Kung Paano Tayo Inaakay ni Jehova
Kung Paano Tayo Inaakay ni Jehova
“Akayin mo ako sa landas ng katuwiran.”—AWIT 27:11.
1, 2. (a) Paano inaakay ni Jehova ang kaniyang bayan sa ngayon? (b) Ano ang kasangkot sa lubusang pagsasamantala sa mga pulong?
SI Jehova ang Pinagmumulan ng liwanag at katotohanan, gaya ng natutuhan natin sa naunang artikulo. Iniilawan ng kaniyang Salita ang ating daan habang naglalakbay tayo sa daan ng katuwiran. Inaakay tayo ni Jehova sa pamamagitan ng pagtuturo sa atin ng kaniyang mga daan. (Awit 119:105) Gaya ng salmista noon, buong-pasasalamat tayong tumutugon sa mga pag-akay ng Diyos at nananalangin: “Turuan mo ako, O Jehova, sa iyong daan, at akayin mo ako sa landas ng katuwiran.”—Awit 27:11.
2 Ang isang paraan ng pagtuturo ni Jehova sa ngayon ay sa pamamagitan ng mga Kristiyanong pagpupulong. Lubusan ba nating sinasamantala ang maibiging paglalaang ito sa pamamagitan ng (1) palagiang pagdalo, (2) matamang pakikinig sa programa, at (3) handang pakikibahagi sa mga bahaging kasangkot ang mga tagapakinig? Isa pa, pinasasalamatan ba natin kapag nakatatanggap tayo ng mga mungkahi na makatutulong sa atin na manatili “sa landas ng katuwiran”?
Kumusta ang Iyong Pagdalo sa Pulong?
3. Paano nalinang ng isang buong-panahong lingkod ang mainam na kaugalian ng palagiang pagdalo sa pulong?
3 Ang ilan sa mga mamamahayag ng Kaharian ay palagian nang dumadalo sa mga pulong mula pa sa pagkabata. “Habang ako at ang aking mga ate ay lumalaki noong dekada ng 1930,” nagunita ng isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova, “hindi na namin itinatanong sa aming mga magulang kung kami’y dadalo sa pulong. Alam naming dapat kaming dumalo maliban na lamang kung may sakit kami. Sadyang hindi lumiliban ang aming pamilya sa mga pulong.” Gaya ng propetisang si Ana, ang sister na ito’y “hindi kailanman Lucas 2:36, 37.
lumiliban” sa dako ng pagsamba kay Jehova.—4-6. (a) Bakit ba lumiliban sa mga pulong ang ilang mamamahayag ng Kaharian? (b) Bakit kailangang-kailangang dumalo sa mga pulong?
4 Isa ka ba sa mga palagiang dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, o pasulput-sulpot ka na lamang dito? Ang ilang Kristiyano na nag-akalang regular naman silang dumadalo ay nagpasiyang tiyakin ito. Sa loob ng ilang linggo, gumawa sila ng isang talaan ng bawat pagdalo nila sa pulong. Nang repasuhin nila ang rekord sa katapusan ng itinakdang panahon, nagulat sila sa dami ng mga pulong na hindi nila nadaluhan.
5 ‘Hindi nga kataka-taka,’ maaaring sabihin ng ilan. ‘Napakarami kasing inaasikaso ang mga tao sa ngayon kung kaya hindi madali para sa kanila na maging palagian sa mga pulong.’ Totoo nga naman na tayo’y nabubuhay sa maiigting na panahon. Bukod diyan, walang-alinlangang titindi pa ang panggigipit. (2 Timoteo 3:13) Subalit hindi nga ba iyan ang dahilan kung kaya lalo nang kailangang-kailangan tayong dumalo nang palagian sa mga pulong? Kung hindi tayo patuloy na kakain ng nakapagpapalusog na pagkaing espirituwal na susustine sa atin, hindi tayo makaaasa na matatagalan natin ang panggigipit na idinudulot ng sistemang ito. Aba, kung hindi palagiang makikisama, baka matukso tayo na lubusan nang talikuran “ang landas ng mga matuwid”! (Kawikaan 4:18) Totoo, pag-uwi natin sa bahay pagkatapos ng isang magawaing araw, baka hindi na natin kayang dumalo pa sa pulong. Subalit kung dadalo tayo sa kabila ng ating pagkapagod, makikinabang tayo at mapatitibay natin ang ating mga kapuwa Kristiyano sa Kingdom Hall.
