Pinananatiling Simple ang Buhay Upang Makapaglingkod kay Jehova
Pinananatiling Simple ang Buhay Upang Makapaglingkod kay Jehova
AYON SA SALAYSAY NI CLARA GERBER MOYER
Ako ay 92 taóng gulang at halos hindi na makalakad, pero taglay ko pa rin ang isang malinaw at matandaing isip. Laking pasalamat ko na nagkapribilehiyo ako na mapaglingkuran si Jehova mula pagkabata! Ang pamumuhay sa isang simple at di-komplikadong buhay ay nakapag-abuloy nang malaki sa kayamanang iyon.
ISINILANG ako noong Agosto 18, 1907, sa Alliance, Ohio, E.U.A., ang panganay sa limang anak. Noong walong taóng gulang ako, isang buong-panahong ministro ng mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, ang nagbisikleta patungo sa aming bukid na álagaán ng mga hayop na gatasán. Nakilala niya sa pintuan ang aking ina, si Laura Gerber, at itinanong nito sa kaniya kung alam niya kung bakit pinahihintulutan ang kasamaan. Matagal nang pinag-iisipan ni Inay ang bagay na iyon.
Matapos tanungin si Itay, na naroon sa kamalig, pumidido si Inay ng isang set ng anim na tomo ng Studies in the Scriptures. Buong-kasabikan niyang binasa ang mga ito at lubha siyang naantig ng mga katotohanan sa Bibliya na kaniyang natutuhan. Pinag-aralan niya ang Tomo 6, ang The New Creation, at maliwanag na naunawaan niya na kailangan ang bautismong Kristiyano sa pamamagitan ng pagpapalubog sa tubig. Yamang hindi alam kung paano hahanapin ang mga Estudyante ng Bibliya, hiniling niya kay Itay na bautismuhan siya sa maliit na ilog sa bukid, bagaman noon ay maginaw ang buwan ng Marso 1916.
Di-nagtagal pagkaraan nito ay nakakita si Inay ng isang anunsiyo sa pahayagan na nagpapatalastas sa isang pahayag sa Daughters of Veterans Hall sa Alliance. Ang pahayag ay pinamagatang “The Divine Plan of the Ages.” Agad siyang kumilos, yamang pareho ang pamagat ng Tomo 1 ng Studies in the Scriptures at ang pamagat ng pahayag. Ang karuwahe ay inayos, at ang buong pamilya ay nagtungo sa aming unang pakikipagpulong sakay ng kabayo at karuwahe. Mula noon ay dinaluhan na namin ang mga pulong
sa mga tahanan ng mga kapatid tuwing Linggo at Miyerkules ng gabi. Di-nagtagal pagkaraan nito, si Inay ay muling binautismuhan ng isang kinatawan ng Kristiyanong kongregasyon. Si Itay, na laging abala sa gawain sa bukid, ay nagkainteres din nang dakong huli sa pag-aaral ng Bibliya, at nabautismuhan siya pagkaraan ng ilang taon.Nakilala ang mga Nangunguna
Noong Hunyo 10, 1917, si J. F. Rutherford, ang presidente noon ng Samahang Watch Tower, ay dumalaw sa Alliance upang magpahayag sa paksang “Bakit Nagdidigmaan ang mga Bansa?” Ako ay siyam na taóng gulang noon at dumalo ako kasama ang aking mga magulang at ang dalawa kong kapatid na lalaki na sina Willie at Charles. Mahigit din sa isang daan ang payapang pulutong na dumalo. Pagkatapos ng pahayag ni Brother Rutherford, karamihan sa mga dumalo ay nagpakuha ng retrato sa labas ng Columbia Theater, kung saan ginanap ang kaniyang pagpapahayag. Nang sumunod na linggo, sa lugar ding iyon, nagpahayag naman si A. H. Macmillan hinggil sa paksang “Ang Dumarating na Kaharian ng Diyos.” Isang pribilehiyo na madalaw ng mga kapatid na ito ang aming maliit na bayan.
