Ang Tanging Paraan Upang Mapawi ang Poot
Ang Tanging Paraan Upang Mapawi ang Poot
“Walang poot kung walang takot. . . . Kinapopootan natin kung ano ang ating kinatatakutan kaya’t kung nasaan ang poot, doon nag-aabang ang takot.”—CYRIL CONNOLLY, KRITIKO AT PATNUGOT NG PANITIKAN.
NANINIWALA ang maraming sosyologo na ang poot ay malalim na nakaugat sa tao nang hindi namamalayan. “Ang malaking bahagi nito ay maaari pa ngang iprograma,” ilakip sa mismong kalikasan ng mga tao, sabi ng isang siyentipiko sa pulitika.
Mauunawaan naman na ang mga estudyante ng kalikasan ng tao ay nagkaroon ng gayong mga konklusyon. Ang tanging mga paksa nila sa pag-aaral ay mga lalaki at mga babae na isinilang na “may pagkakamali” at isinilang “sa kasalanan,” ayon sa kinasihang ulat ng Bibliya. (Awit 51:5) Maging ang Maylalang mismo, sa pagtasa sa di-sakdal na mga tao maraming milenyo na ang nakalilipas, ay ‘nakakita na ang kasamaan ng tao ay laganap sa lupa at ang bawat hilig ng mga kaisipan ng kaniyang puso ay masama na lamang sa lahat ng panahon.’—Genesis 6:5.
Ang pagtatangi, diskriminasyon, at ang poot na bunga ng mga ito ay mga resulta ng likas na di-kasakdalan at kaimbutan ng tao. (Deuteronomio 32:5) Nakalulungkot, walang ahensiya o pamahalaan ng tao, anuman ang patakaran nito, ang nakagawa na isabatas ang pagbabago sa puso ng tao hinggil sa gayong mga bagay. Ganito ang sabi ng kabalitaan sa ibang bansa na si Johanna McGeary: “Walang pandaigdig na pulis, gaano man ang kapangyarihan nito, ang makagagawang makialam upang pawiin ang mga pagkakapootan na nagpangyaring maranasan ng Bosnia, Somalia, Liberia, Kashmir, at Caucasus ang labis-labis na pagdanak ng dugo.”
Gayunman, bago tayo magsimulang maghanap ng mga solusyon, kailangang magkaroon tayo ng pangunahing unawa sa kung ano ang nasa likod ng mga kapahayagan ng poot.
Poot na Ginatungan ng Takot
Maraming iba’t ibang uri ng poot. Angkop lamang ang pagkakabuod sa bagay na ito ng manunulat na si Andrew Sullivan: “May poot na natatakot, at poot na nakadarama lamang ng paghamak; may poot na nagpapahayag ng kapangyarihan, at poot na nagmumula sa kawalang kapangyarihan; may paghihiganti, at may poot na nagmumula sa pagkainggit. . . . Nariyan ang poot ng maniniil, at ang poot ng biktima. May poot na nag-iinit sa galit, at poot na naglalaho. At may poot na sumasabog, at poot na hindi kailanman nagniningas.”
Walang alinlangan, ang ilan sa pangunahing mga salik na nagpapasimula ng may-poot na labanan sa ating panahon ay ang panlipunan at pangkabuhayang salik. Ang matinding mga pagtatangi at mga silakbo ng poot ay kadalasang makikita sa mga lugar kung saan ang grupo na nakatira sa mas nakaririwasang kalagayan ay kakaunti. Gayundin, kadalasang umiiral ang poot kung saan ang pamantayan ng pamumuhay ng isang bahagi ng komunidad ay nanganganib dahil sa pagdagsa ng mga dayuhan.
Maaaring madama ng ilan na ang mga baguhang ito ay makikipagkompetensiya sa mga trabaho, anupat magtatrabaho nang mas mababa ang sahod, o magdudulot ng pagbaba sa halaga ng ari-arian. Makatuwiran man o hindi ang gayong mga pagkatakot ay ibang bagay na. Ang takot na mawalan ng kabuhayan at takot na magdusa ang mga pamantayan ng komunidad o ang istilo-ng-buhay ay matitinding salik na nagdudulot ng pagtatangi at poot.
Ano ang dapat na unang hakbang tungo sa pagpawi ng poot? Ang pagbabago ng mga saloobin.
Pagbabago sa mga Saloobin
“Ang tunay na pagbabago ay maaaring magmula lamang sa kapasiyahan ng mga taong nasasangkot,” ang sabi ni McGeary. At paano mababago ang kapasiyahan ng mga tao? Ipinakikita ng karanasan na ang pinakamakapangyarihan, pinakanakagaganyak, at pinakanagtatagal na impluwensiya laban sa pagtubo ng poot ay nagmumula sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Ito’y sapagkat “ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas at mas matalas kaysa anumang dalawang-talim na tabak at tumatagos maging hanggang sa paghahati ng kaluluwa at espiritu, at ng mga kasukasuan at ng kanilang utak sa buto, at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.”—Hebreo 4:12.
