Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ang Isaias kabanata 53 ay naglalaman ng isang kilalang Mesiyanikong hula. Ang talata 10 ay nagsasabi: “Si Jehova ay nalugod na masiil siya; pinagkasakit niya siya.” Anong ibig sabihin nito?
Madaling makita kung bakit maaaring bumangon ang isang tanong tungkol sa Isaias 53:10. Hindi iniisip ng mga tunay na Kristiyano na ang ating madamayin at magiliw na Diyos ay malulugod sa paniniil o pagpapangyaring magkasakit ang iba. Ang Bibliya ay nagbibigay sa atin ng saligan sa pagtitiwala na ang Diyos ay hindi nalulugod sa pagpapahirap sa mga walang-sala. (Deuteronomio 32:4; Jeremias 7:30, 31) Sa nakaraang mga siglo, maaaring may pagkakataon na pinahintulutan ni Jehova ang pagdurusa dahil sa mga dahilang kasuwato ng kaniyang karunungan at pag-ibig. Ngunit tiyak na hindi siya ang nagpangyari na magdusa ang kaniyang minamahal na Anak, si Jesus. Kaya, ano talaga ang ibig sabihin ng tekstong ito?
Buweno, maaari tayong matulungan na maunawaan ang punto kung ating isasaalang-alang ang bersikulong ito sa kabuuan, na tinitingnan ang dalawang paglitaw ng mga salitang “nalugod” at “kinalulugdan” (delight). Mababasa sa Isaias 53:10: “Si Jehova ay nalugod na masiil siya; pinagkasakit niya siya. Kung itatalaga mo ang kaniyang kaluluwa bilang handog ukol sa pagkakasala, makikita niya ang kaniyang supling, palalawigin niya ang kaniyang mga araw, at sa kaniyang kamay ay magtatagumpay ang kinalulugdan ni Jehova.”
Ipinakikita ng kabuuang mensahe ng Bibliya na “ang kinalulugdan ni Jehova,” na binanggit sa dulo ng talata, ay nakasentro sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin sa pamamagitan ng Kaharian. Ang isasagawang ito ni Jehova ang magbabangong-puri sa kaniyang soberanya at magpapangyari na maalis ang minanang kasalanan mula sa mga masunuring mga tao—ang mga kasalanan natin. (1 Cronica 29:11; Awit 83:18; Gawa 4:24; Hebreo 2:14, 15; 1 Juan 3:8) Para mangyari ito, ang Anak ng Diyos ay kailangang maging isang tao at maglaan ng haing pantubos. Gaya ng nalalaman natin, nagdusa nga si Jesus sa pagsasagawa nito. Sinasabi sa atin ng Bibliya na “natuto siya ng pagkamasunurin mula sa mga bagay na kaniyang pinagdusahan.” Kaya si Jesus nga ay nakinabang mula sa pagdurusang iyon.—Hebreo 5:7-9.
Patiuna nang alam ni Jesus na ang marangal na landasin na kaniyang tatahakin ay magsasangkot ng matinding paghihirap. Maliwanag iyan mula sa kaniyang mga salita na nakaulat sa Juan 12:23, 24, kung saan mababasa natin: “Ang oras ay dumating na upang ang Anak ng tao ay luwalhatiin. Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maliban na ang isang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, nananatili itong isang butil lamang; ngunit kung ito ay mamatay, ito kung gayon ay namumunga ng marami.” Oo, alam ni Jesus na kailangan niyang ingatan ang kaniyang katapatan maging hanggang sa oras ng pagdanas ng kamatayan. Nagpapatuloy ang ulat: “ ‘Ngayon ang aking kaluluwa ay nababagabag, at ano ang sasabihin ko? Ama, iligtas mo ako mula sa oras na ito. Gayunpaman, ito ang dahilan kung bakit ako dumating sa oras na ito. Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.’ Sa gayon isang tinig ang lumabas mula sa langit: ‘Aking kapuwa niluwalhati ito at luluwalhatiin ko itong muli.’ ”—Juan 12:27, 28; Mateo 26:38, 39.
Maaari nating maunawaan ang Isaias 53:10 sa kontekstong ito. Alam na alam ni Jehova na ang daranasin ng kaniyang Anak ay magsasangkot ng paniniil sa isang diwa. Gayunpaman, taglay sa isipan ang kahanga-hanga at malawakang kabutihan na idudulot nito, nalugod si Jehova sa kung ano ang daranasin ni Jesus. Sa diwang iyan, si Jehova ay “nalugod na masiil,” o siilin, ang Mesiyas. At maging si Jesus ay nalugod sa kung ano ang kaniyang magagawa at nagawa. Tunay, gaya ng pagtatapos ng Isaias 53:10, ‘sa kaniyang kamay ay nagtagumpay nga ang kinalulugdan ni Jehova.’