Inaalam ang “Pag-iisip ni Kristo”
Inaalam ang “Pag-iisip ni Kristo”
“‘Sino ang nakaalam sa pag-iisip ni Jehova, upang maturuan niya siya?’ Ngunit taglay nga natin ang pag-iisip ni Kristo.”—1 CORINTO 2:16.
1, 2. Sa kaniyang Salita, nakita ni Jehova na angkop na isiwalat ang ano tungkol kay Jesus?
ANO kaya ang hitsura ni Jesus? Ano kaya ang kulay ng kaniyang buhok? ng kaniyang balat? ng kaniyang mga mata? Gaano kaya siya kataas? Gaanong kabigat kaya ang timbang niya? Sa nakalipas na mga siglo, ang artistikong mga paglalarawan kay Jesus ay nagkakaiba-iba anupat may makatuwiran at may malayong magkatotoo. Inilalarawan siya ng ilan bilang isang tunay na lalaki at masigla, samantalang iginuguhit naman siya ng iba bilang isang lalaking mahina at maputla.
2 Gayunman, ang Bibliya ay hindi nagtutuon ng pansin sa hitsura ni Jesus. Sa halip, nakita ni Jehova na angkop na isiwalat ang isang bagay na higit na mas mahalaga: ang uri ng pagkatao ni Jesus. Hindi lamang iniuulat ng mga salaysay ng Ebanghelyo ang sinabi at ginawa ni Jesus kundi isinisiwalat din nito ang tindi ng damdamin at ang takbo ng isip sa likod ng kaniyang mga sinabi at ikinilos. Pinangyayari ng apat na kinasihang salaysay na ito na maaninaw natin ang tinutukoy ni apostol Pablo na “pag-iisip ni Kristo.” (1 Corinto 2:16) Mahalaga na makilala natin ang mga kaisipan, damdamin, at personalidad ni Jesus. Bakit? Di-kukulangin sa dalawang dahilan.
3. Ang ating pagkakilala sa pag-iisip ni Kristo ay maaaring magbigay sa atin ng anong kaunawaan?
3 Una, ipinababanaag sa atin ng pag-iisip ni Kristo Lucas 10:22) Para bang sinasabi ni Jesus, ‘Kung ibig mong malaman ang hitsura ni Jehova, tingnan mo ako.’ (Juan 14:9) Kaya nga, kapag pinag-aaralan natin ang isinisiwalat ng Mga Ebanghelyo hinggil sa naging paraan ng pag-iisip at naging damdamin ni Jesus, para bang natututuhan natin ang paraan ng pag-iisip at damdamin ni Jehova. Pinangyayari ng gayong kaalaman na mapalapit tayo sa ating Diyos.—Santiago 4:8.
ang pag-iisip ng Diyos na Jehova. Kilalang-kilala ni Jesus ang kaniyang Ama anupat masasabi niya: “Kung sino ang Anak ay walang sinumang nakakaalam kundi ang Ama; at kung sino ang Ama, ay walang nakaaalam kundi ang Anak, at siya na sa kaniya ay ninanais ng Anak na isiwalat siya.” (4. Upang talagang makakilos tayo na gaya ni Kristo, ano muna ang dapat nating matutuhan, at bakit?
4 Ikalawa, ang pagkaalam natin sa pag-iisip ni Kristo ay tumutulong sa atin na ‘masundan nang maingat ang kaniyang mga yapak.’ (1 Pedro 2:21) Ang pagsunod kay Jesus ay hindi nangangahulugan ng basta pag-uulit lamang sa kaniyang mga sinabi at pagtulad sa kaniyang mga ginawa. Yamang ang pagsasalita at pagkilos ay naiimpluwensiyahan ng pag-iisip at damdamin, kailangan sa pagsunod kay Kristo ang paglilinang natin ng katulad na “pangkaisipang saloobin” na tinaglay niya. (Filipos 2:5) Sa ibang pananalita, upang talagang makakilos tayo na gaya ni Kristo, dapat muna nating matutuhang tularan ang kaniyang pag-iisip at damdamin, alalaong baga’y, sa pinakamabuting magagawa natin bilang di-sakdal na mga tao. Aninawin natin kung gayon, sa tulong ng mga manunulat ng Ebanghelyo, ang pag-iisip ni Kristo. Tatalakayin muna natin ang mga salik na nakaimpluwensiya sa naging paraan ng pag-iisip at naging damdamin ni Jesus.