Walang alinlangan, ang pag-aalis ng pagtatangi at poot ay hindi awtomatikong nangyayari, ni nagaganap man ito nang magdamagan. Ngunit magagawa ito. Nagawang pakilusin ni Jesu-Kristo, ang dakilang tagapagganyak ng mga puso at tagapagpagana Mateo 5:44.
ng mga budhi, ang mga tao upang magbago. Milyun-milyon ang nagtagumpay na sa pagsunod sa matalinong payo ni Jesu-Kristo: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo.”—Tapat sa kaniyang mga turo, inilakip ni Jesus sa grupo ng kaniyang lubhang pinagtitiwalaang mga kaibigan si Mateo, isang dating maniningil ng buwis, isang itinakwil at kinapootan sa lipunan ng mga Judio. (Mateo 9:9; 11:19) Isa pa, pinasimulan ni Jesus ang isang paraan ng dalisay na pagsamba na sa kalaunan ay naglalakip sa libu-libong dating itinakwil at kinapootang mga Gentil. (Galacia 3:28) Ang mga tao mula sa lahat ng dako ng nakikilalang daigdig noon ay naging mga tagasunod ni Jesu-Kristo. (Gawa 10:34, 35) Ang mga indibiduwal na ito ay nakilala dahil sa kanilang nakahihigit na pag-ibig. (Juan 13:35) Nang batuhin hanggang mamatay ng mga lalaking lipos-ng-poot ang alagad ni Jesus na si Esteban, ang kaniyang mga huling pananalita ay: “Jehova, huwag mong ipataw ang kasalanang ito laban sa kanila.” Nais ni Esteban ang pinakamabuti para sa mga napoot sa kaniya.—Gawa 6:8-14; 7:54-60.
Ang makabagong-panahong tunay na mga Kristiyano ay tumugon din sa katulad na paraan sa payo ni Jesus na gumawa ng mabuti, hindi lamang sa kanilang mga kapatid na Kristiyano, kundi maging doon sa mga napopoot sa kanila. (Galacia 6:10) Sila’y nagpapagal upang alisin ang may masamang hangaring poot sa kanilang buhay. Palibhasa kinikilala ang makapangyarihang mga puwersa na maaaring pagsimulan ng pagkapoot sa kanila mismong sarili, gumagawa sila ng positibong pagkilos at hinahalinhan ang poot ng pag-ibig. Oo, gaya ng sinabi ng isang sinaunang matalinong tao, “poot ang siyang pumupukaw ng mga pagtatalo, ngunit tinatakpan ng pag-ibig maging ang lahat ng pagsalansang.”—Kawikaan 10:12.
Si apostol Juan ay nagsabi: “Ang bawat isa na napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao, at alam ninyo na walang mamamatay-tao na may buhay na walang-hanggan na nananatili sa kaniya.” (1 Juan 3:15) Naniniwala rito ang mga Saksi ni Jehova. Bunga nito, sila ngayon ay pinagsasama-sama—mula sa lahat ng etniko, kultural, relihiyoso, at pulitikal na pinagmulan—sa isang nagkakaisa, walang pagkakapootang komunidad, isang tunay na pangglobong pagkakapatiran.—Tingnan ang kasamang mga kahon.
Ang Poot ay Papawiin!
‘Pero,’ maaari mong sabihin, ‘iyan marahil ang solusyon para sa mga indibiduwal na kasangkot. Ngunit, hindi maaalis nito ang lahat-lahat ng poot sa lupa.’ Totoo, kahit na wala kang poot sa iyong puso, maaari ka pa ring maging biktima nito. Kaya kailangan nating umasa sa Diyos para sa tunay na mga solusyon sa pangglobong suliranin na ito.
Layunin ng Diyos na lahat ng bakas ng poot ay Mateo 6:9, 10.
hindi na magtatagal at aalisin na mula sa lupa. Ito’y magaganap sa ilalim ng pamamahala ng makalangit na pamahalaan na itinuro ni Jesus na ipanalangin natin: “Ama namin na nasa mga langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Kapag lubusan nang nasagot ang panalanging iyan, ang mga kalagayan na lumilikha ng poot ay hindi na iiral. Ang mga situwasyon na nagsasamantala rito ay maaalis na. Ang propaganda, kawalang-alam, at pagtatangi ay mapapalitan na ng kaliwanagan, katotohanan, at katuwiran. Tunay, pagkatapos ay ‘mapapahid na [ng Diyos] ang bawat luha, hindi na magkakaroon ng kamatayan, at maging ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.’—Apocalipsis 21:1-4.
Mas mabuti pang balita ngayon! May matibay na ebidensiya na nabubuhay na tayo sa “mga huling araw.” Kaya, makapagtitiwala tayo na hindi na magtatagal at makikita na nating maglalaho sa lupa ang hindi makadiyos na poot. (2 Timoteo 3:1-5; Mateo 24:3-14) Sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos, isang tunay na espiritu ng pagkakapatiran ang iiral sapagkat ang sangkatauhan ay maisasauli na sa kasakdalan.—Lucas 23:43; 2 Pedro 3:13.
