samuel 6:6, 7.
na pantanging ikinabit sa Kaban. (Bilang hari ay nanagot si David dahil dito. Ipinakikita ng kaniyang ikinilos na kahit yaong may mabuting kaugnayan kay Jehova ay maaaring kumilos nang di-wasto sa mahihirap na situwasyon sa pana-panahon. Una ay nagalit si David. Pagkatapos ay natakot siya. (2 Samuel 6:8, 9) Ang kaniyang maaasahang kaugnayan kay Jehova ay sumailalim sa mahigpit na pagsubok. Narito ang isang pagkakataon nang waring hindi siya naghagis ng kaniyang pasanin kay Jehova, nang hindi niya sinunod ang kaniyang mga utos. Maaari kayang malagay tayo sa ganiyang kalagayan kung minsan? Sinisisi ba natin si Jehova sa mga suliranin na ibinunga ng hindi natin pagsunod sa kaniyang mga tagubilin?—Kawikaan 19:3.
Pagharap sa Bigat ng Kasalanan
Nang maglaon, pinatawan ni David ang kaniyang sarili ng mabigat na kasalanan nang siya’y lumabag sa mga pamantayan ni Jehova sa moral. Sa pagkakataong ito ay tinalikuran ni David ang pananagutan na pangunahan ang kaniyang mga tauhan sa labanan. Nagpaiwan siya sa Jerusalem samantalang sila’y nagtungo sa digmaan. Ito’y humantong sa malubhang suliranin.—2 Samuel 11:1.
Nakita ni Haring David na naliligo ang magandang si Bath-sheba. Nagkaroon siya ng mahalay na kaugnayan sa kaniya, at ito ay nagdalang-tao. (2 Samuel 11:2-5) Upang pagtakpan ang maling paggawi, isinaayos niya na ang asawa ni Bath-sheba, si Urias, ay bumalik sa Jerusalem buhat sa larangan ng digmaan. Tumanggi si Urias na sumiping sa kaniyang asawa samantalang ang Israel ay nasasangkot sa digmaan. (2 Samuel 11:6-11) Ngayon ay bumaling naman si David sa isang balakyot at ubod-samang paraan upang mapagtakpan ang kaniyang kasalanan. Isinaayos niyang iwan si Urias ng kaniyang mga kapuwa sundalo sa isang lantad na posisyon sa digmaan upang siya ay mapatay. Isang napakasama at malubhang kasalanan!—2 Samuel 11:12-17.
Mangyari pa, nang dakong huli, nanagot si David sa kaniyang kasalanan, at siya’y nalantad. (2 Samuel 12:7-12) Subukan mong guni-gunihin ang bigat ng dalamhati at pagkakasala na maaaring nadama ni David nang mapagtanto niya ang kaselangan ng kaniyang nagawa bunga ng simbuyo ng kaniyang pagnanasa. Maaaring nanggipuspos siya sa pagkadama ng kabiguan, lalo na marahil dahil sa isa siyang madamdamin at sensitibong tao. Maaaring nadama niyang siya’y lubusang wala nang kabuluhan!
Gayunpaman, agad na kinilala ni David ang kaniyang pagkakamali, anupat inamin kay propeta Natan: “Ako’y nagkasala laban kay Jehova.” (2 Samuel 12:13) Sinasabi sa atin ng Awit 51 kung ano ang nadama niya at kung papaano siya nagsumamo sa Diyos na Jehova upang linisin siya at patawarin siya. Nanalangin siya: “Lubusan mo akong hugasan mula sa aking pagkakamali, at linisin mo ako buhat sa aking kasalanan. Sapagkat batid ko mismo ang aking mga paglabag, at ang aking kasalanan ay palaging nasa harap ko.” (Awit 51:2, 3) Sapagkat siya naman ay totoong nagsisi, naibalik niya ang kaniyang matibay, matalik na kaugnayan kay Jehova. Hindi nagbuhos ng labis na pansin si David sa pagsisi sa kaniyang sarili at pagkadama ng kawalang-kabuluhan. Inihagis niya ang kaniyang pasanin kay Jehova sa pamamagitan ng mapagpakumbabang pag-amin ng kaniyang kasalanan, taimtim na pagsisisi, at marubdob na pananalangin ukol sa pagpapatawad ni Jehova. Muli niyang natamo ang pagsang-ayon ni Jehova.—Awit 51:7-12, 15-19.
