“Ang Munti” ay Naging “Isang Libo”
“Ang Munti” ay Naging “Isang Libo”
“Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging makapangyarihang bansa.”—ISAIAS 60:22.
1, 2. (a) Bakit natatakpan ng kadiliman ang lupa sa ngayon? (b) Paano pasulóng na sumisikat ang liwanag ni Jehova sa kaniyang bayan?
“ANG kadiliman ay tatakip sa lupa, at ang makapal na karimlan sa mga liping pambansa; ngunit sa iyo ay sisikat si Jehova, at sa iyo ay makikita ang kaniyang kaluwalhatian.” (Isaias 60:2) Maliwanag na inilalarawan ng mga salitang ito ang kalagayan sa lupa sapol noong 1919. Tinanggihan ng Sangkakristiyanuhan ang tanda ng maharlikang pagkanaririto ni Jesu-Kristo, “ang liwanag ng sanlibutan.” (Juan 8:12; Mateo 24:3) Dahil sa “malaking galit” ni Satanas, na siyang pinuno ng “mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito,” ang ika-20 siglo ay naging ang pinakamalupit at pinakamapangwasak na panahon sa kasaysayan ng tao. (Apocalipsis 12:12; Efeso 6:12) Karamihan sa mga tao ay nabubuhay sa espirituwal na kadiliman.
2 Gayunman, sumisikat pa rin ang liwanag sa ngayon. Si Jehova ay ‘sumisikat’ sa kaniyang mga lingkod, ang pinahirang nalabi, na siyang makalupang mga kinatawan ng kaniyang makalangit na “babae.” (Isaias 60:1) Lalo na nang sila’y palayain mula sa pagkabihag sa Babilonya noong 1919, ipinaaninag ng mga ito ang kaluwalhatian ng Diyos at ‘pinasikat ang kanilang liwanag sa harap ng mga tao.’ (Mateo 5:16) Mula 1919 hanggang 1931, ang liwanag ng Kaharian ay paningning nang paningning habang kinakalag ng mga ito ang nalalabing gapos ng maka-Babilonyang pag-iisip. Dumami ang kanilang bilang tungo sa sampu-sampung libo habang tinutupad ni Jehova ang kaniyang pangako: “Walang pagsalang pipisanin ko ang mga nalalabi sa Israel. Ilalagay ko sila sa pagkakaisa, tulad ng mga tupa sa kural, tulad ng isang kawan sa gitna ng pastulan nito; ang mga ito ay magiging maingay dahil sa mga tao.” (Mikas 2:12) Noong 1931, ang kaluwalhatian ni Jehova ay lalo pang naging kapansin-pansin sa kaniyang bayan nang tanggapin nila ang pangalang mga Saksi ni Jehova.—Isaias 43:10, 12.
3. Paano naging malinaw na ang liwanag ni Jehova ay sisikat sa iba bukod pa sa mga pinahiran?
3 Si Jehova ba’y sumisikat lamang sa mga nalalabi ng kaniyang “munting kawan”? (Lucas 12:32) Hindi. Ang Setyembre 1, 1931, na isyu ng The Watch Tower ay tumutukoy sa isa pang grupo. Sa isang mahusay na paliwanag sa Ezekiel 9:1-11, ipinakita roon na ang lalaking may tintero ng manunulat na binabanggit sa mga talatang iyon ay kumakatawan sa pinahirang nalabi. Sino ang tinatandaan sa noo ng “lalaki[ng]” iyon? Ang “ibang mga tupa,” na ang pag-asa’y mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa. (Juan 10:16; Awit 37:29) Noong 1935, ang grupong ito ng “ibang mga tupa” ay naunawaang ang “malaking pulutong . . . mula sa lahat ng mga bansa” na nakita ni apostol Juan sa pangitain. (Apocalipsis 7:9-14) Mula 1935 hanggang ngayon, patuloy na pinag-uukulan ng higit na pansin ang pagtitipon sa malaking pulutong.
