Magbigay-Pansin sa Makahulang Salita ng Diyos
Magbigay-Pansin sa Makahulang Salita ng Diyos
“Taglay namin ang makahulang salita na ginawang higit na tiyak; at mahusay ang inyong ginagawa sa pagbibigay-pansin dito.”—2 PEDRO 1:19.
1, 2. Anong halimbawa ng isang huwad na mesiyas ang iyong maisasalaysay?
SA LOOB ng mga siglo, sinikap na ng mga huwad na mesiyas na hulaan ang mangyayari sa hinaharap. Noong ikalimang siglo C.E., isang lalaki na tinawag ang kaniyang sarili na Moises ang kumumbinsi sa mga Judio sa pulo ng Creta na siya ang mesiyas at ililigtas niya sila mula sa paniniil. Nang sumapit ang takdang araw ng pagpapalaya sa kanila, sumunod sila sa kaniya sa isang mataas na dako na mula roo’y matatanaw ang Dagat Mediteraneo. Sinabi niyang tatalon lamang sila sa dagat, at ito’y mahahati sa harap nila. Ang napakaraming tumalon sa tubig ay nalunod, at ang huwad na mesiyas na iyon ay tumakas mula sa dakong pinangyarihan.
2 Noong ika-12 siglo, lumitaw ang isang “mesiyas” sa Yemen. Ang caliph, o pinuno, ay humiling ng isang tanda ng kaniyang pagiging mesiyas. Iminungkahi ng “mesiyas” na ito na siya’y papugutan ng ulo ng caliph. Inihula niya ang isang dagliang pagkabuhay-muli na siyang magsisilbing tanda. Sumang-ayon ang caliph sa plano—at iyon na ang naging wakas ng “mesiyas” na iyon.
3. Sino ang tunay na Mesiyas, at ano ang pinatunayan ng kaniyang ministeryo?
3 Ang mga huwad na mesiyas at ang kanilang mga hula ay bigung-bigo, subalit ang pagbibigay-pansin sa makahulang salita ng Diyos ay hindi kailanman hahantong sa kabiguan. Ang tunay na Mesiyas, si Jesu-Kristo, ang buháy na katuparan ng maraming hula sa Bibliya. Halimbawa, bilang pagsipi sa hula ni Isaias, sumulat ang manunulat ng Ebanghelyo na si Mateo: “ ‘O lupain ng Zebulon at lupain ng Neptali, sa kahabaan ng daan ng dagat, sa kabilang ibayo ng Jordan, Galilea ng mga bansa! ang bayan na nakaupo sa kadiliman ay nakakita ng isang malaking liwanag, at para roon sa mga nakaupo sa pook ng anino ng kamatayan, ang liwanag ay suminag sa kanila.’ Mula noon ay pinasimulan na ni Jesus ang pangangaral at pagsasabing: ‘Magsisi kayo, sapagkat ang kaharian ng langit ay malapit na.’ ” (Mateo 4:15-17; Isaias 9:1, 2) Si Jesus ang “malaking liwanag” na iyon, at pinatunayan ng kaniyang ministeryo na siya nga ang Propetang inihula ni Moises. Yaong ayaw makinig kay Jesus ay mapupuksa.—Deuteronomio 18:18, 19; Gawa 3:22, 23.
4. Paano tinupad ni Jesus ang Isaias 53:12?
4 Tinupad din ni Jesus ang makahulang pananalita ng Isaias 53:12: “Ibinuhos niya ang kaniyang kaluluwa hanggang sa mismong kamatayan, at ibinilang siyang kasama ng mga mananalansang; at kaniyang dinala ang kasalanan ng maraming tao, at para sa mga mananalansang ay namagitan siya.” Palibhasa’y batid niyang malapit na niyang ibigay ang kaniyang buhay-tao bilang pantubos, pinalakas ni Jesus ang pananampalataya ng kaniyang mga alagad. (Marcos 10:45) Ginawa niya ito sa isang pambihirang paraan sa pamamagitan ng pagbabagong-anyo.