Nakayanan ang Pagtataksil
Inaakay tayo nito sa pangyayari na nag-udyok kay David na isulat ang Awit 55. Siya’y labis na nababagabag. “Ang aking puso ay nagdaramdam na mainam sa loob ko,” ang isinulat niya, “at ang mga kakilabutan ng kasalanan mismo ay nahulog sa akin.” (Awit 55:4) Ano ang sanhi ng pagdaramdam na ito? Si Absalom, na anak ni David, ay nagpakanang agawin ang paghahari buhat kay David. (2 Samuel 15:1-6) Ang pagtataksil na ito ng kaniyang sariling anak ay napakasakit upang batahin, subalit lalo pa itong lumubha dahil sa bagay na ang pinakapinagtitiwalaang tagapayo ni David, isang lalaking nagngangalang Ahitopel, ay nakipagsabwatan laban kay David. Si Ahitopel ang inilalarawan ni David sa Awit 55:12-14. Bunga ng pagsasabwatan at pagtataksil, si David ay kinailangang tumakas buhat sa Jerusalem. (2 Samuel 15:13, 14) Tiyak na ito’y nagdulot sa kaniya ng matinding hinagpis!
Gayunpaman, hindi niya hinayaan na ang kaniyang pagkabalisa at dalamhati ay magpahina ng kaniyang tiwala at pag-asa kay Jehova. Nanalangin siya kay Jehova na biguin ang mga plano ng mga nagsabwatan. (2 Samuel 15:30, 31) Muli ay nakikita natin na si David ay hindi basta na lamang naghintay nang walang-ginagawa anupat iniasa na lamang ang lahat kay Jehova. Nang sandaling magkaroon ng pagkakataon, ginawa niya ang kaniyang makakaya upang sugpuin ang sabwatan laban sa kaniya. Isinugo niya ang isa pa niyang tagapayo, si Husai, pabalik sa Jerusalem upang magkunwaring nakikisali sa sabwatan, ngunit, ang totoo, naparoon siya upang sirain iyon. (2 Samuel 15:32-34) Taglay ang suporta ni Jehova, nagtagumpay ang planong ito. Nakakuha si Husai ng sapat na panahon upang maisaayos ni David ang kaniyang grupo upang ipagtanggol ang kaniyang sarili.—2 Samuel 17:14.
Tiyak namang pinahalagahan ni David sa buong buhay niya ang proteksiyon ni Jehova gayundin ang kaniyang pagiging matiisin at mapagpatawad! (Awit 34:18, 19; 51:17) Sa pamamagitan ng mga pangyayaring ito ay may pagtitiwalang pinatitibay-loob tayo ni David na bumaling tayo kay Jehova ukol sa tulong sa mga panahon ng ating kabagabagan, anupat ‘ihagis ang ating pasanin kay Jehova.’—Ihambing ang 1 Pedro 5:6, 7.
Itatag at Panatilihin ang Matibay, Maaasahang Kaugnayan Kay Jehova
Papaano tayo magkakaroon ng uri ng kaugnayan na tinaglay ni David kay Jehova, isang kaugnayan na umalalay sa kaniya sa panahon ng matinding pagsubok at kapighatian? Magkakaroon tayo ng gayong kaugnayan sa pamamagitan ng pagiging masikap na mga estudyante ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Hinahayaan nating turuan niya tayo tungkol sa kaniyang mga batas, simulain, at personalidad. (Awit 19:7-11) Habang binubulay-bulay natin ang Salita ng Diyos, lalo tayong napapalapit sa kaniya at natututong magtiwala sa kaniya nang lubusan. (Awit 143:1-5) Napalalalim at napatitibay natin ang kaugnayang iyan habang tayo ay nakikisama sa ating mga kapuwa mananamba upang higit pang maturuan ni Jehova. (Awit 122:1-4) Lalong nagiging matalik ang ating kaugnayan kay Jehova sa pamamagitan ng taos-pusong pananalangin.—Awit 55:1.
Totoo, si David, tulad natin, ay nanlumo nang ang kaniyang kaugnayan kay Jehova ay hindi kasintibay nang nararapat. Ang paniniil ay maaaring mag-udyok sa atin na “kumilos na nasisiraan ng bait.” (Eclesiastes 7:7) Subalit nakikita ni Jehova ang nangyayari, at nalalaman niya kung ano ang nasa ating puso. (Eclesiastes 4:1; 5:8) Kailangan nating magsumikap upang manatiling matatag ang ating kaugnayan kay Jehova. Kung magkagayon, anumang pasanin ang kailangan nating dalhin, maaasahan natin na luluwagan ni Jehova ang panggigipit o palalakasin tayo upang makayanan ang ating situwasyon. (Filipos 4:6, 7, 13) Iyon ay nakasalalay sa ating pananatiling malapit kay Jehova. Nang gawin ito ni David, siya’y ganap na napanatag.
Samakatuwid, anuman ang iyong kalagayan, sinasabi ni David na laging ihagis ang iyong pasanin kay Jehova. Kung magkagayon ay mararanasan natin ang katotohanan ng pangako: “Siya mismo ang susustine sa iyo. Hindi niya kailanman hahayaang hahapay-hapay ang matuwid na isa.”—Awit 55:22.