Ang mga Ebanghelyo—Kasaysayan ba o Alamat?
Ang mga Ebanghelyo—Kasaysayan ba o Alamat?
SA PALIBOT ng daigdig ang kuwento ni Jesus na taga-Nazaret—isang kabataang lalaki na bumago sa takbo ng kasaysayan ng tao—ay naging mahalagang bahagi ng lipunan. Bahagi ito ng pormal at di-pormal na edukasyon ng mga tao. Itinuturing ng marami ang mga Ebanghelyo bilang mga bukal ng di-kumukupas na mga katotohanan at mga kasabihan, tulad ng, ‘Ang inyong salitang Oo ay mangahulugang Oo, ang inyong Hindi, Hindi.’ (Mateo 5:37) Sa katunayan, ang mga ulat ng Ebanghelyo ay maaaring siyang naging saligan ng mga aral na itinuro sa iyo ng iyong mga magulang, sila man ay mga Kristiyano o hindi.
Para sa milyun-milyong taimtim na tagasunod ni Kristo, handa silang magdusa at mamatay alang-alang sa taong inilarawan sa mga Ebanghelyo. Naglaan din ang mga Ebanghelyo ng saligan at inspirasyon para sa tibay ng loob, pagbabata, pananampalataya, at pag-asa. Kung gayon, hindi ka ba sasang-ayon na dapat na may matibay na patotoo para maituring na kathang-isip lamang ang mga ulat na ito? Kung isasaalang-alang ang malaking impluwensiya ng mga ulat ng Ebanghelyo sa kaisipan at paggawi ng tao, hindi ka kaya hihingi ng kapani-paniwalang patotoo kung may sinuman na nagnanais na maglagay ng pag-aalinlangan sa pagiging totoo ng mga ito?
Inaanyayahan ka namin na isaalang-alang ang ilan sa nakapupukaw-kaisipang mga katanungan tungkol sa mga Ebanghelyo. Tingnan mo mismo kung ano ang palagay ng ilang estudyante ng mga Ebanghelyo hinggil sa mga isyung ito, bagaman sinasabi ng ilan sa kanila na hindi sila mga Kristiyano. Pagkatapos ay maaari kang gumawa ng iyong sariling mga konklusyon salig sa mga impormasyong ito.
MGA KATANUNGAN NA ISASAALANG-ALANG
◆ Hindi kaya isang dalubhasang kathang-isip lamang ang mga Ebanghelyo?
Si Robert Funk, ang nagtatag ng Jesus Seminar, ay nagsabi: “ ‘Ipinakilala ang Mesiyas’ nina Mateo, Marcos, Lucas at Juan upang ibagay siya sa doktrina ng Kristiyano na nabuo pagkamatay ni Jesus.” Gayunman, samantalang isinusulat ang mga Ebanghelyo, marami sa nakarinig sa mga pananalita ni Jesus, nakapagmasid sa kaniyang mga gawa, at nakakita sa kaniya pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli ay nabubuhay pa noon. Hindi nila pinaratangan ang mga manunulat ng Ebanghelyo ng anumang uri ng pandaraya.
Isaalang-alang ang kamatayan at pagkabuhay-muli ni Kristo. Hindi lamang ang mga Ebanghelyo ang naglalaman ng mapananaligang mga ulat ng kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus kundi gayundin naman ang unang kanonikal na liham ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa sinaunang Corinto. Sumulat siya: “Ibinigay ko sa inyo, kasama ng mga unang bagay, yaong tinanggap ko rin, na si Kristo ay namatay para sa ating mga kasalanan alinsunod sa Kasulatan; at na siya ay inilibing, oo, na siya ay ibinangon nang ikatlong araw alinsunod sa Kasulatan; at na nagpakita siya kay Cefas, pagkatapos ay sa labindalawa. Pagkaraan niyaon ay nagpakita siya sa mahigit sa limang daang kapatid sa iisang pagkakataon, na ang karamihan sa mga ito ay nananatili hanggang sa kasalukuyan, ngunit ang ilan ay natulog na sa kamatayan. Pagkaraan niyaon ay nagpakita siya kay Santiago, pagkatapos ay sa lahat ng apostol; ngunit huli sa lahat ay nagpakita rin siya sa akin na para bang sa isa na ipinanganak nang kulang sa buwan.” (1 Corinto 15:3-8) Ang gayong mga nakasaksi ay mga tagapag-ingat ng makasaysayang mga katotohanan hinggil sa buhay ni Jesus.
