Tunay na Katiwasayan—Ngayon at Magpakailanman
Tunay na Katiwasayan—Ngayon at Magpakailanman
WALANG alinlangan na makapaglalaan ang Diyos na Jehova ng katiwasayan para sa kaniyang bayan. Siya “ang Isa na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Awit 68:14) Ang kaniyang pambihirang pangalan ay nangangahulugan na “Pinapangyayari Niyang Maging.” Ito’y nagpapakilala sa kaniya bilang ang tanging Isa sa sansinukob na makapananaig sa anumang hadlang upang matupad ang kaniyang mga pangako at maisagawa ang kaniyang kalooban. Ang Diyos mismo ang nagsabi: “Mapatutunayang gayon ang aking salita na lumalabas buhat sa aking bibig. Hindi iyon babalik sa akin nang walang resulta, kundi tiyak na gagawin nito ang kinalulugdan ko, at tiyak na magtatagumpay iyon sa pinagsuguan ko.”—Isaias 55:11.
Naglalaan ang Diyos ng katiwasayan sa mga nagtitiwala sa kaniya. Ginagarantiyahan ito ng kaniyang Salita. “Ang pangalan ni Jehova ay isang matibay na tore,” sabi ng pantas na si Haring Solomon sa ilalim ng pagkasi ng Diyos. “Doon tumatakbo ang matuwid at naiingatan.” Sinabi pa niya: “Siyang tumitiwala kay Jehova ay iingatan.”—Kawikaan 18:10; 29:25.
Katiwasayan Para sa mga Lingkod ng Diyos
Palaging pinaglalaanan ni Jehova ng katiwasayan yaong mga umaasa sa kaniya. Halimbawa, tinamasa ni propeta Jeremias ang proteksiyon ng Diyos. Nang kubkubin ng mga hukbo ng Babilonya ang apostatang Jerusalem, ang mga tao ay napilitang “kumain ng tinapay ayon sa timbang at nang may pagkabalisa.” (Ezekiel 4:16) Gayon na lamang kalubha ang kalagayan anupat inilaga at kinain ng ilang kababaihan ang kanilang sariling mga anak. (Panaghoy 2:20; 4:10) Bagaman si Jeremias ay ikinulong noon dahil sa kaniyang walang-takot na pangangaral, tiniyak ni Jehova na “binibigyan siya ng bilog na tinapay araw-araw buhat sa lansangan ng mga panadero, hanggang sa maubos ang lahat ng tinapay sa lunsod.”—Jeremias 37:21.
Nang ang Jerusalem ay mahulog sa kamay ng mga taga-Babilonya, si Jeremias ay hindi napatay ni kinaladkad man bilang bihag patungo sa Babilonya. Sa halip, “ang [taga-Babilonyang] hepe ng Jeremias 40:5.
tagapagbantay . . . ay nagbigay sa kaniya ng sustento ng pagkain at isang regalo at pinalaya siya.”—Pagkaraan ng mga siglo ay tiniyak ni Jesu-Kristo sa mga lingkod ng Diyos: “Huwag kayong mabalisa kailanman at sabihing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’ Sapagkat ang lahat ng mga ito ang mga bagay na masikap na hinahanap ng mga bansa. Sapagkat nalalaman ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”—Mateo 6:31-33.
Nangangahulugan ba ito na tatamasahin ng mga lingkod ni Jehova ang proteksiyon ng Diyos buhat sa lahat ng kalamidad sa ngayon? Hindi, hindi gayon. Hindi ligtas ang mga tapat buhat sa kapinsalaan. Ang mga tunay na Kristiyano ay nagkakasakit, pinag-uusig, nagiging biktima ng krimen, nasasawi sa mga aksidente, at nagdurusa sa ibang paraan.
Bagaman hindi pa naglalaan si Jehova ng lubusang katiwasayan buhat sa kapinsalaan, ipinakikita ng mga ulat na ginagamit niya ang kaniyang kapangyarihan upang paglaanan ang kaniyang mga lingkod at ingatan sila. Naiingatan din ang mga Kristiyano buhat sa maraming suliranin dahil sa ikinakapit nila ang mga simulain ng Bibliya sa kanilang buhay. (Kawikaan 22:3) Karagdagan pa, tinatamasa nila ang katiwasayan ng isang pambuong-daigdig na samahan ng maibiging espirituwal na magkakapatid, na nagtutulungan sa isa’t isa sa panahon ng pangangailangan. (Juan 13:34, 35; Roma 8:28) Halimbawa, bilang tugon sa mahirap na kalagayan ng kanilang mga kapatid sa sinalanta-ng-digmaang Rwanda, agad na nag-abuloy ang mga Saksi ni Jehova sa Europa at nagpadala sa kanila ng 65 tonelada ng damit at $1,600,000 halaga ng medisina, pagkain, at iba pang panustos.—Ihambing ang Gawa 11:28, 29.