Nagpapatibay ng Pananampalataya ang Pagbabagong-Anyo
5. Sa iyong sariling pananalita, paano mo ilalarawan ang pagbabagong-anyo?
5 Ang pagbabagong-anyo ay isang makahulang pangyayari. Sabi ni Jesus: “Ang Anak ng tao ay itinalagang dumating na nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ng kaniyang mga anghel . . . Katotohanang sinasabi ko sa inyo na may ilan sa mga nakatayo rito na hindi na makatitikim pa ng kamatayan hanggang sa makita muna nila ang Anak ng tao na dumarating sa kaniyang kaharian.” (Mateo 16:27, 28) Nakita ba mismo ng ilang apostol ang pagdating ni Jesus sa kaniyang Kaharian? Sinasabi sa Mateo 17:1-7: “Pagkaraan ng anim na araw ay isinama ni Jesus si Pedro at si Santiago at si Juan na kaniyang kapatid at dinala sila sa isang matayog na bundok nang sila lamang. At siya ay nagbagong-anyo sa harap nila.” Isa nga itong kagila-gilalas na pangyayari! “Ang kaniyang mukha ay sumikat gaya ng araw, at ang kaniyang mga panlabas na kasuutan ay naging maningning na gaya ng liwanag. At, narito! nagpakita sa kanila sina Moises at Elias, na nakikipag-usap sa kaniya.” Gayundin, “isang maliwanag na ulap ang lumilim sa kanila,” at narinig nila ang mismong tinig ng Diyos na nagsasabi: “ ‘Ito ang aking Anak, ang iniibig, na aking sinang-ayunan; makinig kayo sa kaniya.’ Sa pagkarinig nito ay isinubsob ng mga alagad ang kanilang mga mukha at lubhang natakot. Nang magkagayon ay lumapit si Jesus at, paghipo sa kanila, ay nagsabi: ‘Tumayo kayo at huwag matakot.’ ”
6. (a) Bakit tinawag ni Jesus na isang pangitain ang pagbabagong-anyo? (b) Patiunang pagpapaaninag ng ano ang pagbabagong-anyo?
6 Ang kahanga-hangang pangyayaring ito ay malamang na naganap sa isa sa mga tagaytay ng Bundok Hermon, kung saan si Jesus at ang tatlong apostol ay nagpalipas ng gabi. Malamang na ang pagbabagong-anyong ito ay naganap sa gabi, anupat lalo itong naging matingkad. Ang isang dahilan kung bakit tinawag iyon ni Jesus na isang pangitain ay sapagkat ang malaon nang patay na sina Moises at Elias ay hindi naman literal na naroroon. Si Kristo lamang ang aktuwal na naroroon. (Mateo 17:8, 9) Ang nakasisilaw na pagtatanghal na iyon ay nagbigay kina Pedro, Santiago, at Juan ng isang kahanga-hangang patiunang pagpapaaninag ng maluwalhating presensiya ni Jesus taglay ang kapangyarihan sa Kaharian. Sina Moises at Elias ang katumbas ng mga pinahirang kasamang tagapagmana ni Jesus, at buong-kapangyarihang pinagtibay ng pangitain ang kaniyang patotoo hinggil sa Kaharian at sa kaniyang paghahari sa hinaharap.
7. Paano natin nalalaman na malinaw pa ring nagugunita ni Pedro ang pagbabagong-anyo?
7 Ang pagbabagong-anyo ay tumulong upang mapalakas ang pananampalataya ng tatlong apostol na gaganap ng pangunahing papel sa kongregasyong Kristiyano. Ang nagniningning na mukha ni Kristo, ang kaniyang kumikinang na kasuutan, at ang tinig mismo ng Diyos na nagpapahayag na si Jesus ang Kaniyang iniibig na Anak na siyang dapat nilang pakinggan—lahat ng ito’y buong-bisang gumanap ng layunin. Subalit walang dapat pagsabihan ang mga apostol hinggil sa pangitain hanggang sa buhaying-muli si Jesus. Makalipas ang mga 32 taon, malinaw pa rin sa isip ni Pedro ang pangitaing ito. Sa pagtukoy rito at sa kahulugan nito, sumulat siya: “Hindi, hindi sa pagsunod sa mga kuwentong di-totoo na may-katusuhang kinatha na ipinabatid namin sa inyo ang kapangyarihan at pagkanaririto ng ating Panginoong Jesu-Kristo, kundi sa pagiging mga saksing nakakita sa kaniyang karingalan. Sapagkat tumanggap siya ng karangalan at kaluwalhatian mula sa Diyos na Ama, nang ang mga salitang gaya ng mga ito ay ibinigay sa kaniya ng maringal na kaluwalhatian: ‘Ito ang aking anak, ang aking iniibig, na akin 2 Pedro 1:16-18.
mismong sinang-ayunan.’ Oo, ang mga salitang ito ay narinig naming ibinigay mula sa langit habang kami ay kasama niya sa banal na bundok.”—8. (a) Ang pahayag ng Diyos hinggil sa kaniyang Anak ay nagtutuon ng pansin sa ano? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng ulap na lumitaw sa pagbabagong-anyo?
