Panatilihing Maningning ang Iyong “Pag-asa ng Kaligtasan”!
Panatilihing Maningning ang Iyong “Pag-asa ng Kaligtasan”!
‘Isuot . . . bilang isang helmet ang pag-asa ng kaligtasan.’—1 TESALONICA 5:8.
1. Paano tumutulong ang “pag-asa ng kaligtasan” sa pagbabata?
ANG pagkakaroon ng pag-asang maligtas ay nakatutulong sa isang tao na magtiyaga kahit sa pinakagipit na kalagayan. Ang isang biktima ng nawasak na barko na palutang-lutang sa isang balsa ay makapagbabata pa nang mas matagal kung alam niyang parating na ang tulong. Sa katulad na paraan, sa loob ng libu-libong taon, ang pag-asa sa “pagliligtas ni Jehova” ay nakatulong sa mga lalaki at babaing may pananampalataya sa panahon ng kagipitan, at ang pag-asang ito ay hindi kailanman umakay sa pagkabigo. (Exodo 14:13; Awit 3:8; Roma 5:5; 9:33) Itinulad ni apostol Pablo ang “pag-asa ng kaligtasan” sa “helmet” ng espirituwal na baluti ng isang Kristiyano. (1 Tesalonica 5:8; Efeso 6:17) Oo, ang ating pagtitiwalang ililigtas tayo ng Diyos ay nagsasanggalang sa ating mga kakayahan ng pag-iisip, anupat tumutulong sa atin na mapanatili ang ating katinuan sa kabila ng kagipitan, pagsalansang, at tukso.
2. Sa anong mga paraan nagiging saligan sa tunay na pagsamba “ang pag-asa ng kaligtasan”?
2 “Ang pag-asa may kinalaman sa kinabukasan ay hindi isang katangian ng paganong sanlibutan,” ang sanlibutang nakapalibot sa unang-siglong mga Kristiyano, sabi ng The International Standard Bible Encyclopedia. (Efeso 2:12; 1 Tesalonica 4:13) Subalit, “ang pag-asa ng kaligtasan” ay isang pangunahing saligan ng tunay na pagsamba. Paano? Una, ang kaligtasan ng mga lingkod ni Jehova ay nakaugnay sa kaniyang sariling pangalan. Ang salmistang si Asap ay nanalangin: “Tulungan mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan, alang-alang sa kaluwalhatian ng iyong pangalan; at iligtas mo kami.” (Awit 79:9; Ezekiel 20:9) Bukod diyan, ang pagtitiwala sa ipinangakong mga pagpapala ni Jehova ay mahalaga sa pagkakaroon ng isang mabuting kaugnayan sa kaniya. Ganito ang pagkakasabi ni Pablo hinggil dito: “Kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan siya nang mainam, sapagkat siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga marubdob na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Isa pa, ipinaliwanag ni Pablo na ang kaligtasan ng mga nagsisisi ang isang pangunahing dahilan ng pagparito ni Jesus sa lupa. Ipinahayag niya: “Tapat at karapat-dapat sa lubusang pagtanggap ang pananalita na si Kristo Jesus ay naparito sa sanlibutan upang magligtas ng mga makasalanan.” (1 Timoteo 1:15) At tinukoy ni apostol Pedro ang kaligtasan bilang ‘ang wakas [o, pangwakas na resulta] ng ating pananampalataya.’ (1 Pedro 1:9) Maliwanag, angkop lamang na umasa ukol sa kaligtasan. Subalit ano nga ba talaga ang kaligtasan? At ano ang kailangan upang matamo iyon?
Ano ang Kaligtasan?
