Talagang Sinasagot ng Diyos ang mga Panalangin
Talagang Sinasagot ng Diyos ang mga Panalangin
Si Cornelio ay isang lalaki na humanap sa lingap ng Diyos sa pamamagitan ng madalas at taos-pusong pananalangin. Bukod dito, ginamit niya sa mabuting paraan ang kaniyang posisyon bilang isang opisyal ng hukbo. Ayon sa Bibliya, “nagbibigay siya ng maraming kaloob ng awa” sa mga taong nangangailangan.—Gawa 10:1, 2.
NOON, ang Kristiyanong kongregasyon ay binubuo ng mananampalatayang mga Judio, proselita, at mga Samaritano. Si Cornelio ay isang di-tuling Gentil at hindi bahagi ng Kristiyanong kongregasyon. Nangangahulugan ba ito na walang saysay ang kaniyang mga panalangin? Hindi. Nakita ng Diyos na Jehova si Cornelio at ang kaniyang taimtim na mga gawa.—Gawa 10:4.
Sa pamamagitan ng patnubay ng anghel, inilapit si Cornelio sa Kristiyanong kongregasyon. (Gawa 10:30-33) Bilang resulta, siya at ang kaniyang sambahayan ay nagkapribilehiyo na maging kauna-unahang di-tuling mga Gentil na tinanggap sa Kristiyanong kongregasyon. Sa pangmalas ng Diyos na Jehova, ang personal na karanasan ni Cornelio ay karapat-dapat na ilakip sa ulat ng Bibliya. Walang alinlangan na gumawa siya ng maraming pagbabago upang lubusang maiayon ang kaniyang buhay sa mga pamantayan ng Diyos. (Isaias 2:2-4; Juan 17:16) Ang karanasan ni Cornelio ay dapat na lubhang makapagpatibay-loob sa mga tao ng lahat ng bansa na humahanap sa lingap ng Diyos sa ngayon. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.
Makabagong-Panahong mga Halimbawa
Isang kabataang babae sa India ang lubhang nangangailangan ng kaaliwan. Nag-asawa siya sa edad na 21, at may dalawa siyang anak. Subalit di-nagtagal pagkasilang ng kaniyang ikalawang anak, namatay ang kaniyang asawa. Sa di-inaasahang pangyayari, sa edad na 24, siya ay naging balo na may anak na babae (2 buwan ang edad) at anak na lalaki (22 buwan ang edad). Talaga ngang nangangailangan siya ng kaaliwan! Saan siya babaling? Isang gabi, sa labis na pagkapighati, nanalangin siya anupat sinabi, “Makalangit na Ama, pakisuyong aliwin mo ako sa pamamagitan ng iyong Salita.”
Kinaumagahan, may dumalaw sa kaniya. Isa ito sa mga Saksi ni Jehova. Nang araw na iyon, naging mahirap ang kaniyang ministeryo sa pagbabahay-bahay dahil kakaunti ang nakipag-usap sa kaniya. Palibhasa’y pagod at nasiraan ng loob, uuwi na sana siya, ngunit sa paano man, parang inuudyukan siyang dumalaw sa isa pang bahay. Doon niya nakilala ang kabataang balo. Pinatuloy siya ng balo at tinanggap nito ang isang publikasyon na nagpapaliwanag sa Bibliya. Lubhang naaliw ang babae sa pagbabasa ng publikasyon at sa pakikipag-usap nito sa Saksi. Nalaman niya ang pangako ng Diyos hinggil sa pagkabuhay-muli ng mga patay at sa Kaharian ng Diyos, na magpapangyaring maging paraiso ang lupa sa malapit na hinaharap. Higit na
mahalaga, nakilala niya at inibig ang iisang tunay na Diyos, si Jehova, na siyang sumagot sa kaniyang panalangin.Si Nora, na naninirahan sa lunsod ng George, Timog Aprika, ay naglaan ng isang buwan upang makibahagi sa buong-panahong gawaing pag-eebanghelyo. Bago siya magpasimula, nanalangin siya nang taimtim kay Jehova upang tulungan siyang makahanap ng isa na tunay na interesado sa pag-aaral ng Bibliya. Kasali sa teritoryo na ipinagagawa sa kaniya ay ang tahanan ng isang tao na naging napakasungit kay Nora noong nakaraan niyang mga pagdalaw. Lakas-loob na dinalaw muli ni Nora ang tahanang iyon. Nagulat siya nang masumpungan niya na may lumipat na palang bagong nangungupahan doon, na nagngangalang Noleen. Bukod dito, si Noleen at ang kaniyang ina ay matagal nang nananalangin sa Diyos upang tulungan silang maunawaan ang Bibliya. “Nang alukan ko sila ng isang pag-aaral sa Bibliya,” paliwanag ni Nora, “sila ay natuwa.” Mabilis ang pagsulong ni Noleen at ng kaniyang ina. Nang maglaon, kapuwa sila nakibahagi kasama ni Nora sa espirituwal na gawaing pagpapagaling.