4. Sino ang “mga hari” at ang “mga bansa” na tinutukoy sa Isaias 60:3?
4 Ang gawaing pagtitipong ito ay ipinahiwatig sa hula ng Isaias nang sabihin ito: “Ang mga bansa ay tiyak na paroroon sa iyong liwanag, at ang mga hari sa kaningningan ng iyong pagsikat.” (Isaias 60:3) Sino ang “mga hari” na tinutukoy rito? Ang nalalabi ng 144,000 na, kasama ni Jesu-Kristo, ay kasamang tagapagmana ng makalangit na Kaharian at nangunguna sa gawaing pagpapatotoo. (Roma 8:17; Apocalipsis 12:17; 14:1) Sa ngayon, ang ilang libong natitira pa sa mga pinahirang nalabi ay lubhang nahigitan na ng “mga bansa,” yaong mga may makalupang pag-asa na pumaparoon kay Jehova para maturuan at nag-aanyaya sa iba na gayundin ang gawin.—Isaias 2:3.
Masisigasig na Lingkod ni Jehova
5. (a) Anong mga katotohanan ang nagpapakitang hindi humuhupa ang sigasig ng bayan ni Jehova? (b) Aling mga bansa ang nagkaroon ng pambihirang pagsulong noong 1999? (Tingnan ang tsart sa pahina 17-20.)
5 Gayon na lamang kasidhi ang sigasig na ipinakita ng modernong-panahong mga Saksi ni Jehova sa buong ika-20 siglo! At sa kabila ng tumitinding panggigipit, ang sigasig nila ay hindi humuhupa habang papalapit ang taóng 2000. Talagang dinidibdib pa rin nila ang utos ni Jesus: “Gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 28:19, 20) Ang bilang ng aktibong mamamahayag ng mabuting balita noong nakaraang taon ng paglilingkod ng ika-20 siglo ay umabot sa bagong peak na 5,912,492. Nakagugol sila ng kahanga-hangang kabuuan na 1,144,566,849 oras sa pakikipag-usap sa iba tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin. Nakagawa sila ng 420,047,796 pagdalaw-muli sa mga interesado at nakapagdaos ng 4,433,884 walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Tunay ngang isang napakahusay na ulat ng masigasig na paglilingkod!
6. Anong bagong kaayusan ang ginawa para sa mga payunir, at ano ang naging pagtugon?
6 Noong nakaraang Enero, nagpatalastas ang Lupong Tagapamahala ng pagbabago sa kahilingang oras para sa mga payunir. Marami ang nagsamantala sa pagkakataong ito upang mapabilang sa hanay ng mga regular o auxiliary pioneer. Halimbawa, noong unang apat na buwan sa kalendaryo ng 1999, tumanggap ang tanggapang pansangay ng Netherlands ng apat na ulit na dami ng aplikasyon para sa regular pioneer kaysa sa tinanggap nila noong gayunding mga buwan ng sinundang taon. Ang Ghana ay nag-ulat: “Mula nang ikapit ang bagong tunguhin sa oras para sa mga payunir, ang hanay ng aming mga regular pioneer ay patuloy na dumami.” Noong 1999 taon ng paglilingkod, ang bilang ng mga payunir sa buong daigdig ay umabot sa 738,343—isang napakahusay na halimbawa ng ‘kasigasigan sa maiinam na gawa.’—Tito 2:14.
7. Paano pinagpala ni Jehova ang masigasig na paggawa ng kaniyang mga lingkod?
7 Pinagpala ba ni Jehova ang masigasig na gawaing ito? Oo, sa pamamagitan ni Isaias ay sinabi niya: “Itingin mo ang iyong mga mata sa buong palibot at masdan! Silang lahat ay natipon; pumaroon sila sa iyo. Mula sa malayo ay patuloy na dumarating ang iyong mga anak na lalaki, at ang iyong mga anak na babae na aalagaan sa tagiliran.” (Isaias 60:4) Ang pinahirang “mga anak na lalaki” at “mga anak na babae” na natipon na ay masisigasig pa ring naglilingkod sa Diyos. At ngayon, ang ibang tupa ni Jesus ay tinitipon sa piling ng pinahirang “mga anak na lalaki” at “mga anak na babae” ni Jehova sa 234 na lupain at mga isla sa dagat.