6 Ipinahihiwatig ng Hebreo 10:25 ang isa pang mahalagang dahilan kung bakit dapat tayong maging palagian sa pagdalo sa pulong. Ipinapayo roon ni apostol Pablo sa mga kapuwa Kristiyano na magtipun-tipon sila ‘lalung-lalo na samantalang nakikita nila na papalapit na ang araw.’ Oo, huwag nating kalimutan ang katotohanan na ang “araw ni Jehova” ay papalapit na. (2 Pedro 3:12) Kung ipinalalagay natin na ang katapusan ng sistemang ito ay malayo pa, baka maging simula na iyan upang hayaan na nating ipalit ang personal na mga pangarap sa kinakailangang mga gawain sa espirituwal, gaya ng pagdalo sa pulong. Kung magkagayon, gaya ng babala ni Jesus, ‘bigla na lang ang araw na iyon ay kagyat na mapapasaatin.’—Lucas 21:34.
Maging Isang Mabuting Tagapakinig
7. Bakit mahalaga para sa mga bata na magbigay-pansin sa mga pulong?
7 Hindi sapat ang basta dumalo lamang sa mga pulong. Dapat tayong makinig na mabuti, anupat nagbibigay-pansin sa mga sinasabi roon. (Kawikaan 7:24) Kasali rito ang ating mga anak. Kapag ang isang bata ay pumapasok na sa paaralan, siya’y inaasahang magbibigay-pansin sa kaniyang guro, kahit na hindi niya nagugustuhan o waring hindi niya nauunawaan ang isang partikular na asignatura. Batid ng guro na kung sisikapin ng bata na magbigay-pansin, makikinabang siya kahit paano mula sa leksiyon. Kung gayon, hindi ba makatuwiran lamang para sa mga batang pumapasok na sa paaralan na magbigay-pansin sa mga pagtuturong inilalaan sa mga pulong sa kongregasyon sa halip na hayaang matulog na lamang sila kapag nagsisimula na ang pulong? Totoo, kabilang sa mahahalagang katotohanan na masusumpungan sa Kasulatan ay ang “ilang bagay na mahirap unawain.” (2 Pedro 3:16) Ngunit huwag nating maliitin ang kakayahan ng bata na matuto. Hindi gayon ang Diyos. Noong panahon ng Bibliya, inutusan niya ang kaniyang mga batang lingkod na ‘makinig at matuto at matakot kay Jehova at maingat na isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito,’ na ilan sa mga ito ay walang-pagsalang mahirap maunawaan ng mga bata. (Deuteronomio 31:12; ihambing ang Levitico 18:1-30.) Hindi ba’t ganito rin ang inaasahan ni Jehova sa mga bata ngayon?
8. Anong mga hakbang ang ginagawa ng ilang magulang upang matulungan ang kanilang mga anak na makinig sa mga pulong?
8 Batid ng mga Kristiyanong magulang na ang isang bahagi sa espirituwal na mga pangangailangan ng kanilang mga anak ay nasasapatan ng kanilang natututuhan sa mga pulong. Kaya naman, isinasaayos ng ilang magulang na umidlip muna ang kanilang mga anak bago ang mga pulong nang sa gayon ay darating sila sa Kingdom Hall na masigla at handang matuto. Maaaring mahigpit na limitahan o buong-katalinuhan pa ngang pagbawalan ng ilang magulang ang kanilang mga anak na manood ng telebisyon kapag may pulong sa gabi. (Efeso 5:15, 16) At pinauunti ng gayong mga magulang ang mga pang-abala hangga’t maaari, anupat pinasisigla ang kanilang mga anak na makinig at matuto, ayon sa kanilang edad at kakayahan.—Kawikaan 8:32.
9. Ano ang makatutulong sa atin upang mapasulong ang ating kakayahang makinig?
9 Kausap ni Jesus ang mga adulto nang sabihin niya: “Bigyang pansin ninyo kung paano kayo nakikinig.” (Lucas 8:18) Sa mga panahong ito, madalas na mas madaling sabihin iyan kaysa gawin. Totoo, mahirap gawin ang aktibong pakikinig, subalit maaaring mapasulong ang kakayahang makinig. Habang nakikinig ka sa isang pahayag sa Bibliya o sa isang bahagi sa pulong, sikapin mong ibukod ang mga pangunahing ideya. Abangan ang susunod na sasabihin ng tagapagsalita. Hanapin ang mga puntong magagamit mo sa iyong ministeryo o maikakapit sa iyong buhay. Repasuhin sa isipan ang mga punto habang isinasaalang-alang ang mga ito. Kumuha ng maiikling nota.