Ang Di-Malilimutang mga Kombensiyon Noon
Ang unang kombensiyon na dinaluhan ko ay noong 1918, sa Atwater, Ohio, mga ilang kilometro ang layo mula sa Alliance. Tinanong ni Inay ang kinatawan ng Samahan doon kung sapat na ba ang aking edad upang ako’y mabautismuhan. Nadama ko na makatuwiran ang pag-aalay na ginawa ko sa Diyos upang gawin ang kaniyang kalooban, kaya ako ay pinayagang mabautismuhan noong araw na iyon sa isang maliit na ilog malapit sa isang malaking taniman ng mansanas. Nagpalit ako ng damit sa isang tolda na itinayo ng mga kapatid para sa gayong layunin at nabautismuhan ako na suot ang isang luma at makapal na damit pantulog.
Noong Setyembre 1919, kami ng aking mga magulang ay sumakay ng tren patungong Sandusky, Ohio, sa Lake Erie. Doon ay lumulan kami sa isang bangka, at sa sandaling panahon, dumating kami sa Cedar Point kung saan gaganapin noon ang aming di-malilimutang kombensiyon. Nang bumaba kami sa bangka, may isang maliit na tindahan ng tanghalian sa daungan. Bumili ako ng hamburger, na napakamahal na para sa akin noong panahong iyon. Napakasarap nito! Ang pinakamataas na bilang ng dumalo sa aming walong-araw na kombensiyon ay 7,000. Walang sound system (gaya ng mikropono at iba pa), kaya kinailangang makinig akong mabuti.
Sa kombensiyong ito, inilabas ang kasamang magasin ng The Watch Tower, na pinamagatang The Golden Age (ngayon ay Gumising!). Upang makadalo sa kombensiyong iyon, lumiban ako sa unang linggo ng aking klase sa paaralan, subalit sulit naman ito. Ang Cedar Point ay isang lugar na bakasyunan, at mayroon silang mga tagapagluto roon sa restawran na naghahanda ng mga pagkain para sa mga delegado. Ngunit sa isang dahilan, ang mga tagapagluto at mga tagapagsilbi ay nagwelga, kaya ang mga kapatid na Kristiyano na may kaalaman sa paghahanda ng pagkain ang nagtrabaho at naghanda ng pagkain para sa mga delegado. Sa loob ng maraming dekada pagkatapos nito, inihahanda ng bayan ni Jehova ang kanilang sariling pagkain sa mga asamblea at mga kombensiyon.
Nagkaroon din kami ng pribilehiyo na makabalik sa Cedar Point noong Setyembre 1922 para sa isang siyam-na-araw na kombensiyon na dinaluhan ng pinakamataas na bilang na 18,000. Doon kami pinasigla ni Brother Rutherford na “ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian.” Gayunman, maraming taon na bago nito ay nagpasimula na ang aking personal na ministeryo sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga tract at ng The Golden Age.
Pagpapahalaga sa Ministeryo
Sa pagsisimula ng 1918, nakibahagi ako sa pamamahagi ng tract na The Fall of Babylon sa karatig na mga bukirin. Dahil sa ginaw, paiinitin namin sa bahay ang isang malambot na bato sa pamamagitan ng kalan na de-kahoy at dadalhin namin ito sa loob ng karuwahe upang magsilbing pampainit sa aming mga paa. Nagdaramit kami ng makakapal na amerikana at nagsosombrero, yamang ang karuwahe ay may tolda lamang sa ibabaw at pantabing sa tagiliran ngunit walang pampainit. Subalit napakasaya ng mga panahong iyon.
Noong 1920, isang pantanging edisyon ng The Finished Mystery, na tinawag na ZG, ang inihanda sa anyong magasin. * Kami ng aking mga magulang ay lumibot sa Alliance na dala ang publikasyong ito. Noong mga araw na iyon, mag-isang nagpupunta sa mga pintuan ang bawat isa, kaya bantulot akong umakyat sa isang beranda kung saan nakaupo ang maraming tao. Pagkatapos kong iharap ang aking presentasyon, isang babae ang nagsabi: “Hindi ba’t maganda ang kaniyang maikling pahayag,” at tinanggap nito ang publikasyon. Nakapagpasakamay ako ng 13 ZG nang araw na iyon, ang unang pagkakataon na nagbigay ako ng isang mas mahaba at pormal na presentasyon sa bahay-bahay.
