Maiinam na Gawa na Lumuluwalhati kay Jehova
Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Maiinam na Gawa na Lumuluwalhati kay Jehova
SA KANIYANG Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Pasikatin ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang kanilang makita ang inyong maiinam na gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama na nasa mga langit.” (Mateo 5:16) Gayundin naman, ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon ay abala sa “maiinam na gawa” na lumuluwalhati kay Jehova.
Ano ang maiinam na gawang ito? Kasali sa mga ito ang pangangaral ng mabuting balita, ngunit ang ating huwarang asal ay isa ring mahalagang bahagi. Karaniwan na ang ating mabuting asal ang sa simula’y nakaaakit ng mga tao tungo sa Kristiyanong kongregasyon. Inilalarawan ng sumusunod na mga karanasan kung papaanong ang mga Saksi ni Jehova sa Martinique ay ‘nagpapasikat ng kanilang liwanag sa harap ng mga tao.’
◻ Habang nakikibahagi sa pangangaral sa bahay-bahay, isa sa mga Saksi ni Jehova ang dumalaw sa isang Katolikong babae. Ang babaing ito ay 25 taon nang nakikisama nang hindi kasal sa isang lalaki. Alam niya ang mga turo ng mga Saksi ni Jehova, yamang siya, mga pitong taon na ang nakararaan, ay nakatanggap ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. * Sinabi ng babae sa Saksi: “Masyadong maraming relihiyon. Hindi ko alam kung sino ang paniniwalaan ko sa gitna ng kalituhang ito.” Ipinaliwanag ng Saksi na ang katotohanan ay masusumpungan lamang sa Bibliya at na upang masumpungan ito, dapat na pag-aralan niyang mabuti ang Kasulatan at manalangin sa Diyos ukol sa kaniyang espiritu at patnubay.
Sa isang yugto ng panahon, bagaman interesado sa pag-aaral ng Bibliya, tinanggihan ng babae ang ilang paanyaya na dumalo sa Kristiyanong mga pulong sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Bakit? Siya’y totoong mahiyain. Gayunpaman, pagkatapos tanggapin ang isang paanyaya sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo, napanagumpayan niya ang kaniyang pagkamahiyain at siya ay dumalo.
Ang lubhang nagpahanga sa kaniya sa pulong ay ang maibiging kapaligiran sa Kingdom Hall. Hindi pa niya naranasan ang gayong tunay na pagkakaibigan sa kaniyang simbahan! Pagkatapos ng pulong na iyon ay sinimulan na niyang daluhan ang lahat ng pulong na idinaraos ng lokal na mga Saksi, at di-nagtagal ay pinakasalan niya ang lalaki na kapisan niya. Siya ngayon ay isa nang bautisadong miyembro ng kongregasyon.
◻ Ang maiinam na gawa ng isa pang Saksi ay nagbunga ng mabubuting resulta. Siya ay may responsableng posisyon sa isang opisina. Nang isang lalaki buhat sa isla ng Réunion ang tanggapin sa trabaho, ang ilan sa mga manggagawa ay nagpasimulang mangutya sa kaniya dahil siya ay pandak. Siya ay naging katatawanan. Sa kabaligtaran, ang Saksi ay laging mabait at magalang sa lalaki. Di-nagtagal ay nagtatanong na siya kung bakit ang Saksi ay ibang-iba.
Ipinaliwanag ng Saksi na ang kaniyang magalang na asal ay bunga ng mga simulain sa Bibliya na kaniyang natutuhan sa mga Saksi ni Jehova. Ipinakita rin niya sa lalaki kung ano ang sinasabi ng Kasulatan hinggil sa mga layunin ng Diyos at sa pag-asa sa isang bagong sanlibutan. Tumanggap ang lalaki ng pag-aaral sa Bibliya, nagsimulang dumalo sa Kristiyanong mga pulong, at nagpakasal sa babae na kaniyang kinakasama.
Sa wakas ay bumalik siya sa Réunion. Noong nakaraan, hindi siya kasundo ng kaniyang mga kamag-anak, lalo na ng pamilya ng kaniyang kabiyak. Subalit ngayon sila ay hangang-hanga sa kaniyang mainam na Kristiyanong paggawi. Ang lalaki ay nabautismuhan at sa kasalukuyan ay isang ministeryal na lingkod. Maraming miyembro ng pamilya, kasali na ang kaniyang kabiyak at dalawang anak na babae, ay naglilingkod din sa Kristiyanong kongregasyon bilang mga mamamahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.
[Talababa]
^ Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.