Ang Kaniyang Pag-iral Bago Naging Tao
5, 6. (a) Ano ang maaaring maging epekto sa atin ng ating mga kasama? (b) Anong pakikipagsamahan ang tinamasa ng panganay na Anak ng Diyos sa langit bago siya bumaba sa lupa, at ano ang naging epekto nito sa kaniya?
5 Maaaring magkaroon ng epekto sa atin ang malalapit nating kasama, anupat naiimpluwensiyahan ang ating pag-iisip, damdamin, at pagkilos sa ikabubuti o sa ikasasama. * (Kawikaan 13:20) Isaalang-alang ang pakikipagsamahang tinamasa ni Jesus sa langit bago siya bumaba sa lupa. Itinawag-pansin ng Ebanghelyo ni Juan ang pag-iral ni Jesus bago naging tao bilang “ang Salita,” o Tagapagsalita, ng Diyos. Sinabi ni Juan: “Nang pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay isang diyos. Ang isang ito nang pasimula ay kasama ng Diyos.” (Juan 1:1, 2) Yamang si Jehova ay walang pasimula, ang pagiging magkasama ng Diyos at ng Salita mula “nang pasimula” ay tiyak na tumutukoy sa pasimula ng mga gawang paglalang ng Diyos. (Awit 90:2) Si Jesus “ang panganay sa lahat ng nilalang.” Samakatuwid, siya’y umiral na bago pa man lalangin ang iba pang espiritung nilalang at ang pisikal na sansinukob.—Colosas 1:15; Apocalipsis 3:14.
6 Ayon sa ilang makasiyensiyang pagtantiya, ang pisikal na sansinukob ay umiiral na sa loob ng di-kukulangin sa 12 bilyong taon. Kung ang pagtantiyang iyon ay masasabing halos tama, ang panganay na Anak ng Diyos ay nagtamasa na ng malapít na pakikipagsamahan sa kaniyang Ama sa loob ng bilyun-bilyong taon bago pa man lalangin si Adan. (Ihambing ang Mikas 5:2.) Isang magiliw at matibay na buklod kung gayon ang namagitan sa kanilang dalawa. Bilang personipikasyon ng karunungan, ang panganay na Anak na ito, sa kaniyang pag-iral bago naging tao, ay inilalarawan na nagsasabing: “Ako ang siyang lubhang kinagigiliwan [ni Jehova] araw-araw, at ako ay nagagalak sa harap niya sa lahat ng panahon.” (Kawikaan 8:30) Tiyak na ang paggugol ng di-mabilang na panahon sa matalik na pakikipagsamahan sa Pinagmumulan ng pag-ibig ay nagkaroon ng napakalaking epekto sa Anak ng Diyos! (1 Juan 4:8) Nalaman at naipaaninag ng Anak na ito ang pag-iisip, damdamin, at pamamaraan ng kaniyang Ama, sa paraang hindi kayang gawin ng iba.—Mateo 11:27.
Buhay sa Lupa at mga Impluwensiya
7. Ano ang isa sa mga dahilan kung bakit kinailangang bumaba sa lupa ang panganay na Anak ng Diyos?
7 Marami pang dapat matutuhan ang Anak ng Diyos, sapagkat ang layunin ni Jehova ay ang masangkapan ang kaniyang Anak upang maging isang madamaying Mataas na Saserdote, na maaaring “makiramay sa ating mga kahinaan.” (Hebreo 4:15) Ang pag-abot sa mga kahilingan para sa tungkuling ito ang isa sa mga dahilan kung bakit bumaba sa lupa ang Anak bilang isang tao. Dito, bilang isang taong may laman at dugo, si Jesus ay napalantad sa mga kalagayan at mga impluwensiya na noon ay pinagmamasdan lamang niya mula sa langit. Ngayon ay naranasan niya mismo ang damdamin at emosyon ng mga tao. Paminsan-minsan ay nakadarama siya ng pagod, uhaw, at gutom. (Mateo 4:2; Juan 4:6, 7) Higit pa riyan, nagbata siya ng lahat ng uri ng paghihirap at pagdurusa. Sa gayon ay “natuto siya ng pagkamasunurin” at naging lubusang kuwalipikado sa kaniyang papel bilang Mataas na Saserdote.—Hebreo 5:8-10.
