Saan Nila Nakuha ang Kanilang Lakas?
Saan Nila Nakuha ang Kanilang Lakas?
KUNG pagmamasdan mong mabuti ang paruparo sa larawang ito, makikita mo na isa sa apat na pakpak nito ay hindi na nagagamit. Gayunman, patuloy pa ring nakakakain at nakalilipad ang paruparo. Hindi ito isang pambihirang kaso. Naobserbahan na ang mga paruparo ay nakapagpapatuloy sa kanilang pang-araw-araw na gawain kahit wala na ang 70 porsiyento ng kanilang pakpak.
Gayundin naman, maraming tao ang nagpapamalas ng matatag na kalooban. Sa kabila ng malulubhang suliranin sa pisikal at sa emosyon, hindi sila sumusuko.—Ihambing ang 2 Corinto 4:16.
Personal na dumanas si apostol Pablo ng matitinding hirap noong kaniyang mga pangmisyonerong paglalakbay. Siya’y pinaghahampas, ginulpi, pinagbabato, at ibinilanggo. Karagdagan pa, mayroon siyang isang uri ng kapansanan, marahil isang suliranin sa kaniyang mga mata, na palaging isang “tinik sa laman” para sa kaniya.—2 Corinto 12:7-9; Galacia 4:15.
Isang Kristiyanong matanda na nagngangalang David, na nakipagpunyagi sa matinding panlulumo sa loob ng maraming taon, ang naniniwala na naging mahalaga sa kaniyang paggaling ang lakas ni Jehova. “Maraming beses na ang pinaghirapang tagumpay ay waring naglalaho,” paliwanag niya. “Sa harap ng gayong panghihina ng loob, inilagak ko ang aking sarili kay Jehova, at tunay ngang inalalayan niya ako. May mga pagkakataon na nananalangin ako nang maraming oras. Kapag nakipag-usap ako kay Jehova, napapawi ang aking kalungkutan at pagiging walang-halaga. Nakipagpunyagi ako sa mga yugto ng matinding kahinaan, ngunit salamat kay Jehova, buhat sa kahinaang ito ay dumating ang kalakasan—maging ang lakas upang tumulong sa iba.”
Pinalakas ng Diyos na Jehova si Pablo. Kaya naman, masasabi nga niya: “Sapagkat kapag ako ay mahina, sa gayon ay makapangyarihan ako.” (2 Corinto 12:10) Oo, ang mga kahinaan ni Pablo ang nagturo sa kaniya na umasa sa bigay-Diyos na lakas. “Sa lahat ng mga bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin,” sabi ng apostol. (Filipos 4:13) Tunay ngang pinalalakas ni Jehova ang kaniyang mga lingkod.