3. Anong uri ng kaligtasan ang naranasan ng mga lingkod ni Jehova noong sinaunang panahon?
3 Sa Hebreong Kasulatan, ang “kaligtasan” ay karaniwan nang nangangahulugan ng pagsagip o pagliligtas mula sa paniniil o 2 Samuel 22:2-4) Alam ni David na nakikinig si Jehova kapag ang Kaniyang tapat na mga lingkod ay humihingi ng tulong.—Awit 31:22, 23; 145:19.
sa isang marahas at di-napapanahong kamatayan. Halimbawa, sa pagtawag kay Jehova bilang ‘ang Tagapaglaan ng pagtakas,’ sinabi ni David: “Ang aking Diyos ay ang aking bato. . . . Aking dakong matatakasan, aking Tagapagligtas; mula sa karahasan ay inililigtas mo ako. Sa Isa na dapat purihin, kay Jehova, ay tatawag ako, at mula sa aking mga kaaway ay ililigtas ako.” (4. Anong pag-asa hinggil sa buhay sa hinaharap ang nasa isip ng mga lingkod ni Jehova bago ang panahong Kristiyano?
4 Nasa isip din ng mga lingkod ni Jehova bago ang panahong Kristiyano ang pag-asa hinggil sa isang buhay sa hinaharap. (Job 14:13-15; Isaias 25:8; Daniel 12:13) Sa katunayan, ang marami sa mga pangako ng pagsagip na masusumpungan sa Hebreong Kasulatan ay mga hula hinggil sa isang mas dakilang kaligtasan—isa na umaakay sa buhay na walang hanggan. (Isaias 49:6, 8; Gawa 13:47; 2 Corinto 6:2) Noong panahon ni Jesus, maraming Judio ang umasa ukol sa buhay na walang hanggan, subalit hindi nila tinanggap si Jesus bilang ang susi ng katuparan ng kanilang pag-asa. Sinabi ni Jesus sa mga lider ng relihiyon noong kaniyang kapanahunan: “Sinasaliksik ninyo ang Kasulatan, sapagkat iniisip ninyo na sa pamamagitan ng mga iyon ay magkakaroon kayo ng buhay na walang-hanggan; at ang mga ito mismo ang nagpapatotoo tungkol sa akin.”—Juan 5:39.
5. Ano sa wakas ang kahulugan ng kaligtasan?
5 Sa pamamagitan ni Jesus, isiniwalat ng Diyos ang buong saklaw ng kahulugan ng kaligtasan. Kalakip dito ang paglaya mula sa paghahari ng kasalanan, mula sa gapos ng huwad na relihiyon, mula sa sanlibutang kontrolado ni Satanas, mula sa pagkatakot sa tao, at maging mula sa pagkatakot sa kamatayan. (Juan 17:16; Roma 8:2; Colosas 1:13; Apocalipsis 18:2, 4) Sa wakas, para sa tapat na mga lingkod ng Diyos, ang pagliligtas ng Diyos ay hindi lamang nangangahulugan ng katubusan mula sa paniniil at kabagabagan kundi ng pagkakataon din na magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Juan 6:40; 17:3) Itinuro ni Jesus na para sa “munting kawan,” ang kaligtasan ay nangangahulugan ng pagbuhay-muli sa kanila tungo sa makalangit na buhay upang makibahagi kay Kristo sa pamamahala sa Kaharian. (Lucas 12:32) Para naman sa natitirang bahagi ng sangkatauhan, ang kaligtasan ay nangangahulugan ng pagsasauli sa sakdal na buhay at kaugnayan sa Diyos na tinamasa noon nina Adan at Eva sa halamanan ng Eden bago sila magkasala. (Gawa 3:21; Efeso 1:10) Buhay na walang hanggan sa ilalim ng gayong malaparaisong kalagayan ang orihinal na layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. (Genesis 1:28; Marcos 10:30) Gayunman, paano kaya nagiging posible ang pagsasauli sa gayong mga kalagayan?
Ang Saligan Para sa Kaligtasan—Ang Pantubos
6, 7. Ano ang papel ni Jesus sa ating kaligtasan?