Nang ako ay nasa ikasiyam na grado, nagkapulmonya si Inay at naratay sa higaan nang mahigit sa isang buwan. Ang aking bunsong kapatid na babae, si Hazel, ay sanggol pa, kaya huminto ako sa pag-aaral upang tumulong sa gawain sa bukid at upang mag-aruga sa mga bata. Magkagayunman, dinibdib pa rin ng aking pamilya ang mga katotohanan sa Bibliya, at dinaluhan namin nang regular ang lahat ng pulong ng kongregasyon.
Noong 1928, sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo, isang tract na pinamagatang “Where Are the Nine?” ang ibinigay sa lahat ng dumalo. Tinalakay nito ang Lucas 17:11-19, kung saan sinasabi ng Bibliya na isa lamang sa sampung nalinis sa ketong ang may-kapakumbabaang nagpasalamat kay Jesus dahil sa makahimalang pagpapagaling. Nakaantig ito sa aking puso. Tinanong ko ang aking sarili, ‘Gaano kalaki ang aking pagpapahalaga?’
Yamang nang panahong iyon ay maayos na ang mga bagay-bagay sa tahanan at malusog naman ako at walang pananagutan, ipinasiya kong umalis sa tahanan at magpayunir, gaya ng tawag sa buong-panahong ministeryo. Pinasigla ako ng aking mga magulang na gawin iyon. Kaya, natanggap namin ng aking kasama, si Agnes Aleta, ang aming atas, at noong Agosto 28, 1928, sumakay kami sa isang tren nang dakong 9:00 n.g. Bawat isa sa amin ay may dala lamang na isang maleta at isang maletin upang paglagyan ng aming literatura sa Bibliya. Sa istasyon, umiiyak ang aking mga kapatid na babae at ang aking mga magulang, at gayundin kami. Akala ko noon ay hindi ko na sila muling makikita kailanman, yamang ang paniwala namin ay malapit na ang Armagedon. Kinaumagahan, dumating kami sa lugar na iniatas sa amin, sa Brooksville, Kentucky.
Umupa kami ng isang maliit na kuwarto sa isang bahay-pangaserahan (boardinghouse) at bumili ng mga nakalatang spaghetti at gumawa rin kami ng mga sandwich para sa aming sarili. Araw-araw ay magkaiba ang aming pinupuntahan, anupat naghihiwalay kami sa paggawa at sa pag-aalok sa mga maybahay ng limang pinabalatang aklat sa kontribusyon na $1.98. Unti-unti naming nasaklaw ang buong bayan, anupat nakilala ang maraming tao na lubhang interesado sa Bibliya.
Sa loob ng mga tatlong buwan, nadalaw na namin ang lahat ng nasa loob at nasa palibot ng Brooksville gayundin ang Augusta. Kaya nagpatuloy kami upang gawin ang mga bayan ng Maysville, Paris, at Richmond. Sa loob ng sumunod na tatlong taon, nasaklaw namin ang maraming distrito sa Kentucky kung saan wala pang kongregasyon. Malimit kaming tulungan ng mga kaibigan at mga miyembro ng pamilya mula sa Ohio na naglalakbay at nakikisama sa amin sa ministeryo sa loob ng isang linggo o mahigit pa sa bawat pagkakataon.
Iba Pang Di-Malilimutang mga Kombensiyon
Ang kombensiyon sa Columbus, Ohio, noong Hulyo 24-30, 1931, ay tunay na di-malilimutan. Doon ipinatalastas noon na makikilala kami sa salig-Bibliyang pangalan na mga Saksi ni Jehova. (Isaias 43:12) Bago iyon, kapag tinatanong kami ng mga tao kung ano ang aming relihiyon, sinasabi namin, “Internasyonal na mga Estudyante ng Bibliya.” Ngunit talagang hindi kami naipapakilalang mabuti nito, yamang may mga estudyante ng Bibliya na nauugnay sa iba’t iba pang relihiyosong grupo.
