Saan Ka Makasusumpong ng Panloob na Kapayapaan?
Saan Ka Makasusumpong ng Panloob na Kapayapaan?
Maraming pagkakaiba ang ating panahon at yaong panahon ni Thoreau, na binanggit sa naunang artikulo. Ang isang malaking pagkakaiba ay na sa ngayon, napakaraming mapagkukunan ng payo kung paano magkakaroon ng kapayapaan ng isip. Ang mga sikologo at manunulat ng sariling-sikap na mga aklat—maging ang mga kolumnista sa pahayagan—ay nag-aalok ng kanilang mga ideya. Ang kanilang payo ay maaaring makatulong sa sandaling panahon; ngunit para sa pangmatagalang mga solusyon, isang bagay na mas matindi ang kailangan. Iyan ang natuklasan ng mga indibiduwal na binanggit sa naunang artikulo.
SINA Antônio, Marcos, Gerson, Vania, at Marcelo ay may iba’t ibang kinalakhan at may iba’t ibang suliranin. Subalit may di-kukulangin sa tatlong bagay na magkakapareho sa kanila. Una, may panahon na “wala [silang] pag-asa at walang Diyos sa sanlibutan.” (Efeso 2:12) Ikalawa, sabik silang magkaroon ng kapayapaan ng isip. At ikatlo, silang lahat ay nakasumpong ng panloob na kapayapaan na kanilang hinahangad pagkatapos nilang tanggapin ang isang pag-aaral sa Bibliya na kasama ang mga Saksi ni Jehova. Habang sumusulong sila, natanto nila na ang Diyos ay interesado sa kanila. Sa katunayan, gaya ng sinabi ni Pablo sa mga taga-Atenas noong kaniyang panahon, ang Diyos ay “hindi . . . malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:27) Ang pagiging lubos na kumbinsido hinggil dito ay isang pangunahing salik sa pagkakaroon ng panloob na kapayapaan.
Bakit Kakaunti ang Kapayapaan?
Ang Bibliya ay nagbibigay ng dalawang pangunahing dahilan kung bakit walang kapayapaan sa daigdig—ito man ay panloob na kapayapaan o kapayapaan sa pagitan ng mga tao. Ang una ay ipinaliwanag sa Jeremias 10:23: “Ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniya. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” Hindi taglay ng tao ang karunungan ni ang malayong pananaw sa kinabukasan para mapamahalaan ang kaniyang sarili nang walang tulong, at ang tanging tulong na may tunay na halaga ay nagmumula sa Diyos. Ang mga tao na hindi humihingi ng patnubay ng Diyos ay hindi kailanman magtatamo ng namamalaging kapayapaan. Ang ikalawang dahilan ng kawalan ng kapayapaan ay makikita sa mga salita ni apostol Juan: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Kung walang patnubay ng Diyos, ang mga pagsisikap ng tao na matamo ang kapayapaan ay laging bibiguin ng mga gawain ng di-nakikita ngunit tunay na tunay—at napakalakas—na “isa na balakyot,” si Satanas.
Bunga ng dalawang dahilan na ito—na karamihan sa mga tao ay hindi humihingi ng patnubay ng Diyos at na napakaaktibo ni Satanas sa daigdig—ang lahi ng tao sa kabuuan ay nasa miserableng kalagayan. Mainam ang pagkakalarawan dito ni apostol Pablo: “Ang buong paglalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama hanggang ngayon.” (Roma 8:22) Sino ang hindi sasang-ayon sa gayong pangungusap? Sa mayayaman at maging sa mahihirap na bansa, ang mga problema sa pamilya, krimen, kawalang-katarungan, di-magkasundong personalidad, mabuway na kabuhayan, pantribo at pang-etnikong pagkakapootan, paniniil, sakit, at marami pang iba, ay umaagaw sa mga tao ng kapayapaan ng kanilang isip.