10, 11. Paano natulungan ng ilang magulang ang kanilang mga anak na maging mas mabubuting tagapakinig, at anong pamamaraan ang nakita mong makatutulong?
10 Ang mahusay na pakikinig ay natututuhan nang husto sa murang edad. Kahit na hindi pa sila nakababasa at nakasusulat, ang ilang batang hindi pa nag-aaral ay hinihimok ng kanilang mga magulang na kumuha ng “mga nota” sa panahon ng pulong. Naglalagay sila ng marka sa isang pilyego ng papel kapag ginagamit ang pamilyar na mga salitang gaya ng “Jehova,” “Jesus,” o “Kaharian.” Sa ganitong paraan, ang mga bata ay natututong magtuon ng pansin sa mga sinasabi mula sa plataporma.
11 Kung minsan, maging ang mga mas nakatatandang bata ay nangangailangan ding pasiglahin upang magbigay-pansin. Nang mapansing nangangarap nang gising ang kaniyang 11-taóng-gulang na anak na lalaki sa panahon ng Kristiyanong kombensiyon, iniabot ng isang ulo ng pamilya ang Bibliya sa bata at sinabihan itong hanapin ang mga tekstong babanggitin ng mga tagapagsalita. Nagbantay ang ama, na kumukuha ng mga nota, habang hawak ng kaniyang anak ang Bibliya. Mula noon, sinubaybayan ng batang lalaki ang programa sa kombensiyon taglay ang higit na kasiglahan.
Hayaang Marinig ang Inyong Tinig
12, 13. Bakit mahalagang makibahagi sa pag-awit ng kongregasyon?
12 Umawit si Haring David: “Lalakad ako sa palibot ng iyong altar, O Jehova, upang maiparinig nang malakas ang pasasalamat.” (Awit 26:6, 7) Ang mga pulong ng mga Saksi ni Jehova ay naglalaan ng napakaiinam na pagkakataon para sa atin na ipahayag nang malakas ang ating pananampalataya. Ang isang paraan upang magawa natin ito ay ang pakikibahagi sa pag-awit ng kongregasyon. Ito’y isang mahalagang aspekto ng ating pagsamba, subalit madali itong makaligtaan.
13 Sinasaulo ng ilang batang hindi pa nakababasa ang mga liriko ng mga awiting pang-Kaharian na gagamitin sa mga pulong bawat linggo. Tuwang-tuwa sila na sila’y nakaaawit kasabay ng mga nasa Efeso 5:19) Ginagawa natin ang lahat upang purihin si Jehova sa ministeryo sa larangan. Hindi ba puwedeng luwalhatiin din natin siya sa pamamagitan ng pagtataas ng ating mga tinig—nasa tono man o wala—sa taos-pusong mga awitin ng papuri?—Hebreo 13:15.
edad na. Gayunman, habang patuloy na lumalaki ang mga bata, baka hindi na sila gaanong nakikisabay sa pag-awit ng mga awiting pang-Kaharian. Ang ilang adulto ay nahihiya ring umawit sa mga pulong. Subalit, ang pag-awit ay bahagi ng ating pagsamba, kung paanong ang ministeryo sa larangan ay bahagi rin ng ating pagsamba. (14. Bakit kailangang maingat na patiunang paghandaan ang materyal na pinag-aaralan natin sa mga pulong ng kongregasyon?
14 Pumupuri rin tayo sa Diyos kapag nagbibigay tayo ng nakapagpapatibay na mga komento sa mga bahagi ng ating mga pulong na dito’y kailangang makibahagi ang mga tagapakinig. Nangangailangan ito ng paghahanda. Panahon ang kailangan upang magmuni-muni sa malalalim na aspekto ng Salita ng Diyos. Batid ito ni apostol Pablo, isang masugid na estudyante ng Kasulatan. Sumulat siya: “O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos!” (Roma 11:33) Kayong mga ulo ng pamilya, napakahalagang tulungan ninyo ang bawat miyembro ng pamilya na saliksikin ang karunungan ng Diyos, ayon sa isiniwalat sa Kasulatan. Sa panahon ng pampamilyang pag-aaral ng Bibliya, maglaan ng panahon upang maipaliwanag ang mahihirap na mga punto at matulungan ang iyong pamilya na maghanda para sa mga pulong.