“Bawat Mabuting Gawa”
8. Sa anong ‘mabubuting gawa’ aktibo ang mga Saksi ni Jehova?
8 Pananagutan ng mga Kristiyano na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian at tulungan ang mga interesado na maging mga alagad. Subalit sila nama’y ‘nasasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.’ (2 Timoteo 3:17) Kaya naman, sila’y maibiging nangangalaga sa kani-kanilang pamilya, nagpapakita ng pagkamapagpatuloy, at dumadalaw sa mga maysakit. (1 Timoteo 5:8; Hebreo 13:16) At ang mga boluntaryo ay nakikibahagi sa mga proyektong gaya ng pagtatayo ng mga Kingdom Hall—isa ring gawain na nagpapatotoo. Sa Togo, matapos itayo ang isang bulwagan, ninais ng mga responsableng tao sa isang lokal na simbahang karismatiko na malaman kung bakit nakapagtatayo ang mga Saksi ni Jehova ng kanilang sariling gusali samantalang ang simbahan naman ay kailangan pang umupa ng mga tao para gawin ito! Iniulat ng Togo na ang pagtatayo ng de-kalidad na mga Kingdom Hall ay may gayon na lamang kapositibong epekto sa pamayanan anupat ang ilan ay nagsisikap na umupa o kaya’y magtayo ng mga bahay sa mga lugar na pagtatayuan ng mga bulwagan.
9. Paano tumutugon ang mga Saksi ni Jehova kapag nagkakaroon ng kasakunaan?
9 Kung minsan, kinakailangan ang isa pang uri ng mabuting gawa. Maraming lupain ang dumanas ng mga kasakunaan noong nakaraang taon ng paglilingkod, at madalas na ang nauuna sa eksena upang tumulong ay ang mga Saksi ni Jehova. Halimbawa, ang kalakhang bahagi ng Honduras ay winasak ng Hurricane Mitch. Agad-agad, bumuo ang sangay ng mga komiteng pangkagipitan upang organisahin ang pagbibigay ng tulong. Ang mga Saksi sa Honduras at sa marami pang ibang lupain ay nag-abuloy ng mga damit, pagkain, gamot, at iba pang pangunahing pangangailangan. Ginamit ng mga Regional Building Committee ang kanilang kakayahan upang muling itayo ang mga bahay. Di-nagtagal, ang mga kapatid natin na naging biktima ng kasakunaan ay natulungang makabalik sa kanilang regular na mga gawain. Sa Ecuador, tumulong ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga kapatid nang sirain ng malaking baha ang ilang tahanan. Matapos makita ang husay ng kanilang pamamaraan sa pagharap sa situwasyon, sinabi ng isang opisyal ng pamahalaan: “Kung magtatrabaho sa akin ang grupong ito, napakalaki ng magagawa ko! Ang mga taong gaya ninyo ay dapat na nasa lahat ng bahagi ng daigdig.” Ang gayong mabuting gawa ay nagdudulot ng kapurihan sa Diyos na Jehova at katunayan ng ating “maka-Diyos na debosyon [na] kapaki-pakinabang sa lahat ng mga bagay.”—1 Timoteo 4:8.
Sila’y “Lumilipad na Parang Ulap”
10. Sa kabila ng umuunting bilang ng mga pinahiran, bakit ang pangalan ni Jehova ay naipahahayag ngayon nang higit kailanman?
10 Nagtatanong ngayon si Jehova: “Sino ang mga ito na lumilipad na parang ulap, at parang mga kalapati patungo sa kanilang mga butas sa bahay-ibon? Sapagkat sa akin ay patuloy na aasa ang mga pulo, ang mga barko rin ng Tarsis gaya noong una, upang dalhin ang iyong mga anak mula sa malayo . . . Itatayo nga ng mga banyaga ang iyong mga pader, at ang kanilang mga hari ay maglilingkod sa iyo.” (Isaias 60:8-10) Ang unang tumutugon sa ‘pagpapasikat’ ni Jehova ay ang kaniyang “mga anak na lalaki,” na pinahirang mga Kristiyano. Pagkatapos ay ang “mga banyaga,” ang malaking pulutong, na matapat na naglilingkod sa kanilang pinahirang mga kapatid, anupat sumusunod sa kanilang pangunguna sa pangangaral ng mabuting balita. Kaya nga, bagaman umuunti ang bilang ng mga pinahiran, ang pangalan ni Jehova ay naipahahayag ngayon sa buong daigdig nang higit kailanman.
