Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Patungo sa Kapuluan ng Pasipiko—Upang Magtrabaho!

Patungo sa Kapuluan ng Pasipiko—Upang Magtrabaho!

Patungo sa Kapuluan ng Pasipiko​—Upang Magtrabaho!

ANG mga upuan ng naghihintay na mga pasahero sa mga paliparang pandaigdig sa Brisbane at Sydney, Australia, ay mas maingay kaysa karaniwan. Isang grupo ng 46 katao ang nakatakdang lumipad sakay ng eroplano patungo sa maaraw na Samoa upang makipagtagpo sa 39 na iba pa mula sa New Zealand, Hawaii, at Estados Unidos. Lubhang hindi pangkaraniwan ang kanilang bagahe​—na pangunahin nang binubuo ng mga kagamitan, gaya ng mga martilyo, lagari, at barena​—hindi ang uri ng mga bagay na karaniwang dinadala sa isang paglalakbay patungo sa isang kaakit-akit na isla sa Pasipiko. Subalit, ang kanilang misyon ay hindi rin pangkaraniwan.

Sagot ang kanilang gastos sa paglalakbay, gugugol sila ng mga dalawang linggo bilang walang-bayad na mga boluntaryo sa isang programa ng pagtatayo na pinangangasiwaan ng Regional Engineering Office sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Australia. Ang programa, na tinutustusan ng kusang-loob na mga abuloy, ay nagsasangkot ng pagtatayo ng mga Kingdom Hall, Assembly Hall, mga tahanang pangmisyonero, at mga tanggapang pansangay o pagsasalin para sa mabilis na lumalagong mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa kapuluan ng Pasipiko. Kilalanin natin ang ilan sa mga manggagawa, na nakasama na sa mga pangkat sa pagtatayo ng Kingdom Hall sa kani-kanilang sariling mga bansa.

Si Max, isang tagapaglagay ng bubong, ay mula sa Cowra sa New South Wales, Australia. Siya’y may-asawa at limang anak. Si Arnold ay mula sa Hawaii. Silang mag-asawa ay may dalawang anak na lalaki, at siya ay isa ring payunir, o buong-panahong ministro. Katulad ni Max, si Arnold ay naglilingkod bilang isang matanda sa kanilang kongregasyon. Maliwanag, ang mga lalaking ito​—at sila’y karaniwan sa karamihan ng nasa programa​—ay hindi mga boluntaryo dahil sa wala silang magawa. Bagkus, nakita nila at ng kani-kanilang pamilya ang isang pangangailangan, at gusto nilang gawin ang magagawa nila upang tumulong.

Tinugon ng mga Manggagawa Mula sa Maraming Bansa ang Isang Mahalagang Pangangailangan

Ang isang lugar kung saan kinakailangan ang kanilang mga kasanayan at paglilingkod ay sa Tuvalu, isang bansa sa Pasipiko na may mga 10,500 katao na nasa isang liblib na grupo ng siyam na mga isla ng korales na malapit sa ekwador at nasa hilagang-kanluran ng Samoa. Ang mga pulông ito, o mga isla, ay may katamtamang sukat na mga 2.5 kilometro kuwadrado bawat isa. Noong 1994, ang 61 Saksi roon ay lubhang nangangailangan ng isang bagong Kingdom Hall at isang mas malaking tanggapan sa pagsasalin.

Sa bahaging ito ng Pasipiko sa tropiko, ang mga gusali ay dapat na idisenyo at itayo na makatatagal sa madalas na malalakas na bagyo at buhawi. Subalit kaunting mahuhusay na mga materyales sa pagtatayo ang makukuha sa kapuluan. Ang lunas? Bawat bahagi​—mula sa pambubong at mga sepo hanggang sa muwebles at mga kurtina, inodoro at dutsa, pati na ang mga turnilyo at pako​—ay inilulan sa malalaking sisidlang pangkargamento sakay ng barko mula sa Australia.

Bago dumating ang mga materyales, isang maliit na patiunang pangkat ang naghanda sa lugar na pagtatayuan at naglatag ng pundasyon. Pagkatapos ay dumating ang mga manggagawa mula sa iba’t ibang bansa upang magtayo, magpinta, at maglagay ng mga kasangkapan sa mga gusali.

