Si Jehova—Ang Isa na Malakas ang Kapangyarihan
Si Jehova—Ang Isa na Malakas ang Kapangyarihan
“Dahil sa kasaganaan ng dinamikong lakas, palibhasa’y malakas din ang kaniyang kapangyarihan, walang isa man sa kanila ang nawawala.”—ISAIAS 40:26.
1, 2. (a) Tayong lahat ay umaasa sa anong pisikal na pinagmumulan ng enerhiya? (b) Ipaliwanag kung bakit si Jehova ang pinakasukdulang Pinagmumulan ng lahat ng kapangyarihan.
ANG kapangyarihan ay isang bagay na ipinagwawalang-bahala ng marami sa atin. Halimbawa, hindi natin gaanong pinapansin ang kapangyarihan ng kuryente na nagbibigay sa atin ng liwanag at init o ang kaalwanan ng pagsasaksak ng anumang kagamitang de-kuryente na maaaring pag-aari natin. Kapag sa di-inaasahan ay nawalan ng kuryente, saka lamang natin napagwawari na kung walang kuryente, ang mga siyudad ng tao ay talagang hindi na gagana. Karamihan sa elektrisidad na inaasahan natin ay di-tuwirang nanggagaling sa pinakamapananaligang pinagmumulan ng enerhiya ng lupa—ang araw. * Bawat segundo, ang reaktor na ito ng araw ay kumokonsumo ng limang milyong tonelada ng nuklear na gatong, anupat nagkakaloob ng nagbibigay-buhay na enerhiya sa lupa.
2 Saan ba galing ang lahat ng enerhiyang ito ng araw? Sino ang nagtayo sa plantang ito ng enerhiya sa langit? Ang Diyos na Jehova. Patungkol sa kaniya, ganito ang sabi ng Awit 74:16: “Ikaw mismo ang naghanda ng tanglaw, maging ng araw.” Oo, si Jehova ang pinakasukdulang Pinagmumulan ng lahat ng kapangyarihan, kung paanong siya ang Pinagmumulan ng lahat ng buhay. (Awit 36:9) Hindi natin kailanman dapat ipagwalang-bahala ang kaniyang kapangyarihan. Sa pamamagitan ng propetang si Isaias, ipinaaalaala sa atin ni Jehova na ating masdan ang mga bagay na nasa langit, gaya ng araw at mga bituin, at bulay-bulayin kung paano umiral ang mga ito. “Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas at masdan. Sino ang lumalang ng mga bagay na ito? Iyon ang Isa na naglalabas sa hukbo nila ayon sa bilang, na lahat sila ay tinatawag niya ayon sa pangalan. Dahil sa kasaganaan ng dinamikong lakas, palibhasa’y malakas din ang kaniyang kapangyarihan, walang isa man sa kanila ang nawawala.”—Isaias 40:26; Jeremias 32:17.
3. Paano tayo nakikinabang sa mga pagpapamalas ng kapangyarihan ni Jehova?
Awit 28:6-9; Isaias 50:2) Napakaraming halimbawa sa Bibliya na nagpapatotoong may kapangyarihan si Jehova na lumikha at tumubos, na magligtas sa kaniyang bayan at lumipol sa kaniyang mga kaaway.
3 Yamang malakas ang kapangyarihan ni Jehova, makapagtitiwala tayo na patuloy na ilalaan sa atin ng araw ang liwanag at init na kailangang-kailangan natin upang tayo’y mabuhay. Gayunman, may higit pang dahilan kaysa sa ating pangunahing pisikal na mga pangangailangan kung kaya tayo nananalig sa kapangyarihan ng Diyos. Ang pagtubos sa atin mula sa kasalanan at kamatayan, ang ating pag-asa sa hinaharap, at ang ating pagtitiwala kay Jehova ay pawang laging kaugnay sa kaniyang paggamit ng kapangyarihan. (Nahahayag sa Paglalang ang Kapangyarihan ng Diyos
4. (a) Paano nakaapekto kay David ang pagmamasid sa kalangitan kung gabi? (b) Ano ang isinisiwalat ng mga bagay sa langit hinggil sa kapangyarihan ng Diyos?
