Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Si Jehova ay Aking Kanlungan at Kalakasan

Si Jehova ay Aking Kanlungan at Kalakasan

Si Jehova ay Aking Kanlungan at Kalakasan

GAYA NG INILAHAD NI MARCEL FILTEAU

“Kung pakakasalan mo siya, tiyak na mabibilanggo ka.” Iyan ang sinabi ng mga tao sa babaing balak kong pakasalan. Hayaan ninyo akong magpaliwanag kung bakit nila nasasabi ang gayon.

NANG ako ay isilang noong 1927, ang probinsiya ng Quebec sa Canada ay isang balwarte ng Katolisismo. Pagkalipas ng halos apat na taon, si Cécile Dufour, isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova, ay nagsimulang dumalaw sa aming tahanan sa lunsod ng Montreal. Dahil dito, madalas siyang pagbantaan ng aming mga kapitbahay. Sa katunayan, siya ay inaresto at minaltrato nang maraming ulit dahil sa pangangaral ng mensahe ng Bibliya. Kaya di-nagtagal ay natutuhan namin ang katotohanan ng mga salita ni Jesus: “Kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.”​—Mateo 24:9.

Nang panahong iyon, itinuturing ng marami na di-makatuwiran para sa isang pamilyang Pranses-Canadiano na iwan ang kanilang relihiyong Katoliko. Bagaman hindi kailanman naging bautisadong mga Saksi ang aking mga magulang, agad nilang natanto na ang mga turo ng Simbahang Katoliko ay hindi kasuwato ng Bibliya. Kaya pinasigla nila ang kanilang walong anak na magbasa ng literatura na inilathala ng mga Saksi, at inalalayan nila ang sinuman sa amin na naninindigan sa katotohanan ng Bibliya.

Paninindigan sa Mahihirap na Panahon

Noong 1942, samantalang ako ay nag-aaral pa, nagsimula akong magkaroon ng tunay na interes sa pag-aaral ng Bibliya. Ang mga gawain ng mga Saksi ni Jehova ay ipinagbabawal noon sa Canada dahil sa sinusunod nila ang halimbawa ng mga sinaunang Kristiyano at hindi nakisangkot sa mga digmaan ng mga bansa. (Isaias 2:4; Mateo 26:52) Ang aking pinakamatandang kapatid na lalaki, si Roland, ay ipiniit sa isang kampo ng sapilitang pagtatrabaho dahil sa pagtangging humawak ng armas sa panahon ng digmaang pandaigdig na noon ay nagngangalit.

Nang mga panahong ito, binigyan ako ni Tatay ng isang aklat na Pranses na naglalarawan sa mga pagdurusa ng mga Saksing Aleman dahil sa kanilang pagtanggi na suportahan ang mga kampanyang militar ni Adolph Hitler. * Napakilos ako na ibilang ang aking sarili sa gayong malalakas-ang-loob na halimbawa ng integridad, at nagsimula akong dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova na ginaganap sa isang pribadong tahanan. Di-nagtagal ay inanyayahan ako na makibahagi sa gawaing pangangaral. Tinanggap ko ang paanyaya taglay ang buong kabatiran na maaari akong maaresto at makulong.

Pagkatapos manalangin upang humingi ng lakas, kumatok ako sa aking unang pinto. Isang mabait na babae ang sumagot, at pagkatapos na ipakilala ang aking sarili, binasa ko sa kaniya ang mga salita ng 2 Timoteo 3:16: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang.”

“Interesado ba kayo na matuto nang higit pa tungkol sa Bibliya?” ang tanong ko.

“Oo,” ang sagot ng babae.

Kaya sinabi ko sa kaniya na magsasama ako ng isang kaibigan na mas nakaaalam ng Bibliya kaysa sa akin, na siyang ginawa ko nang sumunod na linggo. Pagkatapos ng unang karanasang iyon, mas may tiwala na ako, at natutuhan ko na hindi natin isinasagawa ang ministeryo sa ating sariling lakas. Gaya ng sinabi ni apostol Pablo, isinasagawa natin ito sa tulong ni Jehova. Sa katunayan, mahalaga na ating kilalanin na ‘ang lakas na higit sa karaniwan ay sa Diyos at hindi mula sa ating mga sarili.’​—2 Corinto 4:7.

