Ginantimpalaan ang Kanilang Pananampalataya
Ginantimpalaan ang Kanilang Pananampalataya
SI APOSTOL Pablo ay isang lalaking katangi-tangi ang pananampalataya, at pinatibay din niya ang kaniyang kapuwa mga mananampalataya na linangin ang pananampalataya. Sinabi niya: “Siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga marubdob na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Ipinakikita ng sumusunod na mga karanasan mula sa Mozambique kung paano ginagantimpalaan ni Jehova ang matibay na pananampalataya at sinasagot ang marubdob na mga panalangin.
• Isang kapatid na babaing balo mula sa hilagang lalawigan ng Niassa ang nababahala kung paanong siya at ang kaniyang anim na anak ay makadadalo sa “Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na Pandistritong Kombensiyon. Ang tanging pinagkakakitaan niya ay ang pagtitinda sa isang lokal na pamilihan, ngunit nang papalapit na ang petsa ng kombensiyon, mayroon lamang siyang sapat na salaping pamasahe sa tren para sa kaniya at sa kaniyang pamilya para sa isang biyahe. Magkagayunman, ipinasiya niyang ilagak ang kaniyang tiwala sa mga paglalaan ni Jehova at nagpatuloy sa kaniyang mga plano na dumalo sa kombensiyon.
Sumakay siya ng tren kasama ang kaniyang anim na anak. Habang nagbibiyahe ay nilapitan siya ng konduktor para sa kaniyang tiket. Palibhasa’y napansin ang kaniyang lapel card, nagtanong ito kung anong uri ng pagkakakilanlan ang suot niya. Sinabi ng kapatid na babae sa kaniya na ito ay upang makilala siya bilang isa sa mga delegado sa pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. “Saan gaganapin ang kombensiyong ito?” ang tanong ng konduktor. Pagkatapos malaman na ang kombensiyon ay gaganapin sa kalapit na lalawigan ng Nampula, halos 300 kilometro ang layo, hindi inaasahang siningil lamang siya nito ng kalahati ng karaniwang halaga ng tiket! Pagkatapos ay binigyan niya siya at ang kaniyang pamilya ng mga tiket pabalik para sa kalahating bahagi naman ng kaniyang pamasahe. Kay ligaya niya na inilagak niya ang kaniyang tiwala kay Jehova!—Awit 121:1, 2.
• Sa loob ng mga 25 taon, isang napakarelihiyosang babae ang nanalangin sa Diyos na ituro sa kaniya ang tamang paraan upang sambahin siya. Pinagsama ng simbahang dinaluhan niya ang relihiyosong mga seremonya sa tradisyunal na mga ritwal, at duda siya kung ang anyong ito ng pagsamba ay nakalulugod sa Diyos.
Isinalaysay niya: “Lagi kong naaalaala ang mga salita ni Jesus na nakaulat sa Mateo 7:7: ‘Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo; patuloy na maghanap, at inyong masusumpungan; patuloy na kumatok, at bubuksan ito sa inyo.’ Taglay ang kasulatang ito sa isipan, ako’y palaging nananalangin sa Diyos na akayin ako sa katotohanan. Isang araw ay hinilingan ng pastor ng aming simbahan ang lahat ng nagtatrabaho sa lokal na pamilihan na dalhan siya ng isang tiyak na halaga ng salapi kasama na ang ilan sa kanilang mga paninda upang makapaggawad siya ng pagpapala sa kanila. Para sa akin, ang kahilingang ito ay hindi maka-Kasulatan, kaya hindi ako nagdala ng anumang bagay. Nang makita ng pastor na hindi ako nagdala ng ‘hain,’ sinimulan niya akong insultuhin sa harapan ng lahat ng mga miyembro ng simbahan. Natanto ko nang araw na iyon na hindi ito ang paraan na nais ng Diyos upang sambahin siya, kaya iniwan ko ang simbahan. Samantala, nagpatuloy ako sa marubdob na pananalangin na masumpungan ang katotohanan.
“Sa wakas, nakapagtipon ako ng lakas ng loob at nakipag-alam sa isang kamag-anak na isa sa mga Saksi ni Jehova. Inalukan niya ako ng isang pulyeto, at pagkabasa nito ay agad kong natanto na sinasagot ng Diyos ang aking mga panalangin. Sa kalaunan, ang aking kinakasama ay nagsimula ring magpahalaga sa mga katotohanan sa Bibliya, at ginawa naming legal ang aming pagsasama. Gayunman, nang dakong huli ay nagkasakit nang malubha ang aking asawa. Ngunit hanggang sa kaniyang kamatayan, pinatibay niya ako na magtiyaga sa daan ng katotohanan upang maaari kaming magkitang muli sa Paraiso.
“Walang katapusan ang aking pasasalamat kay Jehova sa pagsagot niya sa aking mga panalangin at pagpapakita sa akin ng wastong paraan upang sambahin siya. Ang aking mga panalangin ay sinagot din sa dahilan na ang lahat ng aking walong anak ay nakita kong naging nag-alay na mga lingkod ni Jehova.”