4 Ipinaliwanag ni apostol Pablo na ‘ang walang-hanggang kapangyarihan ng ating Maylalang ay malinaw na napag-uunawa sa mga bagay na kaniyang ginawa.’ (Roma 1:20) Ilang siglo bago nito, napag-unawa ng salmistang si David ang karingalan ng uniberso at ang kakayahan ng Maygawa nito, yamang bilang isang pastol ay tiyak na palagi siyang tumitingala sa kalangitan kung gabi. Isinulat niya: “Kapag tinitingnan ko ang iyong mga langit, ang mga gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda, ano ang taong mortal anupat iniingatan mo siya sa isipan, at ang anak ng makalupang tao anupat pinangangalagaan mo siya?” (Awit 8:3, 4) Sa kabila ng limitado niyang kaalaman hinggil sa mga bagay sa langit, naunawaan ni David na siya’y talagang walang halaga kung ihahambing sa Maylalang ng ating ubod-lawak na uniberso. Sa ngayon, mas napakaraming nalalaman ang mga astronomo hinggil sa lawak ng uniberso at sa kapangyarihang nagbibigay-lakas dito. Halimbawa, sinasabi nila sa atin na bawat segundo, ang ating araw ay naglalabas ng enerhiyang katumbas ng pagsabog ng 100,000 milyong megaton ng TNT. * Pagkaliit-liit na bahagi lamang ng enerhiyang iyan ang nakaaabot sa lupa; subalit sapat na iyan upang masustinehan ang lahat ng buhay sa ating planeta. Gayunpaman, ang ating araw ay hindi siyang pinakamalakas na bituin sa langit. Sa loob lamang ng isang segundo, ang ilang bituin ay nakapaglalabas ng enerhiyang inilalabas ng araw sa buong maghapon. Kung gayon, gunigunihin ang kapangyarihang taglay ng Isa na lumalang sa gayong mga bagay sa langit! Nararapat lamang na ibulalas ni Elihu: “Kung tungkol sa Makapangyarihan-sa-lahat, hindi natin siya masasaliksik; siya ay mataas sa kapangyarihan.”—Job 37:23.
5. Anong patotoo ng lakas ni Jehova ang masusumpungan natin sa kaniyang mga gawa?
5 Kung ating ‘sasaliksikin ang mga gawa ng Diyos’ gaya ng ginawa ni David, makikita natin ang patotoo ng kaniyang kapangyarihan saanman—sa hangin at alon, sa kulog at kidlat, sa malalaking ilog at mariringal na bundok. (Awit 111:2; Job 26:12-14) Isa pa, gaya ng ipinaalaala ni Jehova kay Job, ang mga hayop ay nagpapatotoo sa Kaniyang lakas. Kabilang sa mga ito ang Behemot, o ang hippopotamus. Sinabi ni Jehova kay Job: “Ang lakas niya ay nasa kaniyang mga balakang . . . Ang malalakas na buto niya ay tulad ng mga tungkod na hinubog na bakal.” (Job 40:15-18) Ang nakatatakot na lakas ng torong gubat ay kilalang-kilala rin noong panahon ng Bibliya, at nanalangin si David na sana’y makaligtas siya mula sa “bibig ng leon, at mula sa mga sungay ng torong gubat.”—Awit 22:21; Job 39:9-11.
6. Ano ang isinasagisag ng toro sa Kasulatan, at bakit? (Tingnan ang talababa.)
6 Dahil sa lakas nito, ang toro ay ginagamit sa Bibliya * Ang pangitain ni apostol Juan hinggil sa trono ni Jehova ay naglalarawan sa apat na nilalang na buháy, na isa sa mga ito ay may mukhang gaya ng isang toro. (Apocalipsis 4:6, 7) Lumilitaw na isa sa apat na pangunahing katangian ni Jehova na inilalarawan ng mga kerubing ito ay ang kapangyarihan. Ang iba pa ay pag-ibig, karunungan, at katarungan. Yamang ang kapangyarihan ay isang mahalagang aspekto ng personalidad ng Diyos, ang maliwanag na pagkaunawa sa kaniyang kapangyarihan at kung paano niya ito ginagamit ay magpapalapit sa atin sa kaniya at tutulong sa atin na matularan ang kaniyang halimbawa sa pamamagitan ng mainam na paggamit ng anumang kapangyarihang taglay natin.—Efeso 5:1.