6 Ang walang-hanggang kaligtasan ay nagiging posible lamang sa pamamagitan ng haing pantubos ni Kristo. Bakit? Ipinaliliwanag ng Bibliya na nang magkasala si Adan, “ipinagbili” niya ang kaniyang sarili at ang lahat ng kaniyang magiging inapo, kasali na tayo, sa kasalanan—sa gayon ay mangangailangan ng isang pantubos upang ang sangkatauhan ay magkaroon ng legal na pag-asa. (Roma 5:14, 15; 7:14) Na maglalaan ang Diyos ng isang pantubos para sa buong sangkatauhan ay inilarawan ng paghahain ng hayop sa ilalim ng Batas Mosaiko. (Hebreo 10:1-10; 1 Juan 2:2) Ang hain ni Jesus ang siyang tumupad sa makahulang mga larawang iyon. Ipinatalastas ng anghel ni Jehova bago ipanganak si Jesus: “Ililigtas niya ang kaniyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan.”—Mateo 1:21; Hebreo 2:10.
7 Si Jesus ay makahimalang ipinanganak ng birheng si Maria, at bilang ang Anak ng Diyos, hindi siya nagmana ng kamatayan mula kay Adan. Ang katotohanang ito at ang kaniyang landasin ng sakdal na katapatan ang nagbigay sa kaniyang buhay ng kinakailangang halaga upang mabiling-muli ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan. (Juan 8:36; 1 Corinto 15:22) Di-tulad ng lahat ng iba pang lalaki, si Jesus ay hindi hinatulang mamatay dahil sa kasalanan. Pumarito siya sa lupa sa layuning “ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Sa paggawa nito, ang binuhay-muli at nakaluklok na ngayong si Jesus ay nasa kalagayan na upang iligtas ang lahat ng nakaaabot sa mga kahilingan ng Diyos.—Apocalipsis 12:10.
Ano ang Kailangan Upang Matamo ang Kaligtasan?
8, 9. (a) Paano sinagot ni Jesus ang tanong ng isang mayaman na kabataang pinuno tungkol sa kaligtasan? (b) Paano ginamit ni Jesus ang pagkakataong ito upang turuan ang kaniyang mga alagad?
8 Minsan, tinanong si Jesus ng isang mayaman na kabataang pinunong Israelita: “Ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang-hanggan?” (Marcos 10:17) Ang kaniyang tanong ay maaaring nagpapaaninag ng nananaig na pag-iisip ng mga Judio noong kaniyang panahon—na ang Diyos ay humihiling ng ilang mabubuting gawa at na sa pagganap ng sapat na mabubuting gawang iyon, matatamo ng isa ang kaligtasan mula sa Diyos. Subalit ang ganiyang uri ng pormal na debosyon ay maaaring manggaling sa sakim na mga hangarin. Ang ganiyang mga gawa ay hindi nakapaglaan ng isang tiyak na pag-asa ng kaligtasan, yamang walang sinumang di-sakdal na tao ang talagang makaaabot sa mga pamantayan ng Diyos.
9 Bilang sagot sa tanong ng lalaki, pinaalalahanan lamang siya ni Jesus na dapat siyang sumunod sa mga utos ng Diyos. Mabilis na tiniyak ng kabataang pinuno kay Jesus na natupad na niya ang mga ito mula pa sa kaniyang kabataan. Ang kaniyang tugon ay nagpakilos kay Jesus upang makadama ng pagmamahal sa kaniya. Sinabi sa kaniya ni Jesus: “Isang bagay ang nagkukulang sa iyo: Humayo ka, ipagbili mo ang anumang bagay na taglay mo at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit, at halika maging tagasunod kita.” Subalit, ang kabataang lalaki ay umalis na napipighati, “sapagkat marami siyang tinataglay na mga pag-aari.” Pagkatapos nito ay idiniin ni Jesus sa kaniyang mga alagad na ang labis na pagpapahalaga sa mga ari-ariang ito ng sanlibutan ang siyang humahadlang sa pagtatamo ng kaligtasan. Idinagdag pa niya na walang sinuman ang makapagtatamo ng kaligtasan sa kaniyang sariling pagsisikap. Subalit nagpatuloy si Jesus upang muling tiyakin sa kanila: “Sa mga tao ito ay imposible, ngunit hindi gayon sa Diyos, sapagkat ang lahat ng mga bagay ay posible sa Diyos.” (Marcos 10:18-27; Lucas 18:18-23) Paano nagiging posible ang kaligtasan?
