Makasusumpong Ka ba ng Panloob na Kapayapaan?
Makasusumpong Ka ba ng Panloob na Kapayapaan?
Noong 1854, sumulat ang Amerikanong awtor na si Henry Thoreau: “Napakaraming tao ang walang-imik na namumuhay sa kawalang-pag-asa.”
Lumilitaw, karamihan sa mga tao noong kaniyang panahon ay hindi nagtamasa ng panloob na kapayapaan. Gayunman, iyon ay noon pang nakalipas na 150 taon. Nagbago na kaya ang mga bagay-bagay sa ngayon? O kapit pa rin ang mga salita ni Thoreau? Ikaw, kumusta ka naman? Kontento ka ba at payapa? O ikaw ay di-panatag, di-nakatitiyak sa kinabukasan, ‘nanahimik sa kawalang-pag-asa,’ kung sasabihin sa ibang paraan ang mga salita ni Thoreau?
NAKALULUNGKOT, maraming bagay sa daigdig ang umaagaw ng panloob na kapayapaan sa mga tao. Bumanggit tayo ng ilan. Sa maraming bansa, ang kawalan ng trabaho at mababang sahod ay nagdudulot ng karukhaan at kalakip nito ay kawalang-pag-asa sa kabuhayan. Sa ibang mga lupain, ibinubuhos ng marami ang kalakhang bahagi ng kanilang lakas sa paghahangad na magkamal ng kayamanan at materyal na mga pag-aari. Subalit kadalasan, ang paligsahan sa istilo ng pamumuhay na nasasangkot dito ay nagdudulot ng kabalisahan, hindi ng kapayapaan. Ang sakit, digmaan, krimen, kawalang-katarungan, at pang-aapi ay umaagaw rin ng kapayapaan sa mga tao.
Naghangad Sila ng Panloob na Kapayapaan
Hindi matanggap ng marami ang kalagayan ng daigdig sa ngayon. Si Antônio * ay isang lider ng mga manggagawa sa isang malaking pabrika sa São Paulo, Brazil. Sa pag-asang mapaunlad ang mga kalagayan ng pamumuhay, nakibahagi siya sa mga protesta at mga demonstrasyon, ngunit hindi ito nagdulot sa kaniya ng kapayapaan ng isip.
Umaasa ang ilan na ang pag-aasawa ay magdudulot ng isang antas ng katahimikan sa kanilang buhay, subalit maaari silang mabigo. Si Marcos ay isang matagumpay na negosyante. Sumali siya sa pulitika at naging alkalde ng isang industriyalisadong lunsod. Gayunman, bigung-bigo ang kaniyang buhay pampamilya. Nang bumukod na ang kaniyang mga anak, naghiwalay sila ng kaniyang asawa dahil hindi talaga sila magkasundo.
Si Gerson, isang batang kalye sa Salvador, Brazil, ay mahilig makipagsapalaran. Nagpalabuy-laboy siya sa iba’t ibang lunsod, anupat nakikisakay sa mga drayber ng trak. Di-nagtagal ay nalulong siya sa droga, nagnanakaw sa mga
tao upang may panggastos sa kaniyang bisyo. Ilang ulit na siyang dinakip ng mga pulis. Gayunman, sa kabila ng palaaway at marahas na personalidad, umaasam si Gerson ng panloob na kapayapaan. Masusumpungan pa kaya niya ito?Noong bata pa si Vania, namatay ang kaniyang ina, at si Vania na ang bumalikat sa mga gawain sa tahanan, pati na sa pangangalaga sa kaniyang may-sakit na kapatid na babae. Nagsisimba si Vania ngunit pakiramdam niya’y pinabayaan siya ng Diyos. Wala talaga siyang kapayapaan ng isip.
Nariyan din si Marcelo. Ang tanging gusto ni Marcelo ay ang magpakasasa sa pagsasaya. Gustung-gusto niyang makipagparti kasama ng iba pang kabataan—makipagsayawan, makipag-inuman, at mag-abuso ng droga. Minsan ay napaaway siya at napinsala niya ang isang kabataan. Pagkatapos nito, sising-sisi siya sa kaniyang ginawa at nanalangin sa Diyos upang tulungan siya. Siya man ay naghahangad ng kapayapaan ng isip.
Inilalarawan ng mga karanasang ito ang ilang situwasyon na maaaring sumira sa kapayapaan ng isip. Mayroon bang anumang paraan para makamit ng lider ng mga manggagawa, ng pulitiko, ng batang kalye, ng lupaypay-sa-pagod na anak na babae, at ng isang mahilig sa parti ang panloob na kapayapaan na kanilang hinahangad? Mayroon bang itinuturong anumang bagay sa atin ang kanilang karanasan? Ang sagot sa dalawang tanong ay oo, gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo.
[Talababa]
^ par. 6 Binago ang ilang pangalan.
[Larawan sa pahina 3]
Sabik ka bang magkaroon ng panloob na kapayapaan?