15. Anong mga mungkahi ang maaaring makatulong sa isa upang makapagkomento sa mga pulong?
15 Kung nais mong mapadalas pa ang pagkokomento sa mga pulong, bakit hindi mo patiunang paghandaan ang isang bagay na gusto mong sabihin? Hindi naman kailangan ang madetalyeng paliwanag. Ang isang angkop na teksto sa Bibliya na binasa nang may pananalig o ang ilang piling salita na binigkas mula sa puso ay pahahalagahan. Ang ilang mamamahayag ay humihiling sa konduktor ng pag-aaral na ireserba sa kanila ang unang komento sa isang partikular na parapo, nang sa gayon ay hindi sila mawalan ng pagkakataon na maipahayag ang kanilang pananampalataya.
Nagiging Marunong ang Walang Karanasan
16, 17. Anong payo ang ibinigay ng isang matanda sa isang ministeryal na lingkod, at bakit ito naging mabisa?
16 Sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova, madalas tayong pinaaalalahanan na basahin ang Salita ng Diyos araw-araw. Nakagiginhawa ang paggawa nito. Tumutulong din ito sa atin na makagawa ng matalinong pagpapasiya, maiwasto ang mga kapintasan sa personalidad, mapaglabanan ang mga tukso, at mabawi ang ating espirituwal na pagkatimbang sakali mang nagkamali tayo ng hakbang.—Awit 19:7.
17 Ang makaranasang matatanda sa kongregasyon ay handang maglaan ng payo mula sa Kasulatan na angkop sa ating mga pangangailangan. Ang kailangan lamang nating gawin ay ‘salukin ito’ sa pamamagitan ng paghiling sa kanilang salig-sa-Bibliyang payo. (Kawikaan 20:5) Isang araw, isang masigasig na kabataang ministeryal na lingkod ang humingi ng mga mungkahi sa isang matanda kung paano siya magiging higit na kapaki-pakinabang sa kongregasyon. Binuksan ng matanda, na nakakakilala nang husto sa binata, ang kaniyang Bibliya sa 1 Timoteo 3:3, na nagsasabing ang mga hinirang na lalaki ay dapat na maging “makatuwiran.” Buong-kabaitan niyang binanggit ang mga paraan na doo’y maipamamalas ng binata ang pagkamakatuwiran sa kaniyang pakikitungo sa iba. Nasaktan ba ang kabataang kapatid na ito sa prangkahang payo na tinanggap niya? Hinding-hindi! “Ginamit ng matanda ang Bibliya,” paliwanag niya, “kaya batid kong ang payo ay mula kay Jehova.” Buong-pasasalamat na ikinapit ng ministeryal na lingkod ang payo at siya’y sumulong na mainam.
18. (a) Ano ang nakatulong sa isang kabataang Kristiyano upang mapaglabanan ang tukso sa paaralan? (b) Anong mga teksto sa Bibliya ang iyong naaalaala kapag napapaharap sa tukso?
18 Matutulungan din ng Salita ng Diyos ang mga kabataan na ‘makatakas sa mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan.’ (2 Timoteo 2:22) Napaglabanan ng isang kabataang Saksi ni Jehova na katatapos lamang ng haiskul ang tukso sa loob ng mga taon ng kaniyang pag-aaral sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay at pagkakapit ng ilang teksto sa Bibliya. Palagi niyang naiisip ang payong nakaulat sa Kawikaan 13:20: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong.” Alinsunod dito, hindi siya basta nakikipagkaibigan kundi doon lamang sa mga taimtim na gumagalang sa mga simulain ng Kasulatan. Nangatuwiran siya: “Katulad lamang ako ng iba. Kapag ako’y napasama sa maling barkada, hahangarin kong mapaluguran ang aking mga kaibigan, at maaaring humantong iyan sa problema.” Nakatulong din sa kaniya ang payo ni Pablo na nakaulat sa 2 Timoteo 1:8. Isinulat niya: “Huwag mong ikahiya ang patotoo tungkol sa ating Panginoon, . . . kundi makibahagi ka sa pagtitiis ng kasamaan para sa mabuting balita.” Kasuwato ng payong iyan, buong-tapang niyang ibinahagi sa kaniyang mga kaklase ang kaniyang salig-sa-Bibliyang mga paniniwala sa bawat angkop na pagkakataon. Kapag naaatasan siyang magbigay ng pasalitang pag-uulat sa klase, pumipili siya ng isang paksang magpapahintulot sa kaniya na magbigay ng isang mataktikang patotoo hinggil sa Kaharian ng Diyos.
19. Bakit hindi napaglabanan ng isang binata ang mga panggigipit ng sanlibutang ito, ngunit ano ang nagbigay sa kaniya ng espirituwal na lakas?
