Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ipaaninag ang Pangkaisipang Saloobin ni Kristo!

Ipaaninag ang Pangkaisipang Saloobin ni Kristo!

Ipaaninag ang Pangkaisipang Saloobin ni Kristo!

“Ipagkaloob nawa sa inyo ng Diyos na naglalaan ng pagbabata at kaaliwan na magkaroon sa gitna ninyo ng gayunding pangkaisipang saloobin na tinaglay ni Kristo Jesus.”​—ROMA 15:5.

1.Paano naaapektuhan ng saloobin ng isang tao ang kaniyang buhay?

NAPAKALAKI ng nagagawa ng saloobin sa buhay. Ang mapagwalang-bahala o masikap na saloobin, positibo o negatibong saloobin, palaaway o matulunging saloobin, mareklamo o mapagpasalamat na saloobin ay maaaring makaimpluwensiya nang malaki sa paraan ng pagharap ng isang tao sa mga kalagayan at reaksiyon ng ibang tao sa kaniya. Kung taglay ang isang mabuting saloobin, ang isa’y maaari pa ring maging maligaya kahit sa napakahihirap na kalagayan. Sa isang taong may masamang saloobin, waring wala nang tama, kahit​—batay sa makatuwirang pangmalas​—maayos naman ang takbo ng buhay.

2. Paano natututuhan ng isang tao ang mga saloobin?

2 Ang mga saloobin​—mabuti man o masama​—ay maaaring matutuhan. Sa katunayan, ang mga ito’y dapat matutuhan. Sa pagtukoy sa isang bagong silang na sanggol, sinasabi ng Collier’s Encyclopedia: “Anumang saloobin na tataglayin niya pagdating ng panahon ay makakasanayan o matututuhan muna niya, kung paanong nakakasanayan o natututuhan niya ang isang wika o anumang kakayahan.” Paano ba natin natututuhan ang mga saloobin? Bagaman maraming bagay ang nasasangkot, napakalaki ng nagagawa ng kapaligiran at ng mga kasama. Sinasabi ng ensayklopidiyang nabanggit kanina: “Natututuhan o nakukuha natin, na waring sa paraang osmosis, ang mga saloobin niyaong matatalik nating kasama.” Libu-libong taon na ang nakalilipas, may pagkakatulad ang sinabi ng Bibliya: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang may pakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.”​—Kawikaan 13:20; 1 Corinto 15:33.

Isang Parisan Para sa Tamang Saloobin

3. Sino ang uliran kung tungkol sa kaniyang saloobin, at paano natin siya matutularan?

3 Gaya sa lahat ng iba pang bagay, gayundin kung tungkol sa saloobin, si Jesu-Kristo ay naglagay ng pinakamagaling na parisan. Sinabi niya: “Inilagay ko ang parisan para sa inyo, na, gaya ng ginawa ko sa inyo, ay gawin din ninyo.” (Juan 13:15) Upang maging katulad ni Jesus, dapat muna nating malaman ang tungkol sa kaniya. * Pinag-aaralan natin ang buhay ni Jesus sa layuning gawin ang iminungkahi ni apostol Pedro: “Sa landasing ito ay tinawag kayo, sapagkat maging si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iiwan ng huwaran sa inyo upang sundan ninyo nang maingat ang kaniyang mga yapak.” (1 Pedro 2:21) Ang ating tunguhin ay ang maging gaya ni Jesus hangga’t maaari. Lakip diyan ang paglilinang ng kaniyang pangkaisipang saloobin.

4, 5. Anong pitak ng pangkaisipang saloobin ni Jesus ang itinampok sa Roma 15:1-3, at paano siya matutularan ng mga Kristiyano?