11. (a) Ano ang patuloy pang nagaganap at ano ang ibinunga noong 1999? (b) Aling mga bansa ang nagkaroon ng pambihirang bilang ng nabautismuhan noong 1999? (Tingnan ang tsart sa pahina 17-20.)
11 Bunga nito, milyun-milyon ang nagsasama-sama na “parang mga kalapati patungo sa kanilang mga butas sa bahay-ibon,” na nakasusumpong ng kanlungan sa loob ng Kristiyanong kongregasyon. Daan-daang libo ang napaparagdag taun-taon, at ang daan ay bukás para sa iba pang darating. Sinabi ni Isaias: “Ang iyong mga pintuang-daan ay pananatilihin ngang bukás na palagi; ang mga iyon ay hindi isasara maging sa araw o sa gabi, upang dalhin sa iyo ang yaman ng mga bansa.” (Isaias 60:11) Noong nakaraang taon, 323,439 ang nabautismuhan bilang sagisag ng kanilang pag-aalay kay Jehova, at hindi pa niya isinasara ang mga pintuang-daan. “Ang mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa,” mga kabilang sa malaking pulutong, ay nagsisiksikan pa rin sa pagpasok sa mga ito. (Hagai 2:7) Walang sinumang nagnanais umalis sa kadiliman ang tinatanggihan. (Juan 12:46) Huwag sanang maiwala kailanman ng mga taong ito ang kanilang pagpapahalaga sa liwanag!
Walang Takot sa Harap ng Pagsalansang
12. Paano sinikap ng mga umiibig sa kadiliman na patayin ang liwanag?
12 Yaong mga umiibig sa kadiliman ay napopoot sa liwanag ni Jehova. (Juan 3:19) Sinikap pa man din ng ilan na patayin ang liwanag na iyan. Ito’y inaasahan. Maging si Jesus, “ang tunay na liwanag na nagbibigay ng liwanag sa bawat uri ng tao,” ay tinuya, sinalansang, at sa dakong huli ay pinatay ng kaniyang mga kababayan. (Juan 1:9) Sa nakalipas na ika-20 siglo, maging ang mga Saksi ni Jehova ay nilibak, ibinilanggo, pinagbawalan, pinatay pa nga, dahil sa kanilang tapat na pagpapaaninag ng liwanag ni Jehova. Nitong nakaraang mga taon, ginamit ng mga salansang ang media sa pagkakalat ng kasinungalingan hinggil sa mga nagpapaaninag ng liwanag ng Diyos. Gusto ng ilan na mapaniwala ang mga tao na ang mga Saksi ni Jehova ay mapanganib at dapat na higpitan o pagbawalan. Nagtagumpay ba ang mga salansang na ito?
13. Ano ang ibinunga ng maingat na paghaharap sa media ng mga katotohanan hinggil sa ating gawain?
13 Hindi. Kapag naaangkop, ang mga Saksi ni Jehova ay pumupunta sa media upang ipaliwanag ang katotohanan. Bunga nito, ang pangalan ni Jehova ay laganap na naibalita sa mga pahayagan at mga magasin at sa mga radyo at telebisyon. Nagbunga ito ng maiinam na resulta sa gawaing pangangaral. Halimbawa, sa Denmark, isang programa sa pambansang TV ang tumalakay sa paksang “Kung bakit humihina ang pananampalataya ng mga Danes.” Kasama ng iba pa, ang mga Saksi ni Jehova ay kinapanayam. Pagkaraan, isang babaing nakapanood ng programa ang nagsabi: “Kitang-kita kung sino ang nagtataglay ng espiritu ng Diyos.” Isang pag-aaral ang pinasimulan sa kaniya.