Kung Saan Makasusumpong ng Panloob na Kapayapaan
Nang pag-aralan nina Antônio, Marcos, Gerson, Vania, at Marcelo ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, natutuhan nila ang mga bagay na nagpabago sa kanilang buhay. Halimbawa, natutuhan nila na ang situwasyon sa daigdig ay mababago pagdating ng araw. Hindi ito isang malabong pag-asa lamang na ang lahat ng bagay ay pawang magiging mabuti sa dakong huli. Ito ay isang makatotohanan at may matibay-na-saligang pagtitiwala na ang Diyos ay may layunin para sa sangkatauhan at na maging sa ngayon ay maaari tayong makinabang mula sa layuning iyan kung gagawin natin ang kaniyang kalooban. Ikinapit nila sa kanilang buhay kung ano ang kanilang natutuhan mula sa Bibliya, at bumuti ang mga bagay-bagay para sa kanila. Nakasumpong sila ng higit na kaligayahan at kapayapaan kaysa sa inaakala nilang mangyayari.
Hindi na sumasangkot si Antônio sa mga protesta at alitan sa trabaho. Alam niya na ang mga pagbabagong dulot ng gayong paraan ay limitado at panandalian lamang. Ang dating lider na ito ng mga manggagawa ay natuto tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ito ang Kaharian na idinadalangin ng milyun-milyon kapag kanilang binibigkas ang Panalangin ng Panginoon (o, ang Ama Namin) at sinasabi sa Diyos: “Dumating nawa ang iyong kaharian.” (Mateo 6:10a, New International Version) Natutuhan ni Antônio na ang Kaharian ng Diyos ay isang totoong makalangit na pamahalaang magdudulot ng tunay na kapayapaan sa sangkatauhan.
Natutuhang ikapit ni Marcos ang matalinong payo ng Bibliya hinggil sa paksa tungkol sa pag-aasawa. Bilang resulta, ang dating pulitikong ito ay maligaya ngayong namumuhay na kapiling muli ang kaniyang asawa. Siya man ay umaasam sa panahon, na malapit nang dumating, kapag hahalinhan na ng Kaharian ng Diyos ang sakim at mapag-imbot na pandaigdig na sistemang ito ng isang mas mainam na sistema. Siya ay nagtataglay ng lubhang mas malalim na pagkaunawa sa pangungusap na nasa Panalangin ng Panginoon na kababasahan ng ganito: “Maganap nawa ang iyong kalooban sa lupa kung paanong sa langit.” (Mateo 6:10b, NIV) Kapag ang kalooban ng Diyos ay naganap na sa lupa, mararanasan ng mga tao ang isang kalidad ng buhay na hindi pa kailanman nakita.
Kumusta naman si Gerson? Hindi na siya isang palaboy at magnanakaw. Ang buhay ng dating batang kalye na ito ay makabuluhan na sa ngayon dahil ginagamit niya ang kaniyang lakas upang tulungan ang iba na makasumpong ng panloob na kapayapaan. Gaya ng ipinakikita ng mga karanasang ito, ang pag-aaral ng Bibliya at ang pagkakapit sa mga sinasabi nito ay makapagbabago nang malaki sa buhay ng isang tao para sa ikabubuti.
Panloob na Kapayapaan sa Isang Magulong Daigdig
Ang pangunahing makasaysayang persona sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos ay si Jesu-Kristo, at kapag ang mga tao ay nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, marami silang natututuhan tungkol sa kaniya. Nang gabing isilang siya, ang mga anghel ay umawit ng papuri sa Diyos: “Kaluwalhatian sa kaitaasan sa Diyos, at sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob.” (Lucas 2:14) Nang lumaki na si Jesus, abala siya sa pagpapabuti sa buhay ng mga tao. Naunawaan niya ang kanilang damdamin at nagpakita ng pambihirang pagkamadamayin sa mga napipighati at maysakit. At, kasuwato ng mga salita ng mga anghel, nakapagdulot siya ng isang sukat ng panloob na kapayapaan sa mga maaamo. Sa katapusan ng kaniyang ministeryo, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Iniiwan ko sa inyo ang kapayapaan, ibinibigay ko sa inyo ang aking kapayapaan. Hindi ko ito ibinibigay sa inyo sa paraan na ibinibigay ito ng sanlibutan. Huwag hayaang mabagabag ang inyong mga puso ni hayaang umurong man ang mga ito sa takot.”—Juan 14:27.