8. Ano ang nalalaman natin hinggil sa kabataan ni Jesus sa lupa?
8 Kumusta naman ang mga naging karanasan ni Jesus noong kaniyang kabataan sa lupa? Napakaigsi ng ulat hinggil sa kaniyang pagkabata. Sa katunayan, tanging sina Mateo at Lucas lamang ang nagsaysay sa mga pangyayaring naganap noong siya’y isilang. Batid ng mga manunulat ng Ebanghelyo na si Jesus ay nabuhay na sa langit bago pa man siya bumaba sa lupa. Higit sa anupaman, ang pag-iral na iyan bago naging tao ang nagpaliwanag kung naging anong uri siya ng tao. Gayunman, si Jesus ay isang ganap na tao. Bagaman sakdal, siya’y kinailangan pa ring lumaki mula sa pagkasanggol tungo sa pagkabata at pagbibinata hanggang sa pagiging nasa hustong gulang, habang patuloy na natututo. (Lucas 2:51, 52) Isinisiwalat ng Bibliya ang ilang bagay hinggil sa kabataan ni Jesus na walang-alinlangang nakaapekto sa kaniya.
9. (a) Anong pahiwatig mayroon na si Jesus ay ipinanganak sa isang mahirap na pamilya? (b) Sa anong uri ng kalagayan malamang na lumaki si Jesus?
9 Lumilitaw na ipinanganak si Jesus sa isang mahirap na pamilya. Ipinahihiwatig ito ng handog na dinala nina Jose at Maria sa templo mga 40 araw pagkasilang sa kaniya. Sa halip na magdala ng isang batang barakong tupa bilang handog na sinusunog at isang inakay na kalapati o isang batu-bato bilang handog ukol sa kasalanan, nagdala sila ng alinman sa “isang pares ng batu-bato o dalawang inakay na kalapati.” (Lucas 2:24) Ayon sa Batas Mosaiko, ang handog na ito ay isang probisyon para sa mahihirap. (Levitico 12:6-8) Nang maglaon, ang mahirap na pamilyang ito ay dumami. Sina Jose at Maria ay nagkaroon ng di-kukulangin sa anim pang anak sa pamamagitan ng likas na paraan matapos ang makahimalang pagkapanganak kay Jesus. (Mateo 13:55, 56) Kaya si Jesus ay lumaki sa isang malaking pamilya, malamang na sa isang simpleng kalagayan.
10. Ano ang nagpapakita na sina Maria at Jose ay mga indibiduwal na may takot sa Diyos?
10 Si Jesus ay pinalaki ng may-takot sa Diyos na mga magulang na nagmalasakit sa kaniya. Ang kaniyang ina, si Maria, ay isang napakahusay na babae. Gunitain na noong batiin siya, sinabi ng anghel na si Gabriel: “Magandang araw, isa na lubhang kinalulugdan, si Jehova ay sumasaiyo.” (Lucas 1:28) Si Jose rin ay isang debotong lalaki. Taun-taon ay buong-katapatan siyang naglalakbay nang 150 kilometro patungong Jerusalem para sa Paskuwa. Dumadalo rin noon si Maria, bagaman mga lalaki lamang ang hinihilingang gumawa nito. (Exodo 23:17; Lucas 2:41) Sa isa sa gayong okasyon, matapos ang matiyagang paghahanap, nasumpungan nina Jose at Maria ang 12-taóng-gulang na si Jesus sa templo sa gitna ng mga guro. Sa kaniyang nababahalang mga magulang, sinabi ni Jesus: “Hindi ba ninyo alam na ako ay dapat na nasa bahay ng aking Ama?” (Lucas 2:49) “Ama”—ang salitang iyan ay tiyak na may mapagmahal at positibong kahulugan para sa batang si Jesus. Una sa lahat, maliwanag na nasabi na sa kaniya na si Jehova ang tunay niyang Ama. Karagdagan pa, tiyak na si Jose ay naging isang mabuting ama-amahan ni Jesus. Tiyak na hindi pipili si Jehova ng isang mabagsik o malupit na lalaking magpapalaki sa Kaniyang mahal na Anak!