4 Ano ba ang nasasangkot sa pagtataglay ng pangkaisipang saloobin ni Kristo Jesus? Ang kabanata 15 ng liham ni Pablo sa mga taga-Roma ay tumutulong sa atin na masagot ang tanong na iyan. Sa unang ilang talata ng kabanatang ito, tinukoy ni Pablo ang isang pambihirang katangian ni Jesus nang sabihin niya: “Gayunman, tayong malalakas ay dapat na magdala ng mga kahinaan niyaong hindi malalakas, at huwag magpalugod sa ating mga sarili. Paluguran ng bawat isa sa atin ang kaniyang kapuwa sa kung ano ang mabuti para sa kaniyang ikatitibay. Sapagkat maging ang Kristo ay hindi nagpalugod sa kaniyang sarili; kundi gaya ng nasusulat: ‘Ang mga pagdusta niyaong mga dumudusta sa iyo ay nahulog sa akin.’ ”​—Roma 15:1-3.

5 Sa pagtulad sa saloobin ni Jesus, ang mga Kristiyano ay pinasisigla na maging handang tumugon sa mga pangangailangan ng iba taglay ang kapakumbabaan sa halip na naising paluguran lamang ang kanilang mga sarili. Sa katunayan, ang gayong mapagpakumbabang pagnanais na maglingkod sa iba ay isang katangian niyaong “malalakas.” Si Jesus, na mas malakas sa espirituwal kaysa sa sinumang tao na nabuhay kailanman, ay nagsabi ng ganito patungkol sa kaniyang sarili: “Ang Anak ng tao ay dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Bilang mga Kristiyano, tayo man ay nagnanais na magsikap upang paglingkuran ang iba, kasali na ‘yaong hindi malalakas.’

6. Sa anong paraan natin matutularan ang reaksiyon ni Jesus sa pagsalansang at pagdusta?

6 Ang isa pang mainam na katangian na ipinamalas ni Jesus ay ang paraan ng pag-iisip at paggawi na palaging positibo. Hindi niya pinahintulutan kailanman na maapektuhan ng negatibong saloobin ng iba ang kaniyang sariling mainam na saloobin sa paglilingkod sa Diyos; ni tayo man. Nang dinudusta at inuusig dahil sa tapat na pagsamba sa Diyos, may-pagtitiis na nagbata si Jesus nang walang pagrereklamo. Batid niya na ang pagsalansang ng di-sumasampalataya at di-nakauunawang sanlibutan ay maaaring asahan niyaong mga nagsisikap na paluguran ang kanilang kapuwa “sa kung ano ang mabuti para sa kaniyang ikatitibay.”

7. Paano nagpamalas si Jesus ng pagtitiyaga, at bakit dapat din nating gawin ito?

7 Nagpamalas si Jesus ng tamang saloobin sa iba pang paraan. Hindi siya kailanman nagpahayag ng pagkainip kay Jehova kundi matiyaga siyang naghintay sa pagsasakatuparan ng Kaniyang mga layunin. (Awit 110:1; Mateo 24:36; Gawa 2:32-36; Hebreo 10:12, 13) Bukod diyan, si Jesus ay hindi nayamot sa kaniyang mga tagasunod. Sinabi niya sa kanila: “Matuto kayo mula sa akin”; dahil sa siya ay “mahinahong-loob,” ang kaniyang mga turo ay nakapagpapatibay at nakagiginhawa. At dahil sa siya’y “mababa ang puso,” hindi siya kailanman naging mayabang o pangahas. (Mateo 11:29) Pinasisigla tayo ni Pablo na tularan ang mga pitak na ito ng saloobin ni Jesus nang sabihin niya: “Panatilihin sa inyo ang pangkaisipang saloobin na ito na nasa kay Kristo Jesus din, na, bagaman siya ay umiiral sa anyong Diyos, ay hindi nagsaalang-alang sa pang-aagaw, alalaong baga, na siya ay maging kapantay ng Diyos. Hindi, kundi hinubad niya ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin at napasa-wangis ng tao.”​—Filipos 2:5-7.

8, 9. (a) Bakit kailangan tayong magsikap upang malinang ang isang di-makasariling saloobin? (b) Bakit hindi tayo dapat masiraan ng loob sakali mang hindi tayo makaabot sa parisang iniwan ni Jesus, at paanong si Pablo ay isang mainam na halimbawa may kinalaman dito?