Nag-asawa ang aking kasamang si Agnes, at ako’y naiwang mag-isa; kaya tuwang-tuwa ako nang ipatalastas na yaong mga humahanap ng makakasamang payunir ay dapat magreport sa isang takdang lugar. Doon ko nakilala sina Bertha at Elsie Garty at si Bessie Ensminger. Sila ay may dalawang kotse at naghahanap ng pang-apat na payunir na kapatid na babae na makakasama nila sa paggawa. Magkakasama kaming umalis sa kombensiyon, bagaman noon pa lamang kami nagkakilala.
Noong tag-araw, gumawa kami sa buong estado ng Pennsylvania. Pagkatapos, nang pasapit na ang taglamig, hiniling namin na iatas kami sa mas mainit-init na mga estado sa bandang timog tulad ng North Carolina, Virginia, at Maryland. Nang magtagsibol, bumalik kami sa hilaga. Iyan ang kinagawian noon ng mga payunir. Noong 1934, isinama nina John Booth at Rudolph Abbuhl, na sumusunod din sa kinagawiang ito, sina Ralph Moyer at ang kaniyang nakababatang kapatid na si Willard sa pagtungo sa Hazard, Kentucky.
Maraming pagkakataon na kaming nagkikita ni Ralph, at lalo kaming nagkakilala noong panahon ng malaking kombensiyon sa Washington, D.C., na ginanap noong Mayo 30–Hunyo 3, 1935. Magkatabi kaming nakaupo ni Ralph sa balkoni nang itampok ang pahayag hinggil sa “lubhang karamihan,” o “malaking pulutong.” (Apocalipsis 7:9-14) Hanggang noong panahong iyon ay pinaniniwalaan namin na yaong mga kabilang sa lubhang karamihan ay mga miyembro ng isang uring makalangit na hindi gaanong tapat na gaya ng 144,000. (Apocalipsis 14:1-3) Kaya ayaw kong mapabilang sa kanila!
Nang ipaliwanag ni Brother Rutherford na yaong mga kabilang sa lubhang karamihan ay isang uring makalupa na binubuo ng mga tapat na nakaligtas sa Armagedon, marami ang nagulat. Pagkatapos ay inanyayahan niyang tumayo ang lahat ng kabilang sa lubhang karamihan. Siyempre pa, hindi ako tumayo, ngunit si Ralph ay tumayo. Nang maglaon, ang mga bagay-bagay ay naging maliwanag sa aking isipan, kaya ang huling pakikibahagi ko sa mga emblemang tinapay at alak sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo ay noong 1935. Subalit si Inay ay nagpatuloy sa pakikibahagi hanggang sa kaniyang kamatayan noong Nobyembre 1957.
Isang Permanenteng Kasama
Patuloy kaming nagsulatan ni Ralph. Naglilingkod ako sa Lake Placid, New York, at siya naman ay sa Pennsylvania. Noong 1936, gumawa siya ng isang maliit na trailer (tirahang de-gulong) na maaaring ipahatak sa kaniyang kotse. Hinila niya ito mula sa Pottstown, Pennsylvania, hanggang sa Newark, New Jersey, para sa kombensiyon na ginanap doon noong Oktubre 16-18. Isang gabi pagkatapos ng programa, marami sa amin na mga payunir ang umalis upang tingnan ang bagong trailer ni Ralph. Kami ni Ralph ay nakatayo sa loob ng trailer sa tabi ng ikinabit na maliit na lababo nang itanong niya, “Nagustuhan mo ba ang trailer?”
Nang tumango ako, itinanong niya, “Gusto mo bang tumira dito?”
“Oo,” ang sagot ko, at idinampi niya sa akin ang isang magiliw na halik na hindi ko malilimutan kailanman. Pagkaraan ng dalawang araw, kumuha kami ng lisensiya sa pagpapakasal. Noong Oktubre 19, isang araw pagkaraan ng kombensiyon, nagpunta kami sa Brooklyn at namasyal sa pasilidad sa paglilimbag ng Samahang Watch Tower. Pagkatapos ay humiling kami ng isang atas na teritoryo. Si Grant Suiter ang nangangasiwa noon sa teritoryo, at itinanong niya kung sino ang gagawa roon. Sinabi ni Ralph, “Kami, kung maikakasal kami.”