Ang pagkamalikhain na sinasabi ng makabagong mga kritiko ay hindi masusumpungan sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa halip, lumilitaw ito sa mga dokumento noong ikalawang siglo C.E. Kaya ang ilang di-makakasulatang mga salaysay tungkol kay Kristo ay ginawa noong ang apostasya mula sa Gawa 20:28-30.
tunay na Kristiyanismo ay nagsisimula sa gitna ng mga komunidad na hiwalay sa apostolikong kongregasyon.—◆ Hindi kaya mga alamat lamang ang mga Ebanghelyo?
Nasumpungan ng awtor at kritiko na si C. S. Lewis na mahirap malasin ang mga Ebanghelyo bilang mga alamat lamang. “Bilang isang istoryador ng panitikan, ako ay lubusang kumbinsido na anuman ang mga Ebanghelyo, hindi alamat ang mga ito,” ang isinulat niya. “Hindi gayon ang pagkamalikhain ng mga ito para tawaging mga alamat. . . . Karamihan ng tungkol sa buhay ni Jesus ay lingid sa atin, at hindi papayagan ng isang may katha ng alamat na magkagayon.” Kapansin-pansin din na bagaman hindi inangkin ng kilalang mananalaysay na si H. G. Wells na siya ay isang Kristiyano, umamin siya: “Lahat ng apat [na manunulat ng Ebanghelyo] ay magkakasuwato sa paglalarawan sa atin ng isang lubusang tiyak na personalidad; ipinahihiwatig nito na . . . may katotohanan sa mga ito.”
Isaalang-alang ang isang pagkakataon nang ang binuhay-muling si Jesus ay nagpakita sa kaniyang mga alagad. Malamang na nanaisin ng isang mahusay na mangangatha ng alamat na bumalik si Jesus sa isang kagila-gilalas na paraan, magbigay siya ng isang mahalagang pahayag, o kaya’y mabalutan ng liwanag at karingalan. Sa halip, inilarawan lamang siya ng mga manunulat ng Ebanghelyo na nakatayo sa harapan ng kaniyang mga alagad. Pagkatapos ay nagtanong siya: “Mga anak, wala kayong anumang makakain, mayroon ba?” (Juan 21:5) Ganito ang konklusyon ng iskolar na si Gregg Easterbrook: “Ito ang uri ng mga detalye na palatandaan ng isang tunay na salaysay, at hindi kinathang alamat.”
Ang paratang na mga alamat ang mga Ebanghelyo ay hindi rin kasuwato sa bagay na mahigpit ang rabinikong pamamaraan ng pagtuturo na popular noong panahon na isinusulat ang mga Ebanghelyo. Ang pamamaraang iyon ay mahigpit na sumusunod sa pag-aaral sa pamamagitan ng pagmememorya—isang proseso ng pagsasaulo sa pamamagitan ng rutin o pag-uulit. Pinapaburan nito ang tumpak at maingat na pagsasalaysay ng mga pananalita at mga gawa ni Jesus kaysa sa paglikha ng isang pinagandang bersiyon.
◆ Kung ang mga Ebanghelyo ay mga alamat, matitipon kaya ang mga ito ng gayon kabilis pagkamatay ni Jesus?
Ayon sa makukuhang ebidensiya, ang mga Ebanghelyo ay isinulat sa pagitan ng mga taóng 41 at 98 C.E. Si Jesus ay namatay noong taóng 33 C.E. Nangangahulugan ito na ang mga ulat tungkol sa kaniyang buhay ay tinipon sa napakaikling panahon lamang pagkatapos magwakas ang kaniyang ministeryo. Ito’y nagiging napakalaking hadlang sa argumento na ang mga salaysay ng Ebanghelyo ay mga alamat lamang. Kailangan ng panahon para mabuo ang mga alamat. Kuning halimbawa ang Iliad at ang Odyssey ng sinaunang makatang Griego na si Homer. Ipinapalagay ng ilan na ang salaysay ng dalawang epikong alamat na yaon ay nabuo at naging tiyak sa loob ng daan-daang taon. Kumusta naman ang mga Ebanghelyo?