14. Sa kanilang pagkapahiya, ano ang di na magtatagal ay mapipilitang matalos ng mga salansang?
14 Alam ng mga Saksi ni Jehova na marami sa sanlibutang ito ang sasalansang sa kanila. (Juan 17:14) Gayunman, sila’y pinalalakas ng hula ng Isaias: “Sa iyo ay paroroon ang mga anak niyaong mga pumipighati sa iyo, na yumuyukod; at lahat niyaong nakikitungo sa iyo nang walang galang ay yuyukod sa mismong mga talampakan ng iyong mga paa, at tatawagin ka nga nilang lunsod ni Jehova, ang Sion ng Banal ng Israel.” (Isaias 60:14) Sa kanilang pagkapahiya, di-magtatagal at matatalos ng mga salansang na sila, sa katunayan, ay nakikipaglaban sa Diyos mismo. Sino nga ba ang makapananagumpay sa gayong labanan?
15. Paano ‘sinususo ng mga Saksi ni Jehova ang gatas ng mga bansa,’ at paano ito nakikita sa kanilang gawaing pagtuturo at pag-eebanghelyo?
15 Nangako pa si Jehova: “Gagawin pa man din kitang isang bagay na ipinagmamapuri hanggang sa panahong walang takda . . . Sususuhin mo nga ang gatas ng mga bansa, at ang suso ng mga hari ay sususuhan mo; at tiyak na makikilala mo na ako, si Jehova, ay iyong Tagapagligtas.” (Isaias 60:15, 16) Oo, si Jehova ang Tagapagligtas ng kaniyang bayan. Kung sila’y aasa sa kaniya, sila’y makatatagal “hanggang sa panahong walang takda.” At kanilang ‘sususuhin ang gatas ng mga bansa,’ na ginagamit ang ilang mapapakinabangan para sa ikasusulong ng tunay na pagsamba. Halimbawa, dahil sa matalinong paggamit ng computer at ng teknolohiya sa komunikasyon, napadadali ang sabay-sabay na paglalathala ng Ang Bantayan sa 121 wika at Gumising! sa 62. Naidisenyo ang isang partikular na computer software program upang makatulong sa pagsasalin ng New World Translation sa bagong mga wika, at ang mga saling ito’y nagdudulot ng ibayong kagalakan. Nang ilabas ang bersiyon ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Croatiano noong 1999, marami ang napaluha sa kagalakan. Sabi ng isang matanda nang kapatid na lalaki: “Napakatagal kong hinintay ang Bibliyang ito. Ngayon ay puwede na akong mamatay nang payapa!” Ang sirkulasyon ng New World Translation, sa kabuuan o sa isang bahagi, ay lumampas na ng 100 milyon sa 34 wika.
Mataas na Pamantayang Moral
16, 17. (a) Bagaman mahirap, bakit mahalagang mapanatili ang matataas na pamantayan ni Jehova? (b) Anong karanasan ang naglalarawan na maaaring maiwasan ng mga kabataan ang karumihan ng sanlibutan?
16 Sinabi ni Jesus: “Siya na nagsasagawa ng buktot na mga bagay ay napopoot sa liwanag.” (Juan ) Sa kabilang dako naman, yaong nananatili sa liwanag ay umiibig sa matataas na pamantayan ni Jehova. Si Jehova, sa pamamagitan ni Isaias, ay nagsabi: “Kung tungkol sa iyong bayan, silang lahat ay magiging matuwid.” ( 3:20Isaias 60:21a) Maaaring maging isang hamon na mapanatili ang matuwid na mga pamantayan sa isang daigdig na napakalaganap ang seksuwal na imoralidad, kasinungalingan, kasakiman, at kapalaluan. Halimbawa, sa ilang lupain, umuunlad ang ekonomiya at madaling mapalihis tungo sa basta paghahangad lamang na yumaman. Gayunman, nagbabala si Pablo: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming walang-kabuluhan at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkasira.” (1 Timoteo 6:9) Tunay na nakapanlulumo kapag ang isa’y nagumon sa pakikipagsapalaran sa negosyo anupat isinasakripisyo niya ang tunay na mahahalagang bagay, gaya ng Kristiyanong pagsasamahan, sagradong paglilingkod, moral na mga simulain, at mga pananagutan sa pamilya!
