Ikaw ba ay Isang Kristiyanong “Lubos-ang-Laki”?
Ikaw ba ay Isang Kristiyanong “Lubos-ang-Laki”?
“NANG ako ay sanggol pa, nagsasalita ako noon na gaya ng sanggol, nag-iisip na gaya ng sanggol, nangangatuwirang gaya ng sanggol.” Iyan ang sulat ni apostol Pablo. Ang totoo, tayong lahat ay minsang naging mahihinang sanggol. Gayunman, hindi tayo nanatiling gayon magpakailanman. Binanggit ni Pablo: “Ngayon na naging may gulang na tao na ako, inalis ko na ang mga ugali ng isang sanggol.”—1 Corinto 13:11.
Sa katulad na paraan, lahat ng mga Kristiyano ay nagsimula bilang mga espirituwal na sanggol. Subalit sa kalaunan, lahat ay maaaring “makaabot sa pagiging-isa sa pananampalataya at sa tumpak na kaalaman sa Anak ng Diyos, tungo sa isang tao na lubos-ang-laki, tungo sa sukat ng antas na nauukol sa kalubusan ng Kristo.” (Efeso 4:13) Sa 1 Corinto 14:20, masidhi tayong pinapayuhan: “Mga kapatid, huwag kayong maging maliliit na bata sa mga kakayahan ng pang-unawa . . . Maging lubos-ang-laki sa mga kakayahan ng pang-unawa.”
Ang pagkakaroon ng may-gulang, lubos-ang-laki na mga Kristiyano ay isang pagpapala sa bayan ng Diyos ngayon, partikular na dahil sa napakarami ang mga baguhan. Nagdaragdag ng katatagan sa kongregasyon ang mga Kristiyanong lubos-ang-laki. Mayroon silang positibong impluwensiya sa nangingibabaw na hilig, o nananaig na saloobin, ng anumang kongregasyon na dinadaluhan nila.
Bagaman ang pisikal na paglaki ay waring kusang dumarating, panahon at pagsisikap ang tanging magpapangyari sa espirituwal na paglaki. Hindi kataka-taka, noong panahon ni Pablo, nabigo ang ilang mga Kristiyano na ‘sumulong tungo sa pagkamaygulang,’ sa kabila ng paglilingkod nila sa Diyos nang maraming taon. (Hebreo 5:12; 6:1) Kumusta ka naman? Ikaw man ay nakapaglingkod na sa Diyos nang maraming taon o sa loob ng maikling panahon pa lamang, makabubuti na suriin ang iyong sarili nang may katapatan. (2 Corinto 13:5) Kabilang ka ba sa mga tunay na matatawag na Kristiyanong may-gulang, o lubos-ang-laki? Kung hindi, paano ka magiging gayon?
“Lubos-ang-Laki sa mga Kakayahan ng Pang-unawa”
Ang isang espirituwal na sanggol ay madaling “sinisiklut-siklot ng mga alon at dinadalang paroo’t parito ng bawat hangin ng turo sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng katusuhan sa lalang na pagkakamali.” Kaya naman humimok si Pablo: “Sa pamamagitan ng pag-ibig ay lumaki tayo sa lahat ng mga bagay patungo sa kaniya na siyang ulo, si Kristo.” (Efeso 4:14, 15) Paano ito gagawin ng isa? Sinasabi ng Hebreo 5:14: “Ang matigas na pagkain ay nauukol sa mga taong may-gulang, doon sa mga sa pamamagitan ng paggamit ay nasanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.”
Pansinin na sinanay ng mga taong may-gulang ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa dahil sa paggamit, o karanasan sa pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya. Kung gayon, maliwanag na ang isa’y hindi nagiging maygulang sa loob lamang ng magdamag; kailangan ang panahon para lumaki sa espirituwal. Magkagayunman, malaki ang iyong magagawa para mapabilis ang iyong espirituwal na paglaki sa pamamagitan ng personal na pag-aaral—lalung-lalo na tungkol sa mas malalalim na bagay ng Salita ng Diyos. Kamakailan lamang ay tinalakay ng Ang Bantayan ang maraming malalalim na paksa. Hindi iniiwasan ng mga maygulang ang gayong mga artikulo dahil sa naglalaman ito ng “ilang bagay na mahirap unawain.” (2 Pedro 3:16) Sa halip, pinananabikan nilang kainin ang gayong matitigas na pagkain!
Masisigasig na Mángangarál at Guro
Inatasan ni Jesus ang kanyang mga alagad: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Ang masigasig na pakikibahagi sa gawaing pangangaral ay maaari ring magpabilis ng iyong espirituwal na paglaki. Bakit hindi pagsikapang magkaroon ng lubos na pakikibahagi rito hangga’t pinahihintulutan ng iyong kalagayan?—Mateo 13:23.