8 Ang pinakamahalaga sa lahat ay ang paghahayag ng Diyos: “Ito ang aking Anak, ang aking iniibig, na akin mismong sinang-ayunan; makinig kayo sa kaniya.” Ang pangungusap na ito’y nagtutuon ng pansin kay Jesus bilang ang Hari na iniluklok ng Diyos, na siyang dapat sundin ng lahat ng nilalang. Ang lumililim na ulap ay nagpahiwatig na ang katuparan ng pangitaing ito ay hindi makikita. Ito’y matatalos lamang ng mga mata ng unawa sa bahagi niyaong mga kumikilala sa “tanda” ng di-nakikitang pagkanaririto ni Jesus na taglay ang kapangyarihan sa Kaharian. (Mateo 24:3) Sa katunayan, ang instruksiyon ni Jesus na huwag sasabihin kaninuman ang tungkol sa pangitain hanggang sa siya’y ibangon mula sa mga patay ay nagpapakitang siya’y itataas at luluwalhatiin matapos na siya’y buhaying-muli.
9. Bakit dapat na magpalakas ng ating pananampalataya ang pagbabagong-anyo?
9 Matapos tukuyin ang pagbabagong-anyo, nagsabi si Pedro: “Dahil dito ay taglay namin ang makahulang salita na ginawang higit na tiyak; at mahusay ang inyong ginagawa sa pagbibigay-pansin dito na gaya ng sa isang lamparang lumiliwanag sa isang dakong madilim, hanggang sa ang araw ay magbukang-liwayway at ang bituing pang-araw ay sumikat, sa inyong mga puso. Sapagkat alamin muna ninyo ito, na walang hula ng Kasulatan ang lumitaw mula sa anumang sariling pagpapakahulugan. Sapagkat ang hula ay hindi kailanman dinala sa pamamagitan ng kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang sila ay inaakay ng banal na espiritu.” (2 Pedro 1:19-21) Idiniriin ng pagbabagong-anyo ang pagkamaaasahan ng makahulang salita ng Diyos. Dapat tayong magbigay-pansin sa salitang iyan at hindi sa “kuwentong di-totoo na may-katusuhang kinatha” na hindi tinatangkilik at sinasang-ayunan ng Diyos. Ang ating pananampalataya sa makahulang salita ay dapat na mapalakas ng pagbabagong-anyo sapagkat ang patiunang pagkakita sa pangitaing iyan hinggil sa kaluwalhatian at kapangyarihan ni Jesus sa Kaharian ay nagkatotoo na. Oo, taglay natin ang di-maikakailang katibayan na si Kristo ay naririto na ngayon bilang isang makapangyarihang Hari sa langit.
Kung Paano Sumikat ang Bituing Pang-araw
10. Sino o ano ang “bituing pang-araw” na binanggit ni Pedro, at bakit iyan ang sagot mo?
10 Sumulat si Pedro: “Mahusay ang inyong ginagawa sa pagbibigay-pansin [sa makahulang salita] na gaya ng sa isang lamparang lumiliwanag sa isang dakong madilim, hanggang sa ang araw ay magbukang-liwayway at ang bituing pang-araw ay sumikat.” Sino o ano ang “bituing pang-araw”? Ang salitang “bituing pang-araw” ay minsan lamang lumilitaw sa Bibliya, at ito’y kahawig ng kahulugan ng “bituing pang-umaga.” Si Jesu-Kristo ay tinawag sa Apocalipsis 22:16 na “ang maningning na bituing pang-umaga.” May mga panahon sa isang taon na ang mga bituing ito ang pinakahuling sumisikat sa naaabot-tanaw sa dakong silangan. Sumisikat ang mga ito kapag malapit nang lumitaw ang araw, at sa gayon ay nagbabadya ang mga ito ng pagbubukang-liwayway ng isang panibagong araw. Ginamit ni Pedro ang salitang “bituing pang-araw” upang tumukoy kay Jesus matapos Niyang tanggapin ang kapangyarihan sa Kaharian. Sa panahong iyon, sumikat si Jesus sa buong sansinukob, kalakip na ang ating lupa! Bilang ang Mesiyanikong Bituing Pang-araw, siya’y nagbabadya ng pagbubukang-liwayway ng isang panibagong araw, o kapanahunan, para sa masunuring sangkatauhan.
