Isang Epidemya ng Poot
Isang Epidemya ng Poot
“Hindi kailanman nauunawaan ng mga tao ang mga taong kinapopootan nila.”—JAMES RUSSELL LOWELL, MANUNULAT NG SANAYSAY AT DIPLOMATIKO.
ANG poot ay waring nakapalibot sa atin sa ngayon. Ang mga pangalang tulad ng East Timor, Kosovo, Liberia, Littleton, at Sarajevo—gayundin ang neo-Nazi (tagapagtaguyod ng Nazismo), skinhead (satsat ang buhok na butangero), at white supremacist (mga tagapagtaguyod ng pangingibabaw ng mga puti)—ay naitatak sa ating mga isipan kalakip na ang namamalaging mga larawan ng naabong mga kagibaan, bagong hukay na mga libingang pangmaramihan, at mga bangkay.
Ang mga pangarap ng isang hinaharap na malaya sa poot, labanan, at karahasan ay nawasak. Naalaala ni Danielle Mitterand, maybahay ng dating pangulo ng Pransiya, ang kaniyang kabataan: “Nangarap ang mga tao na mamuhay nang malaya sa isang lipunan ng pagkakapatiran na kanilang mapagkakatiwalaan; ng pagtataglay ng kapayapaan ng isipan na namumuhay sa gitna ng at kasama ng iba; nangarap sila ng buhay na malusog, mapayapa at may dignidad sa isang matatag at bukas-palad na daigdig na nangangalaga sa kanila.” Ano ang nangyari sa mga mithiing iyon? Siya’y nanaghoy: “Pagkalipas ng kalahating siglo, ang aming pangarap ay walang alinlangang nasa ilalim ng pagsalakay.”
Ang kasalukuyang muling paglitaw ng poot ay hindi maaaring ipagwalang bahala lamang. Mas malaganap ito, at ito’y makikita sa lumalalang tahasang mga anyo. Ang kahalagahan ng indibiduwal na katiwasayan na ipinagwawalang-bahala ng milyun-milyon ay nabawasan dahil sa daluyong ng walang-kabuluhang mga gawa ng poot, na bawat isa ay waring mas nakasisindak kaysa sa nauna. Kahit maging ligtas tayo sa poot sa ating tahanan o sa ating bansa, ito’y naghihintay sa atin sa ibang mga dako. Malamang na araw-araw nating nakikita ang katibayan nito sa iskrin ng telebisyon sa mga pagsasahimpapawid ng mga balita at kasalukuyang mga pangyayari. Ang ilan pa nga rito ay lumaganap na sa Internet. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.
Naganap sa huling dekada ang isang walang-kaparis na paglaganap ng nasyonalismo. Ang “nasyonalismo,” ang sabi ni Joseph S. Nye, Jr., direktor ng Harvard Center for International Affairs, “ay lumalakas sa kalakhang bahagi ng daigdig, hindi humihina. Sa halip na isang pangglobong nayon, may hiwa-hiwalay na mga grupo sa palibot ng daigdig na mas naiilang sa isa’t isa. Iyon naman ang nakadaragdag sa mga pagkakataon para sa labanan.”
Ang ibang anyo ng poot ay mas mapanlinlang, nalilingid sa loob ng mga hangganan ng isang bansa o maging sa gitna ng mga magkakapitbahay. Nang paslangin ng limang skinhead ang isang may-edad na Sikh sa Canada, ang pangyayaring ito ay “nagtampok sa nakikita ng iba na muling paglitaw ng mga krimen na udyok ng poot sa isang bansa na madalas purihin dahil sa pagpaparaya nito sa lahi.” Sa Alemanya, pagkatapos nang patuloy na pagbaba nito sa nakalipas na mga taon, ang mga pagsalakay bunga ng pagtatangi ng lahi ng mga ekstremista ay tumaas nang 27 porsiyento noong 1997. “Ito’y isang nakasisira ng loob na pangyayari,” ang sabi ng Interior Minister na si Manfred Kanther.
Isinisiwalat ng isang ulat sa hilagang Albania na mahigit sa 6,000 bata ang naging halos mga bilanggo sa kanilang sariling mga tahanan sa takot na barilin ng mga kaaway ng kanilang mga pamilya. Ang mga batang ito ay mga biktima ng tradisyon ng madugong alitan sa paghihiganti, “na gumugulo sa normal na buhay ng libu-libong pamilya.” Sa Estados Unidos, ayon sa Federal Bureau of Investigation
(FBI), ang “pagtatangi ng lahi ang nagbunsod sa mahigit sa kalahati ng 7,755 naganap na krimen na udyok ng poot noong 1998 na isinuplong sa FBI.” Kabilang sa ilan sa mga motibo para sa iba pang mga krimen na udyok ng poot ay ang pagtatangi sa relihiyon, etniko o bansang pinagmulan, at mga kapansanan.Isa pa, ang mga ulong-balita sa pahayagan sa bawat araw ay nagtatampok sa isang epidemya ng takot at poot sa mga tao o anumang bagay na banyaga (xenophobia), na pangunahin nang nakatuon laban sa mga lumikas, na may bilang na ngayong mahigit na 21 milyong katao. Nakalulungkot, ang karamihan sa mga nagpapahayag ng poot sa mga banyaga ay mga kabataan, na inudyukan ng iresponsableng mga pulitiko at ng iba pa na naghahanap ng masisisi. Kabilang sa mas hindi kapansin-pansing mga palatandaan ng katulad ding pangyayari ay ang kawalang tiwala, kawalang pagpaparaya, at pangkalahatang pag-uuri sa naiibang mga tao.
Ano ang ilan sa mga kadahilanan ng epidemyang ito ng poot? At ano ang magagawa upang mapawi ang poot? Tatalakayin ng susunod na artikulo ang mga katanungang ito.
[Picture Credit Line sa pahina 2]
Cover, top: UN PHOTO 186705/J. Isaac
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Daud/Sipa Press