10. Anong mga kondisyon ang dapat nating maabot upang matamo ang kaligtasan?
10 Ang kaligtasan ay isang kaloob mula sa Diyos, subalit hindi ito basta dumarating na lamang. (Roma 6:23) May ilang pangunahing kondisyon na dapat maabot ng bawat indibiduwal upang maging kuwalipikado sa kaloob na iyan. Sinabi ni Jesus: “Inibig ng Diyos ang sanlibutan nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” At idinagdag pa ni apostol Juan: “Siya na nagsasagawa ng pananampalataya sa Anak ay may buhay na walang-hanggan; siya na sumusuway sa Anak ay hindi makakakita ng buhay.” (Juan 3:16, 36) Maliwanag, ang pananampalataya at pagsunod ay kahilingan ng Diyos sa bawat indibiduwal na umaasang magtatamo ng walang-hanggang kaligtasan. Bawat isa’y dapat magpasiyang tanggapin ang pantubos at sundin ang mga yapak ni Jesus.
11. Paano matatamo ng isang di-sakdal na tao ang pagsang-ayon ni Jehova?
11 Yamang tayo’y di-sakdal, hindi likas sa atin na sumunod at imposible para sa atin na maging sakdal sa pagsunod. Iyan ang dahilan kung bakit naglaan si Jehova ng isang pantubos upang maitakip sa ating mga kasalanan. Gayunman, dapat tayong patuluyang magsikap na mamuhay ayon sa mga daan ng Diyos. Gaya ng sinabi ni Jesus sa mayaman na kabataang pinuno, dapat nating tuparin ang mga utos ng Diyos. Ang paggawa nito ay hindi lamang nagdudulot ng pagsang-ayon ng Diyos kundi ng malaking kagalakan din naman, sapagkat ang “kaniyang mga kautusan ay hindi nakapagpapabigat”; ang mga ito’y isang “kaginhawahan.” (1 Juan 5:3; Kawikaan 3:1, 8) Subalit, hindi pa rin madaling makapanghawakan sa pag-asa ng kaligtasan.
“Makipaglaban Nang Puspusan Ukol sa Pananampalataya”
12. Paano nakapagpapalakas sa isang Kristiyano ang pag-asa ng kaligtasan upang mapaglabanan ang imoral na mga tukso?
12 Nais ng alagad na si Judas na sumulat sa sinaunang mga Kristiyano tungkol sa “kaligtasan na pinanghahawakan [nilang] lahat.” Gayunman, dahil sa nananaig na masamang kalagayan sa moral ay napilitan siyang magpayo sa kaniyang mga kapatid na “makipaglaban nang puspusan ukol sa pananampalataya.” Oo, upang maligtas, hindi sapat ang basta manampalataya lamang, manatili sa tunay na Kristiyanong pananampalataya, at sumunod kapag maayos ang takbo ng lahat ng bagay. Ang ating debosyon kay Jehova ay dapat na magkaroon ng sapat na lakas upang tulungan tayong mapaglabanan ang mga tukso at imoral na mga impluwensiya. Subalit, ang pagmamalabis at kalisyaan sa sekso, kawalang-galang sa awtoridad, pagkakabaha-bahagi, at pag-aalinlangan ay nagparumi sa espiritu ng kongregasyon noong unang siglo. Upang matulungan silang mapaglabanan ang gayong mga hilig, hinimok ni Judas ang kapuwa mga Kristiyano na panatilihing maliwanag sa kanilang isipan ang kanilang layunin: “Kayo, mga iniibig, sa pamamagitan ng pagpapatibay ng inyong mga sarili sa inyong kabanal-banalang pananampalataya, at pananalangin taglay ang banal na espiritu, ay panatilihin ang inyong mga sarili sa pag-ibig ng Diyos, habang kayo ay naghihintay sa awa ng ating Panginoong Jesu-Kristo ukol sa buhay na walang-hanggan.” Judas 3, 4, 8, 19-21) Ang pag-asa na matatamo ang kaligtasan ay makapagpapalakas sa kanila sa kanilang pakikipaglaban upang makapanatiling malinis sa moral.