Pagkatapos noon, ang gawaing pangangaral ay naging regular na bahagi ng aking buhay at maging ang mga pag-aresto at pagkabilanggo. Hindi kataka-taka na sabihan ang aking mapapangasawa ng, “Kung pakakasalan mo siya, tiyak na mabibilanggo ka”! Gayunman, ang gayong mga karanasan ay hindi naman talaga ganoon kahirap. Pagkatapos mabilanggo nang magdamag, isang kapuwa Saksi ang kadalasang nagpipiyansa para sa amin.

Mahahalagang Pagpapasiya

Noong Abril 1943, inialay ko ang aking sarili kay Jehova at sinagisagan ito sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Pagkatapos, noong Agosto 1944, dinaluhan ko ang aking unang malaking kombensiyon, sa Buffalo, New York, E.U.A., na malapit lamang sa hangganan ng Canada. May 25,000 na dumalo, at pinasigla ng programa ang aking pagnanais na maging isang payunir, gaya ng tawag sa buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova. Ang pagbabawal sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Canada ay inalis noong Mayo 1945, at ako ay nagsimulang magpayunir nang sumunod na buwan.

Gayunman, habang lumalaki ang aking pakikibahagi sa ministeryo, nagiging madalas din ang pagkabilanggo ko. Minsan ay inilagay ako sa isang selda kasama si Mike Miller, isang tapat at matagal nang panahon na lingkod ni Jehova. Umupo kami sa sahig na semento at nag-usap. Ang aming nakapagpapatibay na pag-uusap sa espirituwal ay nakapagpalakas sa akin nang labis. Gayunman, pagkatapos ay pumasok sa aking isipan ang tanong na, ‘Paano kung may di-pagkakaunawaan na namamagitan sa amin at hindi kami nag-uusap?’ Ang panahon na ginugol ko sa bilangguan kasama ng mahal na kapatid na ito ay nagturo sa akin ng isa sa pinakamagandang aral ng aking buhay​—kailangan natin ang ating mga kapatid at samakatuwid dapat na maging mapagpatawad at mabait sa isa’t isa. Kung hindi, gaya ng isinulat ni apostol Pablo: “Kung . . . patuloy kayong nagkakagatan at naglalamunan sa isa’t isa, maging mapagbantay kayo na hindi kayo maglipulan sa isa’t isa.”​—Galacia 5:15.

Noong Setyembre 1945, ako ay naanyayahan na maglingkod sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Toronto, Canada, na tinatawag naming Bethel. Ang espirituwal na programa roon ay tunay na nakapagpapatibay at nakapagpapalakas ng pananampalataya. Nang sumunod na taon, ako ay naatasan na magtrabaho sa bukid ng Bethel, mga 40 kilometro sa hilaga ng tanggapang pansangay. Habang namimitas ako ng mga strawberry kasama ang kabataang si Anne Wolynec, hindi lamang ang kaniyang pisikal na kagandahan ang napansin ko kundi ang kaniyang pag-ibig at sigasig din para kay Jehova. Isang pag-iibigan ang nabuo, at kami ay ikinasal noong Enero 1947.

Sa loob ng sumunod na dalawa at kalahating taon, kami ay nagpayunir sa London, Ontario, at pagkatapos niyan ay sa Cape Breton Island, kung saan tumulong kami upang mabuo ang isang kongregasyon. Pagkatapos, noong 1949, kami ay naanyayahan sa ika-14 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead, kung saan kami ay sinanay upang maging mga misyonero.

Gawaing Pagmimisyonero sa Quebec

Ang mga taga-Canada na nagsipagtapos sa nakalipas na mga klase ng Gilead ay inatasan upang pasimulan ang gawaing pangangaral sa Quebec. Noong 1950, kasama namin ang 25 iba pa mula sa aming ika-14 na klase ang sumama sa kanila. Ang lumawak na gawaing pagmimisyonero ay nagdulot ng ibayong pagsalansang at karahasan dahil sa pang-uumog, sa panunulsol ng mga pinuno ng Simbahang Romano Katoliko.