Sa kaniyang aklat na Caesar and Christ, sumulat ang mananalaysay na si Will Durant: “Na ang ilang simpleng tao ay . . . makaimbento ng isang totoong mapuwersa at kaakit-akit na personalidad, ng gayong kataas na tuntuning moral at ng lubhang nakapupukaw-damdaming pangitain tungkol sa pagkakapatiran ng tao, ay isang himala na higit na di-kapani-paniwala kaysa sa anumang naiulat sa mga Ebanghelyo. Pagkatapos ng dalawang siglo ng Mapanuring Kritisismo, maliwanag pa rin ang mga binuod na ulat ng buhay, katauhan, at turo ni Kristo, at ang mga ito ay bumubuo sa pinakakapana-panabik na bahagi sa kasaysayan ng taong taga-Kanluran.”
◆ Ang mga Ebanghelyo ba ay binago nang dakong huli upang bumagay sa mga pangangailangan ng sinaunang komunidad ng mga Kristiyano?
Nangangatuwiran ang ilang kritiko na ang pulitika ng sinaunang komunidad ng mga Kristiyano ang naging dahilan upang baguhin ng mga manunulat ng Ebanghelyo ang kuwento ni Jesus o dagdagan ito. Gayunman, ang isang masusing pag-aaral sa mga Ebanghelyo ay nagpapakita na walang naganap na gayong pakikialam. Kung ang mga ulat ng Ebanghelyo hinggil kay Jesus ay nabago bunga ng unang-siglong Kristiyanong panlilinlang, bakit lumilitaw pa rin sa teksto ang negatibong mga pananalita kapuwa tungkol sa mga Judio at sa mga Gentil?
Ang isang halimbawa ay masusumpungan sa Mateo 6:5-7, kung saan si Jesus ay sinipi na sinasabing: “Kapag kayo ay mananalangin, huwag kayong maging gaya ng mga mapagpaimbabaw; sapagkat gusto nilang manalangin nang nakatayo sa mga sinagoga at sa mga panulukan ng malalapad na daan upang makita ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Taglay na nila nang buo ang kanilang gantimpala.” Maliwanag, ito ay isang pagtuligsa sa mga Judiong lider ng relihiyon. Sinabi pa ni Jesus: “Kapag nananalangin, huwag sabihin ang gayunding mga bagay nang paulit-ulit, gaya ng ginagawa ng mga tao ng mga bansa [ang mga Gentil], sapagkat inaakala nila na sila ay pakikinggan dahil sa kanilang paggamit ng maraming salita.” Sa pagsipi kay Jesus sa ganitong paraan, hindi sinisikap ng mga manunulat ng Ebanghelyo na magkaroon ng mga kumberte. Sila’y nag-uulat lamang ng mga pananalita na aktuwal na binigkas ni Jesu-Kristo.
Isaalang-alang din ang mga ulat ng Ebanghelyo tungkol sa mga babae na dumalaw sa libingan ni Jesus at nakakita na ito’y walang laman. (Marcos 16:1-8) Ayon kay Gregg Easterbrook, “sa sosyolohiya ng sinaunang Gitnang Silangan, ang patotoo ng mga babae ay itinuturing na likas na di-maaasahan: halimbawa, sapat na ang dalawang lalaking saksi upang hatulan ang isang babae ng pangangalunya, samantalang walang patotoo ng sinumang babae ang makapaglalapat ng kahatulan sa isang lalaki.” Sa katunayan, hindi pinaniwalaan ng mismong mga alagad ni Jesus ang mga babae! (Lucas 24:11) Kaya malayong mangyari na ang gayong kuwento ay sinadyang kathain.
