Natatandaan Mo Ba?
Natatandaan Mo Ba?
Pinahalagahan mo ba ang pagbabasa sa katatapos na mga isyu ng Ang Bantayan? Kung gayon, tingnan kung masasagot mo ang sumusunod na mga tanong:
• Bakit tayo makatitiyak na ang katuparan ng hula tungkol sa “mga bagong langit at isang bagong lupa” sa Isaias 65:17-19 ay nagsasangkot ng higit pa sa pagbabalik ng mga Judio mula sa pagkabihag?
Sapagkat ang mga apostol na sina Pedro at Juan, na sumulat noong unang siglo C.E., ay tumukoy sa isang panghinaharap na katuparan, na nagsasangkot ng mga pagpapala na darating pa lamang. (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1-4)—4/15, pahina 10-12.
• Ano ang maaaring saligan ng sinaunang mga Griegong alamat tungkol sa marahas na mga nakabababang diyos?
Ito ay maaaring mga pagpapaganda at pagpilipit sa katotohanan na bago ang Baha, ang ilang anghel ay nagkatawang-tao at namuhay nang marahas at imoral sa lupa. (Genesis 6:1, 2)—4/15, pahina 27.
• Ano ang ilang panganib na maingat na iiwasan ng may-gulang na mga Kristiyano sa mga kasalan?
Mahalaga na iwasan ang maiingay na pagsasaya, na maaaring mangyari kung masyadong malaya ang pagsisilbi ng alkohol at may magugulong sayawan sa saliw ng malalakas na musika. Malibang liwanagin na ang isang piging ay bukás para sa lahat, ang mga di-inanyayahan ay hindi dapat dumalo. Dapat tiyakin ng kasintahang lalaki na may responsableng mga Kristiyano na mananatili hanggang sa matapos ang selebrasyon sa isang makatuwirang oras.—5/1, pahina 19-22.
• Ano ang ipinahihiwatig ng pagbanggit sa Awit 128:3 tungkol sa mga anak na “tulad ng mga pasanga ng mga punong olibo” sa palibot ng mesa ng isang lalaki?
Madalas ay bagong mga supang ang sumisibol mula sa pinakapunò ng katawan ng isang punong olibo. Kapag ang malaking punò ng isang matandang punungkahoy ay hindi na namumunga nang marami, ang mga bagong supang ay maaaring maging malalakas na punò na nakapalibot dito. Gayundin naman, ang mga magulang ay maaaring magalak sa pagkakaroon ng namumungang mga anak na naglilingkod kay Jehova kasama nila.—5/15, pahina 27.
• Ano ang ilang kapakinabangan na nakukuha ng mga anak mula sa isang magandang pagsasamahan ng pamilya?
Inilalatag nito ang pundasyon para sa isang mainam na pangmalas sa awtoridad, pagpapahalaga sa mga tamang pamantayan, at masayang pakikipagsamahan sa iba. Ang gayong kapaligiran ay maaari ring makatulong sa kanila na mapaunlad ang pakikipagkaibigan sa Diyos.—6/1, pahina 18.
• Sa isang lupain sa Malayong Silangan, ano ang ginawa upang pasiglahin ang ideya na lahat ng mga Kristiyano ay magkakapatid?
Ang lahat ng kongregasyon ay hinimok na huwag tawagin ang ilang indibiduwal sa mga terminong pangkarangalan. Sa halip, ang lahat ay dapat na pare-parehong tawagin bilang mga kapatid.—6/15, pahina 21, 22.
• Tumatanggap ba ang mga Saksi ni Jehova ng mga gamot na kinuha mula sa dugo?
Naniniwala kami na ang utos ng Bibliya na ‘umiwas sa dugo’ ay hindi nagpapahintulot sa mga pagsasalin ng purong dugo o sa pangunahing mga sangkap nito (ang plasma, mga pulang selula, mga puting selula, at mga platelet). (Gawa 15:28, 29) Hinggil naman sa maliliit na bahagi na nakukuha sa pangunahing mga sangkap na iyon, bawat Kristiyano ay gumagawa ng personal na pasiya, anupat isinasaisip ang sinasabi ng Bibliya at ang kaniyang kaugnayan sa Diyos.—6/15, pahina 29-31.
• Talaga nga bang posible na makasumpong ng panloob na kapayapaan sa ngayon?
Oo. Sa pamamagitan ng Bibliya, inaakay ni Jesu-Kristo ang mga tao sa daan ng dalisay na pagsamba at sa kapayapaang inilarawan sa Isaias 32:18. Bukod dito, yaong mga nagtatamo ng gayong kapayapaan ay may pag-asa na matamasa ang namamalaging kapayapaan sa lupa bilang katuparan ng Awit 37:11, 29.—7/1, pahina 7.
• Anong papel ang ginampanan ni George Young sa makabagong teokratikong kasaysayan?
Simula noong 1917, siya ay napatunayang isang tagapagdala ng liwanag ng mabuting balita ng Kaharian sa maraming lupain. Dinala siya ng kaniyang ministeryo sa buong Canada, sa mga isla ng Caribbean, sa Brazil at sa iba pang lupain sa Timog Amerika, sa Gitnang Amerika, sa Espanya, sa Portugal, sa dating Unyong Sobyet, at sa Estados Unidos.—7/1, pahina 22-7.
• Ano ang ibig sabihin ng 1 Corinto 15:29 kapag binabanggit nito ang ilan na “binabautismuhan sa layunin na maging mga patay”?
Ang punto ay na kapag ang mga Kristiyano ay pinapahiran ng banal na espiritu, sila ay napapasailalim sa isang landasin ng buhay na umaakay sa kanilang kamatayan at kasunod na pagkabuhay-muli sa makalangit na buhay.—7/15, pahina 17.
• Ano ang ginagawa ni apostol Pablo noong mga panahon na inilarawan bilang ang kaniyang hindi nabanggit na mga taon?
Maaaring tumulong siya sa pagtatatag o pagpapalakas sa mga kongregasyon sa Sirya at Cilicia. Marami sa mga hirap na binanggit sa 2 Corinto 11:23-27 ay tiyak na nangyari sa yugtong ito, na nagpapakitang nagpapatuloy siya noon sa isang aktibong ministeryo.—7/15, pahina 26, 27.
• Ano ang makatutulong sa atin na maging makatuwiran sa ating mga inaasam?
Tandaan na si Jehova ay maunawain. Ang pananalangin sa kaniya ay makatutulong sa atin na gawing timbang ang ating pag-iiisip, at nagpapamalas ito ng kahinhinan. Ang isa pang tulong ay ang pagkakaroon ng bagong pangmalas sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa isang may-gulang na kaibigan.—8/1, pahina 29, 30.