Kung minsan, nagiging hamon ang pagkakaroon ng panahon para mangaral dahil sa mga panggigipit sa buhay. Gayunman, sa pamamagitan ng ‘pagsisikap mo nang buong-lakas’ bilang isang mángangarál, ipinakikita mo ang kahalagahan ng “mabuting balita.” (Lucas 13:24; Roma 1:16) Sa ganitong paraan ay maaari kang malasin bilang ‘isang halimbawa sa mga tapat.’—1 Timoteo 4:12.
Mga Nag-iingat ng Katapatan
Ang paglaki tungo sa pagkamaygulang ay nagsasangkot din ng pagsisikap na ingatan ang iyong katapatan. Gaya ng nakaulat sa Awit 26:1, ipinahayag ni David: “Hatulan mo ako, O Jehova, sapagkat ako ay lumakad sa aking katapatan.” Ang katapatan ay kagalingan sa moral, pagiging ganap. Gayunman, hindi ito nangangahulugan ng kasakdalan. Si David mismo’y nakagawa ng ilang maseselan na kasalanan. Pero dahil sa tinanggap niya ang saway at itinuwid ang kaniyang daan, kaniyang ipinamalas na taglay pa rin ng kaniyang puso ang tunay na pag-ibig para sa Diyos na Jehova. (Awit 26:2, 3, 6, 8, 11) Ang katapatan ay nagsasangkot ng pagiging buo, o pagiging ganap, ng debosyon ng puso. Sinabi ni David sa kaniyang anak na si Solomon: “Kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama at maglingkod sa kaniya nang may sakdal na puso.”—1 Cronica 28:9.
Kabilang sa pag-iingat ng katapatan ang pagiging “hindi bahagi ng sanlibutan,” hindi pakikialam sa pulitika ng mga bansa at sa kanilang mga hidwaan. (Juan 17:16) Dapat mo ring iwasan ang tiwaling mga gawain, tulad ng pakikiapid, pangangalunya, at pang-aabuso sa droga. (Galacia 5:19-21) Gayunpaman, ang pag-iingat ng katapatan ay nangangahulugan ng higit pa sa pag-iwas sa mga bagay na iyan. Nagbabala si Solomon: “Mga patay na langaw ang siyang nagpapabaho at nagpapabula sa langis ng manggagawa ng ungguento. Gayon ang ginagawa ng kaunting kamangmangan sa isa na pinahahalagahan dahil sa karunungan at kaluwalhatian.” (Eclesiastes 10:1) Oo, ang “kaunting kamangmangan,” tulad ng di-angkop na pagbibiro o pag-alembong sa di-kasekso, ay maaaring makasira sa reputasyon ng isang “pinahahalagahan dahil sa karunungan.” (Job 31:1) Samakatuwid, ipamalas ang iyong pagkamaygulang sa pamamagitan ng pagiging isang halimbawa sa lahat ng iyong paggawi, anupat iniiwasan kahit ang “anyo ng masama.”—1 Tesalonica 5:22, King James Version.
Mga Matapat
Ang isang Kristiyanong lubos-ang-laki ay matapat din. Gaya ng mababasa natin sa Efeso 4:24, masidhing pinapayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano: “Magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.” Sa Griegong Kasulatan, ang nasa orihinal-na-wikang salita para sa “pagkamatapat” ay nagdadala ng diwa ng kabanalan, katuwiran, pagpipitagan. Ang isang matapat na tao ay taimtim, maka-Diyos; kaniyang maingat na sinusunod ang lahat ng mga tungkulin niya sa Diyos.
Ano ang ilan sa mga paraan na maaari mong paunlarin ang gayong pagkamatapat? Ang isa ay sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga matatanda sa iyong lokal na kongregasyon. (Hebreo 13:17) Palibhasa’y kinikilala na si Kristo ang inatasang Ulo ng Kristiyanong kongregasyon, ang mga may-gulang na Kristiyano ay matapat sa mga inatasang “magpastol sa kongregasyon ng Diyos.” (Gawa 20:28) Tunay na di-angkop na pag-alinlanganan o maliitin ang awtoridad ng mga inatasang matatanda! Dapat ka ring makadama ng pagkamatapat sa “tapat at maingat na alipin” at sa mga kinatawan nito na siyang ginagamit upang mamahagi ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.” (Mateo 24:45) Maging alisto sa pagbabasa at pagkakapit sa impormasyong matatagpuan sa Ang Bantayan at sa mga kasama nitong publikasyon.
Pagpapakita ng Pag-ibig sa Pamamagitan ng Iyong mga Gawa
Sumulat si Pablo sa mga Kristiyano sa Tesalonica: “Ang pag-ibig ng bawat isa at ninyong lahat ay lumalago sa isa’t isa.” (2 Tesalonica 1:3) Ang paglaki sa pag-ibig ay lalo nang isang mahalagang aspekto ng paglaki sa espirituwal. Sinabi ni Jesus, na nakaulat sa Juan 13:35: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” Ang gayong pag-ibig na pangkapatid ay hindi kakikitaan ng basta emosyon o damdamin lamang. Ganito ang sabi ng Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words: “Maaari lamang makilala ang pag-ibig mula sa mga gawa na udyok nito.” Oo, susulong ka tungo sa pagkamaygulang sa bagay na ito kung ipakikita mo ang pag-ibig sa pamamagitan ng gawa!