11. Anong gawain ang natutuhan ni Jesus, at noong panahon ng Bibliya, ano ang kasangkot sa trabahong ito?
11 Noong mga taóng nasa Nazaret siya, natutuhan ni Jesus ang pagkakarpintero, malamang na mula sa kaniyang ama-amahang si Jose. Naging dalubhasa si Jesus sa trabahong iyan anupat siya mismo ay tinawag na “ang karpintero.” (Marcos 6:3) Noong panahon ng Bibliya, ang mga karpintero ay inuupahan sa pagtatayo ng mga bahay, paggawa ng mga muwebles (kasali na ang mga mesa, bangko, at mahahabang upuan), at sa paggawa ng mga gamit sa pagsasaka. Sa kaniyang Dialogue With Trypho, si Justin Martyr, ng ikalawang siglo C.E., ay sumulat tungkol kay Jesus: “Kinaugalian na niyang magtrabaho bilang isang karpintero kasama ng mga lalaki, na gumagawa ng mga araro at pamatok.” Hindi madali ang trabahong iyan, sapagkat ang sinaunang karpintero ay malamang na hindi makabibili ng kaniyang kahoy. Mas malamang, siya’y humayo at pumili ng isang punungkahoy, pinalakol iyon, at iniuwi ang kahoy. Kaya malamang na alam ni Jesus ang mga hamon ng pagkita ng ikabubuhay, pakikipagtransaksiyon sa mga parokyano, at pangangasiwa sa mga gastusin sa bahay.
12. Ano ang nagpapahiwatig na malamang na unang namatay si Jose kaysa kay Jesus, at ano ang naging kahulugan nito para kay Jesus?
12 Bilang panganay na anak, malamang na tumulong si Jesus sa pag-aasikaso sa pamilya, lalo pa nga’t lumilitaw na unang namatay si Jose kaysa kay Jesus. * Sinabi ng Zion’s Watch Tower ng Enero 1, 1900: “Sinasabi ng tradisyunal na paniniwala na si Jose ay namatay noong maliit pa si Jesus, at na ang huling nabanggit ay naghanapbuhay bilang karpintero at naging tagapagsustento ng pamilya. Waring sinusuportahan ito ng patotoo sa Kasulatan na doo’y tinatawag mismo si Jesus na isang karpintero, at binabanggit ang kaniyang ina at mga kapatid, subalit walang sinasabi tungkol kay Jose. (Marcos 6:3) . . . Kung gayon, malaki ang posibilidad na ang mahabang panahon na labingwalong taon ng buhay ng ating Panginoon, mula sa panahon ng pangyayari [na nakaulat sa Lucas 2:41-49] hanggang sa panahon ng kaniyang bautismo, ay ginugol sa pagsasagawa ng karaniwang mga tungkulin sa buhay.” Malamang na alam ni Maria at ng kaniyang mga anak, kabilang na si Jesus, ang kirot na dulot ng pagkamatay ng isang mahal na asawa at ama.
13. Nang pasimulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo, bakit taglay niya ang kaalaman, kaunawaan, at tindi ng damdamin na hindi maaaring taglayin ng sinumang tao?
13 Maliwanag na si Jesus ay hindi ipinanganak sa isang maalwang buhay. Sa halip, naranasan niya mismo ang buhay ng ordinaryong mga tao. Pagkatapos, noong 29 C.E., dumating na ang panahon para isagawa ni Jesus ang banal na atas na naghihintay sa kaniya. Noong taglagas ng taóng iyon, siya’y binautismuhan sa tubig at inianak bilang espirituwal na Anak ng Diyos. ‘Ang langit ay nabuksan sa kaniya,’ na maliwanag na nagpapahiwatig na maaari na niyang maalaala ngayon ang kaniyang naging buhay sa langit bago naging tao, lakip na ang dati niyang mga pag-iisip at damdamin. (Lucas 3:21, 22) Kaya nang pasimulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo, taglay niya ang kaalaman, kaunawaan, at tindi ng damdamin na hindi maaaring taglayin ng sinumang tao. Yamang may mabuting dahilan, iniukol ng mga manunulat ng Ebanghelyo ang karamihan ng kanilang isinulat sa mga nangyari sa ministeryo ni Jesus. Magkagayunman, hindi nila kayang iulat ang lahat ng kaniyang sinabi at ginawa. (Juan 21:25) Subalit ang kanilang naiulat sa ilalim ng pagkasi ay nagpapangyari sa atin na maaninaw ang pag-iisip ng pinakadakilang tao na nabuhay kailanman.