8 Madaling sabihin na gusto nating maglingkod sa iba at nais nating unahin ang kanilang mga pangangailangan sa halip na ang sa atin. Subalit ang tapat na pagsusuri sa ating pangkaisipang saloobin ay maaaring magsiwalat na ang ating puso ay hindi naman pala lubusang nakahilig doon. Bakit hindi? Una, dahil sa tayo’y may minanang makasariling mga pag-uugali mula kina Adan at Eva; ikalawa, dahil sa tayo’y nabubuhay sa isang daigdig na nagtataguyod ng pagkamakasarili. (Efeso 4:17, 18) Ang pagkakaroon ng isang di-makasariling saloobin ay madalas na nangangahulugan ng paglilinang ng isang paraan ng pag-iisip na taliwas sa ating likas na di-kasakdalan. Kailangan dito ang determinasyon at pagsisikap.

9 Ang ating malinaw na di-kasakdalan, na taliwas na taliwas sa sakdal na parisang iniwan ni Jesus sa atin, kung minsan ay maaaring makasira ng ating loob. Baka mag-alinlangan tayo kung posible nga kaya na magtaglay ng katulad na pangkaisipang saloobin na tinaglay ni Jesus. Subalit pansinin ang nakapagpapatibay na mga salita ni Pablo: “Alam ko na sa akin, alalaong baga, sa aking laman, ay walang tumatahang mabuti; sapagkat ang kakayahang magnais ay narito sa akin, ngunit ang kakayahang magsagawa ng kung ano ang mainam ay wala. Sapagkat ang mabuti na nais ko ay hindi ko ginagawa, subalit ang masama na hindi ko nais ang siyang aking isinasagawa. Tunay ngang nalulugod ako sa batas ng Diyos ayon sa aking pagkatao sa loob, ngunit nakikita ko sa aking mga sangkap ang isa pang batas na nakikipagdigma laban sa batas ng aking pag-iisip at dinadala akong bihag sa batas ng kasalanan na nasa aking mga sangkap.” (Roma 7:18, 19, 22, 23) Totoo, ang di-kasakdalan ni Pablo ay paulit-ulit na nakahadlang sa kaniya sa pagsasagawa ng kalooban ng Diyos na gaya ng nais niya, subalit ang kaniyang saloobin​—ang kaniyang inisip at nadama tungkol kay Jehova at sa Kaniyang batas​—ay huwaran. Maaari ring maging huwaran ang sa atin.

Pagtutuwid sa mga Maling Saloobin

10. Pinasigla ni Pablo ang mga taga-Filipos na linangin ang anong pangkaisipang saloobin?

10 Posible ba na kailangang ituwid ng ilan ang isang maling saloobin? Oo. Ito’y maliwanag na totoo sa ilang Kristiyano noong unang siglo. Sa kaniyang liham sa mga taga-Filipos, binanggit ni Pablo ang tungkol sa pagkakaroon ng tamang saloobin. Sumulat siya: “Hindi sa ako ay nakatanggap na niyaon [makalangit na buhay sa pamamagitan ng mas maagang pagkabuhay-muli] o nagawa nang sakdal, kundi ako ay nagsusumikap upang tingnan kung mahahawakan ko rin yaong ipinanghawak din sa akin sa pamamagitan ni Kristo Jesus. Mga kapatid, hindi ko pa itinuturing ang aking sarili na nakahawak na roon; ngunit may isang bagay tungkol doon: Kinalilimutan ang mga bagay na nasa likuran at inaabot ang mga bagay na nasa unahan, ako ay nagsusumikap patungo sa tunguhin ukol sa gantimpala ng paitaas na pagtawag ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus. Kung gayon, tayong lahat na mga may-gulang, magkaroon tayo ng ganitong pangkaisipang saloobin.”​Filipos 3:12-15.

11, 12. Sa anong mga paraan isinisiwalat ni Jehova sa atin ang isang tamang pangkaisipang saloobin?