upang sumagisag sa kapangyarihan ni Jehova.“Si Jehova ng mga Hukbo, ang Makapangyarihan”
7. Paano tayo makatitiyak na mananaig ang mabuti sa masama?
7 Sa Kasulatan, si Jehova ay tinatawag na “Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” isang titulong nagpapagunita sa atin na hindi natin dapat hamakin kailanman ang kaniyang kapangyarihan o pag-alinlanganan ang kaniyang kakayahang lumupig sa kaniyang mga kaaway. (Genesis 17:1; Exodo 6:3) Ang balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas ay maaaring waring matibay ang pagkakatatag, subalit sa mga mata ni Jehova “ang mga bansa ay gaya ng isang patak mula sa timba; at ibinibilang silang gaya ng manipis na alikabok sa timbangan.” (Isaias 40:15) Sa tulong ng gayong kapangyarihan ng Diyos, walang-alinlangang mananaig ang mabuti sa masama. Sa panahong laganap ang kabalakyutan, maaaliw tayo sa pagkaalam na ang masasama ay ililigpit magpakailanman ni “Jehova ng mga hukbo, ang Makapangyarihan ng Israel.”—Isaias 1:24; Awit 37:9, 10.
8. Anong makalangit na mga hukbo ang pinamamahalaan ni Jehova, at anong pahiwatig ang taglay natin hinggil sa kanilang kapangyarihan?
8 Ang pananalitang “Jehova ng mga hukbo,” na lumilitaw nang 285 ulit sa Bibliya, ay isa pang paalaala hinggil sa kapangyarihan ng Diyos. Ang “mga hukbo” na tinutukoy rito ay ang napakaraming espiritung nilalang na nasa ilalim ng pamamahala ni Jehova. (Awit 103:20, 21; 148:2) Sa isang gabi, isa lamang sa mga anghel na ito ang pumatay ng 185,000 sundalong Asiryano na nagbabanta sa Jerusalem. (2 Hari 19:35) Kung kikilalanin natin ang kapangyarihan ng mga hukbo ni Jehova sa langit, hindi tayo basta matatakot sa mga sumasalansang. Ang propetang si Eliseo ay hindi nabahala nang siya’y masukol ng isang buong hukbo na tumutugis sa kaniya sapagkat, di-gaya ng kaniyang lingkod, nakikita niya sa pamamagitan ng mga mata ng pananampalataya ang isang ubod-laking pulutong ng makalangit na puwersa na umaalalay sa kaniya.—2 Hari 6:15-17.
9. Gaya ni Jesus, bakit dapat tayong magtiwala sa proteksiyon ng Diyos?
9 Batid din ni Jesus ang pag-alalay ng mga anghel nang makaharap niya ang isang pulutong na nasasandatahan ng mga tabak at pamalo sa halamanan ng Getsemani. Matapos sabihin kay Pedro na ibalik sa kinalalagyan nito ang kaniyang tabak, sinabi ni Jesus sa kaniya na, kung kakailanganin, makahihiling Siya sa kaniyang Ama ng “mahigit sa labindalawang lehiyon ng mga anghel.” (Mateo 26:47, 52, 53) Kung taglay natin ang gayunding pagpapahalaga sa makalangit na mga hukbo na ginagamit ng Diyos, lubusan din tayong makapagtitiwala sa pag-alalay ng Diyos. Sumulat si apostol Pablo: “Ano, kung gayon, ang sasabihin natin sa mga bagay na ito? Kung ang Diyos ay para sa atin, sino ang magiging laban sa atin?”—Roma 8:31.
10. Alang-alang kanino ginagamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan?
10 Kung gayon, taglay natin ang lahat ng dahilan upang magtiwala sa proteksiyon ni Jehova. Palagi niyang ginagamit ang kaniyang kapangyarihan sa ikabubuti at kasuwato sa iba pa niyang mga katangian—katarungan, karunungan, at pag-ibig. (Job 37:23; Jeremias 10:12) Bagaman madalas na niyuyurakan ng makapangyarihang mga tao ang mga dukha at mabababang-loob dahil sa sakim na mga pakinabang, ‘ibinabangon naman ni Jehova ang maralita mula sa mismong alabok’ at ‘nananagana siya sa kapangyarihang magligtas.’ (Awit 113:5-7; Isaias 63:1) Gaya ng pagkaunawa ni Maria, ang mababang-loob at mahinhing ina ni Jesus, “ang Makapangyarihan” ay walang-pag-iimbot na gumagamit ng kaniyang kapangyarihan alang-alang sa mga natatakot sa kaniya, anupat ibinababa ang palalo at itinataas naman ang mababa.—Lucas 1:46-53.