Bagaman pinahihintulutan ni Jehova na dumanas ng mga pagsubok ang mga tunay na Kristiyano, nakatitiyak sila na kaniyang bibigyan sila ng lakas, tulong, at karunungan upang makapagbata. Sa pagsulat sa mga kapananampalataya, sinabi ni apostol Pablo: “Walang tuksong [pagsubok] dumating sa inyo maliban sa kung ano ang karaniwan sa mga tao. Ngunit ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin [subukin] kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi kasama ng tukso [pagsubok] ay gagawa rin siya ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.”—1 Corinto 10:13; The Emphatic Diaglott.
Kung Ano ang Ginagawa ng Diyos Para sa Kaniyang Bayan
Sa ngayon, milyun-milyong tao ang nalulugod na gawin ang kalooban ng Diyos. Hindi sila napipilitang maglingkod sa Diyos; ginagawa nila ito dahil kilala at iniibig nila siya. Dahil sa iniibig naman ni Jehova ang kaniyang matapat na mga lingkod, layunin niyang baguhin ang lupa tungo sa isang paraiso na doo’y tatamasahin ng masunuring sangkatauhan ang kapayapaan, kalusugan, Lucas 23:43.
at katiwasayan magpakailanman.—Gagawin ito ng Diyos sa pamamagitan ng isang makalangit na gobyerno, na ang Haring kaniyang hinirang, si Jesu-Kristo, ang siyang Tagapamahala nito. (Daniel 7:13, 14) Tinutukoy ng Bibliya ang pamahalaang ito bilang ang “kaharian ng Diyos” at “ang kaharian ng mga langit.” (1 Corinto 15:50; Mateo 13:44) Hahalinhan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng pamahalaan ng tao. Sa halip na magkaroon ng maraming pamahalaan sa lupa, magkakaroon lamang ng iisang pamahalaan. Iyon ay mamamahala sa katuwiran sa buong lupa.—Awit 72:7, 8; Daniel 2:44.
Ipinaaabot ni Jehova sa lahat ang paanyayang mabuhay sa ilalim ng Kaharian. Isang paraan na doo’y ginagawa niya ito ay sa pamamagitan ng malawak na pamamahagi ng Bibliya, ang aklat na nagpapaliwanag kung ano ang gagawin ng Kaharian para sa sangkatauhan. Ang Bibliya ang siyang pinakamalawak na naipamahaging aklat sa daigdig, at makukuha na ito ngayon, sa kabuuan o sa ilang bahagi, sa mahigit na 2,000 wika.
Maibiging tinutulungan ng Diyos na Jehova ang kaniyang bayan na maunawaan kung ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa Kaharian. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng pagtuturo at pagsusugo ng mga tao upang ipaliwanag sa iba ang Kasulatan. Mahigit na limang milyong Saksi ni Jehova ang naghahayag ngayon ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa mahigit na 230 lupain.
Tunay na Katiwasayan Para sa Lahat?
Pauunlakan kaya ng lahat ang paanyaya na maging sakop ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pag-ayon sa kaniyang matuwid na mga pamantayan? Hindi, sapagkat maraming tao ang hindi interesado na gawin ang kalooban ng Diyos. Tinatanggihan nila ang pagsisikap na tulungan silang baguhin ang kanilang buhay ukol sa ikabubuti. Sa katunayan, ipinakikita nilang sila’y gaya niyaong tinukoy ni Jesus: “Ang puso ng bayang ito ay naging di-mapagtanggap, at sa kanilang mga tainga sila ay nakarinig nang walang pagtugon, at ipinikit nila ang kanilang mga mata; upang hindi nila kailanman makita ng kanilang mga mata at marinig ng kanilang mga tainga at makuha ang diwa nito ng kanilang mga puso at manumbalik, at mapagaling sila [ng Diyos].”—Mateo 13:15.
Paano magkakaroon kailanman ng tunay na kapayapaan sa lupa sa gitna niyaong mga tumatangging mamuhay ayon sa matutuwid na daan ng Diyos? Hindi puwede. Pinagbabantaan ng mga taong walang Diyos ang katiwasayan niyaong mga ibig na maglingkod kay Jehova.