11 Ipinakikita ng mga salita ni Pablo na ang sinumang hindi nakadarama ng pangangailangang sumulong, matapos na maging isang Kristiyano, ay nagtataglay ng maling saloobin. Hindi niya naikapit ang pangkaisipang saloobin ni Kristo. (Hebreo 4:11; 2 Pedro 1:10; 3:14) Wala na bang pag-asa ang kalagayan ng gayong tao? Hindi naman. Matutulungan tayo ng Diyos na mabago ang ating saloobin kung talagang nanaisin natin. Nagpatuloy pa si Pablo sa pagsasabi: “Kung kayo ay may kaisipang nakahilig nang di-gayon sa anumang paraan, isisiwalat ng Diyos ang nabanggit na saloobin sa inyo.”​—Filipos 3:15.

12 Gayunman, kung nais nating isiwalat sa atin ni Jehova ang tamang saloobin, dapat nating gawin ang ating bahagi. Ang may-pananalanging pag-aaral ng Salita ng Diyos sa tulong ng mga publikasyong Kristiyano na inilalaan ng “tapat at maingat na alipin” ay magpapangyari sa mga “may kaisipang nakahilig nang di-gayon” na magkaroon ng isang tamang saloobin. (Mateo 24:45) Ang Kristiyanong matatanda, na hinirang ng banal na espiritu “upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos,” ay matutuwang mag-alok ng tulong. (Gawa 20:28) Gayon na lamang ang ating pasasalamat na isinasaalang-alang ni Jehova ang ating di-kasakdalan at maibiging nag-aalok ng tulong sa atin! Tanggapin natin ito.

Pagkatuto Mula sa Iba

13. Ano ang matututuhan natin hinggil sa isang tamang saloobin mula sa salaysay ng Bibliya tungkol kay Job?

13 Sa Roma kabanata 15, ipinakikita ni Pablo na ang pagbubulay-bulay sa makasaysayang mga halimbawa ay makatutulong sa atin na mabago ang ating saloobin. Sumulat siya: “Ang lahat ng mga bagay na isinulat nang una ay isinulat bilang tagubilin sa atin, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Kinailangan ng ilan sa mga tapat na lingkod ni Jehova noon na ituwid ang ilang pitak ng kanilang saloobin. Halimbawa, sa pangkalahatan, si Job ay may mainam na saloobin. Hindi niya kailanman iniugnay ang masama kay Jehova, at hindi niya kailanman pinahintulutang pahinain ng pagdurusa ang kaniyang pagtitiwala sa Diyos. (Job 1:8, 21, 22) Subalit, may tendensiya siyang bigyang-matuwid ang kaniyang sarili. Inutusan ni Jehova si Elihu na tulungan si Job na iwasto ang tendensiyang ito. Sa halip na mainsulto, mapagpakumbabang tinanggap ni Job ang pangangailangang magbago ng saloobin at pinasimulan niya agad itong gawin.​—Job 42:1-6.

14. Paano natin matutularan si Job kung tayo’y pinapayuhan hinggil sa ating saloobin?

14 Magiging katulad ba ng kay Job ang reaksiyon natin kung may isang kapuwa Kristiyano na magsasabi sa atin nang may kabaitan na tayo’y kinakikitaan ng isang maling saloobin? Gaya ni Job, huwag sana tayong ‘magpatungkol sa Diyos ng anumang di-wasto’ kailanman. (Job 1:22) Kung tayo’y di-makatarungang nagdurusa, huwag sana tayong magrereklamo kailanman o magbubunton ng sisi kay Jehova dahil sa ating mga paghihirap. Iwasan sana nating bigyang-matuwid ang ating sarili, na tinatandaan na anuman ang ating mga pribilehiyo sa paglilingkod kay Jehova, tayo’y nananatili pa ring “walang-kabuluhang mga alipin” lamang.​—Lucas 17:10.

15. (a) Anong maling saloobin ang ipinakita ng ilang tagasunod ni Jesus? (b) Paano nagpakita si Pedro ng isang mainam na saloobin?