Gayunman, lahat ng gawaing ito sa Tuvalu ay ikinagalit ng isang klerigo roon na nagpahayag sa radyo na ang mga Saksi ay nagtatayo ng isang “Tore ng Babel”! Subalit, ano ba ang mga katotohanan? “Nang matuklasan ng mga taong nagtatayo ng Tore ng Babel na ulat sa Bibliya na hindi na nila maunawaan ang isa’t isa sapagkat ginulo ng Diyos ang kanilang wika, pinabayaan nila ang kanilang proyekto at iniwang hindi tapos ang tore,” ang sabi ng manggagawang boluntaryo na si Graeme. (Genesis 11:1-9) “Ibang-iba naman ito kapag nagtatrabaho para sa Diyos na Jehova. Sa kabila ng mga pagkakaiba sa wika at kultura, ang mga proyekto ay laging natatapos.” At natapos din ang isang ito​—sa loob lamang ng dalawang linggo. Tunay, 163 katao, kasama na ang asawa ng punong ministro, ang dumalo sa seremonya ng pag-aalay.

Sa paggunita sa karanasang iyon, ganito ang sabi ni Doug, ang superbisor ng proyekto: “Isang kagalakan na magtrabahong kasama ng mga boluntaryo mula sa ibang mga bansa. Mayroon kaming iba’t ibang paraan ng paggamit ng mga bagay-bagay, iba’t ibang terminolohiya, iba’t ibang sistema pa nga sa panukat, gayunman hindi ito lumikha ng anumang mga problema.” Palibhasa’y nakasama na sa maraming katulad na mga proyekto ngayon, sinabi pa niya: “Ikinikintal nito sa aking isipan na sa tulong ni Jehova ang kaniyang bayan ay makapagtatayo ng isang gusali saanman sa daigdig na ito, gaano man ang layo o hirap ng lugar. Tunay, marami tayong matatalinong lalaki, subalit ang espiritu ni Jehova ang nagpangyari nito.”

Ang espiritu rin ng Diyos ang nagpakilos sa mga pamilya ng Saksi sa mga pulo na maglaan ng pagkain at tuluyan, na, para sa ilan, ay isang malaking sakripisyo. At ito’y lubos na pinasasalamatan niyaong mga tumanggap ng gayong pagkamapagpatuloy. Si Ken, mula sa Melbourne, Australia, ay nagtrabaho sa isang katulad na proyekto sa French Polynesia. Ganito ang sabi niya: “Pumarito kami bilang mga alipin, subalit kami’y pinakitunguhan na parang mga hari.” Kailanma’t posible, tumulong din ang mga Saksi roon sa gawaing pagtatayo. Sa Solomon Islands, ang mga babae ay naghalo ng semento​—nang manu-mano. Isang daang lalaki at babae ang umakyat sa mga kabundukan na basang-basa sa ulan at ibinaba ang mahigit na 40 tonelada ng kahoy. Tumulong din ang mga kabataan. Ganito ang naaalaala ng isang manggagawa mula sa New Zealand: “Natatandaan ko ang isang kabataang kapatid na lalaki sa pulo na minsanang nagdala ng dalawa o tatlong supot ng semento. At maghapon siyang nagpala ng graba sa init at ulan.”

Ang pakikibahagi sa gawain ng mga Saksi roon ay nagdudulot ng iba pang kapakinabangan. Ang tanggapang sangay ng Samahang Watch Tower sa Samoa ay nag-uulat: “Ang mga kapatid sa pulo ay natuto ng mga kasanayan sa trabaho na magagamit nila sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall at sa paggawa ng mga pagkukumpuni at muling pagtatayo pagkatapos ng unos. Makatutulong din ito sa kanila na maghanapbuhay sa isang pamayanan na marami ang nahihirapang makasumpong ng trabaho.”

Nagbibigay ng Mainam na Patotoo ang Programa sa Pagtatayo

Si Colin ay nasa Honiara at nakita niya ang pagtatayo ng Assembly Hall sa Solomon Islands. Lubhang humanga, isinulat niya sa tanggapang pansangay roon ng Samahang Watch Tower ang mensaheng ito sa wikang Pidgin English: “Ang lahat ay nagkakaisa at walang masungit, sila rin ay isang pamilya.” Di-nagtagal pagkatapos, nang magbalik siya sa kaniyang nayon sa Aruligo, 40 kilometro ang layo, siya at ang kaniyang pamilya ay nagtayo ng kanilang sariling Kingdom Hall. Pagkatapos ay nagpadala sila ng isa pang mensahe sa tanggapan: “Ang aming Kingdom Hall, pati na ang isang podyum, ay handa na, kaya maaari ba kaming magkaroon ng ilang pulong dito?” Agad itong isinaayos, at mahigit na 60 katao ang regular na dumadalo.