Dalawang araw pagkatapos dumating sa aming unang atas misyonero sa lunsod ng Rouyn, si Anne ay inaresto at inilagay sa likod ng isang awto ng pulis. Ito ay isang bagong karanasan para sa kaniya, yamang siya ay nagmula sa isang maliit na nayon sa lalawigan ng Manitoba, Canada, kung saan madalang siyang makakita ng pulis. Natural lamang, natakot siya at naalaala ang mga salitang, “Kung pakakasalan mo siya, tiyak na mabibilanggo ka.” Gayunman, bago umalis, nakita rin ako ng pulis at isinakay ako sa awto kasama ni Anne. “Natutuwa akong makita ka!” ang bulalas niya. Gayunman, nakapagtataka ang pagiging kalmado niya, na ang sabi, “Buweno, ang ganito ring bagay ay nangyari sa mga apostol dahil sa pangangaral tungkol kay Jesus.” (Gawa 4:1-3; 5:17, 18) Nang dakong hapon ng araw na iyon kami ay pinalaya sa pamamagitan ng piyansa.

Halos isang taon pagkatapos ng insidenteng iyon, habang nasa ministeryong pagbabahay-bahay sa aming bagong atas sa Montreal, nakarinig ako ng kaguluhan sa dulo ng lansangan at nakita ko ang isang galit na pangkat ng manggugulo na nambabato. Habang patungo ako upang tulungan si Anne at ang kaniyang kasama, dumating ang pulis sa lugar na iyon. Sa halip na arestuhin ang mga miyembro ng pangkat ng manggugulo, inaresto ng pulis si Anne at ang kaniyang kasama! Habang nasa bilangguan, ipinaalaala ni Anne sa bagong Saksi na dinaranas nila ang katotohanan ng mga salita ni Jesus: “Kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan.”​—Mateo 10:22.

Minsan, mga 1,700 kaso laban sa mga Saksi ni Jehova ang naghihintay ng paglilitis sa Quebec. Karaniwan na, kami ay pinaratangan ng pamamahagi ng mapaghimagsik na literatura o ng pamamahagi ng literatura nang walang lisensiya. Bunga nito, ang Legal Department ng Samahang Watch Tower ay gumawa ng hakbang laban sa pamahalaan ng Quebec. Pagkalipas ng maraming taon ng legal na pakikibaka, pinagkalooban kami ni Jehova ng dalawang malalaking tagumpay sa harap ng Korte Suprema ng Canada. Noong Disyembre 1950, kami ay napawalang-sala sa paratang na ang aming literatura ay mapaghimagsik, at noong Oktubre 1953, ang aming karapatan na mamahagi ng literatura sa Bibliya nang walang lisensiya ay pinagtibay. Kaya nasaksihan namin sa isang lubos na nakikitang paraan kung paanong si Jehova ay tunay na isang dako ng ‘kanlungan at kalakasan, isang tulong na kaagad na masusumpungan sa panahon ng mga kabagabagan.’​—Awit 46:1.

Kapansin-pansin, ang bilang ng mga Saksi sa Quebec ay dumami mula 356 noong 1945, nang magsimula akong magpayunir, tungo sa mahigit na 24,000 sa ngayon! Tunay na naganap nga ang gaya ng inihula sa Bibliya: “Ang anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay, at alinmang dila na gagalaw laban sa iyo sa paghatol ay iyong hahatulan.”​—Isaias 54:17.

Ang Aming Gawain sa Pransiya

Noong Setyembre 1959, kami ni Anne ay inanyayahan na maglingkod sa Bethel sa Paris, Pransiya, kung saan ay inatasan ako na mangasiwa sa paglilimbag. Bago kami dumating noong Enero 1960, ang paglilimbag ay isinasagawa ng isang kompanyang pangkomersiyo. Yamang Ang Bantayan ay ipinagbawal noon sa Pransiya, inilimbag namin ang magasin bawat buwan sa anyo ng isang 64-pahinang buklet. Ang buklet ay tinawag na The Interior Bulletin of Jehovah’s Witnesses, at naglaman ito ng mga artikulo na pag-aaralan sa mga kongregasyon para sa buwang iyon. Mula 1960 hanggang 1967, ang bilang niyaong nakikibahagi sa gawaing pangangaral sa Pransiya ay dumami mula 15,439 tungo sa 26,250.