Isinisiwalat ni Jehova ang Kaniyang Kapangyarihan sa Kaniyang mga Lingkod
11. Anong patotoo ng kapangyarihan ng Diyos ang nasaksihan ng mga Israelita noong taóng 1513 B.C.E.?
11 Sa ilang pagkakataon, ipinamalas ni Jehova sa kaniyang mga lingkod ang kaniyang kapangyarihan. Isa sa mga pagkakataong iyon ay sa Bundok Sinai noong 1513 B.C.E. Noong taóng iyon ay nakita na ng mga Israelita ang kahanga-hangang patotoo ng kapangyarihan ng Diyos. Sampung mapangwasak na salot ang nagsiwalat sa lakas ng kamay ni Jehova at sa kawalan ng kakayahan ng mga diyos ng Ehipto. Di-nagtagal pagkaraan niyaon, ang makahimalang pagtawid sa Dagat na Pula at ang pagkalipol ng hukbo ni Paraon ay nagbigay ng higit pang patotoo hinggil sa lakas ng Diyos. Makalipas ang tatlong buwan, sa paanan ng Bundok Sinai, inanyayahan ni Jehova ang mga Israelita na maging kaniyang “pantanging pag-aari mula sa lahat ng iba pang bayan.” Sa ganang kanila naman, nangako sila: “Ang lahat ng sinalita ni Jehova ay handa naming gawin.” (Exodo 19:5, 8) Pagkatapos, naglaan si Jehova ng isang maliwanag na pagtatanghal ng kaniyang kapangyarihan. Sa gitna ng kulog at kidlat at malakas na tunog ng isang tambuli, ang Bundok Sinai ay umusok at nayanig. Ang mga tao, na nakatayo sa malayo, ay nahintakutan. Subalit sinabi sa kanila ni Moises na ang karanasang ito ay dapat magturo sa kanila ng makadiyos na takot, isang pagkatakot na mag-uudyok sa kanila na sundin ang kanilang makapangyarihan-sa-lahat at tanging tunay na Diyos, si Jehova.—Exodo 19:16-19; 20:18-20.
12, 13. Anong mga kalagayan ang umakay kay Elias upang iwan ang kaniyang atas, subalit paano siya pinalakas ni Jehova?
12 Makalipas ang ilang siglo, noong panahon ni Elias, nasaksihan sa Bundok Sinai ang isa pang pagtatanghal ng kapangyarihan ng Diyos. Nakita na ng propeta ang pagkilos ng kapangyarihan ng Diyos. Sa loob ng tatlo at kalahating taon, “sinarhan [ng Diyos] ang langit” dahil sa apostasya ng bansang Israel. (2 Cronica 7:13) Sa panahon ng ibinungang tagtuyot, pinakain ng mga uwak si Elias sa agusang libis ng Kerit, at nang maglaon ang kaunting suplay ng harina at langis ng babaing balo ay makahimalang napagkasiya upang mapaglaanan siya ng pagkain. Binigyan pa man din ni Jehova si Elias ng kapangyarihan upang buhaying-muli ang anak na lalaki ng babaing balong ito. Sa wakas, sa isang madulang pagsubok sa Pagka-Diyos sa Bundok Carmel, bumaba ang apoy mula sa langit at sinupok ang hain ni Elias. (1 Hari 17:4-24; 18:36-40) Gayunman, di-nagtagal pagkaraan nito, natakot at nasiraan ng loob si Elias nang magbanta si Jezebel na papatayin siya. (1 Hari 19:1-4) Tumakas siya sa bansa, sa pag-aakalang tapos na ang kaniyang gawain bilang isang propeta. Upang mabigyang-katiyakan at mapalakas siya, buong-kabaitang ipinakita mismo ni Jehova sa kaniya ang pagtatanghal ng kapangyarihan ng Diyos.