“Kung makababalik kayo ng alas 5:00 n.h., maisasaayos natin ito,” ang sagot ni Brother Suiter. Kaya nang gabing iyon ay ikinasal kami sa tahanan ng isang Saksi sa Brooklyn Heights. Kumain kami kasama ng ilang kaibigan sa isang restawran doon at pagkatapos ay sumakay sa pampublikong sasakyan patungo sa trailer ni Ralph sa Newark, New Jersey.
Di-nagtagal pagkaraan nito, patungo na kami sa Heathsville, Virginia, ang aming unang atas bilang mag-asawang payunir. Gumawa kami sa Northumberland County at pagkatapos ay nagtungo kami sa mga distrito ng Fulton at Franklin sa Pennsylvania. Noong 1939, inanyayahan si Ralph para sa gawain sa sona, isang gawain na doo’y isa-isa naming dadalawin ang ilang kongregasyon nang halinhinan. Pinaglingkuran namin ang mga kongregasyon sa estado ng Tennessee. Nang sumunod na taon ay isinilang ang aming anak na lalaki, si Allen, at noong 1941, itinigil ang gawain sa sona. Pagkatapos noon ay inatasan kami sa Marion, Virginia, bilang mga special pioneer. Noong mga panahong iyon, nangangahulugan iyon ng paggugol ng 200 oras sa isang buwan sa ministeryo.
Paggawa ng mga Pagbabago
Noong 1943, nakita ko na kailangan akong huminto sa ministeryo bilang special pioneer. Ang tanging magagawa ko ay ang mamuhay sa isang maliit
na trailer, mag-aruga sa maliit na bata, maghanda ng pagkain, panatilihing malinis ang aming mga damit, at gumugol ng mga 60 oras sa ministeryo bawat buwan. Subalit si Ralph ay nagpatuloy bilang isang special pioneer.Nagbalik kami sa Alliance, Ohio, noong 1945, ibinenta ang trailer na naging tahanan namin sa loob ng siyam na taon, at lumipat sa bahay sa bukid kasama ng aking mga magulang. Doon, sa harapang beranda, isinilang ang aming anak na babae, si Rebekah. Nagtrabaho si Ralph nang part-time sa bayan at nagpatuloy bilang isang regular pioneer. Nagtrabaho ako sa bukid at ginawa ko ang lahat ng aking makakaya upang tulungan siyang makapagpatuloy sa pagpapayunir. Bagaman inalok kami ng aking pamilya ng libreng lupa at bahay, tinanggihan ito ni Ralph. Nais niya na manatiling hindi nahahadlangan upang maitaguyod namin nang lubusan ang mga kapakanang pang-Kaharian.
Noong 1950, lumipat kami sa Pottstown, Pennsylvania, at umupa ng isang bahay sa halagang $25 isang buwan. Sa loob ng nakalipas na 30 taon, tumaas lamang ang upa nang hanggang $75. Nadama namin na tinutulungan kami ni Jehova upang manatiling simple ang aming buhay. (Mateo 6:31-33) Si Ralph ay nagtatrabaho ng tatlong araw sa isang linggo bilang isang barbero. Linggu-linggo ay nag-aaral kami ng Bibliya kasama ang aming dalawang anak, dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon, at nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian bilang isang pamilya. Si Ralph ay naglingkod bilang punong tagapangasiwa ng lokal na kongregasyon. Dahil sa pinananatiling simple ang aming buhay, nakapaglingkod kami nang higit kay Jehova.