11. (a) Bakit hindi ipinangangahulugan ng 2 Pedro 1:19 na “ang bituing pang-araw” ay sumisikat sa literal na mga puso ng tao? (b) Paano mo ipaliliwanag ang 2 Pedro 1:19?
11 Maraming salin ng Bibliya ang nagtataguyod ng ideya na ang mga salita ni apostol Pedro na nakaulat sa 2 Pedro 1:19 ay tumutukoy sa literal na puso ng tao. Ang puso ng isang adulto ay tumitimbang lamang ng 250 hanggang 300 gramo. Paano mangyayari na si Jesu-Kristo—ngayo’y isang maluwalhating imortal na espiritung nilalang sa langit—ay sisikat sa maliliit na sangkap na ito ng tao? (1 Timoteo 6:16) Mangyari pa, sangkot sa bagay na ito ang ating makasagisag na mga puso, sapagkat sa pamamagitan ng mga ito ay nagbibigay-pansin tayo sa makahulang salita ng Diyos. Subalit tingnan mong mabuti ang 2 Pedro 1:19, at makikita mong ang Bagong Sanlibutang Salin ay gumamit ng mga kuwit upang ihiwalay ang dagdag na pariralang “hanggang sa ang araw ay magbukang-liwayway at ang bituing pang-araw ay sumikat” mula sa naunang mga salita sa talata at mula sa ekspresyong “sa inyong mga puso.” Ang talatang ito ay maaaring sabihin sa ganitong paraan: ‘Taglay namin ang makahulang salita na ginawang higit na tiyak; at mahusay ang inyong ginagawa sa pagbibigay-pansin dito na gaya ng sa isang lamparang lumiliwanag sa isang dakong madilim, alalaong baga’y, sa inyong mga puso, hanggang sa ang araw ay magbukang-liwayway at ang bituing pang-araw ay sumikat.’
12. Ano ba ang kalagayan ng mga puso ng tao sa pangkalahatan, ngunit ano naman ang totoo tungkol sa tunay na mga Kristiyano?
12 Ano ba ang kalagayan ng makasagisag na mga puso ng makasalanang sangkatauhan sa pangkalahatan? Aba, ang kanilang mga puso ay nasa espirituwal na kadiliman! Gayunman, kung tayo’y tunay na mga Kristiyano, tayo’y parang may lamparang lumiliwanag sa ating mga puso, na kung wala ito ay magiging madilim ang mga ito. Gaya ng ipinahihiwatig ng mga salita ni Pedro, mananatiling alisto at naliliwanagan ang mga tunay na Kristiyano sa pagbubukang-liwayway ng isang panibagong araw sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa nagbibigay-liwanag na makahulang salita ng Diyos. Mababatid nila ang katotohanan na sumikat na ang Bituing Pang-araw, hindi sa literal na mga puso ng tao, kundi sa buong sangnilalang.
13. (a) Bakit tayo makatitiyak na sumikat na ang Bituing Pang-araw? (b) Bakit mababata ng mga Kristiyano ang mahihirap na kalagayang inihula ni Jesus sa ating panahon?