Isa pang halimbawa na nagpapakita sa kapangyarihan ng panalangin ay yaong tungkol sa mag-asawa na naninirahan sa lunsod ng Johannesburg sa Timog Aprika. Isang Sabado ng gabi noong 1996, umabot na sa sukdulan ng paghihiwalay ang pagsasama nina Dennis at Carol bilang mag-asawa. Bilang huling solusyon, ipinasiya nilang manalangin ukol sa tulong, na paulit-ulit nilang ginawa hanggang sa kalaliman ng gabi. Kinaumagahan, sa ganap na alas 11, dalawang Saksi ni Jehova ang kumatok sa kanilang pinto. Si Dennis ang nagbukas ng pinto at nagsabi na maghintay sila hanggang sa matawag niya ang kaniyang asawa. Pagkatapos ay binabalaan ni Dennis si Carol na kung patutuluyin niya ang mga Saksi, baka maging mahirap na paalisin sila. Ipinaalaala ni Carol kay Dennis na matagal na silang nananalangin ukol sa tulong at sinabi niya na baka ito ang sagot ng Diyos sa kanilang mga panalangin. Kaya ang mga Saksi ay pinatuloy, at isang pag-aaral sa Bibliya ang pinasimulan sa aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Tuwang-tuwa sina Dennis at Carol sa kanilang natutuhan. Noong hapon ding iyon, dumalo sila sa pulong sa unang pagkakataon sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova roon. Sa pamamagitan ng pagkakapit sa kaalaman na kanilang natutuhan mula sa Bibliya, natagpuan nina Dennis at Carol ang mga kalutasan sa kanilang mga problema bilang mag-asawa. Sila ngayon ay maligaya at bautisadong tagapuri ni Jehova at regular na ibinabahagi sa kanilang mga kapuwa ang kanilang salig-Bibliyang mga paniniwala.
Paano Kung sa Pakiramdam Mo’y Hindi Ka Karapat-dapat Manalangin?
Ang ilang taimtim na tao ay maaaring makadama na hindi sila karapat-dapat manalangin dahil sa kanilang masamang landasin sa buhay. Isinalaysay ni Jesu-Kristo ang kuwento tungkol sa gayong tao, isang hinahamak na maniningil ng buwis. Sa pagpasok sa looban ng templo, nadama ng lalaking ito na hindi siya karapat-dapat pumaroon sa kinaugaliang dakong dalanginan. “Nakatayo sa malayo . . . patuloy [niyang] dinadagukan ang kaniyang dibdib, na sinasabi, ‘O Diyos, magmagandang-loob ka sa akin na isang makasalanan.’ ” (Lucas 18:13) Ayon kay Jesus, ang lalaking ito ay pinakinggan nang may pagsang-ayon. Pinatutunayan nito na ang Diyos na Jehova ay tunay na mabait at nagnanais tumulong sa taimtim na mga nagsisising makasalanan.
Isaalang-alang ang isang kabataang lalaki sa Timog Aprika na nagngangalang Paul. Noong siya’y bata pa, dumadalo si Paul sa mga pulong Kristiyano kasama ng kaniyang ina. Subalit noong siya’y nasa haiskul, nagsimula siyang makisama sa mga kabataan na hindi sumusunod sa mga daan ng Diyos. Pagkaraang magtapos sa paaralan, naglingkod
siya sa hukbo ng dating pamahalaan ng Timog Aprika na nagtatangi ng lahi. Pagkatapos, sa di-inaasahan, tinapos ng kaniyang kasintahan ang kanilang kaugnayan. Ang di-kasiya-siyang paraan ng pamumuhay na ito ay labis na nakapagpalumo kay Paul. “Isang gabi,” ang nagunita niya, “nanalangin ako kay Jehova at humiling ng tulong, bagaman hindi ako lumapit nang taimtim sa Diyos sa loob ng maraming taon.”Hindi nagtagal pagkaraan ng panalanging ito, si Paul ay inanyayahan ng kaniyang ina upang dumalo sa taunang Memoryal ng kamatayan ni Kristo. (Lucas 22:19) Ipinagtataka ni Paul kung bakit ginawa ito ng kaniyang ina, yamang siya’y naging suwail at hindi gaanong nagpakita ng interes sa Bibliya. “Minalas ko ang paanyayang ito bilang sagot ni Jehova sa aking panalangin at nadama ko na kailangan akong tumugon.” Mula noon, si Paul ay nagsimula nang dumalo sa lahat ng pulong Kristiyano. Pagkalipas ng apat na buwang pag-aaral sa Bibliya, naging kuwalipikado siya para sa bautismo. Bukod dito, hindi na niya itinuloy ang kaniyang pag-aaral bilang inhinyero at pinili niya ang karera na pakikibahagi sa buong-panahong gawaing pag-eebanghelyo. Sa ngayon, si Paul ay isang maligayang lalaki, na hindi na nanlulumo dahil sa kaniyang dating buhay. Sa nakalipas na 11 taon, naglilingkod na siya sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Timog Aprika.
Tunay na may-kabaitang sinasagot ng Diyos na Jehova ang mga panalangin at “nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga marubdob na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Hindi na magtatagal at sasapit na ang araw ni Jehova at wawakasan nito ang lahat ng kabalakyutan. Samantala, sinasagot ni Jehova ang mga panalangin ng kaniyang bayan ukol sa lakas at patnubay habang buong-sigasig silang nakikibahagi sa napakahalagang gawaing pagpapatotoo. Kaya naman milyun-milyong indibiduwal mula sa lahat ng bansa ang nailalapit sa Kristiyanong kongregasyon at pinagpapala ng kaalaman sa Bibliya na umaakay sa buhay na walang hanggan.—Juan 17:3.
[Larawan sa pahina 5]
Ang taos-pusong panalangin ni Cornelio ay nagbigay-daan upang siya’y dalawin ni apostol Pedro
[Larawan sa pahina 6]
Nakatulong ang panalangin sa marami sa mga panahon ng kapighatian
[Mga larawan sa pahina 7]
Makabubuti na manalangin ukol sa tulong upang maunawaan ang Bibliya
Ang mga mag-asawa ay maaaring manalangin na sila’y tulungan na mapatibay ang kanilang pagsasama