17 Ang pagpapanatili sa matuwid na mga pamantayan ay Gawa 15:28, 29) Ipinagmamalaki ng mga Saksi ni Jehova ang mga kabataang kasama nila na naninindigang matatag sa kung ano ang tama. Ang kanilang pananampalataya, at niyaong sa mga magulang nila, ay ‘nagpapaganda’—nagpaparangal sa—pangalan ng Diyos na Jehova.—Isaias 60:21b.
maaaring lalong mahirap para sa mga kabataan, kapag napakarami sa kanilang mga kasamahan ang nakikisangkot sa pag-abuso sa droga at imoralidad. Sa Suriname, isang 14-anyos na batang babae ang nilapitan ng isang guwapong batang lalaki sa paaralan at niyaya siya nitong makipagtalik sa kaniya. Tumanggi siya at nagpaliwanag na ipinagbabawal ng Bibliya ang gayong mga bagay sa hindi mag-asawa. Pinagtawanan siya ng ilang batang babae sa paaralan at pilit na pinagbabago ang kaniyang isip, na sinasabing lahat ay gustong makipagtalik sa partikular na batang lalaking iyon. Subalit, nanindigan pa rin ang batang babae. Makalipas ang ilang linggo, napag-alaman na ang batang lalaki ay positibo pala sa HIV at ito’y nagkasakit nang malubha. Maligaya ang batang babae na sinunod niya ang utos ni Jehova na ‘umiwas sa pakikiapid.’ (Pinangyari ni Jehova ang Pagsulong
18. (a) Anong dakilang bagay ang nagawa na ni Jehova para sa kaniyang bayan? (b) Ano ang katibayan na magpapatuloy ang pagdami, at anong maluwalhating pag-asa ang hinihintay ng mga nananatili sa liwanag?
18 Oo, pinasisikat ni Jehova ang liwanag sa kaniyang bayan, pinagpapala sila, pinapatnubayan sila, at pinalalakas sila. Noong ika-20 siglo, nakita nila ang katuparan ng mga salita sa Isaias: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging makapangyarihang bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis nito sa sarili nitong panahon.” (Isaias 60:22) Mula sa iilan noong 1919, ang “munti” ay naging mahigit sa “isang libo.” At hindi pa tapos ang pagsulong na iyon! Noong nakaraang taon, 14,088,751 ang dumalo sa pagdiriwang ng Memoryal ng kamatayan ni Jesus. Marami sa mga ito ay hindi aktibong mga Saksi. Natutuwa tayo na dinaluhan nila ang mahalagang pagdiriwang na iyon, at inaanyayahan natin silang magpatuloy patungo sa liwanag. Maningning pa ring sumisikat si Jehova sa kaniyang bayan. Bukás pa rin ang pinto papasok sa kaniyang organisasyon. Kung gayon, maging determinado sana tayo na manatili sa liwanag ni Jehova. Laking pagpapala ang dulot nito sa atin ngayon! At laking kagalakan ang dala nito sa hinaharap kapag lahat ng nilalang ay pupuri na kay Jehova at magsasaya sa ningning ng kaniyang kaluwalhatian!—Apocalipsis 5:13, 14.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Sino ang nagpapaaninag ng kaluwalhatian ni Jehova sa mga huling araw na ito?
• Ano ang nagpapahiwatig na hindi humuhupa ang sigasig ng bayan ni Jehova?
• Ano ang ilang mabubuting gawa na pinagkakaabalahan ng mga Saksi ni Jehova?
• Sa kabila ng malupit na pagsalansang, sa ano tayo nagtitiwala?
[Mga Tanong]
[Chart sa pahina 17-20]
ULAT SA 1999 TAON NG PAGLILINGKOD NG MGA SAKSI NI JEHOVA SA BUONG DAIGDIG
(Tingnan ang bound volume)
[Mga larawan sa pahina 15]
Dumaragsa pa rin ang mga tao sa organisasyon ni Jehova
[Larawan sa pahina 16]
Natutuwa tayo na binuksang mabuti ni Jehova ang pinto para sa mga umiibig sa liwanag