13 Habang nagtatago si Elias sa isang yungib, nakita niya ang isang kagila-gilalas na pagtatanghal ng tatlo sa mga puwersang kontrolado ni Jehova: malakas na hangin, lindol, at ang huli ay apoy. Gayunman, nang makipag-usap si Jehova kay Elias, ginawa niya ito sa “isang kalmado at mahinang tinig.” Inatasan niya siya ng higit pang gawain at ipinabatid sa kaniya na mayroon pang 7,000 tapat na mananamba ni Jehova sa lupain. (1 Hari 19:9-18) Kung, gaya ni Elias, tayo ay nasisiraan ng loob dahil sa hindi nagbubunga ang ating ministeryo, maaari tayong magsumamo kay Jehova na bigyan tayo ng “lakas na higit sa karaniwan”—isang lakas na magpapatibay sa atin upang magpatuloy sa pangangaral ng mabuting balita nang walang humpay.—2 Corinto 4:7.
Ginagarantiyahan ng Kapangyarihan ni Jehova ang Katuparan ng Kaniyang mga Pangako
14. Ano ang isinisiwalat ng personal na pangalan ni Jehova, at paano nauugnay ang kaniyang kapangyarihan sa kaniyang pangalan?
14 Ang kapangyarihan ni Jehova ay may malapit na kaugnayan din sa kaniyang pangalan at sa pagsasagawa ng kaniyang kalooban. Ang pambihirang pangalang Jehova, na nangangahulugang “Pinapangyayari Niyang Maging,” ay nagsisiwalat na pinapangyayari niya ang kaniyang sarili na maging Tagatupad ng mga pangako. Walang anuman o walang sinuman ang makahahadlang sa Diyos sa pagsasakatuparan ng kaniyang mga layunin, gaano man kaimposible ang turing dito ng mga mapag-alinlangan. Gaya ng sinabi minsan ni Jesus sa kaniyang mga apostol, “sa Diyos ang lahat ng mga bagay ay posible.”—Mateo 19:26.
15. Paano ipinagunita kina Abraham at Sara na walang bagay na napakapambihira para kay Jehova?
15 Bilang paglalarawan, minsan ay pinangakuan ni Jehova sina Abraham at Sara na gagawin niyang isang dakilang bansa ang kanilang mga inapo. Gayunman, nanatili silang walang anak sa loob ng maraming taon. Napakatanda na nila kapuwa nang sabihin sa kanila ni Jehova na matutupad na ang pangako at napatawa si Sara. Bilang tugon, sinabi ng anghel: “May anumang bagay ba na napakapambihira para kay Jehova?” (Genesis 12:1-3; 17:4-8; 18:10-14) Pagkalipas ng apat na siglo, nang sa wakas ay tipunin ni Moises ang mga inapo ni Abraham—na ngayo’y isa nang malaking bansa—sa Kapatagan ng Moab, ipinagunita niya sa kanila na tinupad ng Diyos ang kaniyang pangako. Sinabi ni Moises: “Nananatili kang buháy, sapagkat inibig [ni Jehova] ang iyong mga ninuno kung kaya niya pinili ang kanilang binhi na kasunod nila at inilabas ka mula sa Ehipto sa kaniyang paningin sa pamamagitan ng kaniyang dakilang kapangyarihan, upang itaboy ang mga bansa na mas dakila at mas makapangyarihan kaysa sa iyo mula sa harap mo, upang maipasok ka, upang ibigay sa iyo ang kanilang lupain bilang mana gaya ng sa araw na ito.”—Deuteronomio 4:37, 38.
16. Bakit nasadlak sa pagkakamali ang mga Saduceo sa pagtanggi sa pagkabuhay-muli ng mga patay?
16 Pagkalipas ng mga siglo, tinuligsa ni Jesus ang mga Saduceo, na hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli. Bakit ayaw nilang paniwalaan ang pangako ng Diyos na bubuhayin niyang muli ang mga patay? Sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi ninyo alam ang Kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos.” (Mateo 22:29) Tinitiyak sa atin ng Kasulatan na ‘lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng tinig ng Anak ng tao at lalabas.’ (Juan 5:27-29) Kung alam natin ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa pagkabuhay-muli, makukumbinsi tayo ng ating pagtitiwala sa kapangyarihan ng Diyos na babangon nga ang mga patay. “Lalamunin [ng Diyos] ang kamatayan magpakailanman, . . . sapagkat si Jehova mismo ang nagsalita nito.”—Isaias 25:8.