Ang kawalan ng mga talinghaga sa mga liham [sa Griegong Kasulatan] at sa aklat ng mga Gawa ay isang matibay na argumento na yaong mga talinghaga sa mga Ebanghelyo ay hindi isiningit ng unang mga Kristiyano kundi sinalita mismo ni Jesus. Isa pa, ang isang maingat na paghahambing ng mga Ebanghelyo sa mga liham [sa Griegong Kasulatan] ay nagsisiwalat na walang pananalita si Pablo ni yaong iba pang mga manunulat ng Griegong Kasulatan ang buong-husay na binago ang pananalita at sinabing ito’y kay Jesus. Kung ganoon nga ang ginawa ng sinaunang komunidad ng mga Kristiyano, makakakita sana tayo ng kahit man lamang ilan sa mga materyal na ito mula sa mga liham [sa Griegong Kasulatan] sa mga ulat ng Ebanghelyo. Yamang wala, may katiyakan nating masasabi na ang materyal ng Ebanghelyo ay orihinal at mapananaligan.
◆ Kumusta naman ang diumano’y pagkakasalungatan sa mga Ebanghelyo?
Matagal nang inaangkin ng mga kritiko na ang mga Ebanghelyo ay puno ng pagkakasalungatan. Sinikap na suriin ng mananalaysay na si Durant ang mga ulat ng Ebanghelyo mula sa walang kinikilingang pangmalas—bilang mga dokumento ng kasaysayan. Bagaman sinasabi niya na tila may mga pagkakasalungatan sa mga ito, ganito ang kaniyang konklusyon: “Ang mga pagkakasalungatan ay hinggil sa maliliit [di-gaanong mahahalagang detalye], hindi ang pinakadiwa; sa mga mahahalagang bahagi ay lubhang kapansin-pansin ang pagkakasuwato ng mga ebanghelyo, at bumubuo ang mga ito ng di-nagbabagong paglalarawan kay Kristo.”
Ang mga tila pagkakasalungatan sa mga ulat ng Ebanghelyo ay kadalasang madaling linawin. Bilang paglalarawan: Sinasabi ng Mateo 8:5 na “isang opisyal ng hukbo ang pumaroon sa kaniya [si Jesus], na namamanhik sa kaniya” na gamutin ang isang alilang lalaki. Sa Lucas 7:3, mababasa natin na ang opisyal ay ‘nagsugo ng mga nakatatandang lalaki ng mga Judio [kay Jesus] upang hilingan siya na pumaroon at iligtas ang alipin.’ Isinugo ng opisyal ang mga matatanda bilang kaniyang mga kinatawan. Sinasabi ni Mateo na ang opisyal mismo ng hukbo ang namanhik kay Jesus sapagkat nakiusap ang lalaki sa pamamagitan ng mga matatanda, na nagsilbing kaniyang tagapagsalita. Ito ay isa lamang sa halimbawa na nagpapakita na maaaring linawin ang diumano’y mga pagkakasalungatan sa mga Ebanghelyo.
Kumusta naman ang mga pag-aangkin ng mapanuring mga kritiko na hindi nakaabot ang mga Ebanghelyo sa pamantayan ng pagiging tunay na kasaysayan? Nagpatuloy si Durant: “Dahil sa kasabikan sa mga natutuklasan nito, ang Mapanuring Kritisismo ay gumamit ng mga pagsubok sa kawastuan ng Bagong Tipan na gayon na lamang ang tindi anupat sa pamamagitan ng paraang ito, ang maraming kilalang mga lalaki nang sinaunang panahon—halimbawa, sina Hammurabi, David, Socrates—ay magiging mga tauhan na lamang sa alamat. Sa kabila ng mga pagtatangi at may-kinikilingang mga teolohiya ng mga manunulat ng Ebanghelyo, iniulat nila ang maraming pangyayari na itinago na lamang sana ng mga mangangatha—ang pagpapaligsahan ng mga apostol para sa matataas na posisyon sa Kaharian, ang kanilang pagtakas matapos maaresto si Jesus, ang pagkakaila ni Pedro . . . Walang sinuman na nagbabasa sa mga ulat na ito ang makapag-aalinlangan sa pagiging totoo ng katauhan na nasa likod ng mga ito.”
◆ Kinakatawan ba ng makabagong-panahong Kristiyanismo si Jesus ng mga Ebanghelyo?