Si Jesus ay hindi lamang mapagkawanggawa. Inihalintulad niya ang kaniyang sarili sa isang pastol, at ipinaris niya ang kaniyang maaamong tagasunod sa mga tupa nang kaniyang sabihin: “Ako ay dumating upang sila ay magkaroon ng buhay at magkaroon nito nang sagana. Ako ang mabuting pastol; isinusuko ng mabuting pastol ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa mga tupa.” (Juan 10:10, 11) Oo, kabaligtaran ng napakaraming lider sa ngayon na pangunahin nang nababahala at higit na nababahala sa kanilang sarili, ibinigay ni Jesus ang kaniyang buhay para sa kaniyang mga tupa.
Paano tayo makikinabang sa ginawa ni Jesus? Marami ang pamilyar sa mga salitang: “Sapagkat inibig ng Diyos ang sanlibutan nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Kahilingan sa pananampalataya kay Jesus ang, una sa lahat, kaalaman tungkol sa kaniya at sa kaniyang Ama, si Jehova. Ang kaalaman tungkol sa Diyos at kay Jesu-Kristo ay maaaring umakay sa isang malapit na kaugnayan sa Diyos na Jehova na tutulong sa atin upang magkaroon ng kapayapaan ng isip.
Sinabi ni Jesus: “Ang aking mga tupa ay nakikinig sa aking tinig, at kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. At binibigyan ko sila ng buhay na walang-hanggan, at hindi sila mapupuksa kailanman sa anumang paraan, at walang sinumang aagaw sa kanila mula sa aking kamay.” (Juan 10:27, 28) Tunay ngang mapagmahal at nakaaaliw na mga salita! Totoo, sinambit ni Jesus ang mga ito halos dalawang libong taon na ang nakararaan, subalit ang puwersa ng mga ito noon ay kagaya pa rin ng puwersa ng mga ito sa ngayon. Huwag kalilimutan na si Jesu-Kristo ay buháy at aktibo pa rin, anupat namamahala ngayon bilang ang iniluklok na Hari ng makalangit na Kaharian ng Diyos. Kagaya nang siya ay lumakad sa lupa noong maraming taóng nagdaan, siya ay nagmamalasakit pa rin sa maaamo na sabik na magkaroon ng kapayapaan ng isip. Bukod dito, siya pa rin ang Pastol ng kaniyang mga tupa. Kung susundin natin siya, tutulungan niya tayong magtamo ng panloob na kapayapaan, na dito’y kalakip ang isang mapagkakatiwalaang pag-asam na makita sa hinaharap ang lubusang kapayapaan—na mangangahulugan ng pagkapawi ng karahasan, digmaan, at krimen.
Ang tunay na mga kapakinabangan ay nagmumula sa pagkaalam at paniniwala na si Jehova, sa pamamagitan ni Jesus, ay tutulong sa atin. Natatandaan mo ba si Vania, na bagaman isang kabataang babae pa ay naiwan na sa kaniya ang mabigat na mga pananagutan at nag-akala na nakalimutan na siya ng Diyos? Ngayon ay alam na ni Vania na hindi siya pinabayaan ng Diyos. Sinabi niya: “Natutuhan ko na ang Diyos ay isang tunay na persona na may kaibig-ibig na mga katangian. Pinakilos siya ng kaniyang pag-ibig upang isugo ang kaniyang Anak sa lupa upang magbigay sa atin ng buhay. Napakahalaga na malaman ito.”