17. Sa anong panahon sa hinaharap magiging napakahalaga ang pagtitiwala kay Jehova sa isang pantanging paraan?
17 Sa malapit na hinaharap, darating ang panahon na bawat isa sa atin ay kailangang magtiwala sa kapangyarihan ng Diyos na magligtas sa isang pantanging paraan. Maglulunsad si Satanas na Diyablo ng pagsalakay sa bayan ng Diyos, na magmimistulang walang kalaban-laban. (Ezekiel 38:14-16) Saka naman ipakikita ng Diyos ang kaniyang dakilang kapangyarihan alang-alang sa atin, at makikilala ng bawat isa na siya si Jehova. (Ezekiel 38:21-23) Ngayon na ang panahon upang patibayin ang ating pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat upang hindi tayo mag-urung-sulong sa napakahalagang panahong iyon.
18. (a) Anong mga pakinabang ang makukuha natin sa pagbubulay-bulay sa kapangyarihan ni Jehova? (b) Anong tanong ang isasaalang-alang sa susunod na artikulo?
18 Walang-alinlangan, napakaraming dahilan upang bulay-bulayin ang kapangyarihan ni Jehova. Habang dinidili-dili natin ang kaniyang mga gawa, tayo’y mapagpakumbabang nauudyukan na purihin ang ating Dakilang Maylalang at magpasalamat na ginagamit niya ang kaniyang kapangyarihan sa napakatalino at napakamaibiging paraan. Hindi tayo kailanman matatakot kung tayo’y magtitiwala kay Jehova ng mga hukbo. Ang ating pananampalataya sa kaniyang mga pangako ay hindi mag-uurung-sulong. Gayunman, tandaan na tayo’y nilalang ayon sa larawan ng Diyos. Kaya naman, tayo rin ay may kapangyarihan—bagaman limitado lamang. Paano natin matutularan ang ating Maylalang sa paraan ng paggamit natin sa ating kapangyarihan? Isasaalang-alang ito sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
^ par. 1 Marami ang naniniwala na ang gayong mga gatong na nabubuo sa lupa (fossil fuel) gaya ng petrolyo at karbon—ang pangunahing pinagmumulan ng enerhiya para sa mga planta ng kuryente—ay kumukuha ng kanilang enerhiya mula sa araw.
^ par. 4 Bilang paghahambing, ang pinakamalakas na bombang nuklear na sinubok kailanman ay may lakas ng pagsabog na katumbas ng 57 megaton ng TNT.
^ par. 6 Ang torong gubat na tinutukoy sa Bibliya ay malamang na ang aurochs (Latin urus). Dalawang libong taon na ang nakalilipas, ang mga hayop na ito’y natagpuan sa Gaul (ngayo’y Pransiya), at isinulat ni Julius Caesar ang sumusunod na paglalarawan sa mga ito: “Ang mga uri na ito ay maliit-liit lamang nang kaunti sa sukat ng elepante, ngunit ang pag-uugali, kulay, at hitsura ng mga ito ay gaya ng sa mga toro. Napakalalakas nito, at napakabibilis: walang pinaliligtas na tao o hayop ang mga ito minsang mamataan nila ang mga ito.”
Masasagot Mo ba ang mga Tanong na Ito?
• Paano nagpapatotoo ang paglalang sa kapangyarihan ni Jehova?
• Anong mga hukbo ang maaaring gamitin ni Jehova upang alalayan ang kaniyang bayan?
• Ano ang ilang pagkakataon na doo’y itinanghal ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan?
• Anong garantiya ang taglay natin na tutuparin ni Jehova ang kaniyang mga pangako?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 10]
“Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas at masdan. Sino ang lumalang ng mga bagay na ito?”
[Credit Line]
Photo by Malin, © IAC/RGO 1991
[Mga larawan sa pahina 13]
Ang pagbubulay-bulay sa pagtatanghal ng kapangyarihan ni Jehova ay nagpapatibay ng pananampalataya sa kaniyang mga pangako