Halimbawa, sa Roma 15:7, mababasa natin: “Tanggapin ninyo ang isa’t isa.” Ang isang paraan para ipakita ang pag-ibig ay sa pamamagitan ng pagbati sa iyong mga kapananampalataya at sa mga baguhan sa mga pagpupulong sa kongregasyon—nang may init at sigla! Kilalanin sila nang personal. Magkaroon ng “personal na interes” sa iba. (Filipos 2:4) Baka maaari ka pa ngang maging mapagpatuloy at anyayahan ang ilan sa iyong tahanan. (Gawa 16:14, 15) Ang mga di-kasakdalan ng iba ay maaaring sumubok ng lalim ng iyong pag-ibig, nguni’t habang natutuhan mong ‘pagtiisan sila sa pag-ibig,’ ipinamamalas mo na ikaw ay nagiging lubos-ang-laki.—Efeso 4:2.
Paggamit ng Ating mga Tinataglay Para Itaguyod ang Dalisay na Pagsamba
Noong sinaunang panahon, hindi lahat sa bayan ng Diyos ay tumupad sa kanilang pananagutan na suportahan ang templo ni Jehova. Kaya isinugo ng Diyos ang kaniyang mga propeta, tulad nina Hagai at Malakias, upang gisingin ang Kaniyang Hagai 1:2-6; Malakias 3:10) Ang mga may-gulang na mga Kristiyano sa ngayon ay maligayang gumagamit ng kanilang mga tinataglay upang suportahan ang pagsamba kay Jehova. Tularan ang mga gayon sa pamamagitan ng pagsunod sa simulain sa 1 Corinto 16:1, 2, na regular na ‘magbukod ng anuman’ upang maiabuloy sa kongregasyon at sa pambuong-daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova. Nangangako ang Salita ng Diyos: “Siya na naghahasik nang sagana ay mag-aani rin nang sagana.”—2 Corinto 9:6.
bayan sa bagay na ito. (Huwag mong kaliligtaan ang iba mo pang mga tinataglay, gaya ng iyong panahon at lakas. Pagsikapang ‘bilhin ang panahon’ mula sa hindi gaanong mahahalagang gawain. (Efeso 5:15, 16; Filipos 1:10) Matuto na maging mas mahusay sa paggamit ng iyong panahon. Sa paggawa ng gayon ay magiging posible para sa iyo na makibahagi sa mga proyekto ng pag-iingat ng Kingdom Hall at ng ilang mga nakakatulad na gawain na nagtataguyod ng pagsamba kay Jehova. Ang paggamit sa iyong mga tinataglay sa ganitong paraan ay magbibigay ng karagdagang patotoo na ikaw ay nagiging isang Kristiyanong lubos-ang-laki.
Sumulong Tungo sa Pagkamaygulang!
Ang mga lalaki at babae na palaaral at maalam, masisigasig na mángangarál, walang-kapintasan sa kanilang katapatan, matapat at maibigin, at handang magbigay ng pisikal at materyal na suporta sa gawaing pang-Kaharian ay tunay na isang malaking pagpapala. Hindi kataka-taka, kung gayon, na masidhing ipinayo ni apostol Pablo: “Ngayon na atin nang iniwan ang pang-unang doktrina tungkol sa Kristo, sumulong tayo tungo sa pagkamaygulang”!—Hebreo 6:1.
Ikaw ba ay isang Kristiyanong lubos-ang-laki at may-gulang? O ikaw, sa ilang paraan, ay nananatiling gaya ng isang espirituwal na sanggol? (Hebreo 5:13) Anuman ang kaso, maging determinadong magbuhos ng panahon sa personal na pag-aaral, sa pangangaral, at sa pagpapamalas ng pag-ibig sa iyong mga kapatid. Tanggapin ang anumang payo at disiplina na ibinibigay sa iyo ng mga maygulang. (Kawikaan 8:33) Balikatin ang iyong buong pananagutan bilang Kristiyano. Kalakip ang panahon at pagsisikap, maaari ka ring “makaabot sa pagiging-isa sa pananampalataya at sa tumpak na kaalaman sa Anak ng Diyos, tungo sa isang tao na lubos-ang-laki, tungo sa sukat ng antas na nauukol sa kalubusan ng Kristo.”—Efeso 4:13.
[Blurb sa pahina 27]
Nagdaragdag ng katatagan sa kongregasyon ang mga Kristiyanong lubos-ang-laki. Mayroon silang positibong impluwensiya sa nangingibabaw na hilig, o nananaig na saloobin nito
[Mga larawan sa pahina 29]
Ang mga maygulang ay tumutulong sa espiritu ng kongregasyon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng interes sa iba