Ngunit hindi mo na kailangang hintayin pa ito upang tamasahin ang isang tunay na pagkakapatiran. Sa katunayan, gaya ng inilalarawan sa kalakip na mga ulat, ang Kristiyanong pag-ibig ay nakasumpong na ng dako sa milyun-milyong puso na maaaring napuspos sana ng poot. Ikaw man ay inaanyayahan na maging bahagi ng maibiging pagkakapatirang iyan!
[Kahon sa pahina 5]
“Ano Kaya ang Gagawin ni Jesus?”
Noong Hunyo 1998, tatlong puting lalaki sa kabukiran ng Texas sa Estados Unidos ang sumalakay kay James Byrd, Jr., isang itim na lalaki. Siya’y dinala nila sa isang liblib at tiwangwang na lugar, at binugbog siya, at kinadena ang kaniyang mga binti. Pagkatapos ay itinali siya sa isang trak na pickup at kinaladkad siya nang limang kilometro sa daan hanggang tumama ang kaniyang katawan sa isang kongkretong imburnal. Ito’y binansagang ang pinakakakila-kilabot na krimeng udyok ng poot ng dekada (ng 1990).
Tatlong kapatid na babae ni James Byrd ay mga Saksi ni Jehova. Ano ang nadarama nila sa mga gumawa ng nakapangingilabot na krimeng ito? Sa isang pahayag ng kanilang pamilya, sinabi nila: “Ang pahirapan at patayin nang walang kalaban-laban ang isang minamahal ay nagdulot ng hindi mailarawang damdamin ng kawalan at kirot. Paano tutugon ang isa sa gayong makahayop na gawa? Ang paghihiganti, pananalitang may poot, o pagtataguyod ng propaganda na lipos ng poot ay hindi kailanman pumasok sa aming isipan. Naisip namin: ‘Ano kaya ang gagawin ni Jesus? Paano kaya siya tutugon?’ Napakalinaw ng sagot. Ang kaniyang mensahe ay tiyak na tungkol sa kapayapaan at pag-asa.”
Kabilang sa maka-Kasulatang mga reperensiya na nakatulong sa kanilang hadlangan ang pagtubo ng poot sa kanilang mga puso ay ang Roma 12:17-19. Sumulat si apostol Pablo: “Huwag gumanti ng masama para sa masama sa kaninuman. . . . Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga iniibig, kundi bigyan ninyo ng dako ang poot; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’ ”
Nagpatuloy sila: “Naalaala namin ang makatotohanang mga pananalita na ginawa sa aming mga publikasyon na ang ilang kawalang katarungan o mga krimen ay labis na kakila-kilabot anupat mas mahirap na sabihing, ‘Pinatatawad kita’ at basta kalimutan na ito. Ang pagpapatawad sa gayong mga kalagayan ay maaaring basta pagwawaksi sa sama ng loob upang ang isa ay makapagpatuloy sa kaniyang buhay at upang hindi magkasakit sa pisikal o mental dahil sa pagkikimkim ng sama ng loob.” Tunay ngang mapuwersang patotoo sa kapangyarihan ng Bibliya na hadlangan na mag-ugat nang malalim ang poot!
[Kahon sa pahina 6]
Pagkapoot na Naging Pagkakaibigan
Sa nakalipas na mga taon, libu-libong mandarayuhan ang dumagsa sa Gresya sa paghahanap ng trabaho. Gayunman, ang lumulubhang mga kalagayan sa kabuhayan ay nakabawas sa mga pagkakataon para makapagtrabaho, at nagpatindi ito sa pag-aagawan sa trabaho. Bunga nito, may malaking pagkakapootan sa gitna ng iba’t ibang mga grupong etniko. Ang isang tipikal na halimbawa nito ay ang tunggalian sa pagitan ng mga mandarayuhan na mula sa Albania at yaong mga mula sa Bulgaria. Sa maraming lugar sa Gresya, nagaganap ang matinding kompetensiya sa pagitan ng mga tao ng dalawang grupong ito.
Sa bayan ng Kiato, sa hilagang-silangan ng Peloponnisos, isang pamilyang taga-Bulgaria at isang lalaking taga-Albania ang nagsimulang mag-aral ng Bibliya kasama ng mga Saksi ni Jehova at nagkakila-kilala sila. Ang pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya ay pumawi sa pagkakapootan na namamagitan sa marami mula sa dalawang etnikong grupong ito. Nakatulong din ito sa tunay na pangkapatirang pagkakaibigan sa pagitan ng mga indibiduwal na ito. Tinulungan pa nga ni Ivan, isang taga-Bulgaria, si Loulis, na taga-Albania, upang makahanap ng matutuluyan sa tabi ng bahay ni Ivan. Madalas na pagsaluhan ng dalawang pamilya ang kanilang pagkain at ang kanilang kaunting materyal na mga ari-arian. Ang dalawang lalaking ito ay kapuwa bautisadong mga Saksi ni Jehova na ngayon at lubos na nakikipagtulungan sa pangangaral ng mabuting balita. Hindi na kailangang sabihin pa, ang Kristiyanong pagkakaibigang ito ay napapansin ng mga kapitbahay.
[Larawan sa pahina 7]
Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng bakas ng poot ay aalisin mula sa lupa