15 Noong unang siglo, ang ilang nakinig kay Jesus ay nagpamalas ng maling saloobin. Minsan, may isang bagay na sinabi si Jesus na mahirap unawain. Bilang tugon, “marami sa kaniyang mga alagad, nang marinig nila ito, ang nagsabi: ‘Ang pananalitang ito ay nakapangingilabot; sino ang makapakikinig nito?’ ” Yaong nagsalita nang ganito ay maliwanag na may maling saloobin. At ang kanilang maling saloobin ang naging dahilan upang hindi na sila makinig kay Jesus. Sinasabi ng ulat: “Dahil dito marami sa kaniyang mga alagad ang bumalik sa mga bagay na nasa likuran at hindi na lumakad kasama niya.” Lahat ba ay may maling saloobin? Hindi. Nagpapatuloy ang ulat: “Sa gayon sinabi ni Jesus sa labindalawa: ‘Hindi ninyo ibig na umalis din, hindi ba?’ Sumagot si Simon Pedro sa kaniya: ‘Panginoon, kanino kami paroroon?’ ” Sa diwa, sinagot noon ni Pedro ang kaniyang sariling tanong: “Ikaw ang may mga pananalita ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 6:60, 66-68) Kay inam na saloobin! Kapag napaharap sa mga pagpapaliwanag o paglilinaw sa unawa sa Kasulatan na sa pasimula’y baka mahirap para sa atin na tanggapin, hindi kaya makabubuti na magpamalas ng saloobing ipinakita ni Pedro? Kay laking kamangmangan nga na huminto sa paglilingkod kay Jehova o magsalita sa paraang taliwas sa “parisan ng nakapagpapalusog na mga salita” dahil lamang sa ilang bagay na sa pasimula’y mahirap unawain!​—2 Timoteo 1:13.

16. Anong kasuklam-suklam na saloobin ang ipinamalas ng mga Judiong lider ng relihiyon noong kapanahunan ni Jesus?

16 Ang mga Judiong lider ng relihiyon noong unang siglo ay hindi nagpamalas ng pangkaisipang saloobin na tinaglay ni Jesus. Ang kanilang matigas na pasiyang huwag makinig kay Jesus ay ipinamalas nang ibangon niya si Lazaro mula sa mga patay. Para sa sinumang may tamang saloobin, ang himalang iyon ay isa nang matibay na patotoo na si Jesus ay isinugo ng Diyos. Gayunman, mababasa natin: “Dahil dito tinipon ng mga punong saserdote at mga Fariseo ang Sanedrin at nagpasimulang magsabi: ‘Ano ang ating gagawin, sapagkat ang taong ito ay nagsasagawa ng maraming tanda? Kung pababayaan natin siya nang ganito, silang lahat ay maglalagak ng pananampalataya sa kaniya, at darating ang mga Romano at kukunin kapuwa ang ating dako at ang ating bansa.’ ” Ang kanilang solusyon? “Mula nang araw na iyon ay nagsanggunian silang patayin siya.” Bukod sa pakanang patayin si Jesus, binalak nilang puksain ang nabubuhay na patotoo ng kaniyang pagiging isang manggagawa ng himala. “Ang mga punong saserdote ngayon ay nagsanggunian na patayin din si Lazaro.” (Juan 11:47, 48, 53; 12:9-11) Talagang nakasusuklam nga kung tayo’y magkakaroon ng katulad na saloobin at mayayamot o magagalit sa mga bagay na dapat sana’y ikatuwa natin! Oo, at ito’y napakapanganib!

Pagtulad sa Positibong Saloobin ni Kristo

17. (a) Sa anong mga kalagayan nagpakita si Daniel ng isang walang-takot na saloobin? (b) Paano ipinakita ni Jesus na malakas ang kaniyang loob?