(13. Paano natin maipakikita na hindi tayo sumasala sa layunin ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos?
13 Inaasahan ng Diyos na Jehova ang ulirang paggawi sa moral sa bahagi niyaong mga pagkakalooban niya ng kaligtasan. (1 Corinto 6:9, 10) Gayunman, ang panghahawakan sa moral na mga pamantayan ng Diyos ay hindi naman nangangahulugang magiging mapaghatol na tayo sa iba. Hindi tayo ang magpapasiya sa walang-hanggang kahahantungan ng ating mga kapuwa tao. Sa halip, ang Diyos ang gagawa nito, gaya ng sinabi ni Pablo sa mga Griego sa Atenas: “Nagtakda siya ng isang araw kung kailan nilalayon niyang hatulan ang tinatahanang lupa sa katuwiran sa pamamagitan ng isang lalaki na kaniyang inatasan”—si Jesu-Kristo. (Gawa 17:31; Juan 5:22) Kung tayo’y nabubuhay dahil sa pananampalataya sa pantubos ni Jesus, walang dahilan upang tayo’y matakot sa dumarating na araw ng paghatol. (Hebreo 10:38, 39) Ang mahalagang bagay ay na hindi natin kailanman dapat “tanggapin ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos [ang ating pakikipagkasundo sa kaniya sa pamamagitan ng pantubos] at sumala sa layunin nito” sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa ating sarili na matukso sa maling pag-iisip at paggawi. (2 Corinto 6:1) Karagdagan pa, sa pamamagitan ng pagtulong sa iba na maligtas, ipinakikita natin na hindi tayo sumasala sa layunin ng awa ng Diyos. Paano natin sila matutulungan?
Ibinabahagi ang Pag-asa ng Kaligtasan
14, 15. Sino ang inatasan ni Jesus na maghayag ng mabuting balita ng kaligtasan?
14 Bilang pagsipi sa propetang si Joel, sumulat si Pablo: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” Pagkatapos ay idinagdag niya: “Gayunman, paano sila tatawag sa kaniya na hindi nila napaglagakan ng pananampalataya? Paano naman sila maglalagak ng pananampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? Paano naman nila maririnig kung walang mangangaral?” Ilang talata pagkaraan nito, tinukoy ni Pablo na ang pananampalataya ay hindi basta na lamang dumarating; sa halip, ito’y “kasunod ng bagay na narinig,” alalaong baga’y, “ang salita tungkol kay Kristo.”—Roma 10:13, 14, 17; Joel 2:32.
15 Sino ang magpapaabot ng “salita tungkol kay Kristo” sa mga bansa? Iniatas ni Jesus ang gawaing iyan sa kaniyang mga alagad—yaong mga naturuan na ng “salita[ng]” iyan. (Mateo 24:14; 28:19, 20; Juan 17:20) Kapag tayo’y nakikibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad, ginagawa natin ang isinulat mismo ni apostol Pablo, na sa pagkakataong ito ay si Isaias naman ang sinisipi: “Kahali-halina ang mga paa niyaong mga nagpapahayag ng mabuting balita ng mabubuting bagay!” Bagaman hindi marami ang tumatanggap sa mabuting balita na dala natin, ang ating mga paa ay “kahali-halina” pa rin kay Jehova.—Roma 10:15; Isaias 52:7.
16, 17. Anong dalawahang-layunin ang naisasagawa ng ating gawaing pangangaral?