Ipinahayag ng Jesus Seminar na ang pagsasaliksik nito sa mga Ebanghelyo ay “hindi nasasakupan ng mga utos ng mga konseho ng simbahan.” Ngunit natanto ng istoryador na si Wells na may malaking pagkakaiba sa pagitan ng mga turo ni Jesus na inihaharap ng mga Ebanghelyo at inihaharap ng Sangkakristiyanuhan. Sumulat siya: “Walang patotoo na narinig kailanman ng mga apostol ni Jesus ang tungkol sa Trinidad—sa paanuman mula sa kaniya . . . Ni nagsalita man [si Jesus] hinggil sa pagsamba sa kaniyang ina na si Maria, sa anyo ni Isis, ang Reyna ng langit. Ang lahat ng turo ng Sangkakristiyanuhan sa pagsamba at kaugalian ay ipinagwalang-bahala niya.” Kaya hindi mahahatulan ng isa ang halaga ng mga Ebanghelyo salig sa mga turo ng Sangkakristiyanuhan.
ANO ANG IYONG KONKLUSYON?
Pagkatapos isaalang-alang ang nabanggit na mga punto, ano ang palagay mo? Talaga bang may kapani-paniwalang patotoo na ang mga Ebanghelyo ay mga alamat lamang? Nasumpungan ng marami na mabuway at hindi kapani-paniwala ang mga katanungan at mga pag-aalinlangan na ibinangon hinggil sa pagiging totoo ng mga Ebanghelyo. Upang makabuo ka ng iyong sariling opinyon, kailangan mong basahin ang mga Ebanghelyo taglay ang isang bukás na kaisipan. (Gawa 17:11) Kapag isasaalang-alang mo ang pagkakasuwato, katapatan, at ganap na kawastuan sa paraan ng paghaharap ng mga Ebanghelyo sa personalidad ni Jesus, iyong matatanto na ang mga ulat na ito ay tiyak na hindi isang koleksiyon ng mga pabula. *
Kung iyong maingat na susuriin ang Bibliya at ikakapit ang payo nito, makikita mo kung paano nito maaaring baguhin ang iyong buhay tungo sa ikabubuti. (Juan 6:68) Ito ay lalo nang totoo hinggil sa mga pananalita ni Jesus na nakaulat sa mga Ebanghelyo. Higit pa riyan, matututunan mo rito ang tungkol sa kamangha-manghang kinabukasan na naghihintay sa masunuring sangkatauhan.—Juan 3:16; 17:3, 17.
[Talababa]
^ par. 29 Tingnan ang kabanata 5 hanggang 7 ng aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? at ang brosyur na Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao. Kapuwa inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon sa pahina 7]
Patotoo ng Mapananaligang Pag-uulat
ILANG taon na ang lumipas, isang Australianong scriptwriter at dating kritiko ng Bibliya ang umamin: “Sa kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay ay ginawa ko ang karaniwang unang tungkulin ng isang reporter: ang pagsusuri sa aking mga impormasyon. . . . At nagulat ako, sapagkat ang nababasa ko [sa mga ulat ng Ebanghelyo] ay hindi alamat at hindi kathang-isip na ginawang parang totoo. Ito’y pag-uulat. Una at segunda-manong pag-uulat ng bukod-tanging mga pangyayari. . . . Ang pag-uulat ay may pantanging katangian, at ang katangiang iyan ay nasa mga Ebanghelyo.”
Sa katulad na paraan, si E. M. Blaiklock, isang propesor ng Griego at Romanong mga klasika sa Auckland University, ang nangatuwiran: “Inaangkin ko na isa akong istoryador. Ang pamamaraan ko sa pagsusuri sa mga Klasika ay sa pamamagitan ng kasaysayan. At tinitiyak ko sa inyo na mas marami ang patotoo na ang buhay, kamatayan, at pagkabuhay-muli ni Kristo ay tunay na naganap kaysa sa karamihan ng mga pangyayari sa sinaunang kasaysayan.”
[Mapa/Mga larawan sa pahina 8, 9]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
FENICIA
GALILEA
Ilog Jordan
JUDEA
[Mga larawan]
“Mas marami ang patotoo na ang buhay, ay tunay na naganap kaysa sa karamihan ng kamatayan, at pagkabuhay-muli ni Kristo mga pangyayari sa sinaunang kasaysayan.”—PROPESOR E. M. BLAIKLOCK
[Credit Line]
Larawang mapa: Based on a map copyrighted by Pictorial Archive (Near Eastern History) Est. and Survey of Israel.