17 Napananatili ng mga lingkod ni Jehova ang positibong saloobin. Nang magsabuwatan ang mga kaaway ni Daniel na ipatupad ang isang batas na nagbabawal sa pagsusumamo sa sinumang diyos o tao maliban sa hari sa loob ng 30 araw, batid ni Daniel na ito’y panghihimasok sa kaniyang relasyon sa Diyos na Jehova. Hihinto kaya siya sa pananalangin sa Diyos sa loob ng 30 araw? Hindi, walang-takot siyang nagpatuloy sa pananalangin kay Jehova nang tatlong beses sa maghapon, gaya ng kaugalian niya. (Daniel 6:6-17) Si Jesus ay hindi rin nagpatakot sa kaniyang mga kaaway. Isang araw ng Sabbath, nakita niya ang isang lalaking may tuyot na kamay. Batid ni Jesus na hindi matutuwa ang maraming Judio na naroroon kung siya’y magpapagaling sa panahon ng Sabbath. Tahasan niya silang tinanong upang ihayag nila ang kanilang niloloob hinggil sa bagay na iyon. Nang sila’y tumanggi, nagpatuloy si Jesus at pinagaling ang lalaki. (Marcos 3:1-6) Hindi kailanman umurong si Jesus sa pagtupad sa kaniyang atas kung sa palagay niya’y nararapat.

18. Bakit kaya tayo sinasalansang ng iba, subalit ano ang dapat na maging reaksiyon natin sa kanilang negatibong saloobin?

18 Kinikilala ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon na sila rin ay hindi kailanman dapat matakot sa posibleng negatibong reaksiyon ng mga mananalansang. Kung hindi, hindi nila ipinamamalas ang pangkaisipang saloobin ni Jesus. Marami ang sumasalansang sa mga Saksi ni Jehova, ang ilan ay dahil sa hindi nila alam ang totoo at ang iba naman ay dahil sa galít sila sa mga Saksi o sa kanilang mensahe. Subalit hindi natin dapat hayaang maapektuhan ng kanilang di-magiliw na saloobin ang ating positibong saloobin. Hindi natin dapat hayaan kailanman na diktahan tayo ng iba sa paraan ng ating pagsamba.

19. Paano tayo makapagpapamalas ng pangkaisipang saloobin na katulad ng kay Jesu-Kristo?

19 Si Jesus ay palaging nagpapamalas ng positibong pangkaisipang saloobin sa kaniyang mga tagasunod at sa mga kaayusan ng Diyos, gaano man ito kahirap gawin. (Mateo 23:2, 3) Dapat nating tularan ang kaniyang halimbawa. Ipagpalagay na ngang ang ating mga kapatid ay di-sakdal, subalit tayo man ay hindi rin sakdal. At saan pa kaya tayo makasusumpong ng mas mabubuting kasama at tunay na mga tapat na kaibigan kundi sa ating pambuong-daigdig na kapatiran? Hindi pa ibinibigay sa atin ni Jehova ang lubos na pagkaunawa sa kaniyang nasusulat na Salita, subalit anong grupo ba ng relihiyon ang higit na may unawa? Panatilihin natin ang tamang pangkaisipang saloobin, ang pangkaisipang saloobin na tinaglay ni Jesu-Kristo. Bukod sa iba pang mga bagay, lakip din dito ang pag-alam kung paano maghihintay kay Jehova, gaya ng tatalakayin natin sa susunod na artikulo.

[Talababa]

^ par. 3 Ang publikasyong Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., ay tumatalakay sa buhay at ministeryo ni Jesus.

Maipaliliwanag Mo Ba?

• Paano naaapektuhan ng ating saloobin ang ating buhay?

• Ilarawan ang pangkaisipang saloobin ni Jesu-Kristo.

• Ano ang matututuhan natin sa saloobin ni Job?

• Anong tamang saloobin ang dapat taglayin sa harap ng pagsalansang?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 7]

Ang isang Kristiyano na may tamang saloobin ay nagsisikap na tulungan ang iba

[Larawan sa pahina 9]

Ang may-pananalanging pag-aaral ng Salita ng Diyos ay tumutulong sa atin na ikapit ang pangkaisipang saloobin ni Kristo