Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagkilala sa Maibiging Diyos

Pagkilala sa Maibiging Diyos

Pagkilala sa Maibiging Diyos

SA EDAD na 16, isang taga-Brazil na nagngangalang Antônio ang nawalan na ng gana sa buhay. Ang pagkadama ng kawalang-halaga ay nagtulak sa kaniya na mag-abuso sa droga at alkohol. Madalas ay iniisip niyang magpakamatay. Sa mga pagkakataong ito, naalaala niya ang sinabi ng kaniyang ina sa kaniya: “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Subalit nasaan ang maibiging Diyos na ito?

Sa pagsisikap na makawala mula sa kaniyang pag-aabuso sa droga at alkohol, humingi si Antônio ng tulong mula sa lokal na pari ng parokya. Bagaman naging totoong aktibo si Antônio sa Simbahang Katoliko, marami pa rin siyang katanungan. Halimbawa, ang mga pananalita ni Jesus na, “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo” ay nakagugulo sa kaniya. (Juan 8:32) Anong uri ng kalayaan ang ipinangako ni Jesus? Walang mailaan ang simbahan na kasiya-siyang mga kasagutan sa kaniyang mga tanong. Dumating ang panahon na nanlamig si Antônio at bumalik sa kaniyang dating mga gawi. Sa katunayan, lalo pang lumalâ ang kaniyang pagkakalulong.

Nang panahon ding iyon, ang asawa ni Antônio na si Maria ay nagpasimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Bagaman hindi naman sumasalansang sa kaniyang pag-aaral, itinuturing ni Antônio ang mga Saksi bilang “isang relihiyon ng Amerikano na naglilingkod sa kapakanan ng imperyalismo ng Amerika.”

Palibhasa’y hindi nasiraan ng loob, nag-iwan si Maria sa bahay ng mga kopya ng magasing Bantayan at Gumising! na nagtatampok ng mga artikulong iniisip niya na makapupukaw ng interes ni Antônio. Yamang mahilig magbasa si Antônio, manaka-naka’y tinutunghayan niya ang mga magasin kapag wala roon ang kaniyang asawa. Sa kauna-unahang pagkakataon sa kaniyang buhay, nasumpungan niya ang mga sagot sa kaniyang mga katanungan sa Bibliya. “Napansin ko rin ang pag-ibig at kabaitan na ipinakikita sa akin ng aking asawa at ng mga Saksi,” ang kaniyang naaalaala.

Sa kalagitnaan ng 1992, ipinasiya ni Antônio na nais din niyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Gayunman, patuloy pa rin siya sa pag-aabuso sa droga at sa labis na pag-inom. Minsan nang malalim na ang gabi habang pauwi sila ng isa niyang kaibigan galing sa isang bayan ng mga barung-barong, pinatigil sila ng mga pulis. Nang matagpuan ng mga pulis na may kaunting cocaine si Antônio, binugbog nila siya. Inihagis siya ng isang pulis sa putikan at tinutukan siya nito ng shotgun sa mukha. “Tapusin mo na siya!” ang sigaw ng ibang mga pulis.

Habang nakahiga si Antônio sa putikan, naalaala niya ang kaniyang buhay. Ang mabubuting bagay lamang na kaniyang naalaala ay ang kaniyang pamilya at si Jehova. Sandali siyang nanalangin, na nagmamakaawa para sa tulong ni Jehova. Sa hindi maipaliwanag na kadahilanan, bigla siyang iniwan ng mga pulis. Umuwi siya na kumbinsidong ipinagsanggalang siya ni Jehova.

Nagpasimula si Antônio na mag-aral ng Bibliya nang may panibagong sigla. Unti-unti, gumawa siya ng mga pagbabago upang paluguran si Jehova. (Efeso 4:22-24) Sa pamamagitan ng paglilinang ng pagpipigil-sa-sarili, naharap niya ang kaniyang mga suliranin sa droga. Gayunman, kailangan pa rin niya ng medikal na tulong. Sa loob ng dalawang buwan na inilagi niya sa isang rehabilitation clinic, nagkaroon siya ng pagkakataon na basahin ang ilang publikasyon sa Bibliya, kasama ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang Hanggan. Pagkatapos ay ibinahagi ni Antônio sa iba pang mga pasyente ang kaniyang natutuhan mula sa mga aklat na ito.

Pagkalabas ni Antônio sa clinic, ipinagpatuloy niya ang kaniyang pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Sa ngayon, si Antônio, si Maria, ang kanilang dalawang anak na babae, at ang ina ni Antônio ay sama-samang naglilingkod kay Jehova bilang isang maligaya at nagkakaisang pamilya. Sinabi ni Antônio: “Ngayon ay nauunawaan ko na ang tunay na kahulugan ng mga pananalitang, ‘Ang Diyos ay pag-ibig.’ ”

[Larawan sa pahina 8]

Pangangaral sa Rio de Janeiro