Ang Uri ng Pagkatao ni Jesus
14. Paano inilarawan si Jesus ng Mga Ebanghelyo bilang isang lalaking may magiliw na pagmamahal at matinding damdamin?
14 Ang personalidad ni Jesus na lumitaw sa Mga Ebanghelyo ay gaya ng isang lalaking may magiliw na pagmamahal at matinding damdamin. Nagpamalas siya ng napakaraming iba’t ibang emosyonal na pagtugon: pagkahabag sa isang may ketong (Marcos 1:40, 41); labis na pagkalungkot dahil sa di-pagtugon ng bayan (Lucas 19:41, 42); matuwid na pagkagalit sa sakim na mga tagapagpalit ng salapi (Juan 2:13-17). Bilang isang taong may empatiya, si Jesus ay maaaring maantig na lumuha, at hindi niya itinago ang kaniyang damdamin. Nang mamatay ang kaniyang mahal na kaibigang si Lazaro, labis na naantig si Jesus nang makita si Maria, kapatid ni Lazaro, na tumatangis kung kaya siya mismo ay napaluha, anupat umiyak sa harap mismo ng iba.—Juan 11:32-36.
15. Paano nakita ang magiliw na damdamin ni Jesus sa paraan ng pangmalas at pakikitungo niya sa iba?
15 Ang magiliw na damdamin ni Jesus ay lalo nang nakita sa paraan ng kaniyang pangmalas at pakikitungo sa iba. Inaabot niya ang mahihirap at mga naaapi, anupat tinutulungan silang ‘masumpungan ang pagpapanariwa ng kanilang mga kaluluwa.’ (Mateo 11:4, 5, 28-30) Tinutugon pa rin niya ang mga pangangailangan ng mga naghihirap kahit siya’y abala, iyon man ay isang babaing inaagasan ng dugo na lihim na humipo sa kaniyang kasuutan o isang pulubing bulag na hindi mapatahimik. (Mateo 9:20-22; Marcos 10:46-52) Ang tiningnan ni Jesus ay ang kabutihang taglay ng iba at pinuri niya sila; ngunit, handa rin siyang sumaway kung kailangan. (Mateo 16:23; Juan 1:47; 8:44) Noong panahong kakaunti lamang ang karapatan ng mga babae, pinakitunguhan sila ni Jesus nang may timbang na antas ng dignidad at paggalang. (Juan 4:9, 27) Kaya naman mauunawaan kung bakit ang isang grupo ng mga babae ay kusang-loob na naglingkod sa kaniya mula sa kanilang sariling mga tinatangkilik.—Lucas 8:3.
16. Ano ang nagpapakita na si Jesus ay may timbang na pangmalas sa buhay at sa materyal na mga bagay?
16 Si Jesus ay may timbang na pangmalas sa buhay. Ang materyal na mga bagay ay hindi siyang pinakamahalaga sa kaniya. Kung tungkol sa materyal, wari’y kaunting-kaunti lamang ang kaniyang ari-arian. Sinabi niya na ‘walang dakong mapaghigan ang kaniyang ulo.’ (Mateo 8:20) Kasabay nito, nakaragdag pa si Jesus sa kasiyahan ng iba. Nang dumalo siya sa isang piging ng kasalan—isang okasyon na karaniwan nang may musika, awitan, at pagsasaya—maliwanag na hindi siya naroroon upang palungkutin ang okasyon. Sa katunayan, doon ginawa ni Jesus ang kaniyang unang himala. Nang maubusan ng alak, ginawa niyang mainam na alak ang tubig, isang inuming “nagpapasaya sa puso ng taong mortal.” (Awit 104:15; Juan 2:1-11) Sa gayon ay nagpatuloy ang kasayahan, at walang-alinlangan na hindi napahiya ang bagong kasal. Higit pang naipamalas ang kaniyang pagiging timbang sa bagay na marami pang nabanggit na mga pagkakataon na si Jesus ay nagpagal nang matagal sa kaniyang ministeryo.—Juan 4:34.
17. Bakit hindi kataka-taka na si Jesus ay naging isang Dalubhasang Guro, at ano ang ipinaaaninag ng kaniyang mga turo?
17 Si Jesus ay isang Dalubhasang Guro. Karamihan sa kaniyang mga turo ay nagpapaaninag ng mga totoong nangyayari sa pang-araw-araw na buhay, na alam na alam niya. (Mateo 13:33; Lucas 15:8) Walang makapapantay sa kaniyang paraan ng pagtuturo—na laging maliwanag, simple, at praktikal. Lalo nang mahalaga ang kaniyang itinuro. Ipinaaninag ng kaniyang mga turo ang kaniyang taos-pusong hangarin na ipabatid sa kaniyang mga tagapakinig ang pag-iisip, damdamin, at pamamaraan ni Jehova.—Juan 17:6-8.