13 Sumikat na ang Bituing Pang-araw! Matitiyak natin iyan kung magbibigay-pansin tayo sa dakilang hula ni Jesus hinggil sa kaniyang pagkanaririto. Sa ngayon, nararanasan natin ang katuparan nito sa mga pangyayaring gaya ng walang-kaparis na mga digmaan, taggutom, lindol, at ng pandaigdig na pangangaral ng mabuting balita. (Mateo 24:3-14) Bagaman bilang mga Kristiyano ay apektado rin tayo ng mahihirap na kalagayang inihula ni Jesus, nakapagbabata naman tayo taglay ang kapayapaan at kagalakan ng puso. Bakit? Sapagkat nagbibigay-pansin tayo sa makahulang salita ng Diyos at nananalig sa kaniyang mga pangako para sa hinaharap. Alam natin na tayo’y nasa pintuan na mismo ng pinakamainam na panahon sapagkat tayo’y nasa pinakadulong bahagi na ng “panahon ng kawakasan”! (Daniel 12:4) Ang daigdig ay nasa lubhang gipit na kalagayang inihula sa Isaias 60:2: “Narito! tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng makapal na karimlan ang mga liping pambansa.” Paano kaya masusumpungan ng sinuman ang kaniyang daan sa gitna ng kadilimang ito? Ang isang tao ay dapat na buong-pagpapakumbabang magbigay-pansin sa makahulang salita ng Diyos ngayon, bago mahuli ang lahat. Ang tapat-pusong mga tao ay kailangang bumaling sa Diyos na Jehova, ang Bukal ng buhay at liwanag. (Awit 36:9; Gawa 17:28) Tanging sa paggawa lamang nito matatamo ng isa ang tunay na kaliwanagan at ang pag-asang matamasa ang kahanga-hangang kinabukasan na nilayon ng Diyos para sa masunuring sangkatauhan.—Apocalipsis 21:1-5.
“Ang Liwanag ay Dumating sa Sanlibutan”
14. Ano ang dapat nating gawin upang matamasa ang katuparan ng kahanga-hangang mga hula sa Bibliya?
14 Nililinaw ng Kasulatan na si Jesu-Kristo ay namamahala na ngayon bilang Hari. Dahil sa kaniyang paghawak ng kapangyarihan noong 1914, matutupad pa ang kamangha-manghang mga hula. Upang matamasa ang katuparan ng mga ito, dapat nating patunayan na tayo’y maaamo na nagsasagawa ng pananampalataya kay Jesu-Kristo, anupat pinagsisisihan ang makasalanang mga gawa at ang mga nagawang kasalanan dahil sa kawalang-alam. Mangyari pa, yaong mga umiibig sa kadiliman ay hindi tatanggap ng buhay na walang hanggan. Sinabi ni Jesus: “Ito ngayon ang saligan sa paghatol, na ang liwanag ay dumating sa sanlibutan ngunit inibig ng mga tao ang kadiliman sa halip na ang liwanag, sapagkat ang kanilang mga gawa ay balakyot. Sapagkat siya na nagsasagawa ng buktot na mga bagay ay napopoot sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, upang ang kaniyang mga gawa ay hindi masaway. Ngunit siya na gumagawa ng totoo ay lumalapit sa liwanag, upang ang kaniyang mga gawa ay maihayag na ginawang kasuwato ng Diyos.”—Juan 3:19-21.
15. Ano ang mangyayari kapag ipinagwalang-bahala natin ang kaligtasang pinaging posible ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Anak?
15 Dumating sa daigdig ang espirituwal na liwanag sa pamamagitan ni Jesus, at napakahalagang makinig sa kaniya. Sumulat si Pablo: “Ang Diyos, na noong matagal nang panahon ay nagsalita sa maraming pagkakataon at sa maraming paraan sa ating mga ninuno sa pamamagitan ng mga propeta, ay nagsalita sa atin sa wakas ng mga araw na ito sa pamamagitan ng isang Anak, na inatasan niyang tagapagmana ng lahat ng mga bagay.” (Hebreo 1:1, 2) Ano ang mangyayari kung tatanggihan natin ang kaligtasang pinaging posible ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Anak? Nagpatuloy si Pablo sa pagsasabi: “Kung ang salita na sinalita sa pamamagitan ng mga anghel ay napatunayang matatag, at ang bawat paglabag at gawang pagsuway ay tumanggap ng kagantihan na kasuwato ng katarungan; paano tayo tatakas kung pinabayaan natin ang isang kaligtasan na may gayong kadakilaan anupat pinasimulan itong salitain sa pamamagitan ng ating Panginoon at tiniyak para sa atin niyaong mga nakarinig sa kaniya, habang ang Diyos ay nakikisama sa pagpapatotoo sa pamamagitan ng mga tanda at gayundin ng mga palatandaan at iba’t ibang makapangyarihang mga gawa at sa pamamagitan ng mga pamamahagi ng banal na espiritu alinsunod sa kaniyang kalooban?” (Hebreo 2:2-4) Oo, si Jesus ang pinakaimportante sa paghahayag ng makahulang salita.—Apocalipsis 19:10.