16 Ang pagtupad sa atas na ito ay gumaganap ng dalawang mahalagang layunin. Una, dapat na ipangaral ang mabuting balita upang madakila ang pangalan ng Diyos at malaman niyaong nagnanais ng kaligtasan kung saan sila babaling. Naunawaan ni Pablo ang aspektong ito ng atas. Sinabi niya: “Sa katunayan, nagbigay si Jehova ng kautusan sa amin sa mga salitang ito, ‘Inatasan kita bilang liwanag ng mga bansa, upang ikaw ay maging kaligtasan hanggang sa dulo ng lupa.’ ” Samakatuwid, bilang mga alagad ni Kristo, bawat isa sa atin ay dapat magkaroon ng bahagi sa pagpapaabot ng mensahe ng kaligtasan sa mga tao.—Gawa 13:47; Isaias 49:6.
17 Ikalawa, ang pangangaral ng mabuting balita ay naglalatag ng pundasyon para sa matuwid na paghatol ng Diyos. Hinggil sa paghatol na iyan, sinabi ni Jesus: “Kapag ang Anak ng tao ay dumating sa kaniyang kaluwalhatian, at ang lahat ng mga anghel na kasama niya, kung magkagayon siya ay uupo sa kaniyang maluwalhating trono. At ang lahat ng mga bansa ay titipunin sa harap niya, at pagbubukud-bukurin niya ang mga tao mula sa isa’t isa, kung Mateo 25:31-46.
paanong pinagbubukud-bukod ng pastol ang mga tupa mula sa mga kambing.” Bagaman ang paghatol at pagbubukud-bukod ay gagawin “kapag ang Anak ng tao ay dumating sa kaniyang kaluwalhatian,” ang gawaing pangangaral ay naglalaan sa mga tao sa ngayon ng pagkakataong makilala ang espirituwal na mga kapatid ni Kristo at sa gayon ay sumuporta sa kanila para na rin sa kanilang walang-hanggang kaligtasan.—Panatilihin ang “Lubos na Katiyakan ng Pag-asa”
18. Paano natin mapananatiling maningning ang ating “pag-asa ng kaligtasan”?
18 Ang ating aktibong pakikibahagi sa gawaing pangangaral ay isa ring paraan upang mapanatili nating maningning ang ating pag-asa. Isinulat ni Pablo: “Hinahangad namin na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng gayunding kasipagan upang magkaroon ng lubos na katiyakan ng pag-asa hanggang sa wakas.” (Hebreo 6:11) Kung gayon, sana’y isuot ng bawat isa sa atin “bilang isang helmet ang pag-asa ng kaligtasan,” sa gayo’y tinatandaan na “itinakda tayo ng Diyos, hindi sa poot, kundi sa pagtatamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” (1 Tesalonica 5:8, 9) Isapuso rin natin ang matinding payo ni Pedro: “Bigkisan ang inyong mga pag-iisip ukol sa gawain, panatilihing lubos ang inyong katinuan; ilagak ang inyong pag-asa sa di-sana-nararapat na kabaitan na dadalhin sa inyo.” (1 Pedro 1:13) Makikita ng lahat ng gagawa nito ang katuparan ng kanilang “pag-asa ng kaligtasan”!
19. Ano ang ating isasaalang-alang sa susunod na artikulo?
19 Samantala, paano natin mamalasin ang natitirang panahon para sa sistemang ito? Paano natin magagamit ang panahong iyan sa pagtatamo ng kaligtasan para sa ating sarili at sa iba? Isasaalang-alang natin ang mga tanong na iyan sa susunod na artikulo.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Bakit dapat nating panatilihing maningning ang ating “pag-asa ng kaligtasan”?
• Ano ang kalakip sa kaligtasan?
• Ano ang dapat nating gawin upang tumanggap ng kaloob na kaligtasan?
• Ano ang naisasagawa ng ating gawaing pangangaral kasuwato ng layunin ng Diyos?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 10]
Ang kaligtasan ay hindi lamang nangangahulugan ng katubusan mula sa pagkapuksa