Nang bandang huli, karamihan sa mga misyonero ay naatasang muli sa ibang mga lugar, ang ilan ay sa mga bansa sa Aprika na nagsasalita ng Pranses at ang ilan ay bumalik sa Quebec. Yamang si Anne ay may karamdaman at nangangailangan ng operasyon, kami ay bumalik sa Quebec. Pagkalipas ng tatlong taon ng pagpapagamot, naging malusog muli si Anne. Ako ay naatasan noon sa gawaing pansirkito, na dumadalaw sa iba’t ibang kongregasyon bawat linggo upang maglaan ng espirituwal na pampatibay-loob.

Gawaing Misyonero sa Aprika

Pagkalipas ng ilang taon, noong 1981, kami ay nalugod na tumanggap ng isang bagong atas bilang mga misyonero sa Zaire, na Democratic Republic of Congo na ngayon. Ang mga tao ay naghihikahos, at nagdusa ng maraming kahirapan. Noong dumating kami, may 25,753 Saksi, ngunit ngayon ang bilang na iyon ay dumami sa mahigit na 113,000, at 446,362 ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo noong 1999!

Noong 1984 ay nakakuha kami mula sa pamahalaan ng halos 200 ektarya ng lupa upang pagtayuan ng isang bagong tanggapang pansangay. Pagkatapos, noong Disyembre 1985, ginanap ang isang internasyonal na kombensiyon sa kabiserang lunsod, ang Kinshasa, na may 32,000 delegado na dumalo mula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Pagkatapos nito, pinatigil ng pagsalansang na udyok ng klero ang aming gawain sa Zaire. Noong Marso 12, 1986, iniabot sa responsableng mga kapatid na lalaki ang isang liham na nagdeklara na ang samahan ng mga Saksi ni Jehova ng Zaire ay ilegal. Ang pagbabawal na ito sa lahat ng ating gawain ay nilagdaan ng dating pangulo ng bansa na si Mobutu Sese Seko.

Dahilan sa mga biglaang pagbabagong ito, kailangan naming ikapit ang payo ng Bibliya na: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli.” (Kawikaan 22:3) Nakakita kami ng mga paraan upang makakuha ng papel, tinta, film, mga plato sa paglilimbag, at mga kimikal mula sa labas ng bansa upang ilimbag ang aming mga publikasyon sa Kinshasa. Nakabuo rin kami ng aming sariling kawing ng pamamahagi. Noong maorganisa na kami, ang aming sistema ay gumana nang mas mahusay kaysa sa serbisyo ng koreo ng pamahalaan!

Libu-libong Saksi ang inaresto, at marami ang buong kalupitang pinahirapan. Gayunman, maliban sa ilan, sila’y nanindigan sa gayong pagtrato at pinanatili nila ang kanilang katapatan. Ako man ay naaresto at nakita ko ang kakila-kilabot na mga kalagayan na ipinaranas sa mga kapatid sa mga bilangguan. Ginipit kami sa bawat paraan nang maraming ulit ng mga sekreta at ng mga awtoridad, ngunit laging gumagawa si Jehova ng daan na malalabasan namin.​—2 Corinto 4:8.

Nakapagtago kami ng halos 3,000 karton ng literatura sa bodega ng isang negosyante. Gayunman, nang maglaon, isa sa kaniyang mga manggagawa ang nagsumbong sa mga sekreta, at inaresto nila ang negosyante. Sa pagtungo nila sa bilangguan, sa di-inaasahan ay nasalubong nila ako sa aking awto. Isinumbong ng negosyante na ako ang gumawa ng kaayusan sa kaniya upang itago ang literatura. Pinatigil ako ng pulis at tinanong tungkol doon, anupat inaakusahan ako ng paglalagay ng ilegal na literatura sa bodega ng taong ito.

“Dala ba ninyo ang isa sa mga aklat?” ang tanong ko.

“Aba, oo,” ang sagot nila.

“Maaari ko bang makita ito?” ang tanong ko.

Iniabot nila sa akin ang isang kopya, at ipinakita ko sa kanila ang panloob na pahina, na nagsasabi: “Inilimbag sa Estados Unidos ng Amerika ng Watch Tower Bible & Tract Society.”