Namatay ang Aking Mahal na Asawa
Noong Mayo 17, 1981, nakaupo kami sa Kingdom Hall, habang nakikinig sa isang pahayag pangmadla. Masamang-masama ang pakiramdam ni Ralph, pumunta siya sa likod ng bulwagan, at ipinabigay sa akin sa pamamagitan ng isang attendant (tagapaglingkod sa mga dumadalo) ang maikling liham na nagsasaad na uuwi siya ng bahay. Ibang-iba ito sa ikinikilos ni Ralph kaya may kinausap ako upang agad akong ipagmaneho pauwi. Namatay si Ralph sa loob ng isang oras dahil sa matinding istrok. Nang matapos ang pag-aaral sa Bantayan noong umagang iyon, ipinatalastas sa kongregasyon na siya’y namatay.
Noong buwan na iyon, nakagugol na si Ralph ng mahigit sa 50 oras sa ministeryo. Tumagal nang 46 na taon ang kaniyang buong-panahong karera bilang isang payunir. Nakapagdaos siya ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mahigit na sandaang tao na nang dakong huli ay naging bautisadong mga Saksi ni Jehova. Ang espirituwal na mga pagpapala na tinanggap namin ay sulit na sulit anuman ang mga sakripisyong ginawa namin sa nakalipas na mga taon.
Nagpapasalamat Dahil sa Aking mga Pribilehiyo
Sa loob ng nakalipas na 18 taon, mag-isa akong namuhay, dumadalo sa mga pulong, nangangaral sa iba hangga’t kaya ko, at nag-aaral ng Salita ng Diyos. Ngayon ay nakatira ako sa isang apartment para sa mga retiradong may-edad na. Ilang piraso lamang ng muwebles ang pag-aari ko at ginusto ko na huwag magkaroon ng telebisyon. Subalit ang aking buhay ay masaya at sagana sa espirituwal na paraan. Ang aking mga magulang at ang aking dalawang kapatid na lalaki ay nanatiling tapat hanggang sa kanilang kamatayan, at ang aking dalawang kapatid na babae ay buong-katapatan pa ring nagpapatuloy sa daan ng katotohanan.
Nagagalak ako na ang aking anak na lalaki, si Allen, ay naglilingkod bilang isang Kristiyanong matanda. Sa loob ng maraming taon ay nakapag-instala siya ng mga sound system sa mga Kingdom Hall at Assembly Hall at nakapagtrabaho siya sa pag-iinstala ng mga sound system para sa mga kombensiyon tuwing tag-araw. Ang kaniyang asawa ay isang tapat na lingkod ng Diyos, at ang kanilang dalawang anak na lalaki ay naglilingkod bilang matatanda. Ang aking anak na babae, si Rebekah Karres, ay nakagugol ng mahigit na 35 taon sa buong-panahong ministeryo, kasali na ang apat na taon sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn. Nagugol nilang mag-asawa ang 25 taóng lumipas sa gawaing paglalakbay sa iba’t ibang bahagi ng Estados Unidos.
Sinabi ni Jesus na ang Kaharian ay katulad ng isang nakatagong kayamanan na maaaring masumpungan. (Mateo 13:44) Nagpapasalamat ako na nasumpungan ng aking pamilya ang kayamanang iyon maraming taon na ang nakalilipas. Kay laking pribilehiyo na magbalik-tanaw sa mahigit na 80 taon ng nakatalagang paglilingkod sa Diyos—nang walang anumang pagsisisi! Kung mauulit ko ang aking buhay, mamumuhay pa rin ako na gaya ng dati dahil, ang totoo, ‘ang maibiging-kabaitan ng Diyos ay mas mabuti kaysa sa buhay mismo.’—Awit 63:3.
[Talababa]
^ par. 17 Pampito ang The Finished Mystery sa isang serye ng mga tomo na pinamagatang Studies in the Scriptures, ang unang anim ay isinulat ni Charles Taze Russell. Inilathala ang The Finished Mystery pagkaraang mamatay si Russell.
[Larawan sa pahina 23]
Napakinggan namin ang pahayag ni Brother Rutherford noong 1917 sa Alliance, Ohio
[Larawan sa pahina 23]
Kasama ni Ralph sa harap ng trailer na kaniyang ginawa
[Larawan sa pahina 24]
Kasama ang dalawa kong anak ngayon