Hindi pinipilit ng Diyos na magbago ang mga tao, ngunit hindi rin naman niya pahihintulutan magpakailanman ang kabalakyutan. Bagaman matiisin at patuloy na isinusugo ni Jehova ang kaniyang mga Saksi upang turuan ang mga tao hinggil sa kaniyang mga daan at layunin, hindi na niya ipagpapatuloy pang gawin iyon nang matagal. Inihula ni Jesu-Kristo: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga Mateo 24:14.
bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Ano ang magiging kahulugan ng “wakas” para roon sa mga tumatanggi sa mga pamantayan ng Diyos? Mangangahulugan iyon ng masamang hatol at pagkapuksa. Bumabanggit ang Bibliya tungkol sa “paghihiganti doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus. Ang mga ito mismo ay daranas ng panghukumang kaparusahan na walang-hanggang pagkapuksa.”—2 Tesalonica 1:6-9.
Sa Wakas—Tunay na Katiwasayan Magpakailanman!
Kasunod ng pagpuksa sa mga tumatanggi sa mga daan ni Jehova ng kapayapaan, pangyayarihin ng Kaharian ng Diyos ang isang maluwalhating panahon ng katiwasayan ukol sa kapakinabangan ng mga matuwid sa lupa. (Awit 37:10, 11) Anong laking pagkakaiba sa pagitan ng bagong sanlibutang iyan at ng isa na pinamumuhayan natin sa ngayon!—2 Pedro 3:13.
Mawawala na ang kasalatan sa pagkain at gutom. Lahat ay magkakaroon ng saganang makakain. Sinasabi ng Bibliya na ‘lahat ng bayan ay magtatamasa ng bangkete ng nilangisang-mainam na mga pagkain.’ (Isaias 25:6) Hindi magkakaroon ng kakapusan sa pagkain, sapagkat “magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay may labis-labis.”—Awit 72:16.
Hindi na maninirahan ang mga tao sa mga dampa at mga barungbarong. Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, lahat ay magkakaroon ng maiinam na tahanan, at kakainin nila ang bunga ng kanilang sariling lupain. Nangangako ang Bibliya: “Sila nga’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan; at sila’y tiyak na magtatanim ng mga ubasan at kakain ng bunga niyaon.”—Isaias 65:21.
Sa halip ng laganap na kawalang-trabaho, magkakaroon ng mabungang gawain, at makikita ng mga tao ang mabubuting resulta niyaon. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang aking pinili ay makikinabang na lubusan sa gawa ng kanilang sariling mga kamay. Sila’y hindi gagawa ng walang kabuluhan.”—Isaias 65:22, 23.
Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, ang mga tao ay hindi na magdurusa at mamamatay sa sakit. Tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos: “Walang naninirahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ”—Isaias 33:24.
Sa makalupang Paraiso na malapit nang umiral, mapapawi na ang pagdurusa at kirot, lumbay at kamatayan. Oo, maging ang kamatayan! Ang mga tao ay mabubuhay magpakailanman sa Paraiso! Sinasabi sa atin ng Bibliya na “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:4.
Sa ilalim ng pamamahala ni Jesu-Kristo, ang “Prinsipe ng Kapayapaan,” sa wakas ay tunay ngang magiging tiwasay ang buhay sa lupa. Oo, pambuong-daigdig na katiwasayan ang iiral sa ilalim ng matuwid at maibiging pamamahala ng isang gobyerno—ang Kaharian ng Diyos.—Isaias 9:6, 7; Apocalipsis 7:9, 17.
[Blurb sa pahina 4]
“Ang katiwasayan ng tao ay nagpapakita ng pananalig sa kinabukasan,. . . [pananalig sa] katatagan ng kalagayan ng pulitika at ekonomiya.”—Isang babaing nakatira sa Asia
[Blurb sa pahina 5]
“Ang higit sa lahat na nakababalisa sa iyo ay ang karahasan at delingkuwensiya.”—Isang lalaking nakatira sa Timog Amerika
[Blurb sa pahina 6]
“Hindi ako mapanatag noong panahon ng . . . paglusob. Kung nakikipagdigmaan ang isang bansa, paano mapapanatag ang mga tao?”—Isang mág-aarál sa primaryang paaralan sa Gitnang Silangan
[Blurb sa pahina 7]
“Mapapanatag ako kapag alam kong makalalakad ako sa mga lansangan sa gabi nang hindi mapagsasamantalahan.”—Isang batang babaing mág-aarál sa Aprika