Nakita ng isang tagapayo ng European Union ang proyekto sa Tuvalu. “Sa palagay ko ay sinasabi ito sa inyo ng lahat,” ang komento niya sa isang manggagawa, “subalit sa akin ito ay talagang isang himala!” Isang babae na nagtatrabaho sa kompanya ng telepono ang nagtanong sa isa pang dumadalaw na boluntaryo: “Bakit ang saya-saya ninyong lahat? Napakainit dito!” Hindi pa sila kailanman nakakita ng Kristiyanismo na kumikilos sa gayong praktikal at mapagsakripisyo-sa-sariling paraan.

Hindi Pinanghihinayangang mga Sakripisyo

“Siya na naghahasik nang sagana ay mag-aani rin nang sagana,” ang sabi ng Bibliya sa 2 Corinto 9:6. Ang mga manggagawa, ang kanilang mga pamilya, at ang kanilang mga kongregasyon ay patuloy na naghahasik nang sagana sa pagtulong sa kapuwa mga Saksi sa Pasipiko. “Ang aking kongregasyon ay nag-abuloy nang mahigit sa sangkatlo ng aking pamasahe sa eroplano,” sabi ni Ross, isang matanda mula sa Kincumber, malapit sa Sydney, “at ang aking bayaw, na sumama rin, ang nagbigay ng karagdagang $500.” Isa namang manggagawa ang nagbayad para sa kaniyang paglalakbay sa pamamagitan ng pagbebenta ng kaniyang kotse. Ang isa pa ay nagbenta ng ilang lote. Kailangan ni Kevin ang karagdagang $900, kaya nagpasiya siyang ipagbili ang kaniyang 16 na dalawang-taóng-gulang na mga kalapati. Sa pamamagitan ng isang kakilala, nakakita siya ng isang mamimili na nag-alok sa kaniya ng eksaktong $900 para sa mga ito!

“Sulit ba ito sa pamasahe sa eroplano at nawalang mga sahod, na umaabot ng mga $6,000?” Tinanong sina Danny at Cheryl. “Oo! Kahit na doble pa ng halaga na iyan, magiging mas sulit pa ito,” ang tugon nila. Si Alan, mula sa Nelson, New Zealand, ay nagsabi pa ng ganito: “Sa ginastos ko patungo sa Tuvalu, maaari akong pumunta sa Europa at may matitira pa akong pera. Subalit matatanggap ko kaya ang mga pagpapala, o magkakaroon kaya ako ng napakaraming kaibigan mula sa iba’t ibang pinagmulan, o makagagawa kaya ako ng isang bagay para sa iba sa halip na para sa aking sarili? Hindi! Magkagayon man, anuman ang naibigay ko sa ating mga kapatid sa pulo, mas marami silang naibigay sa akin bilang kapalit.”

Ang isa pang susi sa tagumpay ng programa ay ang suporta ng pamilya. Bagaman ang ilang asawang babae ay nakasama sa kanilang mga asawang lalaki at tumulong pa nga sa lugar ng trabaho, ang iba ay may mga anak na nag-aaral upang pangalagaan o mga negosyo ng pamilya na dapat asikasuhin. “Ang pagkukusa ng aking maybahay na asikasuhin ang mga bata at ang sambahayan samantalang ako’y wala,” sabi ni Clay, “ay mas malaking sakripisyo kaysa sa akin.” Tiyak, buong-pusong sasang-ayon diyan ang lahat ng mga asawang lalaki na hindi naisama ang kani-kanilang mga maybahay!

Mula nang matapos ang proyekto sa Tuvalu, ang mga boluntaryong manggagawa ay nakapagtayo ng mga Kingdom Hall, Assembly Hall, mga tahanang pangmisyonero, at mga tanggapan sa pagsasalin sa Fiji, Tonga, Papua New Guinea, New Caledonia, at iba pang dako. Maraming proyekto, pati na yaong nasa Timog-silangang Asia, ay pinaplano pa. Magkakaroon kaya ng sapat na mga manggagawa?

Maliwanag na hindi iyan magiging problema. “Ang lahat ng narito na nakibahagi sa internasyonal na mga proyekto sa pagtatayo ay humiling na sila’y alalahanin kapag nagplano ng isa pang proyekto,” sulat ng tanggapang pansangay sa Hawaii. “Pagbalik na pagbalik nila sa kanilang tahanan, nagsimula na silang mag-ipon para dito.” Paano nga hindi magtatagumpay ang programa kung isasama mo ang mayamang pagpapala ni Jehova sa hindi makasariling pagtatalaga ng sarili na katulad niyan?

[Larawan sa pahina 9]

Mga materyales para sa proyekto

[Mga larawan sa pahina 9]

Ang mga manggagawa sa dako ng pagtatayo

[Mga larawan sa pahina 10]

Sa pagtatapos ng mga proyekto, nagsasaya kami sa kung ano ang nagawa ng espiritu ng Diyos