Pinatutunayan ni Marcelo na totoo ang kaniyang kaugnayan sa Diyos. Ang dating mahilig makipagparti na ito ay nagkomento: “Madalas ay hindi alam ng mga kabataan kung ano ang gagawin, at sa bandang huli ay napipinsala nila ang kanila mismong sarili. Ang ilan ay napapasangkot sa pag-abuso sa droga, gaya ng ginawa ko. Umaasa ako na mas marami pa ang pagpapalain, gaya ko, sa pamamagitan ng pagkatuto ng katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang Anak.”
Sa pamamagitan ng maingat na pag-aaral ng Bibliya, sina Vania at Marcelo ay nagkaroon ng matibay Filipos 4:6, 7.
na pananampalataya sa Diyos at pagtitiwala sa kaniyang pagiging handang tumulong sa kanila na malutas ang kanilang mga problema. Kung gagawin natin kung ano ang ginawa nila—pag-aralan ang Bibliya at ikapit ang sinasabi nito—matutuklasan natin ang isang malaking sukat ng panloob na kapayapaan, gaya ng natuklasan nila. Kung magkagayon, ang pampatibay-loob ni apostol Pablo ay talagang magiging kapit sa ating kalagayan: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pagpapasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”—Paghahanap ng Tunay na Kapayapaan sa Ngayon
Ang mga taong nauuhaw sa katotohanan ay inaakay ni Jesu-Kristo sa daan na umaakay sa buhay na walang-hanggan sa isang paraisong lupa. Habang inaakay niya sila sa dalisay na pagsamba sa Diyos, nararanasan nila ang kapayapaan na katulad ng inilarawan sa Bibliya: “Ang aking bayan ay mananahanan sa mapayapang tinatahanang dako at sa mga tahanang may lubos na kapanatagan at sa tahimik na mga pahingahang-dako.” (Isaias 32:18) At iyon ay isang patikim lamang ng kapayapaang kanilang tatamasahin sa hinaharap. Mababasa natin: “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan. Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:11, 29.
Kung gayon, maaari ba tayong magkaroon ng panloob na kapayapaan sa ngayon? Oo. Bukod dito, makatitiyak tayo na sa malapit na hinaharap, pagpapalain ng Diyos ang masunuring sangkatauhan ng walang-katulad na kapayapaan. Kung gayon, bakit hindi hilingin sa kaniya sa panalangin na ibigay sa iyo ang kaniyang kapayapaan? Kung ikaw ay may mga problema na umaagaw sa iyo ng kapayapaan, manalangin sa paraang gaya ni Haring David: “Ang mga kabagabagan ng aking puso ay dumami; mula sa mga kaigtingan ko O ilabas mo ako. Tingnan mo ang aking kapighatian at ang aking kabagabagan, at pagpaumanhinan mo ang lahat ng aking mga kasalanan.” (Awit 25:17, 18) Makatitiyak ka na pinakikinggan ng Diyos ang gayong mga panalangin. Iniaabot niya ang kaniyang mga kamay at ipinagkakaloob ang kapayapaan sa lahat ng humihingi nito nang may kataimtiman ng puso. Tayo ay maibiging binigyan ng katiyakan: “Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya, sa lahat ng tumatawag sa kaniya sa katapatan. Ang nasa ng mga may takot sa kaniya ay kaniyang isasagawa, at ang kanilang paghingi ng tulong ay kaniyang diringgin, at ililigtas niya sila.”—Awit 145:18, 19.
[Blurb sa pahina 5]
Hindi taglay ng tao ang karunungan ni ang malayong pananaw sa kinabukasan para mapamahalaan ang kaniyang sarili nang walang tulong, at ang tanging tulong na may tunay na halaga ay nagmumula sa Diyos
[Blurb sa pahina 6]
Ang kaalaman tungkol sa Diyos at kay Jesu-Kristo ay maaaring umakay sa isang malapit na kaugnayan sa Diyos na Jehova na tutulong sa atin upang magkaroon ng kapayapaan ng isip
[Larawan sa pahina 7]
Ang pagsunod sa payo ng Bibliya ay nagdudulot ng isang mapayapang buhay pampamilya