18, 19. (a) Anong buháy na mga paglalarawan ang ginamit ni Jesus para sa kaniyang Ama? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
18 Sa madalas na paggamit ng mga ilustrasyon, isiniwalat ni Jesus ang kaniyang Ama sa pamamagitan ng buháy na mga paglalarawan na hindi karaka-rakang malilimutan. Madaling sabihin sa paraang pangkalahatan ang tungkol sa awa ng Diyos. Subalit iba naman kung ihahambing si Jehova sa isang mapagpatawad na ama na lubhang naantig nang makita ang kaniyang nagbabalik-loob na anak anupat siya’y ‘tumakbo at sumubsob sa kaniyang leeg at magiliw na hinalikan siya.’ (Lucas 15:11-24) Bilang pagtanggi sa mahigpit na kultura na doo’y mababa ang tingin ng mga lider ng relihiyon sa karaniwang mga tao, ipinaliwanag ni Jesus na ang kaniyang Ama ay isang Diyos na madaling lapitan na mas pinili pa ang mga pagsusumamo ng isang mapagpakumbabang maniningil ng buwis kaysa sa mapagpasikat na panalangin ng isang mapagmalaking Pariseo. (Lucas 18:9-14) Inilarawan ni Jesus si Jehova bilang isang mapagmalasakit na Diyos na nakababatid sa pagbagsak ng isang maliit na maya sa lupa. “Huwag kayong matakot,” ang pagtiyak ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “kayo ay nagkakahalaga nang higit kaysa maraming maya.” (Mateo 10:29, 31) Kaya naman mauunawaan kung bakit namangha ang mga tao sa “paraan ng pagtuturo” ni Jesus at naakit ang mga ito sa kaniya. (Mateo 7:28, 29) Aba, minsan ay “isang malaking pulutong” ang namalagi sa tabi niya sa loob ng tatlong araw, kahit walang pagkain!—Marcos 8:1, 2.
19 Makapagpapasalamat tayo na isiniwalat ni Jehova sa kaniyang Salita ang pag-iisip ni Kristo! Kung gayon, paano natin malilinang at maipakikita ang pag-iisip ni Kristo sa ating pakikitungo sa iba? Ito ang tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
^ par. 5 Na ang espiritung mga nilalang ay maaaring maimpluwensiyahan ng kanilang kasama ay ipinakikita sa Apocalipsis 12:3, 4. Doon ay inilalarawan si Satanas bilang isang “dragon” na nakagamit ng kaniyang impluwensiya upang hikayatin ang ibang “mga bituin,” o espiritung mga anak, na sumama sa kaniya sa pagtahak sa rebelyosong landasin.—Ihambing ang Job 38:7.
^ par. 12 Ang huling tuwirang pagbanggit kay Jose ay noong matagpuan sa templo ang 12-taóng-gulang na si Jesus. Hindi tinutukoy na naroroon si Jose sa piging ng kasalan sa Cana, sa pagsisimula ng ministeryo ni Jesus. (Juan 2:1-3) Noong 33 C.E., si Maria ay ipinagkatiwala ng nakabayubay na si Jesus sa pangangalaga ng minamahal na si apostol Juan. Iyan ay isang bagay na malamang na hindi gagawin ni Jesus kung buháy pa si Jose.—Juan 19:26, 27.
Natatandaan Mo Ba?
• Bakit mahalaga na makilala natin ang “pag-iisip ni Kristo”?
• Anong pakikipagsamahan ang tinamasa ni Jesus sa kaniyang pag-iral bago naging tao?
• Noong nabubuhay siya sa lupa, anong mga kalagayan at mga impluwensiya ang naranasan mismo ni Jesus?
• Ano ang isinisiwalat ng Mga Ebanghelyo hinggil sa personalidad ni Jesus?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 10]
Si Jesus ay lumaki sa isang malaking pamilya, malamang na sa isang simpleng kalagayan
[Mga larawan sa pahina 12]
Namangha ang mga guro sa unawa at mga kasagutan ng 12-taóng-gulang na si Jesus