19 Sakali mang mapalihis tayo sa “landas ng mga matuwid,” matutulungan tayo ng Salita ng Diyos na ituwid ang ating mga hakbang. (Kawikaan 4:18) Natutuhan ito mismo ng isang binatang nakatira sa Aprika. Nang dalawin siya ng isang Saksi ni Jehova, tinanggap niya ang isang pag-aaral sa Bibliya. Natuwa siya sa kaniyang natututuhan subalit di-nagtagal ay nasangkot siya sa masasamang kasama sa paaralan. Nang maglaon, unti-unti siyang natangay sa imoral na istilo ng pamumuhay. “Lagi akong nakokonsiyensiya, kung kaya hindi na ako dumalo sa mga pulong,” inamin niya. Pagkaraan, dumalo na naman siya sa mga pulong. Ganito ang pagtatapat ng binata: “Natuklasan ko na ang pangunahing dahilan ng lahat ng ito ay ang pagkagutom ko sa espirituwal. Wala akong personal na pag-aaral. Iyan ang dahilan kung bakit hindi ko mapaglabanan ang tukso. Sa gayon ay pinasimulan kong basahin Ang Bantayan at Gumising! Unti-unti, nabawi ko ang aking espirituwal na lakas at nalinis ko ang aking buhay. Naging magandang patotoo ito sa mga nakapansin ng mga pagbabagong ginawa ko. Nabautismuhan ako, at maligaya ako ngayon.” Ano ang nagbigay sa binatang ito ng lakas upang madaig ang kaniyang kahinaan sa laman? Nabawi niya ang kaniyang espirituwal na lakas sa pamamagitan ng palagiang personal na pag-aaral ng Bibliya.
20. Paano mapaglalabanan ng isang kabataan ang mga pagsalakay ni Satanas?
20 Mga kabataang Kristiyano, kayo ang sinasalakay ngayon! Upang mapaglabanan ninyo ang mga pagsalakay ni Satanas, kailangan na palagi kayong kumakain ng espirituwal na pagkain. Ito’y naunawaan ng salmista na malamang na isa ring binata. Pinasalamatan niya si Jehova sa paglalaan ng kaniyang Salita, upang ‘malinis ng isang kabataang lalaki ang kaniyang landas.’—Awit 119:9.
Saanman Tayo Akayin ng Diyos, Susunod Tayo
21, 22. Bakit hindi natin dapat ipalagay na ang daan ng katotohanan ay napakahirap?
21 Inakay ni Jehova ang bansang Israel palabas sa Ehipto tungo sa Lupang Pangako. Maaaring mukhang mahirap nga sa tingin ng mga tao ang pinili niyang ruta gayong hindi naman kailangan. Sa halip na doon dumaan sa tila mas madali at mas deretsong ruta sa kahabaan ng Dagat Mediteraneo, inakay ni Jehova ang kaniyang bayan sa mahirap na ruta sa disyerto. Gayunman, ito sa katunayan ay isang kabaitan sa bahagi ng Diyos. Bagaman mas malapit, ang ruta sa dagat ay magdadala naman sa mga Israelita sa lupain ng mga kaaway na Filisteo. Sa pagpili ng ibang ruta, nailigtas ni Jehova ang kaniyang bayan sa maagang pakikihamok sa mga Filisteo.
22 Sa katulad na paraan, waring mahirap nga kung minsan ang daan na pinag-aakayan sa atin ngayon ni Jehova. Linggu-linggo, ang ating iskedyul ay punô ng Kristiyanong mga gawain, lakip na ang mga pulong sa kongregasyon, personal na pag-aaral, at paglilingkod sa larangan. Baka waring mas madali ang ibang daan. Subalit makararating lamang tayo sa destinasyong pinaghihirapan nating marating kung susunod tayo sa pag-akay ng Diyos. Kung gayon, patuloy nating tanggapin ang mahalagang pagtuturo ni Jehova at manatili sa “landas ng katuwiran” magpakailanman!—Awit 27:11.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Bakit kailangang-kailangang dumalo tayo sa mga Kristiyanong pagpupulong nang palagian?
• Ano ang magagawa ng mga magulang upang matulungan ang kanilang mga anak na magbigay-pansin sa mga pulong?
• Ano ang sangkot sa pagiging isang mabuting tagapakinig?
• Ano ang makatutulong sa atin upang makapagkomento sa mga pulong?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 16, 17]
Ang pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong ay tumutulong sa atin na palaging isaisip ang araw ni Jehova
[Mga larawan sa pahina 18]
May iba’t ibang paraan upang purihin si Jehova sa mga Kristiyanong pagpupulong