“Pag-aari ng Amerika ang hawak ninyo at hindi pag-aari ng Zaire,” ang paalaala ko sa kanila. “Ipinagbabawal ng inyong pamahalaan ang legal na korporasyon ng samahan ng mga Saksi ni Jehova sa Zaire at hindi ang Watch Tower Bible & Tract Society ng Estados Unidos. Kaya dapat na mag-ingat kayong mabuti sa gagawin ninyo sa mga publikasyong ito.”

Ako ay pinahintulutang umalis dahil wala silang pahintulot ng hukuman na arestuhin ako. Nang gabing iyon, nagdala kami ng dalawang trak sa bodega at inalis ang lahat ng literatura doon. Nang dumating ang mga awtoridad kinabukasan, sila ay galit na galit na masumpungang walang laman ang dako. Nang mga pagkakataong iyon ay pinaghahanap na nila ako, yamang may pahintulot na sila ngayon ng korte para arestuhin ako. Natagpuan nila ako, at dahil sa wala silang awto, ako ang nagmaneho ng aking kotse patungo sa bilangguan! Sinamahan ako ng isa pang Saksi upang mailayo niya agad ang aking awto bago nila ito makumpiska.

Pagkatapos ng walong oras na pagtatanong, nagpasiya silang ipatapon ako. Ngunit ipinakita ko sa kanila ang photocopy ng isang liham mula sa pamahalaan na tumitiyak sa paghirang sa akin upang ipagbili ang mga ari-arian ng ipinagbawal na ngayong samahan ng mga Saksi ni Jehova ng Zaire. Kaya pinahintulutan ako na ipagpatuloy ang aking gawain sa Bethel.

Pagkalipas ng apat na taon ng paglilingkuran sa ilalim ng mga panggigipit ng pagbabawal sa gawain sa Zaire, nagkaroon ako ng nagdurugong ulser sa tiyan na nakamamatay. Napagpasiyahan na dapat akong umalis upang magpagamot sa Timog Aprika, na kung saan inalagaan akong mabuti ng sangay, at ako’y gumaling. Pagkatapos maglingkod ng walong taon sa Zaire, na talaga namang isang di-malilimot at maligayang karanasan, kami ay lumipat sa sangay sa Timog Aprika noong 1989. Noong 1998 ay nagbalik kami sa aming tinubuang bayan at mula noon ay naglilingkod nang muli sa Bethel sa Canada.

Nagpapasalamat na Nakapaglilingkod

Kapag nagbabalik-tanaw ako sa aking 54 na taon sa buong-panahong ministeryo, ako ay lubos na nagpapasalamat na ginamit ko ang kalakasan ng aking kabataan sa mahalagang paglilingkod kay Jehova. Bagaman kailangang pagtiisan ni Anne ang maraming napakahirap na mga kalagayan, hindi siya nagreklamo kundi lubos na umaalalay sa lahat ng aming gawain. Magkasama kaming nagkapribilehiyo sa pagtulong sa marami na makilala si Jehova, na ilan sa kanila ay nasa buong-panahong ministeryo na ngayon. Isang tunay na kagalakang makita ang ilan sa kanilang mga anak at maging ang kanilang mga apo na naglilingkod sa ating dakilang Diyos, si Jehova!

Kumbinsido ako na walang bagay na maiaalok ng sanlibutang ito ang maihahambing sa mga pribilehiyo at mga pagpapala na ibinigay ni Jehova sa amin. Totoo, nagbata kami ng maraming pagsubok, ngunit ang lahat ng ito ay nagsilbing pampatibay sa aming pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova. Talagang napatunayan na siya ay isang moog ng kalakasan, isang dako ng kanlungan, at tulong na madaling masumpungan sa panahon ng mga kabagabagan.

[Talababa]

^ par. 9 Ang aklat ay orihinal na inilathala sa Aleman na Kreuzzug gegen das Christentum (Krusada Laban sa Kristiyanismo). Ito ay isinalin sa Pranses at Polako ngunit hindi sa Ingles.

[Mga larawan sa pahina 26]

Magkasamang nagpapayunir noong 1947; kasama si Anne sa ngayon

[Larawan sa pahina 29]

Minahal ng mga taong nakilala namin sa Zaire ang katotohanan ng Bibliya