16. Bakit natin lubos na mapananaligan ang lahat ng mga hula ng Diyos na Jehova?
16 Gaya ng nabanggit na, sinabi ni Pedro: “Walang hula ng Kasulatan ang lumitaw mula sa anumang sariling pagpapakahulugan.” Hindi maaaring pagmulan ng tunay na hula ang mga tao, ngunit lubos nating mapananaligan ang lahat ng mga hula ng Diyos. Ang mga ito’y nagmula mismo sa Diyos na Jehova. Sa pamamagitan ng banal na espiritu ay napangyari niyang maunawaan ng kaniyang mga lingkod kung paano natutupad ang mga hula sa Bibliya. Sa katunayan, ipinagpapasalamat natin kay Jehova na nakita na natin ang katuparan ng maraming hulang iyon mula pa noong taóng 1914. At ganap tayong nakatitiyak na matutupad ang lahat ng natitira pang mga hula tungkol sa kawakasan ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Napakahalaga nga na manatili tayong nagbibigay-pansin sa mga hula ng Diyos habang pinasisikat natin ang ating liwanag. (Mateo 5:16) Laking pasasalamat natin na pinapangyayari ni Jehova na ‘suminag ang liwanag sa atin sa pusikit na kadiliman’ na lumulukob sa lupa sa ngayon!—Isaias 58:10.
17. Bakit kailangan natin ang espirituwal na liwanag mula sa Diyos?
17 Nakakakita tayo dahil sa pisikal na liwanag. Pinatutubo rin nito ang mga pananim na nagbibigay sa atin ng pagkarami-raming uri ng pagkain. Hindi tayo mabubuhay nang walang pisikal na liwanag. Kumusta naman ang espirituwal na liwanag? Pinapatnubayan tayo nito at ipinakikita sa atin ang hinaharap ayon sa inihula ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. (Awit 119:105) Maibiging ‘isinusugo ng Diyos na Jehova ang kaniyang liwanag at ang kaniyang katotohanan.’ (Awit 43:3) Tiyak na nararapat lamang na magpakita tayo ng matinding pagpapahalaga sa gayong mga paglalaan. Kung gayon, gawin natin ang lahat ng ating magagawa upang matamo ang liwanag ng “maluwalhating kaalaman sa Diyos” upang bigyang-liwanag nito ang ating makasagisag na puso.—2 Corinto 4:6; Efeso 1:18.
18. Ano ang handa nang gawin ngayon ng Bituing Pang-araw ni Jehova?
18 Kay laking pagpapala para sa atin na malaman na noong 1914, si Jesu-Kristo, ang Bituing Pang-araw, ay sumikat sa buong sansinukob at nagsimulang tumupad sa pangitain ng pagbabagong-anyo! Naririto na ngayon ang Bituing Pang-araw ni Jehova, na handang magsagawa ng layunin ng Diyos sa higit pang katuparan ng pagbabagong-anyo—“ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat.” (Apocalipsis 16:14, 16) Matapos lipulin ang matandang sistemang ito, tutuparin ni Jehova ang kaniyang pangako na “mga bagong langit at isang bagong lupa” na doo’y mapupuri natin siya magpakailanman bilang ang Soberanong Panginoon ng sansinukob at ang Diyos ng tunay na hula. (2 Pedro 3:13) Habang wala pa ang dakilang araw na iyon, patuloy tayong lumakad sa liwanag ng Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa makahulang salita ng Diyos.
Paano Mo Sasagutin?
• Paano mo ilalarawan ang pagbabagong-anyo ni Jesus?
• Paano nagpapatibay ng pananampalataya ang pagbabagong-anyo?
• Sino o ano ang Bituing Pang-araw ni Jehova, at kailan ito sumikat?
• Bakit dapat tayong magbigay-pansin sa makahulang salita ng Diyos?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 13]
Maipaliliwanag mo ba ang kahulugan ng pagbabagong-anyo?
[Larawan sa pahina 15]
Sumikat na ang Bituing Pang-araw. Alam mo ba kung paano at kailan?